Mga Debosyonal noong 2016
Pagiging mga Tunay na Isinilang sa Milenyong Ito


Pagiging mga Tunay na Isinilang sa Milenyong Ito

Isang Gabi Kasama si Pangulong Russell M. Nelson

Pandaigdigang Debosyonal para sa mga Young Adult • Enero 10, 2016 • Brigham Young University–Hawaii

Mahal kong mga kapatid, ang bagong taong ito ay tiyak na magiging makasaysayan. Sa mga unang araw nito, nagpaalam na kami ni Wendy sa mahal kong kapatid na si Marjory, na pumanaw na. Isinilang ang mga bagong sanggol sa aming pamilya—sina Wade Richard Walker at Isaac Russell McDonough. At ngayo’y pribilehiyo naming magsalita sa inyo na kahanga-hangang mga young adult sa buong mundo. Nagpapasalamat kami para sa inyo.

Pinasasalamatan ko ang mahalagang mensahe ni Wendy at ang kanyang nagbibigay-inspirasyong halimbawa! Nagpapasalamat din ako sa pagdalo ni Elder Kim B. Clark ng Pitumpu at Church Commissioner of Education; ng kanyang asawang si Sue; at ni Chad H. Webb, administrator of Seminaries and Institutes of Religion, at ng kanyang asawang si Kristi.

Ipinapaabot ko ang pagbati at pagmamahal ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol. Nagpapasalamat kami sa inyong katapatan sa Panginoon at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo. Nagpapasalamat kami tuwing kayo ay naninindigan at nagtatanggol sa katotohanan—lalo na kapag hindi ito popular.

Tinutukoy kayo ng maraming tao na mga Isinilang sa Milenyong Ito. Inaamin ko na kapag tinutukoy kayo nang gayon ng mga researcher at inilalarawan nila ang inihahayag ng kanilang pag-aaral tungkol sa inyo—ang inyong mga gusto at hindi gusto, inyong damdamin at inklinasyon, inyong mga kalakasan at kahinaan—hindi ako komportable. May kakaiba sa paraan ng paggamit nila ng mga katagang Isinilang sa Milenyong Ito na nakakabahala sa akin. At ang totoo, hindi ako gaanong interesado sa sinasabi ng mga eksperto tungkol sa inyo kumpara sa sinabi sa akin ng Panginoon tungkol sa inyo.

Kapag ipinagdarasal ko kayo at itinatanong ko sa Panginoon kung ano ang nadarama Niya tungkol sa inyo, ibang-iba ang pakiramdam ko kaysa sinasabi ng mga researcher. Nakatanggap ako ng espirituwal na mga pahiwatig tungkol sa inyo kaya naniniwala ako na ang mga katagang Isinilang sa Milenyong Ito ay maaaring talagang angkop na angkop sa inyo. Ngunit sa mas kakaibang dahilan kaysa maaaring maunawaan ng mga eksperto.

Ang katagang Isinilang sa Milenyong Ito ay angkop na angkop sa inyo kung sa katagang iyan ay naaalala ninyo kung sino kayo talaga at ano talaga ang inyong layunin sa buhay. Ang Tunay na Isinilang sa Milenyong Ito ay isang taong tinuruan at talagang nagturo ng ebanghelyo ni Jesucristo bago pa man isinilang at nakipagtipan doon sa ating Ama sa Langit tungkol sa mga bagay na ukol sa katapangan—maging sa mga bagay na ukol sa moral na katapangan—na gagawin ninyo habang narito kayo sa lupa.

Ang Tunay na Isinilang sa Milenyong Ito ay isang lalaki o babae na sapat na pinagkatiwalaan ng Diyos para isugo sa lupa sa pinakamahalagang dispensasyon sa kasaysayan ng mundong ito. Ang Tunay na Isinilang sa Milenyong Ito ay isang lalaki o babae na nabubuhay ngayon upang tumulong na ihanda ang mga tao sa mundong ito para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo at sa Kanyang paghahari sa milenyo. Huwag kayong magkamali tungkol dito—kayo ay Tunay na Isinilang sa Milenyong Ito.

