Mga Debosyonal noong 2016
Ang Katotohanang Ipinanumbalik


Ang Katotohanang Ipinanumbalik

Isang Gabi Kasama si Elder Richard J. Maynes

Pandaigdigang Debosyonal para sa mga Young Adult • Mayo 1, 2016 • Salt Lake Tabernacle

Mga kapatid, gustung-gusto kong naririnig ang kuwento ng conversion ng asawa kong si Nancy at kung gaano katindi ang impluwensya ng Unang Pangitain ni Joseph Smith at ng Aklat ni Mormon sa kanyang patotoo at conversion. Lagi kong pinasasalamatan na ako ang nagsilbing missionary na nagpakilala ng ebanghelyo ni Jesucristo sa kanya makalipas ang ilang taon matapos ang aking full-time mission. Gaya ng makikinita ninyo, tuwang-tuwa ako na naging maayos ang lahat para sa aming dalawa. Ang ating simbahan at ang buhay naming pamilya ang lahat para sa amin.

Taos-puso kong pinasasalamatan ang atas na ito mula sa Unang Panguluhan na magsalita sa inyo ngayong gabi. Nadarama ko na mahalagang malaman ninyo na nadama ko ang impluwensya at pahiwatig ng Espiritu Santo sa paghahanda ng mensaheng ito at umaasa ako na magiging espirituwal na kapaki-pakinabang ito sa inyo.

Ang Panunumbalik ng kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo sa mga huling araw ay nakinita na noon at ipinropesiya ng mga propeta sa buong kasaysayan. Dahil diyan, ang Panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo ay hindi na dapat ikagulat ng mga nag-aaral ng mga banal na kasulatan. Napakaraming mga pahayag ng mga propeta sa buong Lumang Tipan, sa Bagong Tipan, at sa Aklat ni Mormon na malinaw na nagpopropesiya at nakaturo sa Panunumbalik ng ebanghelyo. Ang mga halimbawa sa Lumang Tipan ay makikita sa Deuteronomio,1 Isaias,2 Jeremias,3 Ezekiel,4 Daniel, 5 Amos 6, at Malakias. 7 Ang mga halimbawa sa Bagong Tipan ay makikita sa mga aklat ni Mateo, 8 Marcos, 9 Ang Mga Gawa, 10 Mga Taga Roma, 11 Mga Taga Efeso, 12 II Mga Taga Tesalonica, 13 at Apocalipsis. 14 Marami pang propesiya tungkol sa Panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo ang matatagpuan sa buong Aklat ni Mormon. May mga halimbawa sa Nephi, 15 2 Nephi, 16 Jacob, 17 at 3 Nephi. 18

Isa sa mga paborito kong halimbawa ng mga propesiya tungkol sa Panunumbalik ay mula sa aklat ng Daniel sa Lumang Tipan. Sinalakay at nasakop ni Haring Nabucodonosor ng Babilonia ang Jerusalem noong mga 586 B.C. Matapos sakupin ang Judah, inutusan ni Haring Nabucodonosor ang isa sa kanyang mga pinuno na magtipon ng ilan sa mga anak ng Israel na maglingkod sa kanyang palasyo bilang mga tagapayo. Sinabi ng hari na ang piling grupong ito ay dapat “matatalino sa lahat ng karunungan, at bihasa sa kaalaman, at nakauunawa ng dunong, at may ganyang kakayahan na makatayo sa palacio ng hari.” 19

Kabilang sa piling grupong ito sina Daniel, Ananias, Misael, at Azarias. Maaalala ninyo na habang bihag ang mga binatang ito ay binigyan sila ng mga Babylonian na pangalan na Belteshazzar, Shadrach, Meshach, at Abednego bilang bahagi ng intensibong indoktrinasyon sa kultura ng Babilonia.

Si Haring Nabucodonosor ay nagkaroon ng pagkakataong sumangguni sa apat na mga kabataang ito ng Judea. Sinasabi sa atin ng banal na kasulatan na “sa bawat bagay ng karunungan at unawa, na inusisa ng hari sa kanila, nasumpungan niya silang makasangpung mainam kay sa lahat ng mahiko at mga enkantador na nangasa kaniyang buong kaharian.” 20

Isang gabi habang natutulog ang hari, siya ay nanaginip. Nabagabag siya ng panaginip at gusto niyang malaman ang kahulugan nito. Nagpasiya siyang subukan ang kanyang mga tagapayo sa isang pambihirang kahilingan. Ipinatawag niya ang kanyang mga mahikero, enkantador, at mangkukulam at inutusan silang sabihin muna ang kanyang panaginip at pagkatapos ay ibigay ang pakahulugan nito. Talagang seryoso siya sa kanyang kahilingan. Sinabi sa kanila ni Haring Nabucodonosor na, “Kung hindi ninyo ipaliliwanag sa akin ang panaginip at ang kahulugan niyaon, kayo’y pagpuputulputulin.” 21

Nang hindi masabi ng matatalinong tauhan sa hari ang panaginip at, hindi nila kayang ibigay ang kahulugan ng panaginip, siya ay nagalit at ipinag-utos na lahat ng matatalinong lalaki ng Babilonia ay patayin, kabilang si Daniel at kanyang mga kasama. Si Daniel, gayunman, ay nagawang makipagkita sa hari at hinikayat itong bigyan siya ng kaunting panahon at ibibigay niya ang kahulugan ng panaginip.

