Maging Ano Ka Man, Ang Iyong Tungkulin Mabuting Gampanan: Iwasan ang Pagsusuot ng Balatkayo na Nagtatago ng Tunay na Pagkatao
CES Devotional para sa mga Young Adult • Marso 4, 2012 • Brigham Young University–Idaho
Nagagalak ako sa pagkakataong makapagsalita sa inyong mga young adult. Ipinaaabot ko ang pagmamahal at pagbati sa inyo ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol. Kasiya-siya ang maparito sa BYU–Idaho conference center. Kayong mga nasa iba’t ibang lugar sa iba’t ibang dako ng mundo ay nakikinita ko sa aking isipan.
Noong kaedad ninyo ako, si Pangulong David O. McKay ang propeta. Si Pangulong McKay ay naglingkod bilang Pangulo ng Simbahan mula 1951 hanggang 1970, sa mga panahong ito ako ay naging 30 taong gulang. Palaging mayroong napaka-espesyal na bagay tungkol sa propetang naglilingkod sa panahong ikaw ay young adult. Minahal at hinangaan ko si Pangulong McKay. Madalas niyang ikuwento ang tunay na pangyayari sa buhay niya noong siya ay nagmisyon sa Scotland. Nangulila siya sa kanyang pamilya makaraan lamang ang maikling panahon sa misyon at ginugol ang ilang oras sa pamamasyal sa Stirling Castle. Nang bumalik silang magkompanyon mula sa pamamasyal sa palasyo, nadaanan nila ang isang gusali kung saan ang bato sa itaas ng pintuan ay may inskripsyon na iniuugnay kay Shakespeare at mababasa nang ganito: Maging Ano Ka Man, Ang Iyong Tungkulin Mabuting Gampanan.
Sa paggunita sa karanasang ito sa mensaheng ibinigay noong 1957, ipinaliwanag ni Pangulong McKay: “Sinabi ko sa sarili ko, o ng Espiritu na napasaakin, ‘Ikaw ay miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Higit pa riyan, ikaw ay narito bilang kinatawan ng Panginoong Jesucristo. Tinanggap mo ang responsibilidad bilang kinatawan ng Simbahan.’ Pagkatapos naisip ko ang [tungkol] sa ginawa namin noong bago mananghali. Namasyal kami, may nalaman kami tungkol sa kasaysayan, totoo ito, at ikinatuwa ko ito. … Gayunman, hindi ito gawaing misyonero. … Tinanggap ko ang ibinigay na mensahe na nasa batong iyon, at magmula sa sandaling iyon sinikap naming gampanan ang aming tungkulin bilang mga misyonero sa Scotland.”1
Ang mensaheng ito---Maging Ano Ka Man, Ang Iyong Tungkulin Mabuting Gampanan---ay napakahalaga at matindi ang impluwensya kay Elder McKay kaya ginamit niya itong inspirasyon sa buong buhay niya. Ipinasiya niya na anuman ang responsibilidad niya, gagawin niya ang lahat ng makakaya niya.
Noong si David B. Haight ang mission president sa Scotland, natagpuan niya ang orihinal na bato na may inskripsyon at nagpagawa ng replika nito, na nasa missionary training center ngayon sa Provo, Utah. Marami sa inyo ang nakakita na sa inskripsyon at pinag-isipan ang kahalagahan ng mensahe nito. Pinagtibay muli ni Elder Russell M. Nelson ang mensaheng ito kamakailan sa ika-50 anibersaryo ng Provo Missionary Training Center.
Nang pag-isipan ko ang tungkol sa inyo, nadama ko na maaaring hindi ninyo lubos na mapahalagahan ang kahalagahan ng inyong henerasyon. Ang lipunan sa pangkalahatan ay pinangalanan ang iba’t ibang henerasyon na nabubuhay ngayon. Ang pinakamatanda sa atin sa Estados Unidos at sa iba pang mga bansa ay tinawag na “ang Pinakamahusay na Henerasyon” dahil napagtiisan nila ang Great Depression na laganap sa buong mundo noong 1930s at ang nagawa nila noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig at pagkakaroon ng mas payapang mundo matapos ang digmaan. Bahagi ang ilang senior Brethren ng Simbahan sa mga kaganapang ito. Si Pangulong Thomas S. Monson ay nasa United States Navy; si Pangulong Boyd K. Packer ay naglingkod sa United States Air Force; si Elder L. Tom Perry ay isang United States Marine. Ibabahagi ko sa inyo maya-maya ang ilang karanasan nila at ang aral na natutuhan at itinuro nila.
Ang inyong henerasyon, na isinilang nang 1980s hanggang kalagitnaan ng 1990s, ay tinatawag sa kasalukuyan bilang “Millennial Generation.” May pag-aalinlangan ang ilang komentarista sa makakayang maisakatuparan ng inyong henerasyon. Naniniwala ako na may kaalaman kayo at matibay na pundasyon upang maging pinakamahusay na henerasyon sa lahat, lalo na sa pagsusulong ng plano ng ating Ama sa Langit.
