Kumperensya ng mga Tagapagturo ng Relihiyon ng CES
Hunyo 2023 Ang Kapangyarihan ni Jesucristo at ng Dalisay na Doktrina


32:25

Ang Kapangyarihan ni Jesucristo at ng Dalisay na Doktrina

Ang Kapangyarihan ni Jesucristo at ng Dalisay na Doktrina kasama si Elder Neil L. Andersen

Linggo, Hunyo 11, 2023

Elder Neil L. Andersen: Salamat, Elder Gilbert. Salamat, Brother Webb. Dalawa sa aking mga kaibigan at mahal na mga kasamahan. Mahal na mahal ko sila.

Hindi ba’t kamangha-mangha ang korong iyon? At napakamapitagan! Talagang kahanga-hanga kayo. Maraming salamat inyo!

Naisip ko ang mga salitang ito nang mag-harmonize kayo sa ikatlong talata: “Tanglaw ko ang Diyos, lakas ko rin ang Diyos. Alam kong sa Kanya tagumpay ko’y lubos.”1 Kung maipadarama natin nang malalim ang mga salitang iyon sa mga pinakakaibuturan ng mga tinuturuan natin, pananatilihing ligtas ng mga ito ang isang tao.

Kamangha-manghang maparito sa Tabernacle, hindi ba? Hindi na tayo pumupunta dito nang kasindalas noon. Maaaring hindi pa nakapunta rito ang ilan sa inyo; masyado pa kayong bata. Ang ilan sa atin ay maraming alaala sa napakatandang Tabernakulo na ito. Ilan dito ang may magandang alaala mula sa pagpunta rito noon? (Nagtaas ng mga kamay.)

Tatlumpung taon na ang nakararaan, kami ni Elder Christofferson ay tinawag dito sa isang pangkalahatang kumperensya na ginanap ng Abril. Nakaupo kami, sa pagkaka-alala ko, doon sa ibaba bago ang mga pulang upuan. Ang isa sa mga Apostol na si Elder Marvin Ashton ay may sakit sa kumperensyang iyon, kaya mapagkumbaba kaming nagpatotoo ni Elder Christofferson. Wala kaming gaanong oras para maghanda.

May isa pa akong alaala dito na ibabahagi ko sa inyo.

Hindi na ulit ako nakapagsalita sa Tabernacle mula nang magbigay ako ng patotoo noong 1993. Plano naming pumunta noon sa huling kumperensya na gaganapin dito sa Tabernacle; iyon ay noong Oktubre ng 1999.

May nangyari na medyo nakakagulat sa akin. Biyernes ng umaga bago ang kumperensya—alas-7:30 ng umaga. Nasa opisina ko ako nang tumunog ang telepono. Sabi ng tinig sa kabilang dulo, “Brother Andersen, ito si Pangulong Hinckley.” Isa akong General Authority noon, pero kakaunti lang ang oras na nakasama ko si Pangulong Hinckley. Ang kanyang unang sinabi sa akin—talagang totoo ito—ay, “Anong uri ng pinch hitter ka?” Hindi ko talaga alam kung paano tutugon, pero may nasabi naman ako. Nagpatuloy siya: “Maysakit si Elder Robert Hales. Ooperahan siya sa Lunes at hindi siya makapagsasalita bukas ng umaga. Nais naming humalili ka sa kanya sa Sabado ng umaga. OK? Paalam!” Maraming oras akong kinabahan. Iyon lang ang karanasan ko sa pagbibigay ng itinalagang mensahe sa pangkalahatang kumperensya dito sa Tabernacle.

Kung may oras tayo, gusto naming mapakinggan ang lahat ng karanasan ninyo.

