Kay Tahimik ng Paligid, ang Badya’y Pag-ibig
Ikukuwento ko ang dalawang bagay na nangyari sa akin na nanatili sa isipan ko nang maraming taon at kahit ngayon ay nagtuturo pa rin sa akin ng mga aral na kailangan ko.
Ang una ay nangyari noong 6 anyos ako. Ang music chorister namin sa Hunter 5th Ward ay si Sister Beverly Whitley. Alam ko na ngayon na wala pa siguro siyang 40 anyos noon, pero may mga anak siyang tinedyer at mukhang napakatanda na niya at matalino para sa aming mga nasa junior Primary. Nakakatuwa siya at tinrato niya kami na parang maliliit na adult, at nagustuhan namin iyon. Humanga kami sa kanya at nais naming pasayahin siya. Sinasabi niya sa amin na maaari kaming kumanta nang malakas kaya dinig kami ng aming mga magulang sa kabilang kuwarto. Hindi sumigaw—kundi talagang kumanta! At kumanta kami nang buong puso. Tinuruan din niya kami ng isang awitin mula sa himnaryong pang-adult, at alam daw niya na wala pa kami sa tamang edad para isaulo ang mahihirap na titik. At ipinaliwanag niya ang kahulugan ng lahat ng mga salita para maunawaan namin. Itinuro niya sa amin na bawat awitin ay may espesyal na mensahe para lang sa amin at, kung pag-iisipan namin ang mga salita, makikita namin ang mensaheng nauukol sa sarili naming buhay.
Noong Paskong iyon, sinikap kong sundin ang itinuro sa amin ni Sister Whitley, at natutuhan ko ang lahat ng taludtod sa “Kay Tahimik ng Paligid.” Ngayon pa lang, humihingi na ako ng paumanhin sa mga tagapagsalin dahil nakakalito ito. Noong 6 anyos ako, pinag-isipan kong mabuti ang mga salita sa ikatlong taludtod, pero hindi ko naunawaan ang bantas. Sa halip na kantahin “ang badya’y pag-ibig,” dahil si Jesus ang pagpapahayag ng liwanag na nagmumula sa dalisay na pag-ibig, ang intindi ko na sinasabi nito ay mahal ng Anak ng Diyos ang dalisay na liwanag—hanga Siya sa anumang nagmula sa dalisay na liwanag. Iniisip ang tulad ng iniisip ni Sister Whitley, sinikap kong alamin kung paano ko rin maaaring “mahalin ang dalisay na liwanag” na tulad ni Jesus.
Ang pangalawang kuwento ay nangyari noong 9 anyos ako. Tulad ng maraming bata, nag-aaral ako noon ng piano lessons. Wala naman talaga akong talento, at, siguro para mahikayat ako, hiniling ng bishop ko na tumugtog ako ng isang Pamaskong awitin sa sacrament meeting sa Bisperas ng Pasko. Ipinasiya kong tugtugin ang “Kay Tahimik ng Paligid.” Tinulungan ako ng piano teacher ko na maghanda. Pinakinggan ng mga magulang ko ang pagtugtog ko nang 100 beses sa itim na piano namin sa basement. May nagsabi na marahil maaari kong kabisaduhin ang awitin at hindi na gumamit ng piyesa, pero kabadung-kabado akong tumugtog sa harap ng lahat ng nasa ward namin kaya hindi ko makabisado ang piyesa. Sa halip, may naisip akong plano. Dadalhin ko ang piyesa, pero sa halip na ipatong iyon sa ibabaw ng piano, ilalagay ko iyon sa kandungan ko. Puwede akong tumingin sa mga kamay at makikita ko ang piyesa, at magmumukhang kabisado ko ito. Nagtagumpay ang planong ito nang mga 20 segundo. Ipinatong ko ang piyesa sa ibabaw ng Pamasko kong paldang seda, at nagsimula akong tumugtog, pero madulas ang tela ng palda at sa kalagitnaan ng unang taludtod, dumulas ang piyesa mula sa palda ko at tuluyang naglaho sa ilalim ng piano. Wala akong nagawa. Hindi ko makuhang muli ang piyesa, at blangko na ang isip ko. Ipinasiya kong magpatuloy at ginawa ko ang lahat sa abot-kaya ko. Ang sama-sama ng nangyari.
