Pagtulong sa mga Estudyante na Maging Responsable sa Kanilang Sariling mga Patotoo
Hunyo 2024 Kumperensya ng mga CES Religious Educator
Maligayang pagdalo sa makasaysayang pagtitipon na ito ng mga religious educator o tagapagturo ng relihiyon sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sa loob ng maraming taon, tinitipon natin ang lahat ng CES religious educator isang beses sa isang taon para sa isang nakatuong debosyonal na tinatawag dati na Gabi Kasama ang Isang General Authority. Ngayong gabi, ipagpapatuloy natin ang tradisyong iyon sa pagtitipun-tipon natin para makinig kay Elder Dale G. Renlund sa ating pagtatapos sa kaganapang ito. Makasaysayan din nating pinangungunahan ang in-person na kumperensya ng CES sa Brigham Young University, bagama’t ang kaganapan sa taong ito ay kumakatawan sa unang pagkakataon na nagtipon tayo sa buong Church Educational System upang matuto sa isa’t isa, magbahagi ng mga kabatiran, talakayin ang mga pagsisikap na magturo nang mas epektibo, na pinagsama-sama ang mga religious educator mula sa Seminaries and Institutes of Religion, BYU, BYU–Idaho, BYU–Hawaii, BYU–Pathway, at Ensign College. Sa kabuuan, ang mga religious educator na ito ay nagtuturo sa humigit-kumulang kalahating milyong young adult sa buong Simbahan, na dagdag pa sa lahat ng estudyanteng naka-enroll sa seminary.
Nakaugnay sa pangunahing layunin ng edukasyong panrelihiyon sa CES ang pag-unawa kung bakit ganito na lamang ang ating pagsisikap. Madalas akong magsalita tungkol sa mga natatanging tungkuling ginagampanan ng bawat CES school sa sistema. Halimbawa, tinukoy ko ang BYU bilang Ambassador dahil sa responsibilidad nitong kumatawan sa sistema at sa Simbahan bilang tagatipon, punong-abala, at iskolar. Sunod nating ikonsidera ang BYU–Idaho, na tinutukoy ko bilang Educator dahil sa natatanging pagtutuon nito sa pagtuturo; ang BYU–Hawaii bilang ating Asia-Pacific capstone, na may dedikasyon at desidido sa pagbibigay-diin nito sa target area ng Simbahan; at ang Ensign College na Applied Curriculum Provider, na nakatuon sa mga kasanayan sa trabaho para sa mga magsisimula pa lamang. At ang BYU–Pathway na Access Provider, na mas maraming naaabot na estudyante kaysa alinman sa ating mga kampus sa pamamagitan ng abot-kaya, mataas na kalidad na online na pag-aaral. Siyempre, naaabot ng Seminaries and Institutes ang mga estudyanteng hindi nag-aaral sa mga unibersidad ng Simbahan at ang Espirituwal na Angkla para sa mga young adult, saanman sila tumatanggap ng kanilang edukasyon.
