Mga Pamaskong Debosyonal
11craven


12CRAVEN-1

Pamaskong Debosyonal ng Unang Panguluhan

Disyembre 6, 2020

Isang Pambalot at Isang Yakap ng Langit 

Ni Sister Becky Craven 

Pangalawang Tagapayo, Young Women General Presidency 

Ang isa sa mga paborito kong alaala sa Pasko ay nangyari noong anim na taong gulang ako. Bisperas noon ng Pasko, at natulog ako sa itaas ng double deck na higaan rin ng mas bata kong kapatid na babae sa tahanan namin sa Berlin, Germany. Sabik talaga ako sa pagdating ng umaga ng Pasko—sabik na sabik kaya siguro hindi ako makatulog nang mahimbing, dahil may sandali noong gabing iyon na nagising ako dahil sa tunog ng mga kampanilya. Pagkatapos ay narinig kong dahan-dahang bumukas ang pinto ng aming kuwarto. At nang nasinagan ang mukha ko ng ilaw mula sa kabilang silid, mabilis akong bumangon at tumingin sa pinto. Hindi kapani-paniwala ang nakita ko! Nakatayo sa may pintuan si Santa Claus. Walang biro—siya talaga iyon! “Ho, ho, ho,” sabi niya, at tinanong niya kung gusto kong sundan siya sa sala para makita ang may ilaw na Christmas tree. Natigilan ako at hindi nakapagsalita, pero nagmadali akong bumaba sa hagdan ng kama at sinundan siya papunta sa kuwarto sa harap kung saan nakatayo sa tabi ng Christmas tree ang aking nanay at kuya. Pero nang tumingin ako sa paligid ng kuwarto, hindi ko nakita si Itay—bakit wala siya? Sabi ni nanay inilabas niya ang basura, pero grabe ang tagal niya! Hanggang sa araw na ito ay nalulungkot ako dahil hindi siya nagkaroon ng pagkakataong makita si Santa Claus. Itinanong ni Santa kung naging mabait ako, at napakasaya kong sinabi na naging mabait ako. Matapos matiyak na natikman na niya ang cookies at gatas na inihanda namin para sa kanya, bumalik ako sa kama at makaraan ang ilang oras ay gumising na sa masayang umaga ng Pasko.

Ang lolo ng asawa ko na si Heaton Lunt ay may lubhang naiibang karanasan mula sa akin sa isang umaga ng Pasko noong bata pa siya at nakatira sa mga kolonya ng Mexico noong mga 1800’s. Ganito ang kuwento niya: “Dumating ang Pasko, at ang mga tupa ay nasa kulungan sa ilalim ng kamalig, kung saan ay mainit, dahil may niyebe sa lupa noon. Maaga akong gumising sa araw ng Pasko para makita kung ayos lang ang tupa ko. Nakarinig ako ng munting pag-ungol sa kuwadra. Pumasok ako at nakita kong nagsilang ng dalawang munting kordero si Nelly—kambal sila. Tumakbo ako pabalik sa bahay sa bilis na abot ng aking makakaya … [at] pumalakpak ako at sinabi sa aking ina, ‘Pasko ko ang pinakamaganda: Dalawa ang anak ni O’ Nelly.’ Iniwan ng lahat ng bata ang kanilang mga orange at gamit sa mesa, at tumakbo sila sa kamalig para tingnan ang mga munting kordero ni Nelly. Ito ang pinakamalaking hiwaga na natanggap namin sa Pasko.”1 Kamangha-mangha na nang sumunod na ilang taon, mayroong mga korderong laging ipinapanganak kina Heaton tuwing umaga ng Pasko.

Noong una kong narinig ang kuwentong ito, agad na natuon ang puso at isipan ko sa isa pang Kordero na isinilang sa pinakaunang araw ng Pasko: si Jesucristo, ang Kordero ng Diyos. Tulad ni Heaton na tumakbo para makita ang mga bagong kordero, naiisip ko ang mga pastol na nagmamadaling makita ang bagong silang na Anak ng Diyos. Nakikinita ba ninyo kung ano ang nasaksihan nila sa hamak at banal na lugar iyon? Naiisip ko ang mapagmahal na si Jose na nag-aalaga sa kanyang asawang si Maria, habang pinagninilayan nila ang pagsilang ng ipinangakong Mesiyas. Ang salaysay tungkol sa pagbalot ni Maria sa kanyang munting sanggol sa lampin ay umaantig sa akin.

