Isang Regalo mula kay Itay: Tinanggap o Tinanggihan
Kaygandang musika at kaygandang mensahe mula kay Sister Eubank. Kayganda ng bukang-liwayway na iyon nang isilang ang sanggol na galing sa langit! Disyembre na. Malamig ang hangin at may kaunti na tayong snow. Para sa karamihan, pahiwatig ito na napakalapit na ng Pasko. Ngunit para sa akin, hindi ganito ang pakiramdam ng Pasko.
Buong buhay ko sa mundong ito, mahaba at mainit ang mga araw at mabango ang mga gabi na nagpapahiwatig na malapit na ang Pasko. Iyan ay dahil Disyembre ang tag-init sa Australia. At sa West Africa, kung saan kami nanirahang mag-asawa sa nakalipas na limang taon, palaging mainit.
Kaya ang Disyembre ay karaniwang ginugugol sa beach, surf, at mga barbecue. Tuwing Pasko, amoy sa bahay namin ang bango ng mangga at dinig ang tawanan. Ngunit iisa ang diwa ng Pasko kahit saan. Sa Sydney man, sa Salt Lake, o sa Sierra Leone; sa Nuku’alofa, sa Newfoundland, o sa Nigeria, nahihikayat ng pagsilang ng ating Tagapagligtas ang mga tao na gumawa ng mabubuting bagay.
Sa halos lahat ng lugar, ang mga tao ay nagpapalitan ng mga regalo, bumibisita sa iba, at gumagawa ng kabutihan para ipagdiwang ang diwa ng Pasko. May tradisyon ang mga kaibigan namin sa Samoa na pagkaraan ng Pasko, naglalagay sila ng pagkain at mga kendi sa mga kahon at ibinibigay nila ang mga ito sa mga pamilyang nangangailangan, hindi lang sa ward nila, kundi sa iba pa sa kanilang komunidad. Mayroon din silang dalawang-ektaryang gulayan, at ibinibigay ang karamihan ng ani nito sa mga taong nangangailangan.
Sabi sa akin ng isang mahal naming kaibigang taga-Senegal sa West Africa, sa nayon daw na tinitirhan niya sa Ivory Coast, tuwing Bisperas ng Pasko, sa halip na magdala ng mga regalo, idinudulog ng mga taganayon ang di-malutas na mga sigalot sa mga lider nila. Pagkatapos ay ginugugol ng mga lider na iyon ang natitirang oras sa pagtulong sa mga pamilya na lutasin ang mga sigalot. Kailangan ng mga taganayon ang kapayapaan at pagkakasundong iyon sa bawat tahanan sa nayong iyon tuwing Pasko, dahil ipinagdiriwang nila ang pagsilang ni Cristo—Siya na isinilang para maghatid mismo ng kapayapaan sa mundo.
Noong mga unang buwan ng taong ito, nakilala namin ang isang dalagang missionary, si Sister Jeanne Ingabire na taga-Rwanda, na naglilingkod sa Liberia. Ikinuwento niya sa akin ang masakit na epekto sa kanya ng patayan ng lipi sa Rwanda noong 1994. Ang tatay niya ay mula sa lipi ng Hutu, na muhing-muhi sa lipi ng Tutsi. Pero ang nanay niya ay mula sa liping iyon ng Tutsi. Para mailigtas ang buhay ng kanyang asawa at apat na anak na babae, itinago ng matapang na amang ito ang kanyang pamilya sa malayo at mag-isang bumalik sa kanyang nayon. Hindi na siya muling nakita ng kanyang asawa’t mga anak at nagsikap sila para lang mabuhay. Sa wakas ay bumalik sila makalipas ang siyam na taon para dumalo sa isang pulong ng pakikipagkasundo na inorganisa ng pamahalaan, kung saan nalaman nila na mismong asawa’t ama nila ay napatay nang bumalik ito sa kanyang nayon. Pero, ang matindi, pinatawad ng ina ni Sister Ingabire at ng mga anak nito ang mga pumatay sa asawa’t ama nila.
Noong galit na galit na si Joseph Smith, dahil sa maraming buwan ng pagkakulong sa Liberty Jail nang walang kasalanan sa buong Pasko ng 1838, inihayag ng Panginoon ang bahagi 121 ng Doktrina at mga Tipan. Sa pahayag na ito tinulungan ng Panginoon si Joseph na madaig ang kanyang pagkainis na kitang-kita sa simula ng bahaging ito at itinuro sa Propeta na ang kabaitan, mahabang pagtitiis, kahinahunan, kaamuan, at tunay na pagmamahal ay mga katangiang taglay ni Cristo na mahalaga sa pagkadisipulo.
Ang Pasko ay may mahahalagang alaala sa akin tungkol sa pamilya. Gayunman, hindi lahat ng alaalang iyon ay maganda. Noong batang-bata pa ako, naaalala ko na niregaluhan ako ni Itay ng napakagandang berdeng matchbox racing car. Mahirap lang ang pamilya namin noon, at gustung-gusto ko ang regalong iyon. Kaya lang, isang araw nang magalit ako na parang bata tungkol sa isang napakaliit na bagay, inihagis ko ang laruang kotse sa makapal na palumpong ng wisteria na nakapulupot sa bakod namin. Agad akong nagsisi, hindi lang dahil sa inihagis ko ang laruan kundi dahil nadama ko na simbolo iyon ng pagtanggi ko sa ipinakitang pagmamahal ni Itay. Hinanap ko iyon nang hinanap, pero hindi ko nakita. Pagsapit ng taglamig at wala nang dahon ang palumpong, muli akong naghanap, pero hindi ko iyon nakita. Nalulungkot pa rin ako na nasaktan ko si Itay. Masakit pa rin.
