Pagtuklas sa Aking Layunin
Isang Gabi Kasama si Elder Richard J. Maynes
Pandaigdigang Debosyonal para sa mga Young Adult • Mayo 1, 2016 • Salt Lake Tabernacle
Masaya ako na narito ako ngayong gabi kasama ng aking asawa, at sa pagkakataong makapagsalita sa inyo.
Nang sabihin ng asawa ko na magsasalita siya tungkol sa Panunumbalik ng ebanghelyo, at lalo na tungkol sa Unang Pangitain ni Joseph Smith, nag-usap kami kung ano ang epekto ng paksang ito sa buhay ko at kung paano magkakaroon ng positibong epekto sa pagpapalakas ng inyong pananampalataya ang karanasan ko.
Ako ay convert sa Simbahan, at gusto kong ibahagi sa inyo ang pinaka itinatangi kong karanasan—ang kuwento ng aking pagsapi.
Lumaki ako sa tahanang puno ng pagmamahal, at napakabait ng mga magulang ko Hindi kami palasimba noon, pero bilang mga miyembro ng Simbahang Presbyterian, palagi kaming nagsisimba kapag Pasko at Pasko ng Pagkabuhay, at kung minsan ay isinasama ako ni Inay sa Sunday school. Doon ako unang nagkaroon ng patotoo sa Tagapagligtas Gustung-gusto kong naririnig ang mga kuwento tungkol kay Jesus. Alam kong espesyal Siya.
Noong bata pa ako nadama kong kailangan kong magdasal sa gabi. Alam kong nakikinig sa akin ang Ama sa Langit.
Noong mga 20s na ako nakipagdeyt ako at maraming beses kong naranasang mabigo, masiphayo, at panghinaan ng loob na dulot kung minsan ng pakikipagdeyt. Siguro nadama ito ng ilan sa inyo, pero may pagkakaiba. Nasa inyo ang ebanghelyo ni Jesucristo. Napakalaking pagpapala niyan. Ang ebanghelyo ay nagbibigay sa inyo ng layunin at lakas. Nagbibigay ito ng pag-asa. Sa puntong iyon, alam kong may kulang sa buhay ko. Dama kong wala akong tunay na layunin o direksyon sa buhay ko. Nagsimula akong dumalo sa iba-ibang simbahan para mahanap ang kasagutan. Hinahanap ko noon ang bagay na magbibigay ng kahulugan sa buhay ko, pero hindi ko alam kung saan ito matatagpuan.
Isang araw nang nahihirapan na ako, nagpasiya akong magdasal. Lumuhod ako sa tabi ng kama ko—na hindi ko karaniwang ginagawa—at ibinuhos ko ang nilalaman ng puso ko sa Ama sa Langit, hinihiling na tulungan Niya ako at na sana bigyan Niya ng direksyon ang buhay ko. Medyo gumanda ang pakiramdam ko at ginawa ko na ang dati kong ginagawa sa araw-araw.
Makalipas ang ilang araw sinagot ang dasal ko. Isang returned missionary ang dumating sa buhay ko. Ang pangalan niya ay Richard John Maynes. Hiniling niyang makadeyt ako at ginawa ang ginagawa ng mga butihing returned missionary. Itinanong niya kung may alam ako sa Simbahan at kung nabasa ko na ang Aklat ni Mormon.
Kaagad niya akong binigyan ng Aklat ni Mormon para basahin ko. Sinimulan ko itong basahin, at kaagad umagaw ng pansin ko ang mababasa sa pahinang pamagat na, “Ang Aklat ni Mormon: Isa pang Tipan ni Jesucristo.” Wala akong ideya na ang Aklat ni Mormon ay tungkol kay Jesus.
Sinimulan ko na ring pakinggan ang missionary lessons, at nahayag sa akin ang kaalaman. Nang ituro ng mga missionary ang tungkol sa batang si Joseph na dinalaw ng Diyos Ama at ng Kanyang Anak na si Jesucristo, na magkahiwalay na katauhan, parang tugma ito sa nadarama at pinaniniwalaan ko, pero hindi ito itinuturo noon sa simbahan ko. Ang Unang Pangitain ay mahalagang bahagi ng aking conversion. Nakadama ako ng kaugnayan kay Joseph Smith dahil pareho kami ng tanong: Saan ko matatagpuan ang katotohanan? Sinagot ng Ama sa Langit ang kanyang taos na panalangin, at sinagot Niya ang aking panalangin. Pinakinggan ko lahat ng lessons at nalaman ko sa puso ko na totoo ang itinuturo sa akin.
