Mga Pamaskong Debosyonal
Ang Mga Panaginip ng Betlehem


Ang Mga Panaginip ng Betlehem

Napakapayapa ng kapaligiran, ang pagtatakipsilim sa umpisa ng tagsibol. Maliwanag ang kalangitan, naglitawan ang mga bituin, una’y sampu-sampu, tapos ay daan-daan, at sa huli’y libu-libo. Naghanap ng masisilungan ang mga pastol sa parang mula sa init ng araw at mula sa pagod sa matapat na pagtatrabaho. Ang tanging di-pangkaraniwan—ngunit napakagandang—bahagi ng tagpong ito ay nasa gilid ng burol na malapit sa nayon, kung saan magkatabing minamasdan ng dalawang tao ang isang sanggol na nakahiga sa isang sabsaban, na may iilang mga hayop lamang ang nagmamasid.

Ang una sa tatlong ito, na walang natagpuang kaibigan o punong-abala na handang tumulong sa masikip na bayan ng Betlehem, ay ang maganda at batang birheng ina na si Maria (na posibleng isang dalagita o nagdadalaga kung ipinatutupad ang mga tradisyon noon), na kapansin-pansin ang tapang at kahanga-hangang pananampalataya na tulad ng nakatala sa banal na kasulatan. Ang pangalawa, ang asawa niyang si Jose, na mas matanda kaysa sa kanyang batang asawa, ngunit marahil ang pinaka-marapat sa lupa na magpalaki ng sanggol na hindi sa kanya, kundi isang sanggol na magiging espirituwal na ama niya kalaunan. Ikatlo, ang huli, at pinakamaganda sa lahat: ang sanggol na pangangalanang Jesus, na nakahiga nang nakabalot sa kumot sa ibabaw ng pinakamalinis na dayami na nakuha ng isang nag-aalalang ama.

Ang kabalintunaan ng tahimik at hindi inanunsyong tagpong ito ay na wala pang sanggol na naisilang na napakarami na ang alam tungkol sa kanya, na marami na ang naisulat tungkol sa kanya, at napakarami na ang inaasahan sa kanya. Tunay ngang ang kaalaman kung sino at ano Siya ay nagsimula sa mga kaharian ng langit bago naisilang ang sinuman! Bilang Panganay ng Ama1 sa mundo ng mga espiritu, itinalaga Siyang maging Tagapagligtas ng sanlibutan,2 na inorden noon pa man na maging “Kordero na pinaslang buhat nang itatag ang sanlibutan.”3 Kalaunan, ngunit bago pa rin Siya isinilang, Siya ang magiging dakilang Jehova ng Lumang Tipan, na tumulong kay Noe na iligtas ang kanyang pamilya noong panahon ng malaking baha4 at tumulong kay Jose na iligtas ang kanyang pamilya sa panahon ng taggutom.5 Siya ang Jehova na may awtoridad na ang mga pangalan din ay “Kamangha-mangha, Tagapayo, Makapangyarihang Diyos, Walang-Hanggang Ama, Prinsipe ng Kapayapaan.”6 Siya ang Alpha at Omega7 sa dakilang plano ng awa na kalaunan ay “i[pa]pangaral ang mabuting balita sa inaapi; … mag[pa]pagaling ng mga bagbag na puso, … mag[pa]pahayag ng kalayaan sa mga bihag, at [bu]buksan ang bilangguan sa mga bilanggo.”8

Upang magawa ito, tatapakan ng sanggol na ito ang pigaan ng alak nang lubos at ganap na nag-iisa, na walang mortal na makakatulong sa Kanya at walang tulong ng langit. Sa pagdadala ng lahat ng kasalanan at kalungkutan ng mortalidad, ihahatid Niya ang di-maunawaang kaloob na kaligtasan sa buong sangkatauhan, mula kay Adan hanggang sa katapusan ng mundo. Sa kabuuan ng Kanyang paglalakbay sa mundong ito, Siya ang magiging “Pastol at Tagapag-alaga ng [ating] mga kaluluwa,”9 “Pinakapunong Pari ng ating pagpapahayag,”10 ang malayang dumadaloy na “bukal ng lahat ng kabutihan.”11 Kailangang gawin ang lahat ng mortal na responsibilidad at gawaing ito. Ngunit hindi ngayong gabi. Hindi sa gabing ito. Dito’y isa lamang Siyang sanggol sa mga bisig ng isang inang nagmamahal sa Kanya, na binabantayan ng isang amang magiliw at matatag.