Magsisimula ako sa pagpapahayag ng aking pagmamahal at ng pagmamahal ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawa para sa bawat isa sa inyo. Lubos naming iginagalang at hinahangaan ang inyong pananampalataya at katapatan sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo at sa Kanyang banal na gawain. Napakahalaga ng makasaysayang panahong ito. Ang buhay ng daan-daang libo sa ating mga batang Banal sa mga Huling Araw ay nakasalalay sa inyong impluwensya. Tinawag man kayo bilang seminary o institute teacher sa inyong ward o stake o pinili bilang guro sa isa sa ating 638 institute sa iba’t ibang panig ng mundo o sa ating released-time seminary—katatanong ko lang kay Brother Webb kung ilan ang mga klase natin, at ang sabi niya ay mga 80,000. Ang released-time seminary, siyempre, ay nasa kanlurang Estados Unidos, Canada, at mga paaralan ng Simbahan. O kung naglilingkod kayo sa alinmang tungkulin para tumulong sa gawain ng Seminaries and Institutes, taos-puso akong nagpapaabot ng pasasalamat sa inyo sa ngalan ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawa. Mahal namin kayo at ipinagdarasal namin kayo. Itinuturing namin kayong kapwa mga disipulo ni Jesucristo habang inihahanda natin ang mabubuting tao sa lahat ng bansa, kultura, at wika ng mundo, bilang paghahanda sa maluwalhating pagbabalik ng Tagapagligtas sa lupa.

Upang parangalan ang bawat isa sa inyo at ang mararangal na guro na nauna sa inyo sa dakilang gawaing ito, kamakailan ay nakipag-usap ako kay President Andy Diaz, isang stake president dito sa Salt Lake City. Pinag-usapan namin ang isang guro sa early-morning seminary noong kanyang kabataan. At narito ang napakagandang koneksyon. Matapos sumapi sa Simbahan sa edad na 13 sa lungsod ng Tampa, Florida, nagsimulang dumalo si President Diaz sa seminary pagkaraan ng isang taon sa early-morning seminary class kasama ang aking butihing asawang si Kathy. Ngayon, mapapansin ninyo na mukhang mas matanda siya kay Kathy. Magkakaiba ang pinagdaraanan natin sa buhay. Ang guro ay ang ina ni Kathy, ang magiging biyenan kong si Sister Martha Williams. Pakinggan ang maikling pag-uusap namin ni President Diaz.

[video begins]

Elder Andersen: Narito ako ngayon kasama si President Andy Diaz, pangulo ng Salt Lake Riverside Stake. May pagkakatulad kami ni President Diaz, dahil ang asawa kong si Kathy ay nakasama niya sa seminary class mahigit 50 taon na ang nakararaan, at higit pa riyan, ang kanilang guro ay ina ni Kathy na si Sister Martha Williams. Kahanga-hanga siyang babae. Siyempre, kilalang-kilala ko siya. Matagal na siyang pumanaw. Ngunit gusto kong malaman ang nadarama, pagkalipas ng 50 taon, ng isang lalaking stake president na ngayon, na sumapi sa Simbahan noong siya ay 13 taong gulang at pagkatapos ay nag-seminary pagkaraan ng isang taon, tungkol kay Sister Martha Williams. Ibahagi mo lang sa amin ang pangkalahatang nadarama mo, President Diaz, tungkol sa babaeng ito na naging guro mo sa seminary.

President Andy Diaz: Siguro ay isa siya sa tatlong pinakamaimpluwensyang babae sa buhay ko—ang aking ina, ang asawa ko, at si Sister Williams.

Elder Andersen: Hindi ba ‘yan pagmamalabis?

President Diaz: Hindi ‘yan pagmamalabis.

Elder Andersen: Paano siya naging ganoon kahalaga sa iyo?

President Diaz: Tinulungan niya akong umunlad at matutuhan ang ebanghelyo, dahil isa akong bagong miyembro ng Simbahan sa edad na 13, at sa edad na 14, nagsimula akong mag-seminary. At siya talaga ang tumulong sa akin na matutuhan ang ebanghelyo. Noong junior high school ako, nakakuha ako ng trabaho at kailangan kong magtrabaho nang alas-dos ng umaga, at mula sa trabaho ko, didiretso ako sa early-morning seminary nang alas-sais dahil ayaw kong lumiban dito; ganoon ito kahalaga sa akin. At naihanda na niya sa oras na iyon ang kapaligiran upang magkaroon kami ng espirituwal na karanasan, at gustung-gusto ko ang mga espirituwal na karanasang iyon.