Umuwi si Daniel at ibinalita ito sa kanyang mga kasamahan. Sumamo sila sa Panginoon na ihayag ang lihim ng pangitain ng hari upang sila at ang iba pang natitirang matatalinong lalaki ng Babilonia ay hindi masawi. Ibinahagi ng mga banal na kasulatan ang bunga ng pagsamong iyon: “Nang magkagayo’y nahayag ang lihim kay Daniel sa isang pangitain sa gabi. Nang magkagayo’y pinuri ni Daniel ang Diyos ng langit.” 22

Matapos magpuri at magpasalamat sa Diyos, hinanap ni Daniel si Arioch, ang kapitan ng kawal ng hari, at sinabi sa kanya, “Huwag mong lipulin ang mga pantas na tao sa Babilonia: dalhin mo ako sa harap ng hari, at aking ipaaaninaw sa hari ang kahulugan.” 23

Kaagad na dinala ni Arioch si Daniel sa harap ng hari at sinabing, “Ako’y nakasumpong ng isang lalake sa mga anak ng nangabihag sa Juda, na magpapaaninaw sa hari ng kahulugan.” 24

Nang iharap si Daniel sa hari, tinanong ng hari si Daniel: “Maipaaaninaw mo ba sa akin ang panaginip na aking nakita, at ang kahulugan niyaon?” 25

Sumagot si Daniel, na nagsasabing:

“Ang lihim na itinatanong ng hari ay hindi maipaaaninaw sa hari kahit ng mga pantas na tao, ng mga enkantador, ng mga mahiko man, o ng mga manghuhula man;

“Nguni’t may isang Dios sa langit na naghahayag ng mga lihim, at siyang nagpapaaninaw sa haring Nabucodonosor kung ano ang mangyayari sa mga huling araw. Ang iyong panaginip, at ang pangitain ng iyong ulo sa iyong higaan ay ang mga ito.” 26

Inihayag nga ni Daniel ang panaginip kay Haring Nabucodonosor. Sabi niya:

“Ikaw, Oh hari, nakakita, at narito, ang isang malaking larawan. Ang larawang ito na makapangyarihan, at ang kaniyang kakinangan ay mainam, ay tumayo sa harap mo; at ang anyo niyao’y kakilakilabot.

“Ang kaniyang ulo ay dalisay na ginto, ang kaniyang dibdib at kaniyang mga bisig ay pilak, ang kaniyang tiyan at ang kaniyang mga hita ay tanso,

“Ang kaniyang mga binti ay bakal, ang kaniyang mga paa’y isang bahagi ay bakal, at isang bahagi ay putik.

“Iyong tinitingnan hanggang sa may matibag na isang bato, hindi ng mga kamay, na tumama sa larawan sa kaniyang mga paang bakal at putik na luto, at mga yao’y binasag.

“Nang magkagayo’y ang bakal, ang putik na luto, ang tanso, ang pilak, at ang ginto ay nagkaputolputol na magkakasama, at naging parang dayami sa mga giikan sa tagaraw; at tinangay ng hangin na walang dakong kasumpungan sa mga yaon: at ang bato na tumama sa larawan ay naging malaking bundok, at pinuno ang buong lupa.” 27

Matapos ikuwento ang nilalaman ng panaginip kay Haring Nabucodonosor, ibinigay ni Daniel ang kahulugan ng panaginip sa hari. Sinabi ni Daniel:

“Ikaw, Oh hari, ay hari ng mga hari: na pinagbigyan ng Dios sa langit ng kaharian, ng kapangyarihan, at ng kalakasan, at ng kaluwalhatian.

“At alin mang tinatahanan ng mga anak ng mga tao, ng mga hayop sa parang at ng mga ibon sa himpapawid ay ibinigay sa iyong kamay, at pinapagpuno ka sa kanilang lahat. Ikaw ang ulo na ginto.” 28

Ipinaliwanag pa ni Daniel sa hari ang iba’t ibang kaharian na susunod sa kanyang kaharian, na isinasagisag ng dibdib at mga bisig ng pilak, ang tiyan at mga hita ng tanso, at binti ng bakal, at ang paa na bahaging bakal at bahaging putik.

At dumating ang propesiya hinggil sa Panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo at ang pagkakatatag ng kaharian ng Diyos sa mga huling araw. Sinabi ni Daniel:

“At sa kaarawan ng mga haring yaon [tinutukoy ang mga huling araw] ay maglalagay ang Dios sa langit ng isang kaharian, na hindi magigiba kailan man: o ang kapangyarihan man niyao’y iiwan sa ibang bayan, kundi pagpuputolputulin at lilipulin niya ang lahat na kahariang ito, at yao’y lalagi magpakailan man.

“Yamang iyong nakita na ang isang bato ay natibag sa bundok, hindi ng mga kamay, at pumutol ng mga bakal, ng tanso, ng putik, ng pilak, at ng ginto; ipinaalam ng dakilang Dios sa hari kung ano ang mangyayari sa haharapin: at ang panaginip ay tunay, at ang pagkapaaninaw niyao’y tapat.” 29

Mga kapatid, ang Panunumbalik at kasunod na paglago ng Simbahan at ebanghelyo ni Jesucristo dito, sa mga huling araw, ang simula ng katuparan ng detalyadong propesiyang ito na ibinahagi ng sinaunang propetang si Daniel.

Ngayon mag-fast forward tayo 2,400 taon matapos ang pamumuno ni Haring Nabucodonosor hanggang sa panahon na sinundan ng Panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo. Hayaang magbahagi ako ng ilang pangyayari sa kasaysayan na humantong sa Unang Pangitain ni Joseph Smith.

Ang lolo ni Joseph Smith na si Asael Smith ay nagsundalo sa American army noong Revolutionary War at nakita niya mismo ang pagkakatatag ng bagong bansa.

Ang mga magulang ni Joseph Smith, sina Joseph Sr. at Lucy Mack, ay bata pa nang ang Konstitusyon ng Estados Unidos ng Amerika ay pinagtibay noong 1788, kasama ang First Amendment noong 1791, na tumiyak na hindi kokontrolin ng pamahalaan ang simbahan at hindi kokontrolin ng simbahan ang pamahalaan.

Ang relihiyon sa Estados Unidos, dahil dito, ay hindi kontrolado ng gobyerno, at dahil walang tinatangkilik na relihiyon ang mga mamamayan ng Amerika ay malayang piliin ang alinmang simbahan o piliing huwag mapabilang sa alinman dito.

Kalaunan ay nagalak si Asael Smith sa malayang pagpili ukol sa relihiyon sa bagong bansa. Sabi niya, “Ginabayan tayo [ng Diyos] sa maluwalhating rebolusyon at inihatid tayo sa pangakong lupain ng kapayapaan at kalayaan.” 30

Nang matapos na ang American Revolution, ang mga pagbabago sa transportasyon, komunikasyon, at industriya ay tumulong sa paglikha ng kultura ng isang republika sa bagong bansa. Nagtayo ng mga bangko para makapagpahiram ng puhunan sa mga tao at makapagtayo sila ng negosyo sa malaya, at bukas na ekonomiya.

