Mga Debosyonal noong 2016
Pagiging Tao na Nilayon Kayong Maging


Pagiging Tao na Nilayon Kayong Maging

Isang Gabi Kasama si Pangulong Russell M. Nelson

Pandaigdigang Debosyonal para sa mga Young Adult • Enero 10, 2016 • Brigham Young University–Hawaii

Mahal kong mga kapatid, masaya kaming makasama kayo ngayong Sabbath na ito. Mahal namin kayo! At naniniwala kami sa inyo! Sa pagbibigay ko ng ilang ideya, dalangin ko na gamitin ninyo ang inyong kalayaang anyayahan ang Espiritu Santo na turuan kayo.1

Una sa lahat, Manigong Bagong Taon! Bagong taon na naman. Gumawa ba kayo ng ilang New Year’s resolution? At nilabag na ba ninyo ang kalahati ng mga ito? Gusto ba ninyong ito ang maging pinakamagandang taon sa inyong buhay? Ang taon na susundin ninyo—nang higit kaysa nagawa ninyo noon—ang mga resolution na pinakamahalaga sa inyo? Gusto kong magsalita tungkol sa isang bagay na naniniwala akong makakatulong. Tingnan natin kung maiisip ninyo kung ano ito.

Isipin ninyo ang babaeng 12 taong nagtiis ng walang-lunas na sakit. Iniunat niya ang kanyang kamay para mahipo ang balabal ng Tagapagligtas. Ito lang ang pagkakataon niyang mapagaling.2

Isipin ang lalaki sa tabi ng tangke ng Betesda na nagkasakit, sa loob ng 38 taon, at hindi kailanman nakalusong sa nagpapagaling na tubig.3

Isipin ang mga disipulo na nagsumamo sa Tagapagligtas, habang sinasalpok ng nakamamatay na mga alon ang munti nilang bangka, “Wala bagang anoman sa iyo na mapahamak tayo?”4

Ano ang karaniwan sa mga taong ito?

Sila ay desperado! Desperadong pagalingin sila ng Tagapagligtas, tulungan sila, linisin sila, gabayan sila, protektahan sila, at iligtas sila! Desperado silang matulungan ni Jesucristo na gawin ang mga bagay na hinding-hindi nila magagawang mag-isa. Desperado silang mapasakanila ang lakas at kapangyarihan ng Tagapagligtas sa kanilang buhay. Alam ba ninyo ang pakiramdam na iyon? Maniwala kayo, alam ko.

Siguro naging desperado na kayong kumpletuhin ang isang assignment dahil malapit na ang takdang araw—o nakalipas na ito. Siguro desperado kayong magkaroon ng isang tao na talagang nakakaunawa sa inyo, na talagang mahal kayo. Siguro desperado kayo ngayong matanggap sa isang unibersidad o makahanap ng trabaho o ng lugar na matitirhan, magkaroon ng mga bagong kaibigan at matagpuan ang inyong mapapangasawa sa walang hanggan.

Narito ang mabuting balita: Ang pagiging desperado ay maaari talagang makaganyak nang husto.

Malinaw na dumanas si Propetang Joseph Smith ng matinding panlulumo sa Liberty Jail. Nagsumamo siya sa Panginoon, “O Diyos, nasaan kayo?”5 Dahil sa gayon katinding espirituwal na panlulumo, tinanggap ng Propeta ang ilan sa pinakamagagandang paghahayag sa dispensasyong ito.

Kapag desperado tayong magabayan ng langit, lalo tayong nagsisikap na makatanggap ng banal na inspirasyon. Kapag desperado tayong maging mas malusog, kumakain tayo at nag-eehersisyo. Walang mga pagdadahilan! Kapag desperado tayong magkaroon ng mas maraming pera, sabik nating sinusunod ang batas ng Panginoon sa pananalapi—mangyari pa’y ang ikapu!

Isipin ninyo ang ginawa ni Pangulong George Q. Cannon sa ikapu noong isa siyang dukhang binata. Nang punahin ng bishop niya ang malaking ikapung ibinabayad ng kawawang si George, sinabi ni George: “Naku, Bishop, hindi po ako nagbabayad ng ikapu batay sa aking kinikita. Nagbabayad ako ng ikapu batay sa gusto kong kitain.” At nang sumunod na taon kinita ni George ang mismong halagang ibinayad niya sa ikapu noong nakalipas na taon!6

Kapag desperado tayong maging mga tao na nilayon tayong maging, nagbabago ang pananaw natin. Nagigising tayo mula sa espirituwal na pagkalimot na dulot ng tusong kaaway, at biglang nag-iiba ang tingin natin tungkol sa ating sarili, sa iba, at sa ating buhay. Ang “saya” at “libangan” sa mundo ay nagsisimulang maging katawa-tawa, marahil ay nagiging mapanganib pa sa espiritu. Nakikita na natin ang tunay na anyo ng mga panlilinlang at patibong ng kaaway—mga tuksong nagpapalimot sa ating tunay na pagkatao at patutunguhan.