Bakit ko sinasabi ito? Ang inyong henerasyon ay higit na naturuan sa seminary at institute kaysa mga henerasyon noon, at nasa inyo ang pinakamahusay na pagsasanay sa kahit anong henerasyon mula sa Primary, priesthood at Young Women. Bukod pa riyan, mga 375,000 sa inyo ang nakapaglingkod o naglilingkod bilang mga misyonero. Kinakatawan ninyo ang mahigit 30 porsiyento ng lahat ng misyonero na nakapaglingkod sa dispensasyong ito. Si Samuel Smith, ang unang misyonero sa dispensasyong ito, ay inordena bilang elder at itinalaga bilang misyonero noong Abril 6, 1830, sa mismong araw na inorganisa ang Simbahan. Kapag inisip ninyo ang lahat ng misyonero na naglingkod magmula noon, nakamamangha na kabilang sa mahigit 30 porsiyento ay mga kaedad ninyo. Kung ikukumpara, 76,000 misyonero lamang, o wala pang 8 porsiyento, ang naglingkod sa loob ng 12 taon noong ako ay edad 18 hanggang 30. Sa inyo na hindi nagkaroon ng oportunidad na makapagmisyon, ang inyong kontribusyon, gayunpaman, ay mahalaga pa rin. Halos kalahati ng Unang Panguluhan at ng Labindalawa ay hindi nagkaroon ng pagkakataong magmisyon.
Iwasan ang Pagpapanggap sa Pamamagitan ng Pagbabalatkayo
Sa pagsaalang-alang sa napakaraming potensyal para sa kabutihan na taglay ninyo, ano ang mga inaalala ko para sa inyong kinabukasan? Anong payo ang maibibigay ko sa inyo? Una, may matinding pang-uudyok sa bawat isa sa inyo na magpanggap---na magbalatkayo---at maging isang tao na hindi totoong nagpapakita kung sino talaga kayo o kung ano ang gustong ninyong kahinatnan.
Noong nakaraang tag-init, kami ni Elder L. Tom Perry, kasama si Michael Otterson,2 sa aming mga gawain sa public affairs, ay nakipagkita kay Abraham Foxman sa kanyang opisina sa New York. Si Mr. Foxman ang national director ng Anti-Defamation League. Ang misyon nito ay pigilan ang paninira sa mga Judio. Bahagi na siya ng gawaing ito sa loob ng halos 40 taon. Ang kuwento ng kanyang buhay na humantong sa katungkulang ito ay nakaaantig. Siya ay isinilang sa pagsisimula ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ang kanyang mga magulang, sina Joseph at Helen Foxman, dahil naharap sa mga utos laban sa mga Judio, ay ipinaalaga si Abraham sa isang babaeng Katoliko na taga Poland bago sila pumasok sa Jewish ghetto sa Vilna, Lithuania, noong Setyembre, 1941. Si Abraham ay 13 buwan ang gulang. Nakaligtas ang kanyang mga magulang sa digmaan at sa Holocaust ngunit hindi nakapiling si Abraham hanggang noong siya ay apat na taong gulang. Tinatayang 1.5 milyong batang Judio ang nasawi sa Nazi inferno. Pinangalagaan si Abraham ng Katolikong babae, na dinadala siya sa simbahan tuwing Linggo at itinago ang pagiging Judio niya.3 Hindi nakapagtatakang inilaan ni Abraham Foxman ang kanyang buhay sa paglaban sa anti-Semitism, pagkapoot, kawalang-pagpaparaya, at diskriminasyon.
Nakasama ko na si Mr. Foxman sa trabaho at hinangaan ko ang kanyang tapang at determinasyon. Sa pakikipag-usap namin sa kanya sa New York, tinanong ko siya kung ano ang maibibigay niyang payo sa amin na may kinalaman sa aming mga responsibilidad sa public affairs para sa Simbahan. Sandali siyang nag-isip at pagkatapos ay ipinaliwanag ang kahalagahan ng paghikayat sa mga tao na huwag magbalatkayo. Inilarawan niya ang Ku Klux Klan. Ito ay isang organisasyon na maimpluwensya at labis na kinatatakutan ng karamihan sa mga Amerikano sa unang bahagi ng huling siglo. Dahil sa magkakaparehong suot na bata at maskara hindi mo makikilala ang mga kasapi nito, nagsusunog sila ng mga krus sa bakuran ng mga taong binibiktima nila at tinatawag ang kanilang mga sarili na tagapagbantay ng moralidad. Binibiktima nila lalo na ang mga African American,ngunit ang mga Katoliko, Judio, at imigrante ay isinasama rin nila. Ang pinakamalupit sa kanila ay nanghahampas, nambubugbog, at pumapatay rin. Binigyang-diin ni Mr. Foxman na ang ilan sa mga miyembro ng Ku Klux Klan ay maaaring mga lalaking naghahari-hariang diktador noong 1930s sa Europa, ngunit ang karamihan sa kanila, kapag hindi nila suot ang kanilang mga balatkayo, ay mga karaniwang tao, na kinabibilangan ng mga negosyante at mga taong palasimba. Sinabi niya na dahil itinatago nila ang kanilang pagkatao at nakasuot ng balatkayo, nakakasali sila sa mga aktibidad na karaniwang iniiwasan nila.4 Ang kanilang gawain ay nagkaroon ng matinding epekto sa mga Amerikano.