Mali-maling nota ang natugtog ko, at nakikita kong halos magtago sa pagkakaupo ang mga tao. Mali rin ang pagtugtog ko sa ikalawang taludtod. Hindi ko na tinugtog ang pangatlong taludtod at nagmamadali na akong bumaba na namumula ang mukha at nagpipigil na umiyak. Bumulong ang mga magulang ko, “Ano’ng nangyari? Alam na alam mo ang tugtog.” Hindi ako makapaghintay na makalabas ng Simbahan. Ayaw kong makita o makausap ang sinuman; nanliit ako sa kahihiyan. Nang matapos ang pulong, nilapitan ako ng matandang Sunday School teacher ko na si Sister Alma Heaton. Sinikap kong iwasan siya, pero hinawakan niya ang kamay ko. Sa halip na sabihin sa akin kung gaano kaganda iyon, na alam ng lahat na hindi totoo, may sinabi siya na maalaala ko habambuhay. Sabi niya, “Sharon, hindi mahalaga kung ano ang kinalabasan nito. Nakita ng lahat kung gaano ka nagsikap na gawin ito, at mahal ka namin marunong ka mang mag-piano o hindi.”
Iyon ang totoo. Pero hindi ako nasaktan na tulad ng inasahan ko. Ang totoo’y nagsikap ako nang husto, at minahal nila ako kahit hindi ako marunong mag-piano. Ngumiti ako nang bahagya at niyakap ako ng matanda at biglang naging maayos ang lahat.
Ngayon, walang ginawa sina Beverly Whitley at Alma Heaton na pambihira. Wala silang isinulat sa journal nila noong gabing iyon. Walang nakakaalam ni isa sa kanilang pamilya sa mga kuwentong ito. Tinuturuan lang nila noon ang mga batang musmos kung paano kumanta at unawain ang ebanghelyo. May mas simple pa ba kaysa rito? Pero hindi ito simple. Kung itatanong ninyo sa akin kung ano ang hitsura ng isang taong “mahal ang dalisay na liwanag,” kamukha ito ni Beverly Whitley. Kamukha rin ito ni Alma Heaton. Makikila ng bawat isa sa kanila ang “dalisay na liwanag” ng isang batang musmos na nagsisikap nang husto at mamahalin nila siya dahil dito, kahit hindi iyon naging perpekto.
Ganito ang ating Ama sa Langit. Nakikita Niya tayo, ang musmos Niyang mga anak, na nagsisikap. Hindi palaging tagumpay ang ating mga pagsisikap, pero alam Niya kung gaano tayo nagsisikap—kung minsa’y nagpapatuloy tayo at nangangapa sa isang masamang pangyayari—at mahal Niya tayo dahil dito. Para sa lahat ng tugtog nating wala sa tono, sintunado, mahirap kilalanin, isinugo Niya ang Kanyang kaaya-ayang Bugtong na Anak, na dalisay na liwanag ng pag-ibig. Aayusin ni Jesucristo ang bawat maling nota at iaadya ang bawat wala sa tono kung babaling tayo sa Kanya at hihingin ang tulong Niya. Dahil sa pagsilang, Pagbabayad-sala, at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo, lahat tayo ay “payapang makakatulog.”1
Napakasaya ko sa Kapaskuhang ito na makantahan ng mga awiting may espesyal na mensahe mula sa Tagapagligtas ng mundo ang mga pusong nasasaktan. Ipinapangako ko sa inyo ang ipinangako ni Sister Whitley sa Primary. Kung pag-iisipan ninyo ang mga salitang kinakanta ninyo sa panahong ito, makikita ninyo ang isang banal na mensahe na akma lalo na sa inyo na magpapasigla at aaliw sa inyo. Narito ang isang nakita ko ngayong Kapaskuhan. Matagal na akong nag-aalala tungkol sa lahat ng taong hindi natin matulungan at kung paano pinahihirap ng mga bansa kung minsan na matulungan natin ang mga kapatid na nagdurusa. At kanina lang umaga sa Relief Society, pinakinggan kong mabuti ang awiting kinanta natin:
Bawat batang musmos ay pagpalain
At bawat isa ay sa langit dalhin.2
Pinatototohanan ko na mahal ng Anak ng Diyos ang dalisay na liwanag; Siya ang dalisay na liwanag ng pag-ibig. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.