Kasabay ng mga pagbabago sa lipunan at kulturang Amerikano, isang dekada ng serye ng panibagong interes ng mga tao sa relihiyon ang nagsimula noong mga 1790s, na kinilala ng mga historian bilang Second Great Awakening. Ang panibagong interes na ito sa relihiyon ay mga open-air camp meeting, masisigla at madamdaming pangangaral, at pagsapi o conversion ng napakaraming tao. Ang nakinabang nang husto sa Second Great Awakening ay ang mga Baptist at Methodist, na hindi tumanggap sa bantog na doktrinang itinuro ni John Calvin na itinakda na ng Diyos ang kaligtasan ng ilang tao gaya ng itinuturo noon sa mga simbahang Protestante. Inisip ng mga Calvinist na ang Diyos ay isang makapangyarihang nilalang na mahiwagang nagtakda ng kaligtasan ng kalalakihan at kababaihan. Para sa mga Calvinist, ang mga lalaki at babae, bilang bunga ng Pagkahulog, ay tunay na mga makasalanan at walang kapangyarihang piliin ang kaligtasan sa pamamagitan ni Cristo.

Sa panahon ng Second Great Awakening, gayunman, ang mga Baptist at Methodist ay nangaral na mapagbigay ang Diyos at binigyang-diin na ang kaligtasan ay maaaring piliin ng bawat isa. Ang pananaw na ito ukol sa sariling kaligtasan ay nagmula sa Arminian theology, o sa mga doktrina ng Dutch theologian na si Jacobus Arminius. Si Arminius, at kalaunan ang mga lider ng relihiyon sa America, ay naniwala na dahil sa awa ng Diyos ang mga tao ay binigyan ng kakayahang piliin si Cristo at na Siya ay may kapangyarihang iligtas ang lahat ng gustong maligtas. 31

Dahil sa magkakasalungat na ideyang ito tungkol sa kaligtasan kaya sinikap ng pamilya ni Joseph Smith na malaman kung aling relihiyon ang aaniban. Ang lolo ni Joseph Smith na si Asael at amang si Joseph Sr., ay sumang-ayon sa pananaw ng mga Arminian ukol sa mapagbigay at mapagmahal na Diyos. Isinulat kalaunan ni Asael Smith, “Talagang kayang iligtas ni Jesucristo ang kahit sino.” 32 Ang turing nina Asael at Joseph Sr. sa sarili nila ay mga Universalist at naniwala na tutubusin ng Diyos ang buong sangkatauhan nang walang eksepsyon—na kabaligtaran ng paniniwala ng mga Calvinist tungkol sa kaligtasan.

Ang background ni Lucy Mack sa relihiyon ay hindi batid hanggang sa sumapit ang taong 1802, nang tamaan siya ng matinding karamdaman at nangako sa Diyos na gagawin niya ang lahat para maglingkod sa Kanya kung maliligtas ang kanyang buhay. Nang gumaling ang kanyang karamdaman, isinulat ni Lucy Mack kalaunan, “Kaunti lang ang nabanggit ko sa paksa ng relihiyon bagamat ito ang laging nasa isip ko.” 33 Sina Joseph Sr. at Lucy Mack ay magpapalipat-lipat kalaunan sa bawat bayan na naghahanap kapwa ng temporal at espirituwal na kaligtasan.

Sa panahong ito ng paglipat-lipat sa bawat bayan, si Joseph Smith Jr. ay isinilang sa Sharon, Vermont, noong Disyembre 23, 1805. Sa huli ay lumagi ang pamilya Smith sa Palmyra, New York, na noon ay malapit sa Manchester. Ang pamilya Smith ay napunta sa lugar na napakaraming gawain at pagkakagulo ukol sa relihiyon. Ang mga Baptist, Presbyterian, at Methodist ay talagang lumago sa lugar sa pagitan ng 1816 at 1821, na naging resulta ng pagkakabuo ng bagong kongregasyon ng Presbyterian, pagtatayo ng bagong Methodist meetinghouse, at conversion ng daan-daang tao.

Sinubukan ni Lucy Mack ang Presbyterianism, ngunit sinabi niyang, “lahat ay kahungkagan.” Sinubukan din niya ang Methodism, ngunit sinabihan siya ni Joseph Sr. na itigil ito, dahil siya at ang kanyang amang si Asael, ay hindi nananalig sa mga doktrinang itinuturo nila. Habang wala pang kinaaanibang simbahan ang mga Smith, sinikap nilang ituro sa kanilang mga anak ang mga alituntuning Kristiyano sa tahanan, pati na ang pagbabasa ng Biblia at personal na panalangin. 34

Dumalo si Joseph Smith Jr. sa ilang mga pulong na ukol sa relihiyon kasama ng kanyang pamilya noong bata pa siya. Naimpluwensyahan siya nang husto ng mga aral at tinatalakay ng kanyang ama, na naghanap at hindi matagpuan sa mga sekta noon ang katulad ng orden ni Jesucristo at ng Kanyang mga Apostol. Si Joseph ay nakikinig at nagninilay kapag inaaral ng pamilya ang Biblia. Sa edad na 12, nag-alala siya sa nagawa niyang mga kasalanan at sa kapakanan ng kanyang kaluluwa, na naging daan para saliksikin niya mismo ang banal na kasulatan.

Noong si Joseph Jr. ay 14 anyos, itinala niya:

“Isang araw ako ay nagbabasa ng Sulat ni Santiago, unang kabanata at ikalimang talata, na mababasang: Ngunit kung nagkukulang ng karunungan ang sinuman sa inyo, ay humingi sa Diyos, na nagbibigay nang sagana sa lahat, at hindi nanunumbat; at ito’y ibibigay sa kanya.

“Wala sa alinmang sipi sa banal na kasulatan ang nakapukaw nang may higit na kapangyarihan sa puso ng tao kaysa sa nagawa nito sa akin sa oras na ito. Tila pumasok ito nang may malakas na kapangyarihan sa bawat himaymay ng aking puso. Paulit-ulit kong pinagmuni-muni ito, nalalaman na kung may tao mang nangangailangan ng karunungan mula sa Diyos, ako yaon.” 35

Sa wakas ay nagpasiya si Joseph na magtanong sa Diyos.

