Mga Pamaskong Debosyonal
Ang Apat na Regalong Inihahandog ni Jesucristo sa Inyo


2:3

Ang Apat na Regalong Inihahandog ni Jesucristo sa Inyo

Minamahal kong mga kapatid, ang Kapaskuhan ay talagang itinatangi natin! Gustung-gusto nating awitin ang “Halina, Magdiwang”1 at masigasig tayong lumalapit para sambahin Siya—ang natatanging sanggol na iyon ng Betlehem—“ang Dakilang Jehova ng Lumang Tipan [at] ang Mesiyas ng Bago.”2

Ngayong gabi, sama-sama nating pag-aralan ang dumarating na mga pagpapala sa atin kapag nagtuon tayo sa buhay, misyon, doktrina, at Pagbabayad-sala ng Panginoong Jesucristo. Inaanyayahan ko kayo, tulad ng ginawa ni Haring Benjamin sa mga Banal sa kanyang panahon, na “isaalang-alang ang pinagpala at maligayang kalagayan ng mga taong sumusunod sa mga kautusan ng Diyos.” Ang pagpapalang iyon ay para sa atin dito ngayon, ngunit dagdag pa rito ang pangako sa kalaunan na “walang katapusang kaligayahan.”3 Sa madaling salita, ang mga tunay na sumusunod kay Jesucristo ay may pribilehiyong maranasan ang hindi mailarawang kagalakan magpakailanman.

Naalala ko ito noong isang araw nang makilala ko ang isang anghel na nagngangalang Lydia. Ang anghel na ito ay hindi nakasuot ng puti, at ginawa niyang madali ang aming pag-uusap sa pamamagitan ng pagbisita sa aking opisina. Si Lydia ay 12 taong gulang. Nalaman ko na siya ay mayroong kakaiba at agresibong uri ng kanser sa utak.4 Siya ay may mala-anghel na mukha at tikas na higit sa kanyang edad. Sa pag-uusap namin tungkol sa kanyang buhay at sa hinaharap, siya ay kalmado at payapa. Nang itanong ko kung mayroon siyang anumang katanungan, mabilis siyang sumagot ng “Ano po ang hitsura ng langit?” Humantong ito sa isang puso-sa-pusong talakayan tungkol sa layunin ng buhay at sa mga pagpapalang inihandog ng Ama sa Langit at ng Kanyang Bugtong na Anak sa mga taong gumagalang at sumusunod sa Kanila.

Si Lydia at si Pangulong Nelson

Lubos akong naantig sa pananampalataya ni Lydia at ng kanyang pamilya! Bagamat nahaharap sa isang napakalaking pagsubok kung ang buhay sa mundo ang pag-uusapan, si Lydia ay puno ng pananampalataya. Siya ay mayroong walang-hanggang pananaw. Nalalaman niyang minamahal at inaalala siya ng Panginoon. Ang kanyang matapat na pamilya ay puno rin ng kapayapaan at kapanatagang ito na maidudulot lamang ng pananampalataya sa Panginoon.

Ang hiling ni Lydia ay ang makita ang Pangulo ng Simbahan ng Panginoon, ngunit ang kanyang mga pagnanais ay higit pa kaysa sa isang minsanang karanasan dito sa mortalidad. Ang pinakamimithi niya ay ang makasama ang kanyang pamilya magpakailanman sa kahariang selestiyal. Kabilang din dito ang kanyang pagnanais na makasama ang Ama sa Langit at si Jesucristo.

Tunay ngang malaki ang impluwensya ng ating mga hangarin sa bawat isa sa atin, hindi lamang dito at ngayon kundi hanggang sa susunod na buhay. Pag-aralan ang kahalagahan ng pahayag na ito mula kay Alma: “Ipinagkakaloob [ng Panginoon] sa mga tao ang naaayon sa kanilang naisin.”5

Ang pagnanais ay mahalaga sa panahon ng pagbibigayan ng regalo, kapag tayo ay partikular na nag-iisip sa mga pagnanais ng mga taong mahal natin. Sa panahong ito, inaanyayahan ko kayong pag-aralan ang inyong mga sariling pagnanais. Ano ang pinakamasisidhi ninyong pagnanais? Ano ang talagang gusto ninyong maranasan at maisakatuparan sa buhay na ito? Nais ba ninyo talagang maging higit na katulad ni Jesucristo? Nais ba ninyo talagang mamuhay kasama ng Ama sa Langit kasama ng inyong pamilya magpakailanman at mamuhay na gaya Niya?