Kamakailan ay malugod naming tinanggap ang bagong apo sa aming pamilya. Isang araw ay pinanood ko ang pagbalot sa kanya ng kanyang ina sa malambot at mainit na kumot, at ang pagyakap sa kanya nang mahigpit. Ang pagbalot sa lampin ay medyo mahigpit. Ang mga lampin at kumot ay ginamit sa buong kasaysayan para aluin at panatagin at mapakalma ang isang maligalig na sanggol. Nang panoorin ko ang pagbalot ng aming manugang sa kanyang anak, naisip ko ang iba na nangangailangan din ng pag-alo, kahit sa virtual na paraan. Ang isang magiliw na salita, taingang nakikinig, o pusong nakauunawa ay nagpapanatag at nag-aalo sa naliligalig na kaluluwa ng iba.

Halos tatlong taon na ang nakalipas, ang manugang naming lalaki ay nagkaroon ng seryosong problemang medikal. Para makahanap ng mga sagot, maraming test ang ginawa sa kanya, at sa huli, kinailangan niyang maoperahan sa puso. Nang operahan ang aming manugang, nagpadala ng mensahe ang aming anak sa kanyang mga biyenan para balitaan sila tungkol sa kanilang anak. Mula sa isang malayong bansa kung saan naglilingkod sila sa misyon, ang kanyang biyenang babae ay tumugon ng nakapapanatag na mga salitang ito: “Ipinapadala ko sa inyo ang mga yakap ng langit.”

Pagkaraan ng ilang sandali, may dumaan na isang nars at huminto ito. Tumingin siya sa mga mata ng aming anak na puno ng luha at nagtanong kung gusto niya ng kumot, pero tumanggi siya, at sinabing ayos lang siya. Umalis ang nars pero bumalik kaagad na may dalang mainit na kumot. Ibinalot niya ito sa aming anak at sinabi sa kanya, “Sa palagay ko ay kailangan mo ng yakap ng langit.”

Ang Kordero ng Diyos, na kilala rin bilang ang Mabuting Pastol, ay kilala ang bawat isa sa Kanyang kawan. Sa ating mga oras ng kagipitan, madalas Siyang nagpapadala ng mga anghel dito sa lupa, tulad ng mahabaging nars sa aming anak, para balutin at yakapin tayo sa mga bisig ng Kanyang pagmamahal.2 Pumarito Siya sa mundo para maghatid ng kapayapaan at mabuting kalooban sa lahat ng tao.3 Inaaliw Niya ang nangangailangan ng aliw at nakikidalamhati sa mga nagdadalamhati.4

Habang pinag-iisipan ko ang maraming paraan ng pagmamahal at malasakit ng Panginoon sa bawat isa sa atin, parang nais kong mas gumawa pa para maibahagi ang pagmamahal na iyon sa iba. Gusto ko ring mas matukoy pa ang mga yakap ng langit na natanggap ko ngunit hindi ko kaagad napansin.

Sa mundo na labis na nangangailangan ng kapayapaan, ang magiliw nating pananalita, ang ating mga pagkilos na may habag at kabaitan ay maaaring maging paraan ng pagbalot sa iba ng isang mainit at nakapapanatag na kumot. Nauunawaan ko na ngayon na kapag mas ginagawa natin ang mga paramdam na maglingkod sa iba, mas maraming kumot ng langit ang ibibigay ng Panginoon para maibahagi natin. Anong mga pahiwatig ang natanggap mo? Sino ang kilala mo na nangangailangan ng yakap ng langit? Ang ating personal o virtual na paghaplos ay maaaring napakahalaga sa isang mahal sa buhay o maging sa isang estranghero.

Dalangin ko na sa pagdiriwang natin ng kapanganakan ng ating Tagapagligtas na hindi lamang natin madama ang Kanyang pagmamahal, habag, at kapayapaan kundi ibahagi rin natin ang mga ito sa iba. Habang pinagninilayan natin ang kaloob na Kordero ng Diyos, ang sanggol na ibinalot sa lampin at inihiga sa sabsaban, inuulit ko ang mga salita ng batang si Heaton. Siya “ang pinakamalaking hiwaga na natanggap natin [o matatanggap] sa Pasko.”5

Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Heaton Lunt, “Pacheco, in the Colonies of Mexico—Lamb Story.” Personal na kasaysayan.

  2. Tingnan sa 2 Nephi 1:15.

  3. Tingnan sa Lucas 2:14.

  4. Tingnan sa Mosias 18:9.

  5. Heaton Lunt, “Pacheco, in the Colonies of Mexico—Lamb Story.” Personal na kasaysayan.