Si Joseph ay sumulat o nagdikta ng apat na batid na salaysay tungkol sa kanyang Unang Pangitain. Dagdag pa rito ay itinala ng mga kasabayan niya ang naalaala nila sa narinig nilang sinabi ni Joseph tungkol sa pangitain; lima sa gayong salaysay ang naipabatid. Isang pagpapala ang magkaroon ng ganitong mga tala. Dahil sa mga ito ang Unang Pangitain ni Joseph ang pinakamainam na naidokumentong pangitain sa kasaysayan. Hinihikayat ko kayong bisitahin ang history.lds.org para malaman pa ang tungkol sa mga salaysay at makita kung paano nagkakatulungan ang mga ito para mailarawan ito nang lubusan.

Ang Gospel Topics essay na “First Vision Accounts” ay nagsasabing: “Ang iba’t ibang salaysay ukol sa Unang Pangitain ay nagsasaad ng iisang kuwento, bagamat natural lamang na magkakaiba ang binibigyang-diin at detalye ng mga ito. Inaasahan ng mga historian na kapag muling ikinuwento ng isang tao ang isang karanasan sa iba’ t ibang pagkakataon sa iba’t ibang tao sa paglipas ng mga taon, bawat salaysay ay magbibigay-diin sa iba’t ibang aspeto ng karanasan at maglalaman ng kakaibang detalye. Tunay na ang mga pagkakaibang katulad ng sa mga salaysay ukol sa Unang Pangitain ay makikita sa iba’t ibang salaysay ng pangitain ni Pablo sa lansangan ng Damasco at sa karanasan ng mga Apostol sa Bundok ng Pagbabagong-anyo. Gayunman sa kabila ng mga pagkakaiba, wala pa ring pagbabago ang lahat ng salaysay ukol sa Unang Pangitain. Nagkakamali ang ilan sa pagsasabing ang anumang paglihis sa muling pagkukuwento ay ebidensya na gawa-gawa lang ito. Sa kabaligtaran, dahil sa mayaman na tala ng kasaysayan marami pa tayong nalalaman tungkol sa pambihirang kaganapang ito kaysa kung hindi ito gaanong nagawan ng dokumento.” 36

Gusto kong repasuhin sandali sa inyo ang apat na salaysay na isinulat at idinikta ni Joseph Smith.

Una, ang salaysay noong 1832 ang pinakaunang naisulat na salaysay ng Unang Pangitain. Bahagi ito ng anim na pahinang autobiography, na karamihan ay isinulat mismo ni Joseph. Ang dokumentong ito ay pag-aari na ng Simbahan simula nang isulat ito. Pagkatapos ng paglalakbay papunta sa Kanluran, nanatili itong nakatago sa isang kahon sa loob ng ilang taon at hindi nabatid hanggang sa mailathala ito sa isang master’s thesis o research paper noong 1965. Simula noon ay paulit-ulit na itong nailathala, pati sa LDS.org at sa Joseph Smith Papers. Sa dokumentong ito ikinuwento ni Joseph na nabagabag siya dahil hindi niya alam kung saan matatagpuan ang pagpapatawad ng Tagapagligtas. Nagpatotoo siya na, “Binuksan sa akin ng Panginoon ang kalangitan at nakita ko ang Panginoon,” 37 na pinakahulugan ng ilan na ang tinukoy niya ay ang pagpapakita ng isang nilalang lamang, bagamat, kung babasahin at ikukumpara sa iba pang mga dokumento, ang katagang ito ay nangangahulugan na binuksan ng Diyos Ama ang kalangitan at inihayag ang Kanyang Anak na si Jesucristo kay Joseph.

Ang salaysay na ito ay nagbibigay-diin sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas at sa personal na pagkatubos na ibinigay Niya kay Joseph. Sabi rito: “Binuksan ng Panginoon sa akin ang kalangitan at nakita ko ang Panginoon at nagsalita siya sa akin na nagsasabing, ‘Joseph, aking anak, ang iyong mga kasalanan ay pinatawad na. … Ipinako ako sa krus para sa daigdig upang ang lahat ng naniniwala sa aking pangalan ay magkaroon ng buhay na walang hanggan.’” Nagpatotoo si Joseph na nakadama siya ng kagalakan at pagmamahal ngunit wala siyang matagpuan na naniniwala. “Ang kaluluwa ko ay napuspos ng pagmamahal at sa loob ng maraming araw ay labis ang aking kagalakan at napasa akin ang Panginoon, ngunit wala akong makita na maniniwala sa makalangit na pangitain. Gayunman, pinagbulayan ko ang mga bagay na ito sa aking puso.” 38

Sumunod, ang salaysay noong 1835 ang paglalarawan ni Joseph ng kanyang pangitain kay Robert Matthews, na isang panauhin sa Kirtland noong 1835. Itinala ito sa journal ni Joseph ng kanyang eskriba. Hindi ito isinama sa mga naunang edisyon ng kasaysayan ni Joseph at unang inilathala sa BYU Studies noong 1960s. Sa salaysay na ito, nagpatotoo si Joseph na nagpakita muna sa kanya ang Diyos at pagkatapos ay nakita din niya ang Tagapagligtas: “Nagdasal ako nang buong taimtim sa Panginoon. Isang haligi ng apoy ang lumitaw sa tapat ng aking uluhan; at nang pumalibot ito sa akin ay hindi maipaliwanag ang kagalakang nadama ko. Isang personahe ang lumitaw sa gitna ng haliging ito ng apoy, na nakapalibot dito pero walang nasunog. Di nagtagal isa pang personahe ang lumitaw na katulad ng una. Sinabi Niya sa akin na, ‘Napatawad na ang iyong mga kasalanan.’” Sa salaysay na ito, binanggit din ni Joseph na, “Marami akong nakitang mga anghel sa pangitaing ito.” 39

Sumunod, ang salaysay noong 1838 ang pinakabantog sa lahat at mula sa Manuscript History ni Joseph. Ang unang draft ay isinulat matapos tumakas si Joseph sa Kirtland noong simula ng 1838, at ang pangalawang draft ay isinulat kaagad matapos siyang makatakas sa Missouri noong 1839. Kaya isinulat ito noong panahon ng napakaraming oposisyon. Una itong inilathala noong 1842 sa Times and Seasons. Isinama din ito sa Mahalagang Perlas noong 1851, na dati-rati ay isang polyeto para sa British Saints, at kalaunan ay pinagtibay na banal na kasulatan para sa lahat ng mga Banal noong 1880.