Ang payo ni Mr. Foxman ay nagbibigay-diin sa kahalagahan ng pag-iwas ng mga tao sa pagsusuot ng balatkayo na nagtatago ng kanilang tunay pagkatao.
Sa naunang kasaysayan ng ating Simbahan, sina Propetang Joseph, Emma, at kanilang 11-buwang-gulang na kambal, sina Joseph at Julia ay nasa Hiram, Ohio, sa bukirin ng mga Johnson. Ang dalawang bata ay may tigdas. Si Joseph at ang kanyang anak na lalaki ay natutulog sa mababang kama malapit sa pinto.
Ikinuwento ni Brother Mark L. Staker ang nangyari:
Isang gabi pinasok ng isang grupo ng kalalakihan na may pinturang itim sa mga mukha ang bahay ng Propeta at kinaladkad siya palabas at binugbog at binuhusan siya ng alkitran at gayon din si Sidney Rigdon .
“Nang makita ni Emma na nabugbog at puno alkitran si Joseph, hinimatay ito. …
“… Bagama’t nawalan ng isang ngipin ang Propeta, masakit ang tagiliran, natanggalan ng kaunting buhok, at may paso dahil sa asido, nangaral pa rin siya nang sumapit ang araw ng Linggo. May apat o higit pa na kasamang nagtipon doon ng mga Banal ay miyembro ng mandurumog.”5
Ang pinakamalungkot na nangyari sa pandurumog na iyon ay namatay ang anak na si Joseph pagkaraan ng ilang araw dahil sa matinding lagnat at sipon bunga ng pagkalantad sa malamig na hangin nang kaladkarin palabas ang kanyang ama.
Mahalaga ring malaman na yaong sangkot sa pagpaslang kay Propetang Joseph at sa kanyang kapatid na si Hyrum ay pininturahan ang kanilang mga mukha para maitago ang kanilang totoong pagkatao.6 Ang mga nagtatago ng kanilang pagkatao at lihim na nakikipagsabwatan ay lalong nakababahala. Nalaman natin sa Aklat ni Mormon na si Lucifer ay “pinukaw ang mga anak ng tao sa mga lihim na pagsasabwatan ng pagpaslang at lahat ng uri ng lihim na gawain ng kadiliman” (2 Nephi 9:9; tingnan din sa 3 Nephi 6:27--30).
Ngayon, hindi ko sinasabi na mayroon sa inyo rito na magiging kasali sa ganitong uri ng napakasasamang gawain na aking inilarawan. Naniniwala ako, sa ating panahon, kung kailan ang hindi pagpapakilala sa pagkatao ay mas madali kaysa rati, na may mahahalagang alituntunin sa hindi pagsusuot ng balatkayo at sa pagiging “[tapat sa] pananampalataya” na atin nang ipinaglaban.7
Ang isa sa pinakamalakas na proteksyon ninyo laban sa pagpili ng masama ay huwag kailanman magsuot ng balatkayo. Kung nadarama ninyo na gusto ninyong gawin ito, malaman sana ninyo na ito ay matinding palatandaan ng panganib at isa sa mga kasangkapan ng kaaway upang maipagawa niya sa inyo ang hindi ninyo dapat gawin. Ang isa sa mga dahilan kung bakit namin pinapayuhan ang mga misyonero na manamit nang disente at mag-ahit ng balbas ang mga elder ay upang walang mag-alinlangan kung sino sila at paano sila dapat kumilos. Itatanong ng ilan: Hindi ba’t paimbabaw lang iyan? Sa tingin ko ay hindi. Isipin kung paano inilarawan ng propetang si Mormon ang kasuotan at paggagayak sa Aklat ni Mormon, na inihalintulad ang kapalaluan sa pagsusuot ng “napakaiinam na kasuotan.” Iniugnay niya ang kapalaluang ipinapakita sa pamamagitan ng pagsusuot ng “napakaiinam na kasuotan” sa “sigalutan, at malisya, at pag-uusig, at lahat ng uri ng kasamaan” (Mormon 8:36). Ikinababahala ko lalo na sa ating panahon ang paraan ng ating pananamit at hitsura na maaaring indikasyon ng paghihimagsik o kakulangan sa pagsunod sa mga pamantayang moral, at nagdudulot ng masamang epekto sa mga pamantayang moral ng iba.