Ang tanong ay “Paano kayo maninindigan at mamumuhay bilang Tunay na Isinilang sa Milenyong Ito?” May apat akong mungkahi.

Alamin Kung Sino Talaga Kayo

Ang una kong mungkahi ay: Alamin kung sino talaga kayo.

Mapanalanging pag-isipan ang mga katotohanang ito:

  • Kayo ay hinirang na anak na lalaki o anak na babae ng Diyos.

  • Kayo ay nilikha sa Kanyang wangis.

  • Tinuruan kayo sa daigdig ng mga espiritu upang ihanda kayo para sa anumang bagay at sa lahat ng masasagupa ninyo sa bandang huli ng mga huling araw na ito.1 Ang turong iyan ay taglay ninyo!

Nabubuhay kayo sa “ikalabing-isang oras.” Sinabi ng Panginoon na ito ang huling pagkakataon na tatawag Siya ng mga manggagawa sa Kanyang ubasan upang tipunin ang mga hinirang mula sa apat na sulok ng mundo.2 At kayo ay isinugo upang makibahagi sa pagtitipong ito. Paulit-ulit kong nasaksihan mismo ang malaking impluwensya ng mga Tunay na Isinilang sa Milenyong Ito sa pagdadala nila sa iba sa kaalaman ng katotohanan. Bahagi ito ng inyong identidad at layunin bilang binhi ni Abraham!3

Ilang buwan na ang nakalipas nagkaroon kami ni Wendy ng napakagandang karanasan sa malayong Siberia. Kasama namin sa paglalakbay sa aming “P-day” sa Irkutsk ang mission president na si Gregory S. Brinton; ang kanyang asawang si Sally; at ang anak nilang returned missionary na si Sam na nagmisyon sa Russia. Binisita namin ang magandang Lake Baikal at ang palengke sa baybayin nito.

Pagbalik namin sa van, napansin namin na nawawala si Sam. Ilang sandali pa’y nagbalik siya, kasama ang isang may edad nang babaeng si Valentina. Sa kanyang katutubong wikang Russian, masayang ibinulalas ni Valentina, “Gusto kong makilala ang ina ng binatang ito. Napakagalang niya, napakatalino, at napakabait! Gusto kong makilala ang kanyang ina!” Nabighani si Valentina sa maaliwalas at masayang mukha ni Sam.

Ipinakilala ni Sam si Valentina sa kanyang ama at ina, binigyan ito ng polyeto tungkol sa Tagapagligtas, at nakipag-ayos sa mga missionary na bisitahin ito. Nang bumalik kalaunan ang mga missionary na may dalang kopya ng Aklat ni Mormon, nangako siyang babasahin ito. Natuwa rin ang ilang kababaihang nagtatrabaho rin sa lugar na iyon tungkol sa bagong aklat na natanggap ni Valentina. Hindi pa namin alam ang wakas ng kuwentong ito, pero dahil sa kakaibang liwanag na nabanaag kay Sam, nalaman ni Valentina at ng ilan sa mga kaibigan niya ang ebanghelyo.

Alam ng mga Tunay na Isinilang sa Milenyong Ito, tulad ni Sam, kung sino sila talaga. Sila ay tapat na mga disipulo ni Jesucristo na likas na susunggab sa lahat ng pagkakataong tulungan ang kanilang sarili at ang iba na maghanda para sa paghahari ng ating Tagapagligtas sa milenyo.

Samakatwid, ang una kong mungkahi ay alamin sa inyong sarili kung sino kayo. Itanong sa inyong Ama sa Langit, sa pangalan ni Jesucristo, kung ano ang nadarama Niya tungkol sa inyo at sa misyon ninyo rito sa lupa. Kung magtatanong kayo nang may tunay na layunin, darating ang panahon na ibubulong sa inyo ng Espiritu ang katotohanang nagpapabago ng buhay. Itala ang mga pahiwatig na iyon at repasuhin iyon nang madalas, at isagawa iyon nang may kahustuhan.

