12NIELSON-0
Pamaskong Debosyonal ng Unang Panguluhan
Disyembre 6, 2020
Ang Prinsipe ng Kapayapaan
Ni Elder Brent H. Nielson
Ng Panguluhan ng Pitumpu
Sa isa pang panahon at sa isang lugar na napakalayo rito, ang aking amang si Norman Nielson ay isang binatilyo na nakalahati na ang kanyang apat na taong pakikipaglaban sa Pacific noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Makikita sa larawang ito sa harap ng kanyang tolda, isa siyang anti-aircraft specialist na nakatira sa mga kagubatan ng Papua New Guinea. Noong Araw ng Pasko ng 1943, isinulat niya ang liham na ito sa balo niyang ina: “Tulad ng mapapansin ninyo sa petsa, Pasko ngayon. Bumangon ako nang alas-7:00 n.u, nag-almusal, at nagtrabaho hanggang alas-3:00 n.h. at bumaba ako sa sapa para maglaba at maligo. Sa hapunan ngayong gabi, kumain kami ng napakaliit na hiwa ng turkey, ilang kamote, mais, sarsa, at raisin pie. Gustung-gusto kong makasama kayo at ang pamilya at umupo sa mesa at muling kumain ng mga dati nating kinakain noong magkakasama tayo ilang taon na ang nakararaan. Nalungkot kami nang hindi dumating ang mga Pamasko namin bago nag-Pasko. Marami sa amin ang hindi nakatanggap ng anuman para sa Pasko. Naaalala ko na maraming beses ninyong sinabi sa akin na hindi ka mangungulila sa isang bagay hangga’t hindi ito nawawala sa iyo.”
Nitong nakaraang taon isinulat ng asawa kong si Marcia at ng kapatid kong si Susan ang kasaysayan ng apat na taong serbisyo ng aking ama noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Tinipon nila ang lahat ng liham na ipinadala niya sa kanyang ina. Nang mabasa ko ang malungkot na Pamaskong liham na ito, hindi ako makapaniwala. Kahit tila hindi ito gaanong mahalaga sa inyo, dahil ama ko ito, na mahal ko, ninais kong baguhin kahit paano ang mga naganap noong Paskong iyon. Taos-puso akong nagsumamo, “Gaano karaming hirap ang tiniis ng binatilyong ito na taga-Idaho?” Namatay ang kanyang ama dahil sa atake sa puso noong 12 taong gulang lamang siya. Pinalaki siya ng kanyang ina, kinailangan niyang sumali sa militar, at nakatira siya ngayon sa gubat sa gitna ng isang kakila-kilabot na labanan. Hindi ba siya puwedeng tumanggap man lang ng regalo sa Pasko? Habang pinagninilayan ko ang kanyang sitwasyon, nadama kong nangusap ang Espiritu sa akin: “Brent, alam mo kung paano nagtatapos ang kuwentong ito.” Sa huli ay tinanggap ng iyong ama ang pinakamahalagang regalo at namuhay nang may pananampalataya at Pasko ang paborito niyang panahon sa buong taon.”
Habang binabasa ko ang kasaysayan ng aking ama, nabasa ko ang isa sa mga huling liham niya sa kanyang ina noong Pebrero ng 1945. Sa kanyang apat na taon sa ilalim ng pamumuno ni General Douglas MacArthur, nakipaglaban siya mula Darwin, Australia, hanggang Papua New Guinea, hanggang sa Golpo ng Leyte sa Pilipinas, at sa huli ay sa Maynila, kung saan siya nagtapos ng kanyang serbisyo-militar at umuwi. Sa malaking bahagi ng kanyang paglilingkod noong digmaan ay walang mga pulong ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ngunit pagdating niya sa Pilipinas, sa pagtatapos ng kanyang paglilingkod, nakahanap siya ng isang pulong ng Simbahan. Matapos dumalo sa pulong na iyon, isinulat niya ang nakakatuwang liham na ito sa kanyang ina: “Nagsimba ako kahapon, pero hindi ko gaanong inunawa ang mensahe. Inay, parang napakaraming bagay nang walang-kuwenta sa akin ngayon na dati’y napakahalaga. Hindi ang paniniwala ko sa Diyos ang ibig kong sabihin, malakas pa rin iyan tulad ng dati, pero ang tingin ko na sa Diyos ay mapagmahal at maunawain sa halip na palaging nakamasid sa iyo para parusahan ka tuwing magkakamali ka.”
Itinuro sa akin ng Espiritu na sa mahihirap na panahon, dahil nakibahagi siya sa isang malaking digmaan kung saan maraming mga sundalo, nars, marino, airmen, at inosenteng sibilyan sa magkabilang panig ang namatay, natagpuan ni itay ang regalo—ang tunay na diwa ng Pasko. Nalaman niya na mayroon siyang mapagmahal na Ama sa Langit na nakakaunawa sa kanya at binabantayan siya. Ito ang pinakamahalagang aral sa buhay na natutuhan niya: “Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan na ibinigay niya ang kanyang tanging Anak, upang ang sinumang sa kanya’y sumampalataya ay huwag mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”1 Sa kanyang mga paghihirap, noong hindi na niya kayang magtiis, natagpuan ng aking ama ang isang mapagmahal at mabait na Ama sa Langit. Ang natagpuan ng aking Ama ay naghatid ng kapayapaan at kagalakan at kaligayahan sa kanya sa mundong puno ng kalituhan at pasakit at hirap. Nang lisanin niya ang digmaan, umuwi siyang kasama ang regalo.
