Mga Banal na Regalo
Ni Pangulong Russell M. Nelson
Disyembre 6, 2020
Minamahal na mga kapatid, napakagandang gabi nito. Napasigla ng magagandang mga awitin at mensahe ang ating mga espiritu. Tinunaw ni Sister Craven ang ating mga puso sa pag-iisip tungkol sa mga yakap ng langit at kumot ng kaginhawaan. Inantig tayo ni Elder Nielson sa pag-alaala niya sa buhay ng kanyang ama, na inagawan ng kanyang serbisyo sa military ng pagdiriwang ng Pasko sa tatlong magkakasunod na taon. Binigyang-inspirasyon tayo ni Elder Holland sa pagtuturo niya tungkol sa buhay ng Tagapagligtas ng sanlibutan.
Nais kong kunin ang pagkakataon na ito upang magpasalamat sa pagtugon ninyo sa paanyaya ko kamakailan na punuin ang social media ng pasasalamat para sa napakarami nating biyaya. Milyun-milyon ang tumugon. At lalo akong nagpapasalamat sa patuloy ninyong pananalangin araw-araw sa ating Ama sa Langit, na nagpapasalamat para sa Kanyang paggabay, proteksyon, inspirasyon, at higit sa lahat, para sa regalo ng Kanyang Bugtong na Anak, si Jesucristo.
Maraming mabubuting alaala ang muling naaalala sa panahon ng Pasko. Noong isang taon lamang, nagkaroon ako at si Wendy ng pagkakataon na ipagdiwang ang Kapaskuhan kasama ang isang nakatutuwang batang babae, si Claire Crosby, na umawit ng isang paboritong Christmas carol. Nais kong ibahagi ang bahagi ng recording na ginawa para sa inisyatibong “Maging Ilaw ng Sanlibutan.”1
Tulad ng ipinaalala ni Elder Holland sa atin, tunay na ang pinagpalang gabing iyon, mahigit sa dalawang libong taon na ang nakalilipas, ay isang gabing ginawang banal ng pagsilang ng Isa na naorden na noon pa man na magdala ng kapayapaan sa mundo at bigyang-inspirasyon ang kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya.2 Isinilang si Jesucristo upang pagpalain ang sangkatauhan, sa nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap.
Sa pag-awit natin ng “Kay Tahimik ng Paligid,” nalalaman natin na ang buhay ng Sanggol ng Betlehem ay hindi nagsimula dito, o nagtapos sa Kalbaryo. Sa buhay bago tayo ipinanganak, hinirang si Jesus ng Kanyang Ama na maging Mesias, ang Cristo, ang Tagapagligtas at Manunubos ng sangkatauhan. Naordenan siya noon pa man na magbayad-sala para sa atin. “Siya ay nasugatan para sa ating mga kasalanan at nabugbog dahil sa ating mga kasamaan.”3 Dumating Siya sa mundo upang gawing totoo ang imortalidad para sa lahat, at gawing posible ang buhay na walang-hanggan sa mga taong mabubuhay.4
Ibig sabihin niyan, tayong lahat ay mabubuhay na mag-uli—kabilang ang mga taong mahal ninyo sa buhay na namayapa sa magulong taon na ito, at na nabubuhay na ngayon sa kabilang panig ng tabing. Nangangahulugan iyan na bawat isa sa atin ay patuloy na makauunlad. Nangangahulugan iyan na maaari tayong umasa na magiging mas mabuti ang hinaharap.
Naisip na ba ninyo kung bakit pinili ng Panginoon na ipanganak sa lugar kung saan Siya ipinanganak? Maaari siyang ipanganak saanman sa mundo. Ngunit pinili Niya ang lupain na pinabanal Niya.
Si Jesus ay isinilang sa Betlehem. Ang salitang iyon sa Hebreo, bet lehem, ay nangangahulugang “bahay ng tinapay.” Napakaangkop na Siya, ang “tinapay na buhay,”5 ay magmumula sa “bahay ng tinapay.”
Siya ay ipinanganak sa abang sitwasyon kasama ng mga hayop. Doon, ang “Kordero ng Diyos”6 ay ipinanganak sa panahon ng Pascua kasama ng mga hayop na inihahandang maging alay sa Pascua. Kalaunan, Siya ay “dadalhin tulad ng isang kordero sa katayan.”7 Kapwa Siya ang Kordero at ang Pastol.
Sa kapanganakan Niya na tinaguriang ang “mabuting pastol,”8 ang mga pastol ang unang nakatanggap ng pag-anunsiyo ng Kanyang banal na kapanganakan.9
Sa kapanganakan Niya na tinaguriang “maningning na tala sa umaga,”10 may bagong tala na lumabas sa kalangitan.11
Sa kapanganakan Niya na tinaguriang “ilaw ng sanglibutan,” 12 napawi ang kadiliman sa buong mundo bilang tanda ng Kanyang banal na pagsilang.13
Bininyagan si Jesus sa pinakamababang lugar na may tubig-tabang sa buong mundo, na sinasagisag ang lalim ng ibababa Niya upang iligtas tayo at kung saan mula roon Siya ay papaibabaw sa lahat ng bagay—muli, upang iligtas tayo.14 Mula sa Kanyang halimbawa, nagturo Siya na tayo rin ay makakaahon mula sa kailaliman ng ating personal na mga hamon—ang ating kalungkutan, kahinaan, pag-aalala—at maaabot ang tugatog ng ating maluwalhating potensyal at banal na kahihinatnan. Lahat ng ito ay posible dahil sa Kanyang awa at biyaya.