Maraming draft ng salaysay na ito ang inilathala sa Joseph Smith Papers. Gaya ng salaysay noong 1835, ang pinakamahalagang tanong ng salaysay na ito ay kung aling simbahan ang tama. Bilang kasaysayan ng Simbahan, at hindi lang ni Joseph, ang salaysay na ito ay “nakatuon sa pangitain bilang panimula ng ‘pagbangon at pag-unlad ng Simbahan.’” 40 Samakatwid, hindi kasama rito ang impormasyon tungkol sa personal na pagpapatawad na binanggit sa naunang dalawang salaysay.

At ang huli, ang salaysay noong 1842 ay bilang tugon sa paghiling ng impormasyon na mula kay John Wentworth, ang patnugot ng Chicago Democrat. Sinulatan siya ni Joseph at isinama hindi lamang ang Mga Saligan ng Pananampalataya kundi may paglalarawan din ng kanyang Unang Pangitain. Ang liham ay inilathala sa Times and Seasons noong 1842. Sa pahintulot ni Joseph, muli itong inilathala noong 1843 ng historian na si Israel Daniel Rupp sa kanyang aklat tungkol sa mga Kristiyanong denominasyon sa Estados Unidos. Ang salaysay na ito ay para sa mga taong hindi pamilyar sa mga paniniwala ng mga Mormon. Isinulat ito noong magkaroon ng kapayapaan sa kabila ng kinaharap na oposisyon ng Propeta.

Tulad ng iba pang mga salaysay, binanggit ni Joseph ang pagkalito niya at ang pagpapakita ng dalawang personahe bilang sagot sa kanyang dasal: “Nabalot ako ng makalangit na pangitain at nakita ko ang dalawang maluwalhating personahe na magkamukha, at magkatulad, na napalilibutan ng napakaningning na liwanag na higit pa sa sikat ng araw sa tanghaling-tapat. Sinabi Nila sa akin na lahat ng relihiyon ay naniniwala sa mga maling doktrina, at wala ni isa sa mga ito ang kinikilala ng Diyos bilang kanyang simbahan at kaharian. At ako ay hayagang inutusan na ‘huwag umanib sa kanila,’ at nakatanggap ako ng pangako na ang kaganapan ng ebanghelyo ay ipaaalam sa akin balang-araw.” 41

Isang pagpapala ang matanggap ang mga salaysay na ito ng Unang Pangitain ni Joseph. Tulad ng Mga Ebanghelyo sa Bagong Tipan na kapag pinagsama ay kumpleto ang paglalarawan sa buhay at ministeryo ni Cristo, bawat isa sa mga salaysay na naglalarawan sa Unang Pangitain ni Joseph ay may dagdag na kakaibang detalye at pananaw sa kabuuan nito. Inilalahad ng mga ito ang walang pagbabago at magkakatugmang kuwento ni Joseph. Binibigyang-diin ng lahat ng ito na may kalituhan at pagtatalo sa mga simbahang Kristiyano noon, na ginustong malaman ni Joseph na malaman kung alin (kung mayroon man) ang tama, na sinaliksik niya ang banal na kasulatan at nagdasal, na may liwanag na bumaba mula sa langit, at nagpakita ang mga banal na nilalang at sinagot ang kanyang panalangin.

Balikan natin at repasuhin ang na-canonize na 1838 version ng salaysay ni Joseph Smith ukol sa Unang Pangitain. Ito ang pinakamatinding karanasan na may matututuhan ang sinuman sa mundo. Binago ng karanasang ito ang buhay ni Joseph, binago nito ang buhay ko, at alam kong binago o babaguhin nito ang buhay ninyo kapag lumapit kayo sa Panginoon para sa katibayan ng katunayan nito.

“Sa wakas nakarating ako sa pagpapasiya na alin sa dalawa, ako ay mananatili sa kadiliman at kaguluhan, o kaya’y kinakailangan kong gawin ang tagubilin ni Santiago, yaon ay, humingi sa Diyos. Sa wakas nakarating ako sa matibay na hangarin na ‘humingi sa Diyos,’ nagpapasiya na kung siya ay nagbibigay ng karunungan sa mga yaong kulang ng karunungan, at magbibigay nang sagana, at hindi manunumbat, maaari akong magbakasakali.

“Kaya nga, alinsunod dito, sa aking matibay na hangaring humingi sa Diyos, nagtungo ako sa kakahuyan upang maisagawa ang aking pagtatangka. Ito ay sa umaga ng isang maganda, maaliwalas na araw, sa tagsibol ng taong isanlibo walong daan at dalawampu. Ito ang kauna-unahang pagkakataon sa aking buhay na ako ay gumawa ng ganitong pagtatangka, sapagkat sa gitna ng lahat ng aking pagkabahala, kailanman ay hindi ko pa nagawa ang pagtatangkang manalangin nang malakas.

“Matapos na magtungo ako sa lugar na kung saan ko binalak magtungo, matapos kong tingnan ang aking paligid, at nang matiyak kong ako’y nag-iisa, ako’y lumuhod at nagsimulang ialay ang mga naisin ng aking puso sa Diyos. Bahagya ko pa lamang nagagawa ito, nang daglian akong sinunggaban ng isang kapangyarihan na ganap akong dinaig, at may kagila-gilalas na lakas na higit sa akin upang igapos ang aking dila nang hindi ako makapagsalita. Nagtipon ang makapal na kadiliman sa aking paligid, at sa wari ko ng sandaling yaon, na tila ako ay nakatadhana sa biglaang pagkawasak.