Kumilos Ayon sa Inyong Totoong mga Paniniwala
Ang pangalawang payo na ibibigay ko ay: Kumilos ayon sa inyong totoong mga paniniwala sa pamamagitan ng pag-ukol ng oras sa mga bagay na magpapaunlad at magpapabuti ng inyong pagkatao at tutulong sa inyo na maging higit na katulad ni Cristo. Umaasa ako na wala ni isa man sa inyo ang itinuturing ang buhay na kasiyahan at laro lamang kundi bilang panahon para “maghanda sa pagharap sa Diyos” (Alma 34:32).
Ang isang magandang halimbawa ng pagganap sa inyong tungkulin at angkop na paggamit ng panahon ay ipinakita sa isang pangyayari sa buhay ni Elder L. Tom Perry noong, bilang isang Marino, ay nakasama siya sa hukbo ng Estados Unidos na pumaroon sa Japan sa pagtatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ang pangyayaring ito ay ibinahagi ni Elder Perry nang i-video niya ang kanyang natatanging patotoo tungkol sa Tagapagligtas, na ipinapalabas sa ating visitors’ centers:
Salaysay ni Elder Perry
“Isang karanasan sa buhay ko ang palaging nagpapaalala sa akin ng kagalakang dulot ng pagtatanong ng ‘Ano ang gagawin ng Tagapagligtas sa sitwasyong ito?’
“Isa ako sa unang grupo ng mga Marino na pumasok sa bansang Japan matapos malagdaan ang kasunduan ng kapayapaan pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ang pagpasok namin sa wasak na lungsod ng Nagasaki, ay isa sa pinakamalungkot na karanasan ko sa buhay. Malaking bahagi ng lungsod ang lubusang nawasak. Hindi pa naililibing ang ilan sa mga patay. Bilang mga hukbong maglilingkod dito, nagtayo kami ng headquarters at nagtrabaho.
“Mapanglaw ang kapaligiran, at hangad ng ilan sa amin na makapaglingkod pa. Nagpunta kami sa aming division chaplain at humingi ng pahintulot na tumulong sa muling pagtatayo ng mga simbahang Kristiyano. Dahil sa paghihigpit ng pamahalaan sa panahon ng digmaan, halos hindi na ginagamit ang mga simbahang ito. Nawasak nang husto ang ilan sa mga gusaling ito. Isang grupo namin ang nagboluntaryong kumpunihin at muling sementuhan ang mga kapilyang ito kapag wala kaming trabaho upang magamit ang mga ito sa pagsisimba ng mga Kristiyano.
“Hindi namin nauunawaan ang kanilang wika. Ang nagawa lang namin ay kumpunihin ang gusali. Nakilala namin ang mga pastor na hindi nakapangaral sa panahon ng digmaan at hinikayat silang maglingkod muli sa kanilang mga simbahan. Maganda ang naranasan namin kasama ang mga taong ito nang muli nilang maranasan ang kalayaang maipamuhay ang mga paniniwala nila bilang Kristiyano.
“Isang pangyayari ang lagi kong maaalala noong paalis na kami sa Nagasaki pabalik sa aming bansa. Nang pasakay na kami sa tren na magdadala sa amin sa aming mga barko pauwi, kinutya kami ng maraming iba pang mga Marino. Naroon ang mga kasintahan nila at nagpapaalam sa kanila. Pinagtawanan nila kami at sinabing hindi kami nagsaya sa Japan. Sinayang lang daw namin ang aming oras sa pagtatrabaho at pagsesemento ng mga pader.
“Nasa gayon silang pangungutya, nang doon sa isang maliit na burol malapit sa istasyon ng tren ay dumating ang mga dalawang daang mababait na Kristiyanong Hapones mula sa mga simbahan na kinumpuni namin, kumakanta ng ‘O mga Sundalong Sakop ni Jesus.’ Bumaba sila at binigyan kami ng mga regalo. Pagkatapos luminya sila sa tabi ng riles ng tren. At nang umusad na ang tren, dumukwang kami at nahawakan lamang ang kanilang mga daliri habang papaalis kami. Hindi kami makapagsalita; naantig kami nang husto. Ngunit nagpapasalamat kami na nakatulong kami kahit sa maliit na paraan sa muling pagtatayo ng Kristiyanismo sa isang bansa matapos ang digmaan.