Iba na ang pinag-uukulan natin ng panahon. Ang oras sa Facebook ay hindi na masyadong nakakaakit na tulad ng oras sa templo. Nararanasan natin mismo ang malalim na katotohanang itinuro ng isang matalinong temple president: “Kapag pumapasok tayo sa templo, iniiwan natin ang daigdig ng pagkukunwari.”7 Nagiging mas interesado tayo sa walang-hanggang mga katotohanang ituturo sa atin ng Panginoon sa Kanyang banal na bahay kaysa pinakabagong usapan sa social media, na kadalasa’y mababaw at nakakabobo.

Sinabi sa akin ng isang matalinong BYU coed na natuklasan niya ang baligtad na koneksyon ng tindi ng tiwala at saya niya at ng haba ng oras na ginugol niya sa social media. Binawasan niya ang oras na ginugugol niya sa Facebook at sinabi: “Parang gumanda ang imahinasyon ko at mas luminaw ang isipan ko para pagnilayan ang mga paksa at makipag-usap nang masinsinan sa iba. Ngayo’y mas dama ko ang presensya ng Espiritu sa buhay ko, na siyang pinakahihiling ko.”

Kapag kailangan nating magpakatotoo, ginagamit natin ang teknolohiya sa mabuting paraan. Kung hindi ninyo alam kung paano gawin iyan, hinihimok ko kayong bisitahin ang LDS.org at matuto.

Kapag desperado tayong maging tunay na mga disipulo ni Jesucristo na siyang layon ng ating pagsilang, bigla tayong nagkakaroon ng tapang at determinasyong alisin sa ating buhay ang hindi banal at marumi. Ang kahandaan nating sundin ang payo ng ating mga pinuno ay nagbabago. Humihingi tayo ng payo at sabik tayong sundin ito. Pagpapakumbaba ang nagtutulak na isantabi natin ang kapalaluan at kayabangan. Mga banal na kasulatan ang “unang-pinaghahanapan” natin ng mga sagot at kapanatagang matagal na nating hinahanap online.

Handa ba kayong subukan ang isang eksperimento sa loob ng 30 araw?

Lumuhod araw-araw at pasalamatan ang Ama sa Langit para sa mga banal na kasulatan. Ipaalam sa Kanya ang isang tanong na kailangan ninyong masagot sa araw na iyon. Magsumamo na mapasainyo ang Espiritu Santo habang nagbabasa kayo. Pagkatapos ay buklatin ang inyong mga banal na kasulatan kahit saan, at magbasa hanggang sa matagpuan ninyo ang sagot.8 Subukan ito sa loob ng 30 araw at tingnan ninyo kung ano ang mangyayari.

Kapag desperado tayong umunlad at maging mga tao ng Diyos na kailangan nating maging, maiisip natin na may pasaning pumipigil sa atin. Ang pasaning iyan ay maaaring espirituwal na sakit, na laging kaakibat ng mga maling pasiya at kasalanang hindi pinagsisihan. Ang totoo, ang kasalanang hindi pinagsisihan ay parang magnet para magkasalang muli! Kaya, kung kailangan kayong magsisi, magsimula na ngayon. Kapag gusto nating pagsisihan, gaya ng ama ni Haring Lamoni, ang lahat ng ating kasalanan9 (pati na ang mga paborito nating kasalanan), naglalaho ang pagpapaliban, nawawala ang kahihiyan, at handa na tayo, at sabik pa, na humayo—ang totoo, parang gusto nating tumakbo—papunta sa bishop natin para sa tulong na kailangan natin upang tunay na makapagsisi.

Ngayon, iilan lang ang tiyak sa buhay na ito, ngunit narito ang isa: May 100 porsiyentong garantiya na kung tunay tayong magsisisi, lilinisin at pagagalingin tayo ng Tagapagligtas—nang lubusan!

Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson: “Mabubura ng bisa ng Pagbabayad-sala [ng Tagapagligtas] ang mga epekto ng kasalanan. Kapag nagsisi tayo, binibigyang-katwiran at nililinis tayo ng biyaya ng Kanyang pagbabayad-sala (tingnan sa 3 Nephi 27:16–20). Parang di tayo nagkasala, parang di tayo nagpatukso.”10

Mahal kong mga kapatid, ipinapangako ko sa inyo na ito ay totoo! At, kung ito man ay malaking kasalanang hindi pinagsisihan o kahinaang patuloy nating kinatitisuran, kailangan ng bawat isa sa atin ang tulong ng Tagapagligtas para maging mga taong nilayon tayong maging. Imposibleng magawa ito nang wala ang Kanyang lakas at kapangyarihan.

Mabuti na lang, nabayaran ng Tagapagligtas ang bawat kaloob ng Espiritu na kakailanganin natin para tulungan tayo.11 Tayo na ang bahalang tumuklas sa mga kaloob na kailangan natin. Maaaring kailangan natin ang kaloob na disiplina sa sarili o pagkamasayahin. Marahil kailangan natin ang kaloob na magtiis, o kaloob na mapagaling, o kaloob na magpatawad. Marahil kailangan natin ang kaloob na maiayon ang ating damdaming seksuwal sa mga walang-hanggang batas. Marahil natatanto natin na hindi tayo mabubuhay nang isa pang minuto nang wala ang kaloob na di-matitinag na pananampalataya sa ating Panginoong Jesucristo. Kapag desperado tayo para sa anumang kaloob ng Espiritu, saka natin buong-pusong ipinagdarasal na mapasaatin ang kaloob na iyon.12 At ang magandang balita ay na bawat espirituwal na kaloob na natatanggap natin ay inilalapit tayo nang isa pang hakbang tungo sa tunay nating pagkatao.

Mahal kong mga kapatid, ang totoo ay na balang-araw pareho tayong magkakaroon ng sarilinang interbyu sa Tagapagligtas mismo. Kapag nangyari ito sa atin, magiging handa tayong gawin ang lahat ng kailangan para maging handa!

Kaya, isang tanong bago ako magtapos: Paano kung nalaman ninyo na nagbalik na ang Tagapagligtas sa mundong ito—na, bilang bahagi ng Kanyang Ikalawang Pagparito, nakipagkita na Siya sa ilan sa Kanyang tunay na mga alagad sa ilang kagila-gilalas at malaking pagtitipon13—mga pagtitipong walang nakakaalam, pati na ang CNN at ang blogosphere. Kung malaman ninyo na nasa lupa na ang Tagapagligtas, ano ang mamadaliin ninyong gawin ngayon, at ano ang handa ninyong gawin bukas?

Dalangin ko na sa taong ito ay magkaroon kayo ng mga sandali ng matinding desperasyon na magtutulak sa inyo sa landas tungo sa pagiging taong nilayon kayong maging. Ang inyong tunay na pagkatao ay kagila-gilalas! Huwag masiyahan sa mas mababa rito. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Itinuro ni Elder Richard G. Scott: “Hindi kayo pipilitin ng Panginoon na matuto. Kailangan ninyong piliing bigyan ng karapatan ang Espiritu na turuan kayo” (21 Principles: Divine Truths to Help You Live by the Spirit [2013], 95–96).

  2. Tingnan sa Mateo 9:20–22.

  3. Tingnan sa Juan 5:2–9.

  4. Marcos 4:38.

  5. Doktrina at mga Tipan 121:1.

  6. Tingnan sa George Q. Cannon, “The Doctrine of Tithing,” Deseret Evening News, Ago. 19, 1899, 11.

  7. Douglas L. Callister, sinipi sa Sheri Dew at Virginia H. Pearce, The Beginning of Better Days: Divine Instruction to Women from the Prophet Joseph Smith (2012), 65.

  8. Tingnan sa Wendy Watson Nelson, Change Your Questions, Change Your Life (2010), 139.

  9. Tingnan sa Alma 22:18.

  10. D. Todd Christofferson, “Upang Sila ay Maging Isa sa Atin,” Ensign o Liahona, Nob. 2002, 71.

  11. Tingnan sa I Mga Taga Corinto 12–14; Moroni 10; Doktrina at mga Tipan 46. Itinuro ni Elder Bruce R. McConkie na ang mga kaloob na nakalista sa naunang mga talata ay mga mungkahi lamang; simula lamang ang mga ito ng espirituwal na mga kaloob na maaaring matanggap (tingnan sa Mormon Doctrine, 2nd ed. [1966], 314–15).

  12. Tingnan sa Alma 22:15–18.

  13. Tingnan sa Bruce R. McConkie, The Millennial Messiah: The Second Coming of the Son of Man (1982), 575.