Kung oo, nanaisin ninyong tanggapin ang maraming regalong inihahandog ng Panginoon para tulungan kayo at ako habang nasa panahon ng ating mortal na pagsubok. Pagtuunan natin ang apat sa mga regalong ibinigay ni Jesucristo sa lahat ng handang tumanggap ng mga ito.6

Una, ibinigay Niya sa inyo at sa akin ang walang hanggang kakayahang magmahal. Kabilang doon ang kakayahang magmahal sa mga mahirap mahalin at sa mga taong hindi lamang hindi nagmamahal kundi sa mga umuusig at sinasadyang gamitin kayo.7

Sa tulong ng Tagapagligtas, maaari nating matutunan na magmahal tulad ng pagmamahal Niya. Maaaring kailanganin ang pagbabago ng puso—tiyak na kailangan ng pagpapalambot ng ating puso—habang tayo ay tinuturuan ng Tagapagligtas na tunay na alagaan ang bawat isa. Mahal kong mga kapatid, tayo ay tunay na makapaglilingkod sa paraan ng Panginoon kung tatanggapin natin ang Kanyang kaloob na pagmamahal.

Hilingin ang tulong ng Panginoon para mahalin ang mga taong nais Niyang mahalin ninyo, kabilang na ang mga taong hindi palaging madaling mahalin. Maaari pa nga ninyong hilingin sa Diyos na ipadala ang Kanyang mga anghel para lumakad na kasama ninyo sa mga landas na hindi ninyo nais tahakin.8

Ang ikalawang regalo na inihahandog ng Tagapagligtas sa inyo ay ang kakayahang magpatawad. Sa pamamagitan ng Kanyang walang-hanggang Pagbabayad-sala, makapagpapatawad kayo sa mga nakasakit sa inyo at sa mga taong maaaring hindi aamin sa nagawa nilang kalupitan sa inyo.

Madalas ay madaling magpatawad sa isang tao na taos-puso at mapagpakumbabang humihingi ng inyong kapatawaran. Subalit ipagkakaloob sa inyo ng Tagapagligtas ang kakayahang patawarin ang sinumang gumawa sa inyo nang masama sa anumang paraan. Pagkatapos noon, ang mga nakasasakit na ginawa nila ay hindi na babagabag sa inyong kaluluwa.

Ang pangatlong regalo mula sa Tagapagligtas ay ang pagsisisi. Ang regalong ito ay hindi palaging nauunawaan nang husto. Tulad ng nalalaman ninyo, ang Bagong Tipan ay orihinal na isinulat sa salitang Griyego. Sa mga talata kung saan nananawagan ang Tagapagligtas sa mga tao na magsisi, ang salitang isinalin bilang “magsisi” ay ang Griyegong terminong metanoeo.9 Ito ay isang napaka-makapangyarihang pandiwang Griyego. Ang kahulugan ng unlaping meta ay “pagbabago.” Ginagamit din natin ang unlaping iyon sa English. Halimbawa, ang salitang metamorphosis ay nangangahulugan ng “pagbabago ng anyo o hugis.” Ang hulaping noeo ay nauugnay sa Griyegong salita na nangangahulugang “isipan.”10 Nauugnay rin ito sa iba pang salitang Griyego na ang ibig sabihin ay “kaalaman,”11 “espiritu,”12 at “hininga.”13

Nakikita na ba natin ngayon ang lawak at lalim ng ibinibigay sa atin ng Panginoon kapag inihahandog Niya ang regalo ng pagsisisi? Inaanyayahan Niya tayo na baguhin ang ating mga isipan, ang ating mga kaalaman, ang ating espiritu, at maging ang ating paghinga. Halimbawa, kapag tayo ay nagsisisi, humihinga tayo nang may pasasalamat sa Diyos, na nagpapahiram sa atin ng hininga sa bawat araw.14 At ninanais nating gamitin ang hiningang iyon sa paglilingkod sa Kanya at sa Kanyang mga anak. Ang pagsisisi ay isang pambihirang regalo. Ito ay isang proseso na hindi dapat katakutan. Ito ay isang kaloob na dapat nating tanggapin nang may kagalakan at dapat na gamitin—o yakapin—sa bawat araw habang sinisikap natin na maging mas katulad ng ating Tagapagligtas.

Ang ama ni Haring Lamoni ay nakasulyap sa maaaring mangyari sa mga naniwala kay Cristo at sumunod sa Kanya. Ipinahayag niya na ibibigay niya ang lahat ng kanyang mga kasalanan para sa pribilehiyo na makilala ang Panginoon.15 Ang tunay na pagsisisi ay hindi isang pangyayari. Ito ay isang walang-hanggang pribilehiyo. Ito ay napakahalaga sa pag-unlad at pagkakaroon ng kapayapaan ng isip, kapanatagan, at kagalakan.