Nangangako ako sa inyo na kapag naunawaan ninyo kahit kaunti ang pagtingin sa inyo ng inyong Ama sa Langit at ang inaasahan Niyang gagawin ninyo para sa Kanya, hindi na magiging katulad ng dati ang buhay ninyo kailanman!

Umasa at Maghandang Gawin ang Imposible

Ang pangalawa kong mungkahi: Umasa at maghandang gawin ang imposible.

Noon pa man ay inutusan na ng Diyos ang Kanyang mga pinagtipanang anak na gumawa ng mahihirap na bagay. Dahil kayo ay mga anak ng Diyos na tumutupad sa tipan, na nabubuhay sa bandang huli ng mga huling araw na ito, hihilingan kayo ng Panginoon na gumawa ng mahihirap na bagay. Asahan ninyo iyan—ang mga pagsubok kay Abraham ay hindi tumigil kay Abraham.4

Alam ko kung gaano nakakakaba ang mahilingang gawin ang isang bagay na tila hindi ninyo kayang gawin. Ako ay 19 na buwan pa lamang na miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol nang pumanaw si Pangulong Spencer W. Kimball. Sa unang pulong ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol matapos maorden si Pangulong Ezra Taft Benson, binigyan niya ng partikular na mga tungkulin ang Labindalawa. Kasama sa mga bilin niya sa akin ang, “Elder Nelson, bubuksan mo ang mga bansa ng Eastern Europe para sa pangangaral ng ebanghelyo.”

Noong 1985 iyon. Noong taong iyon ng tensiyon sa pulitika na tinatawag na Cold War, hindi lang literal na nahati ang lungsod ng Berlin, kundi ang buong Eastern Europe ay nasa ilalim ng malupit na komunismo. Isinara ang mga simbahan, at hinigpitan ang pagsambang nauukol sa relihiyon.

Iniukol ko ang halos buong propesyonal na buhay ko sa pagsasagawa ng open-heart surgery para magligtas ng buhay, ngunit wala akong karanasang magtutulak sa akin para maniwala na kaya kong magbukas ng mga bansa para sa pangangaral ng ebanghelyo. Gayon pa man, isang propeta ang nagbigay sa akin ng tungkulin, kaya nagpasiya akong gawin ang tila imposibleng gawin.

Sa simula pa lang, nagkaroon na ng mga balakid sa aking landas. Dumating ako sa karamihan ng mga bansa na hindi alam kung saan pupunta. Kahit nang mahanap ko ang pangalan ng kaukulang opisyal ng gobyerno, karaniwa’y nakakansela ang miting sa huling sandali o ipinagpapaliban ito. Sa isang bansa, kapag naantala nang dalawang araw ang isang appointment, sadyang may mga tuksong dumarating para subukan ako—pati na mga bitag na sumali ako sa palitan ng pera sa black market at sa iba pang ilegal na aktibidad. Sa isa pang okasyon, binuksan ang isang pulong na may hiling na umalis ako kaagad!

Ngunit kayang gawin ng Panginoon ang sarili Niyang gawain,5 at naging pribilehiyo kong makakita ng mga himala—palagi, at matapos ko lamang pag-isipang mabuti, gawin ang lahat ng makakaya ko, at taimtim na ipagdasal ang gawain.

Ang Simbahan ay kinilala ng ilan sa mga bansang iyon bago bumagsak ang Berlin wall. Ang iba ay kalaunan pa. Noong taong 1992, naireport ko kay Pangulong Benson na ang Simbahan ay naitatag na sa bawat bansa sa Eastern Europe!

Bilang isang Tunay na Isinilang sa Milenyong Ito na maaasahan ng Panginoon, gagawa rin kayo ng kasaysayan! Hihilingan kayong tumanggap ng mahihirap na gawain at magiging kasangkapan kayo sa mga kamay ng Panginoon. At bibigyan Niya kayo ng kakayahang gawin ang imposible.