Hindi ko tiyak kung makakayanan ko ang mga hirap na naranasan ng aking ama sa tatlong Paskong malayo sa tahanan, ngunit alam ko na ang aral na natutuhan niya at natutuhan ko ay na ang tunay na regalo sa Pasko, na bigay ng ating Ama sa Langit, ay ang Tagapagligtas na si Jesucristo. Ngayong Pasko, dahil sa kundisyon ng mundo, ang ilan sa atin ay nasa sitwasyong malayo sa pamilya o nakahiwalay sa kanila kahit nakatira sila sa malapit. Maaaring madama ng ilan sa atin ngayong taon ang nadama ng aking ama noong Pasko ng 1943. Baka isipin pa natin kung bakit hindi tayo nakatanggap ng anumang regalo o bisita. Ngunit kung titingala tayo at aasa sa Diyos at mabubuhay, matutuklasan natin na si Jesucristo ang pinakadakilang regalo. Ang pagbubukas ng regalong iyan ang ating susi sa isang kahanga-hanga at payapang buhay.
Sa Marcos kabanata 4 ng Bagong Tipan, may nakakatakot na karanasan ang mga disipulo ng Tagapagligtas. Sakay sila ng barko kasama ang Tagapagligtas sa Dagat ng Galilea nang magkaroon ng unos. Natakot ang mga disipulo, at nangusap sa kanila ang Tagapagligtas na nagsasabi, “Bakit kayo natakot? Wala ba kayong pananampalataya?”2 Sa isang utos, pinayapa ng Tagapagligtas ang mga hangin at alon. Pagkatapos ay itinanong ng mga disipulo ang tanong na ito na hinihiling kong pagnilayan ninyo ngayong Pasko: “Sino nga ito, na pati ang hangin at ang dagat ay sumusunod sa kanya?”3 Susubukin kong sagutin ang tanong na ito. Si Jesucristo ang “[Kamanghamanghang Tagapayo], Makapangyarihang Diyos, Walang hanggang Ama, Prinsipe ng Kapayapaan.”4 “Sa pamamagitan niya, at mula sa kanya, ang mga daigdig ay nililikha at nalikha.”5 Siya ang ating Tagapagligtas at ating Manunubos; Siya ang Panganay ng Ama.
Inilarawan ni Isaias ang Tagapagligtas sa ganitong paraan: “Hindi mo ba nalaman? Hindi mo ba narinig? Ang Panginoon ang walang hanggang Diyos, ang Lumikha ng mga dulo ng lupa. Hindi siya nanghihina, o napapagod man… Silang naghihintay sa Panginoon ay magpapanibagong lakas, sila’y paiilanglang na may mga pakpak na parang mga agila, sila’y tatakbo at hindi mapapagod, sila’y lalakad, at hindi manghihina.”6
Sa sitwasyong ito inaanyayahan tayong lahat ng Tagapagligtas sa Kapaskuhang ito at sa tuwina, “Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nanlulupaypay at lubhang nabibigatan at kayo’y bibigyan ko ng kapahingahan… Sapagka’t ako’y maamo at mapagpakumbabang puso: at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa. Sapagkat madaling dalhin ang aking pamatok at magaan ang aking pasan.”7 Ang paanyaya Niya sa atin ay “lumapit.”
Umaasa ako sa Kapaskuhang ito na anuman ang ating sitwasyon, saanman tayo naroon, at paano man tayo nakahiwalay sa ating pamilya o mga kaibigan, ay maalala natin na Siya, ang Tagapagligtas na si Jesucristo, ang regalo; na sa paglapit natin sa Kanya, pagagaanin Niya ang ating mga pasanin; at matutuklasan natin Siya, tulad ng nangyari ng aking ama sa gitna ng isang kakila-kilabot na digmaan. Sabi ng Tagapagligtas, “Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo, ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo: hindi gaya ng ibinibigay ng sanlibutan ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag mabagabag ang inyong puso, o matakot man.”8 Kapag nagtiwala tayo sa kanya, makasusumpong tayo ng kapayapaan at kaligayahan, anuman ang ating kasalukuyang sitwasyon.
Maligayang Pasko at nawa, ngayon taon, habang nagagalak ang napapagod na mundo, ay matanggap ninyo at pasalamatan ang regalong bigay sa atin ng mapagmahal na Ama nang tulutan Niya ang sakripisyo ng Kanyang Bugtong na Anak. Pinatototohanan ko ang mapagmahal na Ama sa Langit at ang Kanyang sakdal na Anak, ang Prinsipe ng Kapayapaan. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.