Mga Pamaskong Debosyonal
Bawat Puso ay Maghanda na si Cristo ay Tanggapin


2:3

Bawat Puso ay Maghanda na si Cristo ay Tanggapin

Mahigit isang linggo na ang nakalilipas, ang mga Christmas light sa Temple Square ay binuksan, ipinagpapatuloy ang 53 taong tradisyon at, para sa marami ay hudyat ng pasimula ng Kapaskuhan. Sa Pasko ay ipinagdiriwang natin ang pagsilang, buhay, at liwanag ni Jesucristo, ang literal na Anak ng Diyos at Tagapagligtas ng mundo. Nakahahanap tayo ng pag-asa sa pahayag sa Kanyang kapanganakan: “Luwalhati sa Dios sa kataas-taasan, at sa lupa’y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya.”1 Ang musika, napakasasayang mga bata, mga regalong ibibigay at tatanggapin, mga Christmas tree, dekorasyon, at ilaw ay bahaging lahat ng masayang pagdiriwang.

Kapag naiisip ninyo ang Pasko, ano ang mga itinatanging alaala na nagugunita ninyo? Para sa akin, ang panahong ito ng taon ay naghahatid ng alaala ng mga pagdiriwang ng Pasko noong bata pa ako.

Naaalala ko pa ang karamihan sa mga regalong natanggap ko. Naaalala ko ang isang football at isang basketball, mga laruan at damit. Ang karamihan sa mga regalong iyon ay wala na at nalimot na; ang mga damit ay nasira na at maliliit na. Ngunit ang pinaka-naaalala ko sa mga nagdaang Pasko—ang pinaka-tumatak at pinaka-paboritong mga alaala ko—ay hindi tungkol sa aking natanggap kundi tungkol sa aking ibinigay.

Hayaan ninyong ipaliwanag ko ito. Bawat taon, sa huling Sabado bago mag-Pasko, ang mga kabataan sa aming ward ay nagtitipon sa simbahan namin. Pinupuno namin ang mga basket ng mga orange, saging, at lutong-bahay na cookies at cake para ihatid sa mga balo na malapit lang ang tirahan. Pumupunta kami sa mga bahay nila, kumakanta ng mga awiting Pamasko, at ibinibigay ang mga Pamaskong basket. Naaalala ko pa ang kanilang mga ngiti ng pasasalamat. Ang ilan sa kanila ay mga una o ikalawang henerasyon ng mga nandayuhan na nagpapahayag ng kanilang pasasalamat sa English na may malalakas na punto: Sister Swartz, Zbinden, Groll, at Kackler. Hindi-hinding ko malilimutan ang magandang pakiramdam na itinatak nito sa aking puso.

Nang maging mga magulang na kami ni Lesa, sinimulan namin ang isang tradisyon ng pagbibigay ng mga Pamaskong regalo sa isang pamilya na nangangailangan, tulad ng ginagawa ng marami sa inyo. Madalas na nakukuha namin ang pangalan ng pamilya kasama ang edad ng mga anak, mula sa isang organisasyong pangkawang-gawa sa komunidad. Marami kaming ginugugol na oras at lakas para makahanap ng mga tamang regalo para sa kanila. Tila ikinasisiya ito ng aming mga anak na lalaki tulad ng pagtanggap nila ng mga regalo sa araw ng Pasko! Ang pampamilyang tradisyong ito ng paglilingkod ay tumulong na itatak ang tunay na diwa ng Pasko sa aming mga puso.

Sa aking propesyonal na buhay, kabahagi ako ng paglikha, pagyari, at pagbebenta ng mga kagamitang pang-ehersisyo sa buong mundo. Ang mga kagamitang tulad ng mga treadmill, stationary bike, at elliptical machine ay idinisenyo para sa pangunahing layunin na palakasin ang puso. Sa katunayan, nagsikap kami nang husto sa aming kumpanya para matiyak na masusukat nang eksakto ng mga gumagamit ng kagamitan ang kondisyon at antas ng aktibidad ng kanilang puso sa pamamagitan ng mga monitor ng tibok ng puso. Ngayon, marami sa atin ang maysuot ng teknolohiya sa ating mga braso na nagmomonitor ng ating puso at naghihikayat ng mga aktibidad na magpapalakas ng ating puso.