Paano ninyo isasagawa ang imposible? Sa paggawa ng lahat ng kailangan para mapalakas ang inyong pananampalataya kay Jesucristo sa pamamagitan ng pagpapaibayo ng inyong pag-unawa sa doktrinang itinuturo sa Kanyang ipinanumbalik na Simbahan at sa walang-sawang paghahangad sa katotohanan. Bilang isang Tunay na Isinilang sa Milenyong Ito, na nakaangkla sa dalisay na doktrina, kapag hinilingan kayong gawin ang imposible, magagawa ninyo ito nang may pananampalataya at masaya ninyong gagawin ang lahat ng makakaya ninyo para isakatuparan ang mga layunin ng Panginoon.6

Magkakaroon kayo ng mga araw na labis kayong panghihinaan ng loob. Kaya, manalangin para magkalakas-loob na huwag sumuko! Kakailanganin ninyo ang lakas na iyan dahil lalong magiging hindi popular ang pagiging Banal sa mga Huling Araw. Ang malungkot, ang ilan sa inaakala ninyong mga kaibigan ay ipagkakanulo kayo. At ang ilang bagay ay para talagang di-makatwiran.

Gayunman, nangangako ako sa inyo na kapag sinunod ninyo si Jesucristo, masusumpungan ninyo ang kapayapaan at tunay na kagalakan. Kapag tinupad ninyo ang inyong mga tipan sa mas tumpak na paraan, at ipinagtanggol ninyo ang Simbahan at kaharian ng Diyos sa lupa ngayon, bibiyayaan kayo ng Panginoon ng lakas at karunungang gawin ang imposible.

Alamin Kung Paano Mapapasainyo ang Kapangyarihan ng Langit

Ang pangatlo kong mungkahi: Alamin kung paano mapapasainyo ang kapangyarihan ng langit.

Bawat isa sa atin ay may mga tanong. Ang paghahangad na malaman, maunawaan, at makilala ang katotohanan ay mahalagang bahagi ng ating mortal na karanasan. Halos buong buhay ko ay nagugol sa pagsasaliksik. Kayo man ay matututo nang husto kapag nagtanong kayo ng mga inspiradong bagay.

Sa sandaling ito mismo ang ilan sa inyo ay nahihirapang malaman kung ano ang dapat ninyong gawin sa inyong buhay. Maaaring iniisip ng iba sa inyo kung napatawad na kayo sa inyong mga kasalanan. Karamihan sa inyo ay nag-iisip kung sino at saan naroon ang inyong makakasama sa kawalang-hanggan—at yaong mga hindi ay nararapat mag-isip.

Maaaring itanong ng ilan kung bakit ginagawa ng Simbahan ang ilan sa mga bagay na ginagawa nito. Marahil marami sa inyo ang hindi nakatitiyak kung paano makatanggap ng sagot sa inyong mga dalangin.

Ang ating Ama sa Langit at Kanyang Anak ay handang sumagot sa inyong mga tanong sa tulong ng Espiritu Santo. Subalit kayo na ang bahalang umalam kung paano magiging marapat para matanggap ang mga sagot na iyon.

Saan kayo magsisimula? Magsimula sa pag-uukol ng mas maraming oras sa mga banal na lugar. Ang templo ay isang banal na lugar. Gayundin ang chapel, kung saan kayo gumagawa ng mga bagong tipan sa pagtanggap ng sakramento tuwing Linggo. Inaanyayahan ko kayong gawin ding banal na lugar ang inyong apartment, dormitoryo, tahanan, o silid kung saan kayo maaaring magpahinga nang ligtas mula sa madidilim na paggambala ng mundo.

Ang pagdarasal ay isang susi. Ipagdasal na malaman kung ano ang ititigil ninyong gawin at ano ang sisimulang gawin. Ipagdasal na malaman kung ano ang idaragdag sa inyong kapaligiran at ano ang tatanggalin upang saganang mapasainyo ang Espiritu.