Alam ninyo, kahalintulad iyan ng pagtanggi natin kung minsan sa pagmamahal at mga regalo sa atin ng ating Ama sa Langit, na ang pinakadakila ay ang pagsusugo Niya sa Kanyang Anak para magdusa at magbayad-sala para sa atin. Kaylaking trahedya kung tatanggihan natin ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo o ang mga tipan at ordenansa ng Kanyang ebanghelyo!
Ah, lagi sana tayong maging higit na katulad ng mga nagsisikap na magpakita ng pagmamahal sa iba. Kamakailan, maraming tumulong sa mga residente ng Florida at Carolinas na nakaranas ng mapaminsalang mga bagyo at tumulong sa mga nahirapan sa malaking sunog sa California o tumulong sa iba na gayon din ang dinaranas sa buong mundo.
Noong Disyembre 25, 1974, nawasak ang kabisera ng Northern Territory sa Australia. Maaga pa noong Araw ng Paskong iyon, hinagupit ng Bagyong Tracy ang lungsod ng Darwin. Maraming namatay, at karamihan sa populasyon ng Darwin ay nawalan ng tirahan. Ang mga larawan ng nakaraang bagyo sa Florida ay katulad ng nangyari sa Darwin. Ngunit pinawi ng diwa ng Pasko ang kalungkutan. Dumagsa ang mga donasyon mula sa mga tao sa buong Australia, at iniwan ng maraming tao ang kanilang ginagawa at nagpunta sa Darwin para tumulong na muli itong itayo.
Maraming taon na ang nakalipas, noong dalawang taon pa lang ang panganay naming anak na babae, nabalian siya ng binti bago sumapit ang Pasko at gumugol ng maraming linggo sa ospital na nakabitin nang may pabigat ang kanyang binti. Napakahirap ng Paskong iyon. Binisita siya ng isang maralitang pamilya sa aming ward sa Araw ng Pasko. Bitbit ng bawat isa sa mga musmos na anak nila ang sarili nilang paboritong regalo, na natanggap nila noong umagang iyon mismo, para iregalo nila sa aming anak. Napaluha kami ng asawa kong si Kay dahil sa payak at tunay na kabaitan ng mga batang ito at ng kanilang mga magulang.
Ito ang tunay na diwa ng Pasko—mga taong tumutulong sa iba. Tutal, ang isang mahalagang bahagi ng pamana ng Tagapagligtas ay ang paglilingkod Niya sa “isa.” Siguradong isa itong alituntuning tinanggap at sinunod ng mga miyembro ng Kanyang Simbahan sa Africa, at ito ang ipinagagawa Niya sa atin dito.
Sabi ni Pangulong M. Russell Ballard, ang Pagbabayad-sala ang pinakadakilang ginawa ng Tagapagligtas para sa bawat “isa” sa atin. Sabi ni Pangulong Ballard:
“Kung tunay na nauunawaan natin ang Pagbabayad-sala at ang walang hanggang kahalagahan ng bawat kaluluwa, hahanapin natin ang … bawat … naliligaw na anak ng Diyos. Tutulong tayo para malaman nila ang pagmamahal ni Cristo para sa kanila. Gagawin natin ang lahat para makatulong at maihanda sila sa pagtanggap ng nakapagliligtas na mga ordenansa ng ebanghelyo.
“Tiyak na kung ang Pagbabayad-sala ni Cristo ang una sa isipan ng mga lider ng ward at branch ay walang mapapabayaang bago o muling napaaktibong miyembro. …
“… Ang Pagbabayad-sala ay walang katapusan at walang hanggan, gayunman ito’y angkop sa bawat indibiduwal, nang isa-isa. …
“Mga kapatid, huwag na huwag maliitin ang kahalagahan ng isang tao.”1
Hindi ba maganda kung susundin nating lahat ang payong ito at ang payo ng ating pinakamamahal na propeta na si Pangulong Russell M. Nelson—na sundin ang dalawang dakilang utos sa mas mataas at mas banal na paraan. At kung nagdududa kayo sa kakayahan ninyong magkaroon ng epekto sa paggawa nito, isipin ninyo ang kasabihang ito sa Africa: “Kung inaakala ninyo na napakaliit ninyo para makagawa ng kaibhan, hindi pa kayo nakaranas na lamukin sa gabi.”
Hindi natin kailangang magpunta sa Banal na Lupain para makagawa ng kaibhan o mas mapalapit sa ating Tagapagligtas. Ang Pasko ay isang panahon na makapagtutuon tayo sa ating personal na regalo sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng patuloy na pagmamahal at pagtulong sa iba. Sa gayo’y hindi na gaanong malayo ang Betlehem para sa sinuman sa atin. Nasa atin na kung gagawin nating bahagi ng ating buhay si Cristo—kung tatanggapin natin ang mga regalong iniaalok Niya sa atin at ireregalo natin sa Kanya ang ating paglilingkod. Mahal ko Siya at pinatototohanan ko ang Kanyang walang-maliw na pagmamahal para sa bawat isa sa atin sa pangalan ni Jesucristo, amen.