“Alam ko na buhay ang Diyos. Alam ko na lahat tayo ay Kanyang mga anak at mahal Niya tayo. Alam ko na isinugo Niya ang Kanyang Anak sa sanlibutan upang magbayad-sala para sa buong sangkatauhan. At yaong tatanggapin ang Kanyang ebanghelyo at susundin Siya ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan, ang pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos. Alam kong muli Niyang pinamunuan ang Pagpapanumbalik ng ebanghelyo sa mundo sa pamamagitan ng paglilingkod ni Propetang Joseph Smith. Alam ko na ang tanging walang hanggang kagalakan at kaligayahan na matatagpuan natin sa buhay na ito ay darating sa pagsunod sa Tagapagligtas, pagsunod sa Kanyang batas, at mga utos. Siya ay buhay. Ito ang aking patotoo sa inyo sa Kanyang banal na pangalan, maging si Jesucristo, amen.”8
Isipin ang kahalagahan ng ilang sundalo na iniukol ang kanilang panahon sa pagtatayong muli ng mga simbahang Kristiyano kumpara sa iba pang mga sundalo na gumawa ng walang kabuluhan, kahangalan, o masamang gawain. Mangyaring pag-isipan at pagpasiyang mabuti kung paano ninyo gagamitin ang inyong oras.
Naalala ko sa panonood sa video na ito ang isang pangyayari noong ako ay limang taong gulang. Ang aming stake president ay ama ni Elder Perry. Sa pagtatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, pinaupo niyang lahat ang mga nakauwing sundalo sa harapan sa oras ng sacrament meeting sa chapel. Dumating silang naka-uniporme ng militar, at bawat isa ay nagbigay ng maikling patotoo. Umiyak si President Perry nang magpatotoo ang kanyang dalawang anak, si Elder Perry at ang nakababata nitong kapatid na si Ted. Bilang bata, iyon ay labis na nagbigay-inspirasyon at nagpahanga sa akin. Hindi ko maalala ang mga sinabi nila, ngunit naaalala ko ang naramdaman ko.
Tulad ng nakita ninyo sa halimbawa ni Elder Perry sa video na ito, ang binabanggit ko rito ay hindi pakunwaring pagpapakita ng inyong relihiyon o paimbabaw na katapatan. Iyan ay maaaring kahiya-hiya sa inyo at sa Simbahan. Ang sinasabi ko sa inyo ay tungkol sa ano ang dapat ninyong kahinatnan. Noong ginagawa namin ang gabay sa paglilingkod ng misyonero, Mangaral ng Aking Ebanghelyo, nadama namin na makatutulong ito sa buong buhay ng ating mga misyonero at miyembro, lalo na sa mga kabanata 6, “Paano Ako Magkakaroon ng mga Katangiang Tulad ng Kay Cristo.” Sa pagsisikap ninyong magampanan ang inyong tungkulin at matukoy ang mga katangiang gusto ninyong taglayin, maaari ninyong “isulat at pag-aralan … ang mga talata sa banal na kasulatan na nagtuturo tungkol sa [mga] katangian,” “magtakda ng mga mithiin at magplanong ipamuhay ang mga katangian,” at “ipagdasal sa Panginoon na tulungan kang taglayin ang [mga] katangian”9 Sa paggawa nito, hindi kayo dapat magsuot ng balatkayo at magtago ng inyong totoong pagkatao.
Maaaring malulong ang ilan sa inyo sa gawaing higit pa sa kasiyahan at paglalaro lamang. Ang mga yaong sangkot sa pornograpiya o iba pang uri ng imoralidad ay kakaiba ang ginagawa mula sa talagang gusto nilang kahinatnan. Kapansin-pansin na halos lahat ng sangkot sa pornograpiya ay nagkukunwari at itinatago ang paggawa nila nito. Itinatago nila ang kanilang ginagawa, na alam nilang masama at makapipinsala sa mga taong mahal nila. Ang pornograpiya ay isang salot na hindi lamang nakapipinsala sa moralidad ng isang tao sa harapan ng Diyos, kundi winawasak din nito ang mga mag-asawa at pamilya at may masamang epekto sa lipunan. Ang pagkalulong sa Internet at pornograpiya ay pumipinsala sa mag-asawa.10 Kapag kayo ay mag-aasawa na, hindi kayo dapat magsuot ng balatkayo na itinatago ang masamang gawi na sisira sa inyo o sa inyong mag-asawa.
Sa mga lulong sa mapaminsalang gawaing ito, makatitiyak kayo na makapagsisisi kayo, at mapagagaling. Ang pagsisisi ay kailangang sundan ng paggaling. Ang paggaling ay maaaring matagal. Mapapayuhan kayo ng bishop kung paano kayo makatatanggap ng tulong na kailangan ninyo upang mapagaling. Hiniling namin sa mga bishop na isangguni kayo sa mga taong lubos na makatutulong sa inyo.
Maliban pa sa pornograpiya at seksuwal na imoralidad, may iba pang mga mapagkunwaring pag-uugali na lumalason sa lipunan at sumisira sa moralidad. Karaniwan na ngayon ang pagsusulat online na ipinararating ang pagkapoot, paninira, at pagkamuhi nang hindi nagpapakilala. Tinatawag ito ng ilan na matinding argumento. Sinisikap ng ilang institusyon na hadlangan ang ganitong mga komento. Halimbawa, hindi tinutulutan ng New York Times ang mga komento na “naninira, malaswa, mahalay, masama, … nagpapanggap, walang kabuluhan, at NAGMUMURA. …
“Hinihikayat din ng The Times ang paggamit ng totoong mga pangalan dahil, ‘Nalaman namin na napapanatili ng mga taong gumagamit ng kanilang totoong pangalan ang mas maganda at makabuluhang pag-uusap.’”11
Isinulat ni Apostol Pablo:
“Huwag kayong padaya: ang masasamang [pag-uusap] ay sumisira ng magagandang ugali.