Sa kabila ng magkakaibang tungkuling ito, may hindi bababa sa dalawang paraan na pinag-iisa ang bawat institusyong ito. Ang una ay ang misyon mismo ng Church Educational System, na magkaroon ng mga disipulo ni Jesucristo na maaaring maging mga lider sa kanilang tahanan, sa Simbahan, at sa kanilang komunidad. Anuman ang inyong mga natatanging tungkulin sa institusyon, ang bawat institusyon ng CES ay may parehong misyon sa pamumuno sa mga disipulo. Lalung-lalo na sa mga tagapakinig na narito, pare-pareho tayong may dagdag na responsibilidad sa buong CES bilang mga religious educator. Noong Hunyo ng 2019, inaprubahan ng Church Board of Education ang isang dokumento ng hukuman na nagbabalangkas sa ginagampanang papel ng edukasyong panrelihiyon sa Church Educational System, na kadalasang tinatawag na “Strengthening Religious Education [Pagpapalakas sa Edukasyong Pangrelihiyon]” na dokumento. Ang tungkuling ito ay mula sa malinaw at direksyon mismo ng Church Board of Education. Sa pambungad na talata ng dokumentong iyon ay mababasa, “Ang edukasyong pangrelihiyon ay may natatangi at mahalagahang papel sa misyon ng bawat institusyon. … Nakatayo ito sa pinakasentro ng layunin ng bawat institusyon.” Ang mga alituntunin ng SRE ay higit pang nagbibigay-linaw sa pangunahing layunin ng edukasyong pangrelihiyon na nakasaad ayon sa sumusunod: “Ang layunin ng edukasyong pangrelihiyon ay ituro ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo mula sa mga banal na kasulatan at makabagong propeta sa paraang matutulungan ang bawat estudyante na magkaroon ng pananampalataya at patotoo sa Ama sa Langit, … kay Jesucristo, … sa ipinanumbalik na ebanghelyo, … at sa [mga buhay na propeta]; maging mga disipulo habang buhay; … [at] palakasin [ang] kakayahan [ng ating mga estudyante] na humanap ng mga sagot, lumutas ng mga pagdududa, [at] tumugon nang may pananampalataya.” Ang pangunahing layuning iyon ng edukasyong pangrelihiyon sa buong Church Educational System ang pinakadahilan kung bakit tayo narito ngayon. Kung hindi natin ito gagawin nang may tunay na pagtuon, magiging mahirap bigyang-katwiran ang malaking pamumuhunang ginagawa ng Simbahan sa bawat isa sa mga institusyong ito.
Kaya bahagi ng dahilan kung bakit tayo nagtitipon ngayon ay dahil may iisang misyon tayo sa CES at may iisang tungkulin bilang mga religious educator na palakasin ang patotoo at tulungan ang mga estudyante na maging mga disipulo at humanap ng mga sagot sa kanilang mga tanong at manampalataya. Nais ko ring pasalamatan si Chad Webb sa kanyang pamumuno. Pinamumunuan ni Brother Webb ang Seminaries and Institutes of the Church. Ngunit sa nakalipas na dalawang taon, pinamunuan din niya ang Religious Education Committee na may kinatawan mula sa buong Church Educational System. Malaki ang naging parte ng komiteng iyon kaya tayo natipon ngayon na mga CES educator. Nais ko ring banggitin ang suporta ng bawat isa sa ating mga CES president: sina Pangulong Reese, Pangulong Meredith, Pangulong Kauwe, Pangulong Kusch, Pangulong Ashton, at Brother Webb. Ang mga lider na ito ay naatasang maging, “ang punong moral at espirituwal na mga opisyal” ng kanilang mga institusyon. Ang atas na ito ay pinasimulan sa inagurasyon ni Pangulong Kauwe at paulit-ulit na ginagawa sa bawat inagurasyon ng CES magmula noon. Magpapakita lang ako ng mga larawan dito ng mga inagurasyong iyon. Makikita ninyo ang kay Pangulong Kauwe. Ang atas ay nagmula kay Pangulong Holland, at ito ay inulit kay Pangulong Ashton, at muli kay Pangulong Reese, at pagkatapos, ang pinakahuli kay Pangulong Meredith. Kaya hindi aksidenteng narito at kasama natin ngayon ang mga pangulong ito. Sila ay mga kahanga-hangang lider, at ipinapahayag ko ang aking pasasalamat sa kanila sa kanilang pamumuno at kanilang pangako na tutulungan tayo sa panimula ng pampasinaya ng Religious Educators Conference na ito.
Nais ko ngayong magbigay ng ilang konteksto para sa aking mensahe ngayon. Sa aking pampasinayang mensahe sa ating mga religious educator—sa aking taunang mensahe sa ating mga religious educator sa nakalipas na dalawang taon, hiniling ko sa inyo na pagtuunan ng pansin ang mga natukoy natin na binibigyang-diin ng propeta sa mga young adult. Sinubukan din nating bigyang-diin na ang mga paksang nakalista rito ay tiyak na mababago. Walang kagila-gilalas sa limang tema na ito, ngunit dapat itong i-update ayon sa natatanggap nating direksyon mula sa mga propeta at apostol, lalo na sa mga nakararating sa ating mga young adult. Hindi ako umaasa na maisasaulo ninyo ang mga partikular na mensaheng ito, kundi ang matutuhan nating lahat kung paano makinig sa mga buhay na propeta at tulungan ang ating mga estudyante na matutuhan kung paano isabuhay ang kanilang mga mensahe.