Humiling sa Panginoon ng kaloob na makahiwatig. Pagkatapos ay sikaping mamuhay nang marapat para matanggap ang kaloob na iyon upang kapag nagkaroon ng nakalilitong mga kaganapan sa mundo, malalaman ninyo kung ano mismo ang totoo at ano ang hindi. 7

Maglingkod nang may pagmamahal. Ang mapagmahal na paglilingkod sa mga naligaw ng landas o nasaktan ang espiritu ay binubuksan ang inyong puso sa personal na paghahayag.

Gumugol ng marami pang oras—mas marami pang oras—sa mga lugar kung saan naroon ang Espiritu. Ibig sabihin ay mas maraming oras sa piling ng mga kaibigang naghahangad na mapasakanila ang Espiritu. Gumugol ng mas maraming oras sa pagluhod sa panalangin, sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan, sa paggawa ng family history, sa loob ng templo. Ipinapangako ko sa inyo na kapag lagi kayong nag-uukol ng maraming oras sa Panginoon, pahahabain Niya ang nalalabing oras.

Sinasang-ayunan natin ang 15 lalaking inorden bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag. Kapag may mabigat na problema—at tila lalo lang itong bumibigat bawat araw—sinisikap ng 15 lalaking ito na lutasin ang problema, na makita ang lahat ng magagawa, at masigasig nilang hinahangad na marinig ang tinig ng Panginoon. Matapos kaming mag-ayuno, magdasal, mag-aral, magnilay, at mag-usap ng aking mga Kapatid tungkol sa mabibigat na bagay, karaniwa’y nagigising ako sa gabi na may dagdag na impresyon tungkol sa mga isyung pinoproblema namin. At ganito rin ang nararanasan ng aking mga Kapatid.

Ang Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol ay nag-uusap-usap at ibinabahagi ang lahat ng ipinauunawa at ipinadarama ng Panginoon sa bawat isa at sa ating lahat. At pagkatapos ay minamasdan naming kumilos ang Panginoon sa Pangulo ng Simbahan upang ipahayag ang kalooban ng Panginoon.

Ang prosesong ito ng pagpopropesiya ay sinunod noong 2012 nang baguhin ang minimum na edad para sa mga missionary at muli sa mga bagong karagdagan sa handbook ng Simbahan, kasunod ng legalisasyon ng kasal ng magkaparehong kasarian sa ilang bansa. Puspos ng habag para sa lahat, at lalo na sa mga bata, sinikap naming mabuti na unawain ang kalooban ng Panginoon sa bagay na ito. Laging iniisip ang plano ng kaligtasan ng Diyos at ang Kanyang pag-asa sa buhay na walang hanggan para sa bawat anak Niya, pinag-isipan namin ang napakaraming pagsasaayos at paghahalo ng mga posibleng mangyari. Paulit-ulit kaming nagpulong sa templo sa ayuno at panalangin at naghangad ng dagdag na patnubay at inspirasyon. Pagkatapos, nang bigyang-inspirasyon ng Panginoon ang Kanyang propetang si Pangulong Thomas S. Monson na ipahayag ang isipan at kalooban ng Panginoon, bawat isa sa amin sa sagradong sandaling iyon ay nakadama ng espirituwal na pagpapatibay. Pribilehiyo namin bilang mga Apostol na sang-ayunan ang naihayag kay Pangulong Monson. Ang paghahayag ng Panginoon sa Kanyang mga lingkod ay isang sagradong proseso, gayundin ang pribilehiyo ninyong tumanggap ng personal na paghahayag.

Mahal kong mga kapatid, malalaman ninyo ang isipan at kalooban ng Panginoon para sa sarili ninyong buhay tulad naming mga Apostol para sa Kanyang Simbahan. Tulad ng ipinagagawa sa amin ng Panginoon na hangarin at pag-isipang mabuti, ipag-ayuno at ipagdasal, at pag-aralan at hanapan ng kalutasan ang mahihirap na tanong, iyon din ang ipinagagawa Niya sa inyo sa paghahanap ng mga sagot sa inyong mga tanong.