Ang ikaapat na regalo ng Tagapagligtas, sa katotohanan, ay isang pangako—ang pangako ng buhay na walang hanggan. Hindi ito nangangahulugan na basta lamang mabuhay nang mahabang, mahabang, mahabang panahon. Ang lahat ay mabubuhay magpakailanman pagkatapos ng kamatayan, anuman ang kaharian o kaluwalhatian na marapat para sa kanila. Ang lahat ay mabubuhay na mag-uli at makararanas ng imortalidad. Subalit ang buhay na walang hanggan ay higit pa sa pagtatakda ng oras. Ang buhay na walang hanggan ay ang uri at kalidad ng pamumuhay ng Ama sa Langit at ng Kanyang Bugtong na Anak. Nang ihandog sa atin ng Ama ang walang hanggang buhay, sa pakahulugan ang sinasabi Niya ay “Kung pipiliin ninyong sundin ang aking Anak—kung nais ninyo na tunay na maging higit na tulad Niya—kung gayon darating ang panahon na mamumuhay kayo na tulad Namin at mamumuno sa mga mundo at kaharian tulad Namin.”

Ang apat na natatanging mga regalong ito ay magdadala sa atin ng palaki nang palaking kagalakan kapag tinatanggap natin ang mga ito. Naging posible ang mga ito dahil nagpakababa si Jehova para pumunta dito sa mundo bilang ang sanggol na si Jesus. Siya ay anak ng isang imortal na Ama at isang mortal na ina. Ipinanganak siya sa Betlehem sa pinakahamak na kalagayan. Ang Kanyang banal na pagsilang ay ipinropesiya ng mga propeta simula sa panahon ni Adan. Si Jesucristo ang pinakadakilang regalo ng Diyos—ang regalo ng Ama sa lahat ng Kanyang mga anak.16 Ang kapanganakang iyon ang buong kagalakan nating ipinagdiriwang tuwing Kapaskuhan.

Habang ang ating mga puso at isipan at nakatuon sa Tagapagligtas ng mundo, ano kung gayon ang kailangan nating gawin para matanggap ang mga regalong ito na bukas-palad na inihandog sa atin ni Jesucristo? Ano ang susi para magmahal tayo nang tulad ng Kanyang pagmamahal, magpatawad tayo nang tulad ng Kanyang pagpapatawad, magsisi tayo para tayo ay maging mas katulad Niya, at sa wakas ay mamuhay tayong kasama Niya at ng ating Ama sa Langit?

Ang susi ay ang gumawa at tumupad ng mga banal na tipan. Pinipili nating mamuhay at umunlad sa landas ng tipan ng Panginoon at manatili doon. Hindi ito isang komplikadong landas. Ito ang landas patungo sa tunay na kagalakan sa buhay na ito at sa susunod na buhay na walang hanggan.

Minamahal kong mga kapatid, ang aking pinakamasidhing pagnanais ay ang magkaroon ng pagkakataon ang lahat ng anak ng Ama sa Langit na marinig ang ebanghelyo ni Jesucristo at masunod ang Kanyang mga turo at matipon ang Israel tulad ng ipinangako sa mga huling araw na ito. At ninanais ko na paniniwalaan at tatanggapin natin ang pagmamahal na mayroon ang Tagapagligtas para sa bawat isa sa atin. Ang Kanyang walang hanggan at perpektong pagmamahal ang nagtulak sa Kanya na magbayad-sala para sa inyo at sa akin. Ang regalong iyon—ang Kanyang Pagbabayad-sala—ang nagtutulot para mapasaatin ang lahat ng iba pa Niyang mga regalo.

Sa hinaharap—sa Milenyo na pinaghahandaan natin ngayon—“ang bawat tuhod ay magsisiluhod, at ang bawat dila ay magtatapat sa kanyang harapan”17 na si Jesus ang Cristo. At hindi lamang ang kamangha-manghang Tabernacle Choir sa Temple Square ang aawit ng “Hallelujah.”18 Ang bawat tao na pumili na sundin si Jesucristo ay aawit at hihiyaw ng “Alleluia: sapagkat ang Panginoong Diyos na makapangyarihan ay naghahari.”19 “Ang kaharian ng sanglibutan ay naging sa ating Panginoon, at sa kaniyang Cristo: at siya’y maghahari magpakailan kailan man,”20 “Hari ng lahat ng mga hari, at Panginoon ng lahat ng mga panginoon.”21

Pinatototohanan ko na ang Diyos ay buhay! Si Jesus ang Cristo—ang Mesiyas. Ito ang Kanyang Simbahan na pinamamahalaan Niya sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta. Mapagpakumbaba naming hinihiling na ang Kanyang mga pagpapala ay matanggap ng bawat isa sa inyo, kabilang na ang mga pagnanais at kakayahan na tanggapin ang lahat ng mga regalong inihahandog ng Tagapagligtas sa inyo, sa pangalan ni Jesucristo, amen.