Sa diwang iyon, gusto kong magtuon sa isa sa mga binigyang-diin ng propeta kamakailan lamang na tumimo sa aking puso. Inanyayahan ni Pangulong Russell M. Nelson ang mga young adult na alagaan ang kanilang patotoo. Tandaan lamang, kung gusto ninyong sundin ang propeta, magtuon sa dalawang bagay. Una, maging mapagbantay kapag inuulit niya ang isang mensahe, at pangalawa, bigyang-pansin kapag siya ay nagsusumamo sa atin. Makikita ninyo ang dalawang huwaran na iyon sa mensahe ni Pangulong Nelson na alagaan ang inyong patotoo, na unang binanggit sa debosyonal na ito sa mga young adult noong Mayo 2022, nang sabihin niyang: “Nakikiusap ako na alagaan ninyo ang inyong patotoo. Pagsikapan ito. Angkinin ito. Pangalagaan ito. Pagyamanin ito para lumago ito. Busugin ito ng katotohanan. Huwag itong dungisan ng mga maling pilosopiya ng mga lalaki at babaeng walang pananalig at pagkatapos ay magtaka kung bakit humihina ang inyong patotoo. Kapag inuna ninyo sa lahat ang inyong patotoo, hintaying mangyari ang mga [himala] sa inyong buhay.”
Hindi nagtagal, nang taon ding iyon, halos magkaparehong utos ang ibinigay ni Pangulong Nelson, sa pagkakataong ito sa buong Simbahan sa kanyang mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2022: “Dahil dito, ipinaaabot ko sa mga miyembro ng buong Simbahan ang utos ding ito na ibinigay ko sa ating mga young adult noong Mayo. Hinimok ko sila noon—at pinakikiusapan ko kayo ngayon—na alagaan ang sarili ninyong patotoo kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo. Pagsikapan ito. Pagyamanin ito para lumago ito. Busugin ito ng katotohanan. Huwag itong dungisan ng mga maling pilosopiya ng mga lalaki at babaeng walang pananalig. Habang ginagawa ninyong pinakamataas na prayoridad ang patuloy na pagpapalakas ng inyong patotoo kay Jesucristo, hintaying mangyari ang mga [himala] sa inyong buhay.”
Sa paulit-ulit na pagsusumamo ni Pangulong Nelson na alagaan natin ang ating patotoo, nadama kong ibahagi ang ilan sa sarili kong landas tungo sa patotoo. Ito ay magsisilbing isang personal na pagpapahayag, at bagama’t isinulat ko ito, nawa’y maramdaman ninyo na para bang magkakasama tayong nakaupo sa isang okasyon na hindi gaanong pormal. Bawat isa sa atin ay may kani-kanyang paglalakbay tungo sa pananampalataya. Ganoon din ang ating mga estudyante. Ngayon ay ibabahagi ko ang ilan sa akin. Ang aking paglalakbay tungo sa patotoo ay nagsimula sa isang hindi pangkaraniwang sitwasyon. Lumaki ako sa isang komunidad na karamihan ay hindi mga Banal sa mga Huling Araw sa Scottsdale, Arizona. Sa isang high school track event, naghahanda ako noon para sa aking pagtakbo nang mapatingin ako sa kabila ng track at napansin ko si Brother Butler, ang aking Young Men leader. Lubhang kakaiba na naroon siya. Wala kaming gaanong pagkakatulad. Alam kong hindi siya madalas manood ng mga track meet. Pagkatapos, sa loob ng isang sandali, sinabi sa akin ng Espiritu, “Clark, ang Simbahang ito ay totoo dahil walang ibang rason na narito siya. May mas malalim na bagay sa kanyang pananampalataya na naghihimok sa kanya na suportahan ka.” Iyon na. Hindi nangyari ang karanasan habang nakasubsob sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan o nasa gitna ng testimony meeting. Simple lang itong dumating bunga ng dedikadong serbisyo ng isang tao. Naaalala ko pa ang pakiramdam ngayon na kasinglinaw nang araw na nangyari ito.