Elder Andersen: Pinanatili ba niya ang kadalisayan ng ebanghelyo at ang kasimplihan ng ebanghelyo, o siya ba’y—naaalala ko 50 taon na ang nakararaan sa ilan sa mga klase ko, nagsasaliksik kami ng mga bagay na wala kaming kaalam-alam.

President Diaz: Talagang itinuro niya sa akin ang mga dalisay na doktrina ni Cristo. Nagturo siya tungkol sa pananampalataya at pagsisisi at mga bagay na kailangan nating gawin upang makabalik sa ating Ama sa Langit, pagtitiis hanggang wakas.

Elder Andersen: Tinulungan ka ba niya sa iyong personal na pagbabalik-loob sa Tagapagligtas na si Jesucristo, na nagpatuloy sa buong buhay mo?

President Diaz: Oo, ginawa niya iyon. Dahil tinulungan niya akong magkaroon ng ugnayan sa ating Ama sa Langit at sa Tagapagligtas. Nalaman ko ang tungkol sa Tagapagligtas mula sa kanya. At ang lahat ng bagay na nasa mga banal na kasulatan na mas ipinaunawa niya sa amin at ang mga doktrinang itinuro ng Tagapagligtas. Mayroon siyang patotoo at hindi ko maalala na tinapos niya ng klase nang hindi pinatototohanan ang ebanghelyo ng Tagapagligtas at ang mga bagay na itinuturo niya para sa araw na iyon; talagang mahalaga iyan. At siya ay isang taong puno ng sigla; pupuspusin ka niya ng pagmamahal sa ebanghelyo na taglay niya. At sa pagmamasid ko sa kanya, sinisikap kong tularan ang ginagawa niya.

Elder Andersen: Sa pagbabalik-tanaw mo, kung may masasabi ka sa mga guro ng seminary at institute—sa isang taong katulad mo na bago sa Simbahan, bagong dating lang—ano ang hihikayatin mong gawin nila, President Diaz?

President Diaz: Mahalin ang mga estudyante ninyo. Ipaalam sa kanila na mahal ninyo ang Ama sa Langit at mahal sila ng Ama sa Langit. Na mahal sila ng Tagapagligtas. At kung susundin ninyo ang Diyos at ang Kanyang mga propeta, makakabalik kayo at makakapiling ninyong muli ang ating Ama sa Langit.

Elder Andersen: Sigurado akong ipinagmamalaki ka ng mga magulang mo. At alam ko na si Sister Williams, na pumanaw na sa mundong ito 25 taon na ang nakararaan ay ipinagmamalaki ka.

President Diaz: Pinasaya niyan ang araw ko.

Elder Andersen: Maraming salamat. At salamat sa pagbabahagi ng mga bagay na ito sa amin.

President Diaz: Walang anuman.

[video ends]

Elder Andersen: Kasama natin sina Brother at Sister Diaz ngayong gabi. Maaari ba kayong tumayo, Brother at Sister Diaz, para kilalanin namin kayo? Maraming salamat.

Si President Diaz ay kumakatawan sa impluwensyang mayroon kayo at patuloy na magkakaroon kayo sa sumisibol na henerasyon dahil sa inyong pananampalataya sa Manunubos at sa paraan ng pagtataas ninyo sa Kanya bilang liwanag sa lahat ng inyong sinasabi at ginagawa.

Sa inyong huwarang paglilingkod, dalangin ko ngayon na makapagbahagi ng isa o dalawang ideya na magpapasigla sa inyong espiritu at sa pinakamaliliit na paraan ay tutulong sa inyo na mapalakas ang matwid na paglilingkod na ibinibigay ninyo.

Narito ang unang dapat ninyong isaalang-alang: Magturo at magpatotoo tayo nang mas madalas at mas mabisa tungkol kay Jesucristo.