“Subalit, sa paggamit ng lahat ng aking lakas upang tumawag sa Diyos na iligtas ako sa kapangyarihan ng kaaway na ito na sumunggab sa akin, at sa sandaling yaon nang ako ay nakahanda nang pumailalim sa kawalang-pag-asa at ipinaubaya ang aking sarili sa pagkawasak—hindi sa isang likhang-isip na pagkawasak, kundi sa kapangyarihan ng isang tunay na nilikha na mula sa hindi nakikitang daigdig, na may kagila-gilalas na lakas na kailanman ay hindi ko pa naramdaman sa anumang nilikha—sa sandaling ito ng labis na pangamba, ako ay nakakita ng isang haligi ng liwanag na tamang-tama sa tapat ng aking ulo, higit pa sa liwanag ng araw, na dahan-dahang bumaba hanggang sa ito ay pumalibot sa akin.

“Hindi pa natatagalan nang ito’y lumitaw na natuklasan kong naligtas na ang aking sarili mula sa kaaway na gumapos sa akin. Nang tumuon sa akin ang liwanag, nakakita ako ng dalawang Katauhan, na ang liwanag at kaluwalhatian ay hindi kayang maisalarawan, nakatayo sa hangin sa itaas ko. Ang isa sa kanila ay nagsalita sa akin, tinatawag ako sa aking pangalan, at nagsabi, itinuturo ang isa—Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!

“Ang aking layunin sa pagtatanong sa Panginoon ay upang alamin kung alin sa lahat ng sekta ang tama, upang malaman kung alin ang sasapian ko. Hindi pa natatagalan, samakatwid, nang ako ay matauhan, upang makapagsalita, nang aking tanungin ang mga Katauhan na nakatayo sa itaas ko sa loob ng liwanag, kung alin sa lahat ng sekta ang tama (sapagkat sa panahong ito hindi pa kailanman pumasok sa aking puso na ang lahat ay mali)—at alin ang dapat kong sapian.

“Sinagot ako na hindi ako dapat sumapi sa alinman sa kanila, sapagkat lahat sila ay mali.” 42

Gaya ng nakasaad sa dokumentong “First Vision Accounts” na matatagpuan sa LDS.org, “Si Joseph Smith ay paulit-ulit na nagpatotoo na nagkaroon siya ng pambihirang pangitain tungkol sa Diyos Ama at sa Kanyang Anak na si Jesucristo. Ang katotohanan ng Unang Pangitain ni ang mga argumento laban dito ay hindi mapatutunayan ng pagsasaliksik lamang sa kasaysayan. Para malaman kung totoo ang patotoo ni Joseph Smith kailangan ng bawat masigasig na naghahanap ng katotohahan na pag-aralan ang tala at magkaroon ng sapat na pananampalataya kay Cristo para itanong sa Diyos sa taos-puso at mapagpakumbabang panalangin kung totoo ang tala. Kung ang naghahanap ay magtatanong nang may tunay na hangarin upang kumilos ayon sa sagot na inihayag ng Espiritu Santo, ang katotohanan ng pangitain ni Joseph Smith ay ipamamalas. Sa ganitong paraan, malalaman ng bawat tao na si Joseph Smith ay tapat nang sabihin niyang, ‘Nakakita ako ng pangitain, ito’y alam ko, at nalaman ko na ito ay alam ng Diyos, at ito ay hindi ko maipagkakaila’ [Joseph Smith—History 1:25].”43

Sang-ayon kay Joseph F. Smith, “Ang pinakadakilang pangyayaring naganap sa daigdig, simula sa Pagkabuhay na Mag-uli ng Anak ng Diyos mula sa libingan at pag-akyat niya sa langit, ay ang pagpapakita ng Ama at ng Anak sa batang si Joseph Smith.” 44

Mga kapatid, kahanga-hanga at nagbibigay-linaw na karanasan ang pagsuri sa natututuhan natin mula sa sagrado, kagila-gilalas na karanasang ito ni Joseph Smith. Gusto kong ibahagi sa inyo ang halimbawa ng mga katotohanan na natutuhan natin mula sa Unang Pangitain ni Joseph Smith hinggil sa likas na katangian ng ating Ama sa Langit; ng Kanyang Anak na si Jesucristo; ng katunayan ni Satanas; at ng labanan sa pagitan ng mabuti at masama, gayundin ang iba pang mahahalagang aspeto ng dakilang plano ng kaligtasan.

Nalaman natin na ang mga banal na kasulatan ay totoo at maaaring literal na tanggapin at ipamuhay.

Nalaman natin na ang pagninilay sa mga banal na kasulatan ay naghahatid ng kapangyarihan at pananaw.

Nalaman natin na ang kaalaman ay hindi sapat; ang pagkilos sa nalalaman natin ay naghahatid ng mga pagpapala ng Diyos.

Natuto tayong magtiwala sa Diyos at bumaling sa Kanya para sa mga sagot sa mahahalagang tanong ng buhay at hindi magtiwala sa tao.

Nalaman natin na ang mga dasal ay sinasagot ayon sa ating di natitinag na pananampalataya at sang-ayon sa kagustuhan ng Ama sa Langit.

Nalaman natin na totoong may Satanas at may kapangyarihan siyang impluwensyahan ang pisikal na mundo, pati na tayo.

Nalaman natin na limitado ang kapangyarihan ni Satanas at nahihigitan ito ng kapangyarihan ng Diyos.

Nalaman natin na hindi titigil si Satanas sa pagsira sa gawain ng Diyos at malamang na alam ni Satanas ang kahalagahan ng papel ni Joseph Smith bilang Propeta ng Panunumbalik.

Nalaman natin na madadaig natin si Satanas sa pagtawag sa Diyos at paglalagak ng ating buong pananampalataya at tiwala sa Panginoon.

Nalaman natin na kung saan mayroong liwanag, ang kadiliman ay kailangang lumisan.

Nalaman natin na ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo, ay dalawang magkahiwalay na nilalang, na magkamukha at magkatulad.

Nalaman natin na nilalang tayo sa wangis ng Diyos.

Nalaman natin na si Cristo ay nagbangon.

Nalaman natin na personal tayong kilala ng Diyos at alam Niya ang ating mga kailangan at alalahanin. Tinawag Niya si Joseph sa kanyang pangalan.

Nalaman natin ang ugnayan sa pagitan ng Diyos Ama at ng Kanyang Anak, ang Panginoong si Jesucristo. Si Jesus ay sumusunod sa Kanyang Ama, at ang Ama ay nakikipag-ugnayan sa mga mortal dito sa lupa sa pamamagitan ng Kanyang Anak na si Jesucristo.