Maaari ninyong pag-aralang makinig sa tinig ng Panginoon sa pamamagitan ng mga bulong ng Espiritu Santo.8 Nakakatulong man ang Google, Twitter, at Facebook, hindi talaga nito sinasagot ang pinakamahahalaga ninyong tanong!

Mahal kong mga kaibigang kabataan, malalaman ninyo ang isipan at kalooban ng Panginoon para sa sarili ninyong buhay. Hindi ninyo kailangang isipin kung kayo ay nasa lugar kung saan kayo kailangan ng Panginoon o kung ginagawa ninyo ang ipinagagawa Niya sa inyo. Malalaman ninyo! Sasabihin sa inyo ng Espiritu Santo ang “lahat ng bagay na dapat ninyong gawin.”9

Sundin ang mga Propeta

Ang pang-apat kong mungkahi: Sundin ang mga propeta.

Noong 1979, habang naglilingkod bilang Sunday School general president, inanyayahan akong dumalo sa Regional Representatives seminar kung saan nagbigay ng inspiradong mensahe si Pangulong Spencer W. Kimball tungkol sa pagbubukas ng pintuan ng mga bansang sarado noon sa Simbahan, tulad ng China. Hinamon niya ang lahat ng naroon na pag-aralan ang wikang Mandarin para maialok namin ang aming mga propesyonal na kasanayan para tulungan ang mga taga-China.

Para sa akin, ang hamon ni Pangulong Kimball ay parang utos ng isang propeta. Kaya nang gabing iyon mismo tinanong ko ang asawa kong si Dantzel kung handa siyang mag-aral ng Mandarin na kasabay ko. Pumayag siya, at nakakita kami ng tutor na tutulong sa amin. Siyempre hindi kami masyadong natutong magsalita ng Mandarin, pero sapat na ang natutuhan namin kaya, nang anyayahan ako nang sumunod na taon mismo (sa sunud-sunod na di-inaasahang pangyayari) na magpunta sa China bilang visiting professor para magturo ng open-heart surgery, nagawa kong tanggapin ang paanyaya.

Lumaktaw tayo hanggang 1985, ang taon matapos akong tawagin sa Korum ng Labindalawa. Isang araw natanggap ko ang kahilingang magpunta sa China para magsagawa ng open-heart surgery sa kanilang bantog na opera star, na itinuturing na pambansang bayani sa buong China. Ipinaliwanag ko na dahil sa full-time na responsibilidad ko sa Simbahan hindi ako makakapunta, pero nakiusap ang mga doktor sa China na pumunta ako kaagad para isagawa ang maselang operasyon.

Binanggit ko ito sa quorum president ko at sa Unang Panguluhan. Nadama nila na, bilang pabor sa mga taga-China, dapat akong pumunta para isagawa ang operasyon.

Ginawa ko iyon. Salamat naman, tagumpay ang operasyon! Nagkataon na iyon na ang huling open-heart operation na isinagawa ko. Iyon ay sa Jinan, China, noong Marso 4, 1985.

Ngayon, muli tayong lumaktaw, sa pagkakataong ito’y sa Oktubre 2015, tatlong buwan pa lang ang nakalipas. Kami ni Wendy ay pinabalik sa Shandong University School of Medicine sa Jinan. Nagulat kami sa mainit na pagtanggap sa akin bilang “dating kaibigan” ng China at nakasama kong muli ang mga surgeon na naturuan ko 35 taon na ang nakalipas. Tampok sa aming pagbisita ang pakikipag-usap sa anak at apo ng bantog na opera star na iyon. Lahat ng kagila-gilalas na karanasang ito ay nangyari sa isang dahilan: Sinunod ko ang payo ng isang propeta na mag-aral ng Mandarin!