“Gumising kayo ng ayon sa katuwiran, at huwag mangagkasala; sapagka’t may mga ibang walang pagkakilala sa Dios” (I Mga Taga Corinto 15:33--34).
Malinaw na ang masamang pag-uusap ay hindi lamang may kinalaman sa masamang pag-uugali, ngunit, kapag ginawa ito ng mga Banal sa mga Huling Araw, maiimpluwensyahan nila nang masama ang mga yaong walang alam tungkol sa Diyos o patotoo tungkol sa Tagapagligtas.
Ang anumang paggamit ng Internet upang mang-inis, manira ng reputasyon, o magpahiya ng tao ay hindi kasiya-siya. Ang nakikita natin sa lipunan ay kapag nagbabalatkayo at hindi nagpapakilala ang mga tao, mas nakagagawa sila ng ganitong klase ng paninira, na nakapipinsala sa mabubuting usapan. Nilalabag din nito ang mga pangunahing alituntunin na itinuro ng Tagapagligtas.
Ang isa sa mahahalagang mensahe ng ebanghelyo ni Jesucristo na natutuhan ninyo sa inyong kabataan ay, “Sapagka’t gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang sinoman sa kaniya’y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan” (Juan 3:16; tingnan din sa D at T 34:3). Ipinaliwanag ng Tagapagligtas na hindi Siya dumating upang hatulan ang mundo, kundi iligtas ang mundo. Pagkatapos ay inilarawan Niya ang ibig sabihin ng kahatulan:
“Naparito ang ilaw sa sanglibutan, at inibig pa ng mga tao ang kadiliman kay sa ilaw; sapagka’t masasama ang kanilang mga gawa.
“Sapagka’t ang bawa’t isa na gumagawa ng masama ay napopoot sa ilaw, at hindi lumalapit sa ilaw, upang huwag masaway ang kaniyang mga gawa.
“Datapuwa’t ang gumagawa ng katotohanan ay lumalapit sa ilaw, upang mahayag na ang kaniyang mga gawa ay ginawa sa Dios” (Juan 3:19--21; tingnan sa mga talata 17--21).
Hindi na kailangang magbalatkayo ang mabubuti upang itago ang kanilang totoong pagkatao. Gusto ko ang totoong pangyayaring ito sa buhay ni Pangulong Thomas S. Monson. Wala pa siyang 18 taong gulang noon, bago matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sa katunayan, tapos na ang digmaan sa Europa, ngunit patuloy pa rin ang digmaan sa Pasipiko.
Umanib siya sa United States Navy at naglayag patungo sa San Diego, California. Maaalala ninyo ang kanyang kuwento sa huling pangkalahatang kumperensya. Sa kanyang unang Linggo, pinalinya ng sarhento ang lahat para magsimba. Pinapunta niya sa isang lugar ang mga Katoliko, ang mga Judio sa ibang lugar, at ang natirang iba pa sa pulong ng mga Protestante. Sinabi ni Pangulong Monson na alam niyang hindi siya Katoliko, Judio, o Protestante; siya ay isang Mormon. Buong tapang siyang nanatiling nakatayo at natuwa nang malamang may ilang matatapat na miyembro na nakatayo sa likuran niya. Madali sanang sumama na lang sa malaking grupo papunta sa pulong ng mga Protestante. Nagpasiya siyang makilala kung sino siya at gawin ang nararapat sa kanyang tungkulin.12
Magtakda ng Angkop na mga Mithiin
Ang pangatlo kong payo ay may kaugnayan sa ilan sa mga mithiin na dapat ninyong pag-isipan. Sa panahong nasa Japan si Elder Perry kasama ng mga Marino, si Pangulong Boyd K. Packer ay naglilingkod naman sa Japan kasama ang Air Force sa pagtatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Sa kanyang mensahe sa ika-100 taong anibersaryo ng seminary noong Enero 22 ng taong ito, ipinaliwanag niya na ito ang panahon na nahubog nang husto ang kanyang buhay.13 Noong 2004, sinamahan ko si Pangulong Packer at ang iba pa sa Japan. Nagkaroon siya ng pagkakataong balikan ang lugar at pag-isipan ang ilan sa mga karanasan at desisyong ginawa niya noong panahong iyon. Isinalaysay niya ang ilan sa mga iyon sa kanyang mensahe sa anibersaryo ng seminary. Sa kanyang pahintulot, ibabahagi ko sa inyo ang iba pang pananaw at nadama niya.