Isipin kung gaano napapanahon ang mga salitang ito ni Pangulong Russell M. Nelson noong nakaraang pangkalahatang kumperensya ng Abril para sa mga estudyanteng tinuturuan ninyo: “Anuman ang mga tanong o problema ninyo, ang sagot ay laging matatagpuan sa buhay at mga turo ni Jesucristo. Pag-aralan pa ang tungkol sa Kanyang Pagbabayad-sala, Kanyang pagmamahal, Kanyang awa, Kanyang doktrina, at Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo ng pagpapagaling at pag-unlad. Bumaling sa Kanya! Sumunod sa Kanya!”2

Nang tawagin ako bilang General Authority 30 taon na ang nakararaan noong mga unang taon ng dekada 90, siyam sa sampung adult sa Estados Unidos ang nagsasabing sila ay mga Kristiyano. Ayon sa Pew Research Center, 64 na porsiyento na lang ngayon ang populasyon ng mga Kristiyano sa Estados Unido at malamang na bababa pa sa 50 porsiyento sa loob ng ilang dekada. Ang ibang mga bansa ay nakaranas na o nahaharap din sa gayon ding mga hamon ng pananampalataya.

Siyempre, hindi lahat sa inyo na dumadalo ngayon ay mula sa mga bansa kung saan ang Kristiyanismo ang pangunahing relihiyon, at marami sa inyo ang mula sa mga lugar kung saan nananatiling matatag ang pananampalataya kay Jesucristo. Ngunit saanman tayo nakatira, natatanto natin na ang daan tungo sa buhay na walang hanggan ay nagsisimula sa malalim at matatag na pagbabalik-loob sa ating Tagapagligtas, na may pagpipitagan sa Kanyang banal na buhay at misyon.

“Sinabi sa kanya ni Tomas, Panginoon, … paano namin malalaman ang daan? “Sinabi sa kanya ni Jesus, ‘Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay. Sinuman ay hindi makakarating sa Ama kundi sa pamamagitan ko.’”3

Sa pambungad na mensahe sa Para sa Lakas ng mga Kabataan, isinulat ng Unang Panguluhan: “Tunay na kabilang kayo sa mga piling espiritu ng Ama sa Langit, na isinugo sa lupa sa panahong ito para gumawa ng mahahalagang bagay. … Lumapit sa Tagapagligtas. Siya ang ‘lakas ng mga kabataan.’”4

Kamakailan, nasa seminary building ako ng mga apo ko. Humanga ako na sa mga dingding ay maraming larawan ng Tagapagligtas at ng Kanyang sariling mga salita at iba pang mga banal na kasulatan na nagpapatotoo tungkol sa Kanya.

Itinuro ni Brother Chad Webb ang alituntuning ito: “Ang kaisa-isang pinakamahalagang paraan na matutulungan nating lumago ang pananampalataya ng bagong henerasyon ay ang mas isentro kay Jesucristo ang ating pagtuturo at pagkatuto.”5

Hindi ba’t tayo ay lubos na naimpluwensyahan sa pangkalahatang kumperensya noong Abril nang banggitin ni Pangulong Dallin H. Oaks ang mga salita ni Nephi, “Magpakabusog kayo sa mga salita ni Cristo; sapagkat masdan, ang mga salita ni Cristo ang magsasabi sa inyo ng lahat ng bagay na dapat ninyong gawin,”6 at pagkatapos ay ginamit ang nalalabi sa kanyang makapangyarihang mensahe upang ibahagi ang “mga piling salita ng ating Tagapagligtas—ng mga sinabi Niya” kapwa sa Bagong Tipan at sa Aklat ni Mormon. Nagtapos si Pangulong Oaks sa simpleng pahayag na ito ng propeta: “Pinatutunayan ko na totoo ang mga turong ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.”7

May pambihirang kapangyarihan sa mga salita ni Jesucristo:

“Humingi kayo at kayo’y bibigyan; humanap kayo, at kayo’y makakakita.”8

“‘Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay. Ang sumasampalataya sa akin, bagama’t siya’y mamatay, ay mabubuhay.’”9

Masdan, ako si Jesucristo, ang Anak ng Diyos. … Ako ang ilaw at ang buhay ng sanlibutan.”10

Kung iniisip ninyo kung ano ang sasabihin, sabihin ang mga salita ng Tagapagligtas. Magsalita tungkol sa Kanyang mga karanasan; patungkol sa Kanyang mga talinghaga; sabihin ang mga salita sa banal na kasulatan at ng mga propeta na nagpapatotoo tungkol sa Kanya.