Di-nagtagal, dumating ang mga pastol na kumakatawan sa pinakamababa sa mga temporal na gawain, ang pinakadukha sa mga tao at sa kanilang mga gawain. Kalaunan, dumating ang mga hari, mga Pantas mula sa silangan, na sumasagisag sa pinakamataas sa mga temporal na tagumpay, ang pinakamayaman sa mga tao at sa kanilang mga gawain. Ang pinakamahalaga—literal na pinakamahalaga—ay dumating ang mga anghel na umaawit ng “Luwalhati sa Diyos sa kataas-taasan,”12 tunay na marami ang hukbo ng langit na ito na pumuri sa sanggol na ito na pumarito na sa lupa. Sa katunayan, napakatagal nang sinabi ng mga anghel ang pagparito ng Tagapagligtas. Sa pinakamalapit na nakaraan lamang, isang anghel ang nagpakita kay Maria at nagpahayag ng napakagandang balita tungkol sa bagay na siya ang pinili upang gamawa at kung sino siya piniling maging.13 Isang anghel ang nagpakita kay Jose upang bigyan siya ng lakas-ng-loob na pakasalan ang dalagitang ito na himalang nagdadalantao na, isang utos na agad at tapat niyang sinunod.14 Matapos ang pagsilang, sinabi ng isang anghel sa bata pang mag-asawa na tumakas—tumakas mula sa pagpapatay ni Herodes sa mga walang-malay (sa maliliit na bata na unang naging mga Kristiyanong martir sa Bagong Tipan), at ang anghel na ito rin ang nagsabi sa mag-asawa na makakabalik na sila mula sa Egipto, na manirahan sa malayong Nasaret sa halip na sa Betlehem o kahit pa sa Jerusalem.15 Malinaw na higit na alam ng mga anghel kaysa sa mga tao sa lupa ang kahulugan ng kapanganakang ito at kung ano ang misyon ng batang ito, na “[dalhin] ang ating mga pighati at kalungkutan, [masugatan] dahil sa ating mga kasalanan, [at mabugbog] dahil sa ating mga kasamaan, upang [linawin na] malinis nang sa gayo’y mapasakanya ang pagpaparusa sa ating kapayapaan, at sa kanyang mga latay ay mapa[pa]galing tayo.16

Para sa akin, mahalaga na nangyari ang lahat ng ito sa gabi, ang oras kung kailan naipapahinga ang kalamnan at kapaguran, kung kailan binabanggit ang mga panalangin, kung kailan inaasahan ang paghahayag, at kung kailan malamang na malapit ang banal na mga nilalang. At minsan sa isang taon, gabi ang oras na ayaw pa ring matulog ng mga bata, na tuwang-tuwa, dahil alam nila na kinabukasan ng umaga ay Pasko na. Gaano man kahirap ang anumang araw, ang ating mga magagandang panaginip sa gabi ay kayang itama ang lahat. Tulad nang isinulat minsan ni Elder Parley P. Pratt:

“Ang Diyos ay naghahayag ng maraming mahahalagang mga tagubilin … sa pamamagitan ng mga panaginip. … [Ito ang panahon] kung kailan naka[ka]pagpahinga ang isipan, ang kabuuan ng sangkatauhan ay nakahiga sa tahimik [na pagtulog, at] … ang espirituwal na mga bahagi ng katawan … ay nakikipag-usap sa Diyos, … [sa] mga anghel, at [sa] mga kaluluwa ng mga matatapat na tao na ginawang sakdal.”17

Gayundin ang kamangha-manghang gabing ito, kung kailan tunay na “ang pag-asa at pangamba [ng lahat ng taon]”18 ay natugunan sa mga panaginip ng mga taong nasa Betlehem noong gabing iyon.

Sa kalangitan ng Judea nang gabing iyon

Ang mahiwagang Bituin ay nagliwanag doon,

Isang bulag na nakahiga ang tila may inaabot,

At nanaginip na siya ay may paningin.

Nang gabing iyon nang marinig ng mga pastol

Ang pag-awit ng hukbo ng mga anghel sa malapit,

Pabiling-biling sa pagkahiga ang isang bingi,

At nanaginip na siya ay nakakarinig.

Nang gabing iyon sa kuwadra ng mga baka

Natulog ang Anak at Ina [walang nagsasalita],

Ipinihit ng pilay [na lalaki] ang kanyang balikong mga paa,

At nanaginip na [nakakalakad] siya.

Nang isilang ang Sanggol sa gabing iyon

Si Maria ay magiliw na bumangon,

Nakangiti sa pagtulog ang ketonging pinandidirihan,

At nanaginip na siya ay malinis.

Noong gabing iyon sa dibdib ng Ina

Ang batang Hari kaligtasa’y nadama,

Isang patutot ang natulog nang masaya,

At nanaginip na dalisay siya.

Nang gabing iyon nang mahimlay sa sabsaban

Ang Pinabanal, na pumarito upang magligtas,

Isang tao ang nahimlay sa kamatayan,

At nanaginip na walang libingan.19

Iniiwan ko sa inyo, bilang aking regalo ngayong Pasko, ang mga panaginip ng Betlehem. At ginagawa ko ito sa pangalan ng sanggol na ginagawang totoo ang mga panaginip na iyon, maging ang Panginoong Jesucristo, amen.

Print