Nakikita ng mga propeta ang mangyayari. Nakikita nila ang mga panganib na inilagay o ilalagay ng kaaway sa ating landas. Nakikita rin ng mga propeta ang malalaking posibilidad at pribilehiyong naghihintay sa mga nakikinig na may hangaring sumunod. Alam kong ito ay totoo! Paulit-ulit ko itong naranasan mismo.

Nangako sa atin ang Panginoon na kailanma’y hindi Niya tutulutan ang propeta na iligaw tayo. Sinabi ni Pangulong Harold B. Lee: “Maaaring hindi ninyo magustuhan ang nagmumula sa awtoridad ng Simbahan. Maaaring salungat ito sa pananaw ninyo sa pulitika. Maaaring salungat ito sa pananaw ninyo sa lipunan. Maaaring humadlang ito sa inyong pakikisalamuha. Ngunit kung pakikinggan ninyo ang mga bagay na ito, na tila nagmula mismo sa bibig ng Panginoon, nang may pagtitiis at pananampalataya, ang pangako ay na ‘ang pintuan ng impiyerno ay hindi mananaig laban sa inyo; oo, at itataboy ng Panginoong Diyos ang mga kapangyarihan ng kadiliman mula sa harapan ninyo, at payayanigin ang kalangitan para sa inyong ikabubuti, at sa ikaluluwalhati ng kanyang pangalan’ (D at T 21:6).”10

Maaaring hindi ninyo laging maunawaan ang bawat pahayag ng isang buhay na propeta. Ngunit kapag nalaman ninyo na ang propeta ay isang propeta, malalapitan ninyo ang Panginoon nang may pagpapakumbaba at pananampalataya at makakahiling kayo ng sarili ninyong patotoo tungkol sa anumang naipahayag ng Kanyang propeta.

Bandang 41 b.c., maraming Nephitang sumapi sa Simbahan, at umunlad ang Simbahan. Ngunit lumaganap din ang lihim na sabwatan, at marami sa kanilang mga tusong pinuno ang nagtago sa mga tao at mahirap matukoy. Nang mas lalong naging palalo ang mga tao, marami sa mga Nephita ang gumawa ng pangungutya ng yaong kung alin ay banal, itinatatwa ang diwa ng propesiya at paghahayag.”11

Ang mga pagbabanta ring iyon ay nasa kalipunan natin ngayon. Ang malungkot na katotohanan ay may mga “lingkod ni Satanas”12 sa buong lipunan. Kaya maging maingat kung kaninong payo ang susundin ninyo.13

Mahal kong mga kapatid, kayo ay mga Tunay na Isinilang sa Milenyong Ito! Kayo ay isang lahing hirang,14 na itinakda ng Diyos noon pa man na gumawa ng kagila-gilalas na gawain—na tumulong na ihanda ang mga tao sa mundong ito para sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon.

Ngayon, bilang Apostol ng Panginoong Jesucristo, binabasbasan ko ang bawat isa sa inyo, na para bang nakapatong ang mga kamay ko sa inyong ulunan, ng kakayahang maging Tunay na Isinilang sa Milenyong ito. Binabasbasan ko kayo na magkaroon ng hangarin at kakayahang malaman ang inyong tunay na pagkatao at layunin, na aasahan ninyo at maghahanda kayong gawin ang mga “imposibleng” bagay, na hindi kayo uurong sa pagsisikap na matutong matamo ang mga kapangyarihan ng langit para matulungan kayong lutasin ang inyong mga problema at sagutin ang inyong mga tanong. At binabasbasan ko kayo na sundin ang mga propeta nang may kahustuhan, na makadama kayo ng kapayapaan sa inyong puso sa paggawa nito. Binabasbasan ko kayo na malaman at madama kung gaano kayo kamahal ng Panginoon at kung gaano kalaki ang tiwala Niya sa inyo.

Mahal ko at sinasang-ayunan si Pangulong Thomas S. Monson sa sagradong gawaing ito ng Diyos na Maykapal. Si Jesucristo ang ating Tagapagligtas. Ito ang Kanyang Simbahan. Tayo ay Kanyang mga tao! Pinatototohanan ko ito sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.