Nalaman natin na si Jesucristo ay minamahal ng Kanyang Ama sa pagtukoy kay Jesus bilang Kanyang Pinakamamahal na Anak.

Nalaman natin na ang tunay na Simbahan ni Jesucristo na inorganisa Niya noon ay wala sa mundo noong panahon ni Joseph Smith, patunay na totoong nagkaroon ng Malawakang Apostasiya na ipinropesiya ng Apostol na si Pablo.

Nalaman natin na kapag ginusto talaga nating patnubayan ng Diyos ang ating buhay, Siya ay maghahayag ng landas na magpapadalisay sa atin. Noong panahon ni Joseph ang lahat ng mga denominasyon at sekta ay mali.

Nalaman natin na bawat dispensasyon ng panahon ay tumatanggap ng mga pangitain, pagpapala, at kaluwalhatian ng Diyos.

Nagkaroon tayo ng ideya kung paano pinipili ng Diyos ang Kanyang mga propeta.

Nalaman natin na pinipili ng Diyos ang mga dalisay ang puso na mga matwid at may mabuting hangaring gawin ang Kanyang gawain, na katibayan ng turo mula sa Biblia na ang Diyos ay tumitingin sa puso at hindi namimili batay sa panlabas na kaanyuan o katayuan sa lipunan.

Mga kapatid, ang Unang Pangitain ang susi na nagbubukas sa maraming katotohanan na itinago sa loob ng maraming siglo. Huwag nating kalimutan o ipagwalang-bahala ang maraming mahahalagang katotohanan na natutuhan natin mula sa Unang Pangitain ni Joseph Smith.

Ang pagpapakita ng Diyos Ama at ng Kanyang Anak, ang Panginoong Jesucristo, kay Joseph Smith ang nagpasimula sa dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon. Dapat nating ibahagi ang sagradong kaganapang ito at ang mga bagay na natutuhan natin mula dito sa lahat ng ating minamahal at pinagmamalasakitan.

Narito ang dalawang katanungan na maaari ninyong pag-isipan, sagutin, at i-share sa social media gamit ang hashtag na #LDSdevo.

  • Anong mga katotohanan ang natutuhan mo mula sa Unang Pangitain ni Joseph Smith?

  • Paano ka sinagot ng Panginoon sa paghahanap mo ng katotohanan at mga sagot sa mga tanong mo noon?

Nasasabik na akong basahin ang ise-share ninyo tungkol sa mahalagang paksang ito at sa mahahalagang tanong na ito.

Hayaang magtapos ako sa pagbabahagi ng isa pang katotohanang natutuhan ko dahil pinagtuunan ko ng pansin ang Unang Pangitain ni Joseph Smith habang tinuturuan ang mga full-time missionary.

Ilang taon na ang nakalipas nagkaroon ako ng pribilehiyong maglingkod sa Philippines Area Presidency. Ang mga miyembro ng Area Presidency ay nagpapalitan sa pagsasalita sa mga debosyonal sa Missionary Training Center sa Manila. Ang bagong tawag na mga full-time missionary ay dumarating sa Manila mula sa humigit-kumulang 14 na bansa sa buong Asia at sa mga bansa sa Pacific.

Nang patapos na ang aming assignment sa Pilipinas, nagkaroon kami ng huling pagkakataon na magsalita sa mga missionary sa MTC devotional. Hindi ko malilimutan ang pag-upo ko sa harapan na tanaw ang buong kongregasyon ng kahanga-hangang mga full-time missionary na ito. Nagdasal ako na humihingi ng inspirasyon na maibahagi sa kanila ang isang bagay na tutulong sa kanila na maunawaan ang malaking kahalagahan ng magiging gawain nila. Habang pinag-iisipan ko ang sasabihin ko, natuon ang pansin ko sa isang painting na nasa dingding ng auditorium. Iyon ay painting na malamang na nakita na ninyo sa inyong meetinghouse. Bantog ang painting na ito ni Del Parson ukol sa Unang Pangitain ni Joseph Smith. Ipinakikita nito ang 14-anyos na si Joseph Smith na nakaluhod sa Sagradong Kakahuyan, na tumatanggap ng mga tagubilin mula sa ating Ama sa Langit at kay Jesucristo.

Sinimulan ko ang aking mensahe sa mga missionary sa pagturo sa painting ng Unang Pangitain na gawa ni Del Parson at ipinaliwanag na si Joseph Smith, nang sandaling iyon, habang nakaluhod sa Sagradong Kakahuyan, nagdarasal para patnubayan ang kanyang buhay, ay sumasagisag sa lahat ng mga investigator na naghahanap ng katotohanan, noon, ngayon, at sa hinaharap. Bakit? Dahil ang tanong niya ay katulad ng tanong ng lahat ng tapat at taos na mga investigator. Nang magtanong sa Panginoon kung alin sa lahat ng mga sekta ang tama, siya ay tunay na naghahanap ng katotohanan. Hinahanap niya ang kanyang layunin sa buhay. Hinahanap niya ang dakilang plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit.

Mayroon bang awtorisadong mga missionary sa lupa noong manalangin nang taimtim si Joseph para sagutin ang kanyang tanong? Wala, wala noon. Kaya nga, sa sagradong sandaling iyon, ang Ama sa Langit at ang Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo, ay nagpakita at sinagot ang kahilingan ng batang si Joseph, at ang Panunumbalik ng kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo ay nagsimula.

Gaya ni Joseph Smith, ang mga investigator na malamang na gagawa at tutupad sa kanilang mga pangako at magpapabinyag ay ang mga aktibong naghahanap ng katotohanan at ng layunin nila dito sa lupa. Hindi lamang ito mahalagang aral para sa mga full-time missionary kundi para matuto din tayo sa pagbabahagi natin ng ebanghelyo. Mahalaga rin na tandaan na marami sa mga naghahanap ng direksiyon at layunin sa buhay ay kaedad ng mga kasali sa debosyonal na ito. Sila ang inyong mga kaibigan at mga kasamahan. Ang asawa kong si Nancy ay isa noon sa mga kaedad ninyo na naghahanap ng katotohanan at ng kanyang layunin sa buhay.