Makalipas ang isa o dalawang taon, natanggap ko ang isang mission call sa Japan Kobe Mission. Naaalala ko ang unang araw ko sa MTC. Nakatutuwang makilala ang mga companion, maipakilala sa mga instruktor, ang maramdaman ang lakas na nagtipon mula sa iba’t ibang dako ng mundo. Ngunit kinaumagahan nang tumunog ang alarm nang 6:00 n.u., halos hindi ako makabangon, at nataranta ako. Naisip ko, “Paano ko gagawin ito? Hindi ko alam kung kaya kong gumising ng ganito kaaga sa araw-araw sa susunod na dalawang taon, lalo pa’t matuto ng napakahirap na wika ng Japanese.” Biglang, ang katotohanan na dumating ang aking Young Men leader sa aking track meet ay tila hindi sapat para suportahan ako sa loob ng dalawang taon. Kailangan ko pang matuto nang mas malalim, at ang patotoong iyon ay kailangang nakasalig mismo sa ebanghelyo. Sinimulan kong basahin nang taimtim ang Aklat ni Mormon tuwing umaga. Ang alarm na iyon ay tumutunog ng 6:00 n.u., at agad na pumepwesto ako sa mesang iyon sa MTC sa ilalim ng fluorescent light at isang rolling chair, nagbabasa at nag-aaral ng Aklat ni Mormon. Nang makarating ako sa dulo, nabasa ko ang pangako ng Aklat ni Mormon sa Moroni 10:3–5. Alam ko ang talatang iyon sa banal na kasulatan mula pa noong ako ay isang batang estudyante sa seminary. Lumuhod ako sa panalangin para humingi ng kumpirmasyon sa aking pananampalataya. Ngunit nang magtanong ako sa Panginoon, walang sagot na dumating noong una. Lungkot na lungkot ako. Bumalik ako sa upuan ko, napagtantong dalawang pahina na lang ako mula sa dulo ng Aklat ni Mormon. Nagpasya akong tapusin man lang ito. Sa natitirang tatlong talata sa Moroni 10, Moroni 10:32, nabasa ko ito sa banal na kasulatan: “Oo, lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya, at pagkaitan ang inyong sarili ng lahat ng kasamaan; at kung inyong pagkakaitan ang sarili ng lahat ng kasamaan, at iibigin ang Diyos nang buo ninyong kakayahan, pag-iisip at lakas, kung magkagayon, kung magkagayon ang kanyang biyaya—” hindi ko ito mabasa. Naiiyak ako. Pasensya na. “Kung magkagayon ang kanyang biyaya ay sapat sa inyo, upang sa pamamagitan ng kanyang biyaya kayo ay maging ganap kay Cristo.” Habang binabasa ko ang talatang iyon, nakadama ako ng liwanag at kalinawan. Hindi ko iyon maitatanggi. Ito ay nakasisigla at mainit, at napuspos nito ang aking buong pagkatao. Nang sandaling iyon, alam ko na ang Aklat ni Mormon ay totoo at na ang layunin nito ay patotohanan na si Jesus ang Cristo.