Kapag nagtuturo at nagpapatotoo tayo tungkol kay Jesucristo, pagtitibayin ng Espiritu Santo sa puso ng ating mga kabataang disipulo ang katotohanan ng Kanyang buhay at mga turo nang may kapangyarihang higit na tumatagal kaysa sa kapangyarihan ng sarili nating pagtuturo.

Mapagpakumbaba nating isipin kung ginagawa natin ang lahat ng dapat nating gawin sa pagtuturo at pagpapatotoo tungkol sa Kanyang Pagbabayad-sala, pagmamahal, awa, doktrina, ipinanumbalik na ebanghelyo ng paggaling at pag-unlad, gaya ng hiniling ni Pangulong Nelson.

Dahil ang ating huwaran sa pagtuturo noon ay maaaring hindi sapat para sa ngayon at sa mangyayari sa hinaharap, dagdagan natin ang ating sariling pang-unawa at, tulad ng ipinayo ni Pangulong Nelson, “pag-aralan pa” natin sa ating sarili at hikayatin ang mga kabataan at young adult ng Simbahan na “pag-aralan pa” ang tungkol sa “buhay at mga turo ni Jesucristo.”11

Ngayon, ang pangalawang sasabihin ko: Panatilihin nating dalisay at simple ang doktrina.

Ang tunay nating nalalaman tungkol sa ating Ama sa Langit; sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo; sa ating buhay bago tayo isinilang; sa plano ng kaligayahan ng ating Ama para sa atin; sa mga alituntunin ng pananampalataya at pagsisisi; mga nagliligtas na ordenansa, kautusan, tipan, pagsunod, at pagtitiis; at sa mga ipinangakong pagpapala sa atin sa kabilang-buhay—lahat ng bagay na ito ay napakalinaw sa magandang paraan, hindi natin dapat madama na kailangan nating maging “lampas sa tanda”12 tulad ng itinuturo ng mga banal na kasulatan.

Itinutuon natin ang ating pagtuturo sa ating Ama sa Langit, kay Jesucristo, at sa inihayag Nilang doktrina upang matulungan ang ating mga kabataan na madagdagan ang pananampalataya sa Kanila, magbalik-loob sa Kanila, at matanggap ang Kanilang mga ipinangakong pagpapala.

Ang doktrina ni Cristo ay matatagpuan sa mga banal na kasulatan at sa mga turo ng mga propeta, na ang responsibilidad ay iparating ang kalooban ng Panginoon.

Ang doktrina na nasa mga banal na kasulatan at itinuro ng mga propeta ay kinapapalooban ng alituntunin ng maraming saksi, na madalas ninyong naririnig sa pangkalahatang kumperensya at ibinahagi ko mahigit 10 taon na ang nakararaan: “Pinagdududahan ng ilan ang kanilang pananampalataya kapag nakakakita sila ng pahayag ng isang pinuno ng Simbahan noong araw na tila hindi tugma sa ating doktrina. May mahalagang alituntuning sumasaklaw sa doktrina ng Simbahan. Ang doktrina ay itinuturo ng lahat ng 15 miyembro ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawa. Hindi ito nakatago sa malabong talata ng isang mensahe. Ang tunay na mga alituntunin ay itinuturo nang madalas at ng maraming tao. Ang ating doktrina ay hindi mahirap hanapin.”13

Nakikita ba ninyo ang halaga ng palaging pagtuturo ng mga turo ng mga propeta at apostol sa mga talakayan sa klase? Ang patnubay ng Panginoon para sa mga tanong at alalahanin sa ating makabagong mundo ay nagmumula sa mga taong inordenan nang may awtoridad ng apostol. Kung bumababa ang tiwala sa mga propeta at apostol, ang mga panggagambala, maling paggabay, at mga panlilinlang ng mundo ay maghihiwalay sa tao sa kanyang espirituwal na mga sandigan. Hintayin nang may pananabik ang pangkalahatang kumperensya at talakayin ang mahahalagang turong mula rito. Malinaw na tukuyin ang sagradong papel na ginagampanan ng hinirang ng Panginoon. Habang papalayo ang mundo sa mga utos ng Diyos, lalong magiging mahalaga ang tungkulin ng mga Apostol.