Paano kaya kung mayroong paraan para masukat ang kondisyon ng inyong puso sa espirituwal na pananaw—isang espirituwal na monitor ng puso, kung mamarapatin ninyo? Ano kaya ang sasabihin ng inyong monitor ng puso? Gaano kaya kalusog ang inyong espirituwal na puso? Ang Kapaskuhan ay tila isang perpektong panahon para maingat na suriin ng bawat isa sa atin ang kalagayan ng ating sariling puso.

Halimbawa, maaari ninyong itanong sa inyong sarili, “Handa ba ang aking puso na tanggapin ang Tagapagligtas?” Tuwing Kapaskuhan ay madalas nating inaawit ang “Bawat puso ay maghanda na si Cristo ay tanggapin.”2 Paano ninyo maihahanda ang inyong puso na tanggapin si Cristo, lalo na sa abala pero isang napakagandang panahon ng Kapaskuhan?

Ang mga banal na kasulatan ay puno ng mga paglalarawan na makatutulong sa atin na suriin ang kondisyon ng ating puso. Ang ilang mga talata ay nagbabanggit ng mga salitang tulad ng “dalisay,”3 “maamo,”4 “mapagpakumbaba,”5 “bagbag,”6 at “may pagsisisi.”7 Ang mga salitang ito, at ang marami pang iba sa buong banal na kasulatan, ay nagbibigay sa atin ng kabatiran tungkol sa puso ng Tagapagligtas. Para matanggap Siya sa ating mga puso, tiyak na kailangan nating gawing dalisay at mapagpakumbaba ang ating mga puso tulad ng sa Kanya.

Kung gagamit ng ibang mga salita para ipakahulugan ang sinabi ni Pablo, maaari tayong magsikap na magkaroon ng mga salita at katangian ni Jesucristo na tulad ng isang “sulat sa a[t]ing mga puso, nakikilala at nababasa ng lahat ng tao; … [ang] sulat ni Cristo, hindi isinulat ng tinta, kundi ng Espiritu, ng Dios na buhay, hindi sa mga tapyas na bato, kundi sa mga tapyas ng pusong laman.”8 Nangangailangan ito ng higit pa sa nakalulugod na mga pagbating Pamasko na mula sa ating mga labi. Nagbabala ang Panginoon sa mga “[nagtitipon palapit] … sa akin sa pamamagitan ng kanilang mga labi, subalit ang kanilang mga puso ay malayo sa akin.”9 Ngayong Pasko at sa buong taon, ang ating mabubuti at magagandang gawain ang pinakamainam na indikasyon na ang pagmamahal natin para sa Tagapagligtas ay nakasulat sa ating mga puso.

Sa pag-aaral ko sa kondisyon ng aking puso, nakakakita ako ng inspirasyon at ng masusundan na mga dakilang halimbawa sa mga puso at sakripisyo ng mga taong tumulong itatag ang Simbahan sa mga unang araw ng Pagpapanumbalik nito. Nais kong magbahagi ng isang kuwentong Pamasko tungkol sa isang naunang convert na Banal sa mga Huling Araw na mula sa Imminghan, England: si Mary Wood Littleton.

Hindi naisip kailanman ni Mary at ng kanyang asawang si Paul na lilisanin nila ang kanilang tahanan sa England. Ngunit narinig nila ang mensahe ng ipinanumbalik na ebanghelyo at nagtamo ng patotoo sa katotohanan nito. Sila ay nabinyagan, at pagkalipas lamang ng dalawang buwan, sina Mary at Paul, kasama ang kanilang mga anak, ay naglayag patungong Amerika para magtipon na kasama ng mga Banal. Dumating sila sa New York noong Disyembre 20, 1844. Pagkalipas ng limang araw, naglakbay sila sakay ng isang karwaheng patungong Nauvoo, Illinois. Isipin ninyo—habang naglalakbay sa malamig na panahon sa baku-bakong mga kalsada, ipinagdiwang nila ang kanilang unang Pasko sa Amerika.