Inilarawan ni Pangulong Packer ang mga karanasan na nangyari sa isang isla sa dalampasigan ng Okinawa. Itinuring niya itong bundok sa gitna ng ilang. Ang personal niyang paghahanda at pakikipag-usap sa iba pang mga miyembro ay nagpalalim ng kanyang pananalig sa mga turo ng ebanghelyo. Ang kulang na lang ay mapagtibay ito sa kanya---magkaroon ng tiyak na kaalaman na totoo ang nadarama niya.
Inilarawan ng tagasulat ng talambuhay ni Pangulong Packer ang nangyari: “Kabaligtaran sa kapayapaan ng pagpapatibay na hangad niya, nakita niya nang harapan ang kalupitan ng digmaan sa mga inosente. Sa paghahanap ng tahimik na lugar at oras para makapag-isip, umakyat siya, isang araw, sa lugar na mas mataas sa karagatan. Doon ay nakita niya ang nasunog na kubo ng isang magbubukid, at ang napabayaang taniman nito ng kamote sa malapit. At nakahandusay sa gitna ng natutuyot na pananim ang mga bangkay ng pinaslang na ina at dalawang anak nito. Sa tanawing iyon nakadama siya ng labis na kalungkutan at pagmamahal sa kanyang sariling pamilya at sa lahat ng pamilya.”14
Kasunod niyon ay pumasok siya sa isang bunker kung saan doon siya nag-isip, nagnilay, at nanalangin. Inilarawan ni Pangulong Packer, sa paggunita sa pangyayaring iyon, ang matatawag kong pagpapatibay ng espirituwal na karanasan. Nakatanggap siya ng inspirasyon kung ano ang dapat niyang gawin sa kanyang buhay. Siya, mangyari pa, ay walang ideya na matatawag siya sa mataas at banal na tungkulin na hawak niya ngayon. Ang mithiin niya ay maging isang guro, na binibigyang-diin ang mga turo ng Tagapagligtas. Determinado siyang mamuhay nang matwid.
Naunawaan niyang mabuti na kailangan niyang maghanap ng mabuting asawa at na magkasama nilang palalakihin ang isang malaking pamilya. Natanto ng batang sundalong ito na maliit ang kita niya sa trabahong pinili niya at kailangang gayon din ang mga priyoridad ng kanyang mahal na asawa at handang mamuhay nang walang ilang materyal na bagay. Kayo na nakahalubilo na si Sister Donna Packer, siya, para kay Pangulong Packer, ay isang perpektong asawa. Hindi kailanman nagkaroon ng labis na pera, ngunit hindi nila nadamang pinagkaitan sila sa anumang paraan. Pinalaki nila ang kanilang 10 anak, at kailangang magsakripisyo. Sila ngayon ay mayroong 60 apo at 79 na apo-sa-tuhod.
Naalala kong naantig ako nang malaman kong nahiya siya bilang bago General Authority na sumama sa isa sa mga senior Brethren sa isang pulong ng mga lider ng Simbahan dahil wala siyang maayos na polong puti na maisusuot.
Ibinabahagi ko ang totoong pangyayaring ito sa inyo dahil napakadalas na ibinabatay natin ang ating mga mithiin sa mga pinahahalagahan ng mundo. Ang mahahalagang bagay ay talagang napakasimple para sa mga miyembro na nakatanggap na ng mga nakapagliligtas na mga ordenansa. Maging matwid. Magkaroon ng pamilya. Maghanap ng wastong paraan para makapaglaan. Maglingkod kapag tinawag. Maghanda sa pagharap sa Diyos.
Itinuro ng Tagapagligtas na, “ang buhay ng tao ay hindi sa kasaganaan ng mga bagay na tinatangkilik niya” (Lucas 12:15). Pagkatapos ay gumamit Siya ng isang talinghaga:
“Ang lupa ng isang taong mayaman ay namumunga ng sagana:
“At inisip niya sa sarili na sinasabi, Ano ang gagawin ko, sapagka’t wala akong mapaglalagyan ng aking mga inaning bunga?
“At sinabi niya, Ito ang gagawin ko: igigiba ko ang aking mga bangan, at gagawa ako ng lalong malalaki; at doon ko ilalagay ang lahat ng aking butil at aking mga pagaari.
“At sasabihin ko sa aking kaluluwa, Kaluluwa, marami ka nang pagaaring nakakamalig para sa maraming taon; magpahingalay ka, kumain ka, uminom ka, [at] matuwa ka.
“Datapuwa’t sinabi sa kaniya ng Dios, Ikaw na haling, hihingin sa iyo sa gabing ito ang iyong kaluluwa; at ang mga bagay na inihanda mo, ay mapapa sa kanino kaya?
“Gayon nga ang nagpapakayaman sa ganang kaniyang sarili, at hindi mayaman sa Dios” (Lucas 12:16--21).