Sa gitnan ng tuyo at maalikabok na ilang ng disyerto, nagturo ang Tagapagligtas ng mga aral na mauunawaan lamang ng mga taong alam kung ano ang pakiramdam na mauhaw nang husto.
Sa babae sa may balon, nagturo si Jesus:
“Ang bawa’t uminom ng tubig na ito ay muling mauuhaw:
“Ngunit sinomang umiinom ng tubig na sa kaniya’y aking ibibigay ay hindi mauuhaw magpakailan man; nguni’t ang tubig na sa kaniya’y aking ibibigay ay magiging balon ng tubig na bubukal sa kabuhayang walang hanggan.15
Ang banal na kasulatang ito ay nagpapaalala sa akin ng isang magiliw na karanasan ko kasama si Elder Mark E. Petersen.16 Siya noon ay isang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, at bago ako matawag sa korum na iyon, nagkaroon ako ng pribilehiyo na samahan siya sa Banal na Lupain sa siyang magiging huling pagbiyahe Niya sa buhay na ito.
Labis na nahihirapan si Elder Petersen dahil may kanser siya. Sa isang mahaba at masakit na gabi para sa kanya, ginawa ko ang lahat upang mapanatag siya. Nakita ko na maaari siyang kumain at uminom nang napakakonti lang. Kinabukasan, mayroon siyang iskedyul na magsalita sa isang mahalagang pulong.
Dumating ang umaga. Matapang na pumunta si Elder Petersen sa hilagang baybayin ng Dagat ng Galilee, kung saan naghihintay sa kanya ang isang malaking kongregasyon. Pinili niyang magturo mula sa Sermon sa Bundok ng Tagapagligtas. Nang binigkas ni Elder Petersen ang mga salitang “Mapapalad ang mga nagugutom at nauuhaw sa katuwiran,”17 naluha siya. Itinabi niya ang tala ng kanyang mga sasabihin, iniangat ang kanyang ulo, at nagtanong, “Alam ba ninyo kung ano talaga ang pakiramdam ng magutom at mauhaw?” Alam ko na talagang alam niya. Pagkatapos ay itinuro Niya, “Kapag kaya ninyo talagang magutom at mauhaw sa katuwiran, magiging mas katulad ninyo si Cristo.” Si Elder Petersen ay buhay na halimbawa niyon. Hindi nagtagal pagkatapos nito, natapos ang kanyang paglalakbay sa mortal na buhay na ito.18
Sa bawat pagkakataon na iniisip ko ang pagkagutom at pagkauhaw sa katuwiran, naiisip ko ang kagalang-galang na Apostol na ito na inilaan ang isa sa kanyang huling mga mensahe upang magturo kung ano talaga ang ibig sabihin ng pagsaliksik sa Panginoong Jesucristo, na magutom at mauhaw sa katuwiran, upang maging higit na katulad Niya.
Ngayong taon, nagawa namin ni Sister Nelson na maghanda nang mas maaga para sa aming gawain ng pagmamahal sa Kapaskuhan para sa aming pamilya. Sa umpisa ng Nobyembre, sinabi ni Wendy na handa na kami para sa Pasko. Ang nasabi ko kaagad ay, “Mabuti! Ngayon ay makapagtutuon na tayo sa Tagapagligtas.”
Sa pambihirang taong ito, kung kailan halos lahat ng tao sa mundo ay nadama ang epekto ng isang pandaigdigang pandemya, wala nang mas mahalaga pa na gawin ngayong Pasko kaysa sa bigyang-diin ang pagtuon natin sa Tagapagligtas at sa kahulugan ng regalo ng Kanyang buhay para sa atin.
Ang mapagmahal nating Ama sa Langit ay “gayon na lamang ang pagsinta sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang sinomang sa kaniya’y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”19
Nangako ang Anak ng Diyos sa atin na “ang bawat nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay magpakailanman.” 20 Napakaganda at walang-kapantay na mga regalo mula sa Ama at sa Anak!
Nagpapasalamat ako sa Diyos para sa Kanyang regalo na Kanyang Banal na Anak. At nagpapasalamat ako sa Panginoong Jesucristo para sa Kanyang walang-kapantay na sakripisyo at misyon. Sa Kanyang unang pagparito, halos lihim ang pagdating ni Jesus. Ngunit sa Kanyang Ikalawang Pagparito, ang kaluwalhatian ng Panginoon “ay mahahayag, at sama-samang makikita ng lahat ng laman.”21 Pagkatapos Siya ay “mamumuno bilang Hari ng mga Hari, at mananaig bilang Panginoon ng mga Panginoon.”22
Ngayon, bilang awtorisadong tagapaglingkod ng Tagapagligtas, nais kong mag-iwan ng biyaya sa bawat isa sa inyo, aking minamahal na mga kapatid. Nawa’y kayo at ang inyong mga pamilya ay makadama ng kapayapaan, na may dagdag na kakayahan na marinig ang tinig ng Panginoon, at makatanggap ng paghahayag nang may higit na kakayahan na madama kung gaano kayo kamahal ng ating Ama at ng Kanyang Anak, kung gaano Sila nagmamalasakit sa inyo, at kung gaano Sila kahanda na gabayan ang lahat ng hahanapin Sila. Nakikiisa ang aking mga salita sa mga salita ni Moroni at “ipinapayo ko sa inyo na hanapin ang Jesus na ito na siyang isinulat ng mga propeta at apostol, upang ang biyaya ng Diyos Ama, at gayon din ng Panginoong Jesucristo, at ng Espiritu Santo, … ay maaari at manatili sa inyo magpakailanman.”23 Ito ang dalangin ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.