Sa kabila ng mga pagbabagong ito, umasa si Mary na darating ang araw na magdiriwang ng Pasko ang kanyang pamilya tulad ng pagdiriwang nila sa England na may mga wreath, Father Christmas, at caroling. Sa kasamaang-palad, ang kanilang pangalawang Pasko sa Amerika noong 1845 ay hindi naging mas maganda—idinaos nila ito sa isang kariton na ginawang bahay ni Paul habang naghihirap ang pamilya na itaguyod ang kanilang sarili sa Nauvoo. Muli, buong-pusong umasa si Mary at nagsabing, “Sa susunod na taon, magiging iba na ang Pasko.”

Nang sumunod na taon noong 1846, sa ikatlong Pasko ng pamilya sa Amerika, si Mary at ang mga bata ay nasa Winter Quarters, naghahanda sa magiging isang mahabang paglalakbay pakanluran sa tagsibol. Pinalayas sila ng mga mandurumog mula sa Nauvoo, at si Paul ay naglalakad pakanluran kasama ng Mormon Batallion—na ilang daang milya ang layo. Muli, walang caroling at walang Father Christmas. Sa halip, mayroong pag-aayuno at taimtim na panalangin alang-alang sa walong taong gulang na anak na lalaki ni Mary, na naghihingalo dahil sa malalang malnutrisyon. Nakaligtas siya, ngunit 25 iba pa sa Winter Quarters ang namatay noong mismong araw ng Pasko.

Noon lamang ikaapat na Pasko niya sa Amerika, noong kararating lamang nila sa Salt Lake Valley, naipagdiwang sa wakas ni Mary at ng kanyang pamilya ang Pasko nang magkakasama nang may kaakibat na kapayapaan. Magkagayunman, hindi pa rin ito tulad ng pagdiriwang na naranasan niya sa England. Ngunit sa ilang paraan, ito ay mas mabuti. Sa isang pagdiriwang ng Pasko sa araw ng Sabbath, isang araw pagkatapos ng Pasko noong 1847, ang mga Banal ay nagtipon para manalangin, magpahayag ng mga salita ng pasasalamat, at umawit ng mga awit ng papuri sa Diyos para sa kanilang kaligtasan sa Sion. Ang isa sa mga awiting ito ay ang taimting pag-awit ng “Mga Banal, Halina,” isang himnong isinulat habang naglalakbay ang mga pioneer na naging isang awit ng pananampalataya para sa mga unang Banal na pioneer na ito. Pagkatapos nito, ang “Mga Banal, Halina” ay nanatiling isang paboritong himno, na naging isa pa ngang awiting Pamasko, sa mga Pamaskong pagdiriwang ng mga pioneer.10

Naniniwala akong ang mga pagsubok ni Mary sa mga lumipas na taon ay nakapagbago ng kanyang puso. Tila mas nakikita niya nang mas malinaw ang Pasko, nang may mga bagong tradisyong Pamasko at isang bagong awit sa kanyang puso. Tunay na nakabuo siya ng isang pusong nagsasakripisyo, na nakatuon sa kanyang pag-asa at pagmamahal kay Jesucristo.

Ang Kapaskuhan ay tila isang angkop na panahon para pagnilayan kung gaano kalulusog ang ating espirituwal na puso, kaya magtatapos ako sa isang simpleng mungkahi na maaaring tumulong sa atin na mamonitor at mapalakas ang ating mga espirituwal na puso: inaanyayahan ko ang bawat isa sa atin na gumawa ng isang bagay, sa paraang nakikita ng iba, ang ating saloobin tungkol sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo, bilang regalo na ibibigay natin sa Kanya ngayong taon.

Tulad ni Mary Littleton, nagtipon tayo ngayong gabi bilang matatapat na tagasunod ni Jesucristo para sambahin Siya. Pakinggan natin ngayong mabuti ang koro sa pagsama nila sa “mga koro ng mga anghel” sa pag-awit ng maganda at nakahihiyat na himno na nag-aanyaya sa lahat ng “mga nananalig” na “masdan ang hari ng lahat ng anghel.” Saanman tayo naninirahan sa buong mundo, bawat isa ay “[makapupunta], … [nang may kagalakan at pagbubunyi] … sa Betlehem”—kahit sa puso lamang natin—para sambahin at papurihan Siya.11

Ibinibigay ko ang aking pagsaksi kay Jesucristo, ang Tagapagligtas ng mundo. Nawa’y maisulat natin sa ating mga puso ang Espiritu ni Cristo sa buong Kapaskuhan at sa bagong taon ang aking panalangin sa pangalan ni Jesucristo, amen.