Palakasin ang Bansa at Komunidad na Inyong Tinitirhan
Bukod pa sa mga personal na katangian, pag-uugali, at desisyon, kung gusto ninyong maging henerasyon na gusto ninyo kahinatnan, palakasin ninyo ang bansa at ang inyong komunidad. Kailangang pangalagaan ng inyong henerasyon, tulad ng Pinakamahusay na Henerasyon, ang kabutihan at kalayaan sa relihiyon. Ang namana natin mula sa Judio-Kristiyano ay hindi lamang mahalaga ngunit kinakailangan sa plano ng ating Ama sa Langit. Kailangan natin itong pangalagaan para sa mga darating pang henerasyon. Kailangan nating makiisa sa mabubuting tao, pati sa lahat ng relihiyon---lalo na sa mga taong alam nilang mananagot sila sa Diyos sa kanilang mga ginagawa. Ang mga taong ito ang nakauunawa kung bakit natin pinag-uusapan ngayong gabi ang tungkol sa, “maging ano ka man, ang iyong tungkulin mabuting gampanan.” Ang matagumpay na pagpapalakas ng mga pinahahalagahan ng Judio-Kristiyano at kalayaan sa relihiyon ay magpapakilala sa inyong henerasyon bilang mahusay na henerasyon na siyang dapat mangyari.
Sa mga hamon na nakikita natin sa mundo ngayon, inaalala lalo na ng Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol ang angkop na pakikibahagi ninyo sa gawaing pampulitika sa bansang tinitirhan ninyo. Ang Simbahan ay walang pinapanigan sa mga tunggaliang pampulitika at hindi sumusuporta ng mga kandidato o partido. Gayunman, inaasahan namin na lubos na susuportahan ng ating mga miyembro ang mga kandidato at partido na pinili nila batay sa mga alituntunin na magtataguyod ng mabuting pamahalaan. Malinaw ang ating doktrina: yaong “matatapat … at marurunong … ay nararapat na matiyagang hanapin” (D at T 98:10). “Kapag ang masama ang namamahala ang mga tao ay nagdadalamhati” (D at T 98:9). Ibig sabihin nito ang lahat ay kinakailangang bumoto.
Sa mga estado sa Estados Unidos na mayroong mga pulong ng partido, dapat maging pamilyar kayo sa mga isyu at mga kandidato at lubos na makibahagi. Halimbawa, ang mga pulong ng partido para sa iba’t ibang partido sa Utah at Idaho ay gaganapin simula sa linggong ito at sa iba pang mga araw hanggang kalagitnaan ng Abril. Kung dadalo kayo, kayo ay maaaring makibahagi. Umaasa kami na aalamin ninyo ang oras ng pulong para sa partido na inyong pinili at maubligang dumalo rito. Umaasa kami na gagawin ito ng lahat ng mamamayan, pati na rin ng mga miyembro at hindi miyembro, sa lahat ng estado at lahat ng bansa kung saan may gaganaping halalan. Ang kabayaran para sa kalayaan ay napakalaki, at ang ibubunga ng hindi pakikibahagi ay napakatindi para balewalain ng sinumang mamamayan ang kanilang responsibilidad.
Ipinaaalam namin sa inyo na malaki ang tiwala namin sa inyo. Ang pamunuan ng Simbahan ay taos-pusong naniniwala na maitatayo ninyo ang kaharian nang higit pa sa nagdaang henerasyon. Hindi lamang nasa inyo ang aming pagmamahal at tiwala, pati rin ang aming mga panalangin at basbas. Alam namin na ang tagumpay ng inyong henerasyon ay mahalaga sa patuloy na paglaganap ng Simbahan at pag-unlad ng kaharian. Dalangin namin na gagampanan ninyong mabuti ang inyong tungkulin habang umiiwas kayo sa pagsusuot ng balatkayo, kumilos ayon sa inyong tunay na pagkatao, magtatakda ng angkop na mga mithiin, at palalakasin ang bansa at komunidad na tinitirhan ninyo.
Magtatapos ako sa pagpapatotoo ko sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith. Nakita ni Joseph Smith ang Diyos Ama at si Jesucristo. Ang ating Ama sa Langit ay isang mapagmahal na ama na may planong pagpalain ang bawat isa sa Kanyang mga anak. Si Jesucristo ang ating Tagapagligtas, at ang Kanyang Pagbabayad-sala ang pinakamahalagang kaganapan sa buong kasaysayan. Ang Espiritu Santo ay nagmiministeryo sa atin at nagpapatotoo sa Ama at sa Anak. Pinatototohanan ko ang mga bagay na ito bilang isa sa mga saksi ng Tagapagligtas, sa pangalan ni Jesucristo, amen.
© 2012 by Intellectual Reserve, Inc. All rights reserved. English approval: 2/12. Translation approval: 2/12. Translation of What E’er Thou Art, Act Well Thy Part: Avoid Wearing Masks That Hide Identity. Language. PD50039044 xxx