Mga kaibigan kong kabataan, napakapalad nating lahat na maisilang sa panahon na ang ebanghelyo ni Jesucristo ay naipanumbalik sa mundo sa kabuuan nito. Ibinabahagi ko sa inyo ang aking pagsaksi at patotoo na si Joseph Smith ay dinalaw ng Diyos Ama at ng Kanyang Anak, ang Panginoong Jesucristo, sa magandang araw na iyon ng tagsibol noong 1820. Pinatototohanan ko na ang sagradong impormasyon na ibinahagi Niya at buong pagpapakumbabang tinanggap ni Joseph ay katuparan lahat ng mga propesiya na binanggit ng mga banal na propeta sa buong kasaysayan ng mundo.  Pinatototohanan ko rin na ang kalayaan sa relihiyon na laan ng pagkalikha at pagkakatatag ng Estados Unidos ng Amerika ay nakatulong sa paghahanda ng daan para sa Panunumbalik. Saksi ako sa katotohanan ng mga salita ni Pangulong Gordon B. Hinckley na tumutukoy sa Unang Pangitain nang sabihin niyang, “Si Joseph Smith sa mga sandaling iyon, gaano man katagal o kaikli, ay mas maraming natutuhan tungkol sa likas na katangian ng Diyos kaysa natutuhan ng lahat ng mga iskolar ng theology sa lahat ng panahon.” 45 Talagang kagila-gilalas na pagkakataon para sa ating lahat na maibahagi ang ating patotoo sa panunumbalik ng kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo sa mga huling araw.

Mga kapatid, ang katotohanan ay naipanumbalik, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Deuteronomio 4:27–31.

  2. Tingnan sa Isaias 60–62.

  3. Tingnan sa Jeremias 30–33.

  4. Tingnan sa Ezekiel 37:15–28.

  5. Tingnan sa Daniel 2:44.

  6. Tingnan sa Amos 9:11.

  7. Tingnan sa Malakias 3:1.

  8. Tingnan sa Mateo 17:11.

  9. Tingnan sa Marcos 9:12.

  10. Tingnan sa Ang Mga Gawa 3:19–21.

  11. Tingnan sa Mga Taga Roma 11:25–27.

  12. Tingnan sa Mga Taga Efeso 1:9–10.

  13. Tingnan sa II Mga Taga Tesalonica 2:1–3.

  14. Tingnan sa Apocalipsis 14:6.

  15. Tingnan sa 1 Nephi 13:34–42.

  16. Tingnan sa 2 Nephi 26:14–17.

  17. Tingnan sa Jacob 6:1–4.

  18. Tingnan sa 3 Nephi 21.

  19. Daniel 1:4.

  20. Daniel 1:20.

  21. Daniel 2:5.

  22. Daniel 2:19.

  23. Daniel 2:24.

  24. Daniel 2:25.

  25. Daniel 2:26.

  26. Daniel 2:27–28.

  27. Daniel 2:31–35.

  28. Daniel 2:37–38.

  29. Daniel 2:44–45.

  30. Asael Smith, sa Steven C. Harper, Joseph Smith’s First Vision: A Guide to the Historical Accounts (2012), 13–14.

  31. Tingnan sa Harper, Joseph Smith’s First Vision, 15–16; Richard Lyman Bushman, Joseph Smith: Rough Stone Rolling (2005), 197.

  32. Tingnan sa Harper, Joseph Smith’s First Vision, 16–22; Bushman, Joseph Smith, 14–29.

  33. Lucy Mack Smith, “Lucy Mack Smith, History, 1844–1845,” book 2, page 4; josephsmithpapers.org.

  34. Tingnan sa Harper, Joseph Smith’s First Vision, 16–22; Bushman, Joseph Smith, 14–29.

  35. Joseph Smith—Kasaysayan 1:11–12.

  36. “First Vision Accounts,” Gospel Topics, topics.lds.org.

  37. Joseph Smith, sa Karen Lynn Davidson, David J. Whittaker, Mark Ashurst-McGee, and Richard L. Jensen, eds., Histories, Volume 1: Joseph Smith Histories, 1832–1844, vol. 1 ng Histories series ng The Joseph Smith Papers, inedit nina Dean C. Jessee, Ronald K. Esplin, at Richard Lyman Bushman (Salt Lake City: Church Historian’s Press, 2012), 12–13; ang ispeling, pagbabantas, at malalaking titik ay ginawang moderno; tingnan din sa Dean C. Jessee, “The Earliest Documented Accounts of Joseph Smith’s First Vision,” sa John W. Welch and Erick B. Carlson, eds., Opening the Heavens: Accounts of Divine Manifestations, 1820–1844 (2005), 1–33; “First Vision Accounts,” Gospel Topics, topics.lds.org.

  38. Joseph Smith, sa Histories, Volume 1: Joseph Smith Histories, 1832–1844, 12–13; ang ispeling, pagbabantas, at malalaking titik ay ginawang moderno; tingnan din sa “First Vision Accounts,” Gospel Topics, topics.lds.org.

  39. Joseph Smith, sa Dean C. Jessee, Mark Ashurst-McGee, and Richard L. Jensen, eds., Journals, Volume 1: 1832–1839, vol. 1 ng Journals series ng The Joseph Smith Papers, inedit nina Dean C. Jessee, Ronald K. Esplin, at Richard Lyman Bushman (Salt Lake City: Church Historian’s Press, 2008), 88; ang ispeling, pagbabantas, at malalaking titik ay ginawang moderno; tingnan din sa “First Vision Accounts,” Gospel Topics, topics.lds.org.

  40. “First Vision Accounts,” Gospel Topics, topics.lds.org.

  41. Joseph Smith, sa Histories, Volume 1: Joseph Smith Histories, 1832–1844, 494; tingnan din sa “First Vision Accounts,” Gospel Topics, topics.lds.org.

  42. Joseph Smith—Kasaysayan 1:13 –19.

  43. “First Vision Accounts,” Gospel Topics, topics.lds.org.

  44. Joseph F. Smith, Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph F. Smith (1999), 16.

  45. Gordon B. Hinckley, “Inspirational Thoughts,” Ensign, Ago. 1997, 3.

Print