Sa pagpapanatiling dalisay at nauunawaan ang doktrina ng Panginoon, maging maingat na manatili sa loob ng hangganang itinakda ng Diyos, iniiwasan ang mga kamaliang dulot ng haka-haka at mga personal na ideya sa doktrina. Ang gayong mga ideya ay maaaring nakakaakit sa ilan ngunit walang kapangyarihan ng katotohanan na nagpapalakas ng pananampalataya.

Gusto ko ang aral na itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks sa kanyang anak nang magtanong ito tungkol sa bagay na hindi malinaw na ipinaliwanag sa doktrina ni Cristo. Ang sagot niya: “Anak, hindi ko alam ang sagot sa tanong na iyan, pero hayaan mong sagutin ko ang tanong na alam ko.” Pagkatapos ay nagpatotoo siya tungkol kay Propetang Joseph Smith at sa Unang Pangitain. Maging handa tayong sabihing, “Hindi ko alam ang tungkol diyan, pero ito ang alam ko.”

Pag-isipan ang mga tanong at sagot na ito:

“Brother Jones, ano ang kaugnayan ng Big Bang kina Adan at Eva?” “Hindi ko alam ang sagot sa tanong na iyan, pero hayaan ninyong sabihin ko sa inyo ang nalalaman natin tungkol kina Adan at Eva.”

“Sister Gonzalez, bakit hindi marami ang alam natin tungkol sa ating Ina sa Langit?” “Hindi ko alam ang sagot sa tanong na iyon, ngunit alam ko na kayo ay ‘minamahal na anak na babae ng mga magulang sa langit, na may banal na katangian at walang hanggang tadhana.’14

Isipin kung paano mo mababago ang magaganda ngunit naghihikayat ng haka-haka na mga tanong, sa mga sagot na nagpapalakas ng pananampalataya sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo. At narito ang isang hamon para sa inyo. Tumulong na ikintal sa inyong mga estudyante na hindi magkakapareho ang halaga ng bawat tanong. Ang espirituwal na pag-unawa at kahinugan ay tumutulong na maihiwalay ang mahahalagang tanong mula sa mga kawili-wiling tanong.

Sa pagiging tumpak, malinaw, at simple, naaanyayahan natin ang nagpapatibay na patotoo ng Espiritu Santo. “Kapag dumating na ang Mang-aaliw, … ang Espiritu ng katotohanan, … siya ang magpapatotoo tungkol sa akin.”15

Inilarawan ni Brigham Young ang mga turo ni Joseph Smith sa ganitong paraan: “Kinuha niya ang langit, sa matalinghagang pananalita, at ibinaba ito sa lupa; at kinuha niya ang lupa, itinanghal ito, at isiniwalat ang mga bagay ng Diyos, nang payak at simple.”16

Maging maingat na ang mga salaysay at kuwentong sinabi sa inyo ay hindi nadaragdagan. Sikaping matiyak na ang mga banal na kasulatan o mga pahayag na binabanggit ninyo ay nasa tamang konteksto.

Madaling maakit sa isang bago o labis na nakakaintrigang bagay na wala tayong pagkaunawa. Manatili sa loob ng kaligtasan ng dalisay at simpleng doktrina.

Mag-ingat sa pagpili ninyo ng media, personal na mga kuwento, at mga object lesson. Kung magagamit sa epektibong paraan, nagdaragdag sila sa pagiging kawili-wili at lalim ng aralin. Kung labis na bibigyang-diin, maaaring makahadlang ang mga ito sa inyong pagtuturo. Maaaring mapalabo ng pamamaraan ang mensahe.