Ang returned missionary na si Richard John Maynes ang nagbinyag sa akin noong summer na iyon. Patuloy kaming nagdeyt, at makalipas ang isang taon ikinasal kami sa Manti Utah Temple.
Simula pa lang iyon ng aking conversion. Ganyan din ang marami sa atin, ang conversion ay isang proseso. Ang ating patotoo ay kailangang pangalagaan at palakasin sa araw-araw sa pamamagitan ng pagbabasa ng banal na kasulatan, pagdarasal, pagsisimba, pagpunta sa templo, at pagsunod sa ating propeta.
Ang mga banal na kasulatan ay dapat maging mahalagang bahagi ng ating buhay. Noong bata pa ako, at hindi pa miyembro ng Simbahan, pinapili ako ng talatang isasaulo ko. Pinili ko ang Mga Kawikaan 3:5–6:
“Tumiwala ka sa Panginoon ng buong puso mo; at huwag kang manalig sa iyong sariling kaunawaan
“Kilalanin mo siya sa lahat ng iyong mga lakad, at kaniyang ituturo ang iyong mga landas.”
Hindi ko masabi kung ilang beses nang pumasok sa isipan ko ang talatang iyan kapag nangangailangan ako ng tulong mula sa itaas. Kung mananalig at magtitiwala lamang tayo sa Panginoon, nalalaman na hindi natin nauunawaan ang lahat ng nangyayari sa ating buhay at pasasalamatan Siya sa mga pagpapalang nasa atin, ituturo Niya sa atin ang landas. Maaaring hindi ito mangyari sa ating takdang-panahon, ngunit alam kong may plano ang Ama sa Langit para sa bawat isa sa atin.
Isa sa mga paborito kong talata ang matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan 123:12: “Sapagkat marami pa sa mundo sa lahat ng pangkat, grupo, at sekta, na binubulag ng pandaraya ng mga tao, kung saan sila ay naghihintay upang manlinlang, at na napagkakaitan lamang ng katotohanan sapagkat hindi nila alam kung saan ito matatagpuan.”
Napakahalaga sa atin na mga miyembro ng Simbahan na tumulong at ibahagi ang ebanghelyo sa iba. Napakaraming tulad ko ang naghahanap ng katotohanan ngunit hindi alam kung saan ito matatagpuan.
Ang dalawang pinakamahalagang desisyong ginawa ko sa buhay ay ang magpabinyag at makasal sa templo sa aking asawa. Nagpapasalamat ako sa ebanghelyo sa aking buhay. Alam nating lahat na kung minsan ay hindi madali ang buhay. Kailangan lang nating alalahanin ang sinabi ni Elder Jeffrey R. Holland. Sabi Niya:
“Ang Panginoon ng Langit at Lupa ay nariyan para pagpalain kayo. …
“Umasa sa Kanya. Umasa nang lubusan sa Kanya. Umasa sa Kanya magpakailanman.” 1
Alam kong tunay ang Ama sa Langit. Mahal Niya tayo Dinirinig Niya ang ating mga panalangin. Alam ko na si Jesucristo ang ating Tagapagligtas. Namatay Siya para sa bawat isa sa atin at ibinigay sa atin ang dakilang kaloob ng pagsisisi, na nagbibigay-daan para mabago at bumuti ang ating buhay sa bawat araw. Alam ko na mayroon tayong buhay na propeta, si Pangulong Thomas S. Monson, at alam ko na nakita ni Propetang Joseph Smith ang Ama at ang Anak at ibinigay sa atin ang Aklat ni Mormon: Isa pang Tipan ni Jesucristo.
Dalangin ko na patuloy ninyong palakasin at pangalagaan ang inyong patotoo araw-araw sa paggawa ng mga bagay na itinuro ng Tagapagligtas at ng ating mga propeta na gawin natin. Dalangin ko na patuloy kayong magtiwala sa Panginoon at malaman na alam Niya kung sino kayo at gagabayan Niya ang inyong landas.
Sinasabi ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.
© 2016 ng Intellectual Reserve, Inc. Lahat ng karapatan ay nakalaan. Pagsang-ayon sa Ingles: 3/16. Pagsang-ayon sa pagsasalin: 3/16. Pagsasalin ng “Finding My Purpose.” Tagalog. PD60001510 893