Nagpatotoo ang propetang si Alma na ang masayang balita ng ebanghelyo ay “[ipinaaalam sa atin] sa malinaw na pananalita, upang [tayo] ay makaunawa, upang [tayo] ay hindi magkamali.”17

“Sapagkat kung ang trumpeta ay magbigay ng di-malinaw na tunog, sino ang maghahanda para sa digmaan?”18

Isipin kung gaano kaganda ang pagiging malinaw ng mga banal na kasulatang ito:

“Lumapit kayo sa akin.”19

“Kung ang sinuman ay ibig sumunod sa akin, tanggihan niya ang kanyang sarili [araw-araw], at sumunod sa akin.”20

“Kung pinatatawad ninyo ang mga tao sa kanilang mga kasalanan, patatawarin din naman kayo ng inyong Ama na nasa langit.”21

“At susubukin natin sila upang makita kung kanilang gagawin ang lahat ng bagay anuman ang iutos sa kanila ng Panginoon nilang Diyos.”22

“Ito ang aking utos, na kayo’y magmahalan sa isa’t isa, gaya ng pagmamahal ko sa inyo.”23

Sa kanyang makapangyarihang sermon na “Pakinggan Siya,” sinabi ni Pangulong Nelson, “ang [Ama sa Langit] ay nakikipag-ugnayan nang simple, tahimik, at napakalinaw kaya tiyak na maiintindihan natin Siya.”24

Malinaw, tumpak, at simple ang banal na paraan ng pagtuturo.

Maging matalino habang binabalanse ninyo ang doktrinang itinuturo ninyo. Magbigay ng angkop na halaga sa isang punto ng doktrina sa konteksto ng iba pang kaugnay na mga katotohanan. Alalahanin ang payo ng Tagapagligtas tungkol sa pagtuturo ng mga kautusan: “Dapat sana ninyong gawin ang mga ito nang hindi pinababayaan ang iba.”25

Ipinaliwanag ni Elder Neal A. Maxwell, “Ang mga alituntunin ng ebanghelyo ay magkakaugnay at sumusuporta sa isa’t isa.”26

Isipin ito: Ang pagmamahal at mga batas ng Diyos, pagpapatawad at pagsisisi, ang pagmamahal sa Diyos at sa kapwa, kalayaang pumili at pananagutan.

Tulad ng nasabi nang maraming beses, huwag lamang magturo para maunawaan, kundi magturo para hindi maging mali ang pagkaunawa sa inyo.

Sa huli, tulad ng alam nating lahat, ang mga katotohanang ito ay dapat ibahagi sa kapaligiran na tumatanggap at naghihikayat sa Espiritu. Hindi natin mapipilit ang Espiritu. Ipinagdarasal at inaanyayahan natin ang Espiritu, ngunit hindi natin tinatangkang magbigay ng espirituwal na karanasan sa aritipisyal na paraan.

Mahigit 30 taon na ang nakararaan, ikinuwento sa akin ni Pangulong Dallin H. Oaks ang isang karanasan niya kasama ang kanyang anak na si Jenny, na noon ay tinedyer pa. Narito ang kanyang kuwento: “Dumalo si Jenny sa klase o aktibidad ng Young Women noong tinedyer siya. Pag-uwi niya, bilang mga magulang, tinanong namin siya ng asawa ko kung ano ang naganap sa pagtitipong iyon. Sabi ni Jenny, ‘Sabi po ng titser, “Magkakaroon tayo ngayong gabi ng espirituwal na karanasan. Kung ang lahat ay maghahawak-kamay sa bilog, magkakaroon tayo ng espirituwal na karanasan.”’”

Patuloy kong babanggitin ang sinabi ni Pangulong Oaks: “Tinanong ko si Jenny, ‘Ano ang nadama mo?’ At sabi niya, ‘Nanlagkit lang po ako!’” (Siguro ngayon, makalipas ang 30 taon, maaari nating sabihing, “Nandiri ako.” Hindi na ako sigurado kung ano na ang ginagamit na salita ngayon.) Ipinagpatuloy ni Pangulong Oaks, “Sabi ko, ‘Masaya ako dahil kapag nakakarinig ako ng ganito, nandidiri din ako.’” Pagkatapos ay sinabi ni Pangulong Oaks, “Itinuro ko sa kanya kung paano hindi nakaiskedyul ang mga espirituwal na karanasan, ngunit nangyayari ang mga ito kapag hinahangad natin ang impluwensya ng Espiritu ng Panginoon.”

Naaalala ba ninyo ang pagmamahal na nadama ni Pangulong Diaz mula sa kanyang seminary teacher na si Sister Williams? Inaanyayahan natin ang Espiritu kapag nagtuturo tayo nang may pagmamahal, kapayapaan, kahinahunan, kaamuan, at pananampalataya.

Alam ninyong lahat ang talatang ito: “Siya na tumatanggap ng salita sa pamamagitan ng Espiritu ng katotohanan ay natatanggap ito ayon sa ipinangaral sa pamamagitan ng Espiritu ng katotohanan. … Dahil dito, siya na nangangaral at siya na nakatatanggap, ay nauunawaan ang isa’t isa, at sila ay kapwa pinagtitibay at magkasamang [n]agsasaya.”27

Kaya hindi lamang ito nakasalalay sa inyo kundi maging sa mga nasa silid-aralan ninyo. Matututuhan ng ating mga estudyante mula sa inyo na patuloy na mapapasakanila ang Kanyang Espiritu sa pamamagitan lamang ng pagsunod at pag-alaala sa Kanya sa tuwina.

Narito ang mga salita ni Pangulong Eyring:

“Nagkakaroon ng kapangyarihan ang doktrina kapag pinatunayan ng Espiritu Santo na ito ay totoo. Inihahanda natin ang ating mga tinuturuan, sa abot ng makakaya natin, na matanggap ang payapang mga bulong ng marahan at banayad na tinig. Kailangan diyan ang kahit kaunting pananampalataya kay Jesucristo. Kailangan diyan kahit papaano ng kababaang-loob, ng kaunting kahandaang magpasakop sa kalooban ng Tagapagligtas para sa atin. “Maaaring wala masyado ng alinman sa mga ito ang taong tutulungan ninyo, ngunit mahihimok ninyo siya na hangaring maniwala. Higit pa riyan, mapagkakatiwalaan ninyo ang mga kapangyarihan ng doktrina. Kayang ihanda ng katotohanan ang sarili nitong daan. Ang marinig lang ang mga salita ng doktrina ay magpupunla na ng binhi ng pananampalataya sa puso. At maging ang munting binhi ng pananampalataya kay Jesucristo ay nag-aanyaya ng Espiritu.”28

Napakagandang mga salita. Naging napakamapitagan ninyo. Maraming salamat sa pagpayag na makasama ko kayo ngayon. Mahal namin kayo, at nagpapasalamat kami sa lahat ng ginagawa ninyo para mapalakas ang ating mga kabataan at young single adult at mapalakas ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo.

Bilang lingkod ng Panginoon, at taglay ang aking awtoridad bilang apostol, binabasbasan ko kayo na ang inyong puso’t isipan ay mapupuspos ng pagmamahal, awa, mga turo, at malalim na pagpipitagan sa walang-kapantay na nagbabayad-salang sakripisyo ng ating Panginoong Jesucristo. Binabasbasan ko kayo, kung ito ang hinahangad ninyo, na ang kakayahan ninyong ituro ang doktrina ni Cristo nang may kadalisayan at kapangyarihan ay madaragdagan at makikita at madarama ninyo ang nagpapatibay na patotoo ng Espiritu Santo sa inyong mabubuting estudyante.

Iniiwan ko sa inyo ang aking sigurado at tiyak na patotoo na si Jesus ang Cristo. At pinatototohanan ko sa inyo ang Kanyang pangako nang sabihin Niyang, “Kaya’t ang bawat kumikilala sa akin sa harapan ng mga tao ay kikilalanin ko rin sa harapan ng aking Ama na nasa langit.”29 Sa pangalan ni Jesucristo, amen.