Kaya nga, umalis ako patungong Japan na dala-dala ang malakas na patotoong ito. Patuloy akong nagkaroon ng mga karanasan na nagpalakas sa aking patotoo ngunit walang kasinglalim ng umagang iyon sa MTC. Pagkatapos, isang gabing malakas ang ulan habang naghahanda na kami para matulog, may narinig kaming katok sa pinto. Nagkatinginan kami. Ang apartment namin ay nasa likod ng mission home. Medyo nagulat na may dumating nang gabing-gabi sa apartment namin, lumabas ako at binuksan ang pinto at nakita ang mission president ko doon sa may pintuan, nakatayo sa ulanan na nakapayong. Sabi niya “Gilbert Chōrō, Elder Gilbert, magbihis ka. Pupunta tayo kay Elder Matsuo.” Ang ama ni Elder Matsuo ay nag-aagaw buhay noon dahil sa cancer. Agad akong nagpalagay kung ano ang nangyari. Ngunit nang nakasakay na ako sa sasakyan ng misyon, bumaling sa akin si Pangulong Matsumori at ipinaliwanag na ang nanay ng misyonero ay namatay sa isang aksidente sa kotse noong araw na iyon. Pagkatapos ay sinabi niya, “Manalangin tayo na magawa nating makiramay at maunawaan kung ano ang magpapagaan ng loob sa misyonerong ito.” Nakaramdam ako ng labis na pagkabalisa at kakulangan. Naaalala ko pa rin ang paggalaw nang pabalik-balik ng mga windshield wiper habang tahimik kaming nagmamaneho. Nang biglang ipaalala ng Espiritu sa aking puso ang Alma 7:12: “At dadalhin niya sa kanyang sarili ang kanilang mga kahinaan, upang ang kanyang sisidlan ay mapuspos ng awa, ayon sa laman, upang malaman niya nang ayon sa laman kung paano tutulungan ang kanyang mga tao alinsunod sa kanilang mga kahinaan.” Alam ko na dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay madaraig natin ang kasalanan. Alam ko na tutulungan tayo ni Cristo na mabuhay na mag-uli at mabuhay muli. Ngunit noong gabing iyon sa Osaka freeway, nalaman ko na maaari din tayong aluin ni Jesucristo sa ating mga paghihirap, sa ating pagdurusa, kapag ang buhay ay hindi patas. Hindi ko alam kung ano ang pinagdadaanan ng batang misyonerong iyon, ngunit sa pamamagitan ng himala ng Pagbabayad-sala, may Isang nakaaalam. Noong gabing iyon, isang taon sa aking misyon, ang Espiritu ay makapangyarihang nagpatotoo sa akin, muli, na ang Aklat ni Mormon ay totoo, at ang layunin nito ay magpatotoo na si Jesus ang Cristo.
Bumalik ako mula sa aking misyon at pinakasalan si Christine sa Salt Lake Temple. Lumipat kami sa California, pagkatapos ay sa Boston. Patuloy akong nakatanggap ng paulit-ulit at tahimik na pagkumpirma sa aking patotoo, ngunit, muli, walang kasinglalim na tulad noong umagang iyon sa MTC o noong gabing iyon sa Osaka freeway. Pagkatapos, isang araw ng Linggo, nagkaroon ako ng malakas ngunit hindi inaasahang patotoo ng Espiritu. Nasa isang kabanata ako ng banal na kasulatan na hindi pinupuntahan ng karamihan para patatagin ang kanilang patotoo. Sa Alma 30, sa isang lesson sa simbahan, na tatawagin kong doktrina ni Korihor, kung saan itinatatwa ni Korihor ang Cristo, sinusubukang ipawalang-sala ang mga tao sa pananagutan nila sa kanilang mga pagpili, at nagpapahayag na tayo ay naliligtas lamang ng ating talino. Nananalig siya sa tinatawag nating moral relativism ngayon. Agresibo ring minamaliit ni Korihor ang mga paniniwala ng iba bilang mga hangal na tradisyon ng kanilang mga ama. Habang nagtuturo ng lesson ang guro sa Sunday School, naisip ko na kung si Joseph Smith lang ang nagsulat ng Aklat ni Mormon, si Korihor ay isang kakaibang karakter doon. Nabuhay si Joseph sa panahong nag-aalab ang relihiyon na saan man ay naniniwala ang mga tao kay Jesucristo. Malamang na kailanman ay hindi pa siya nakatagpo ng sinumang tao na agresibong nagtataguyod sa gayong doktrina na anti-Cristo na gaya ni Korihor o, pati na, si Nehor o si Sherem, na naroon lahat sa Aklat ni Mormon. Ngunit alam natin na ang Aklat ni Mormon ay isinulat para sa ating panahon. Nakikita ko ang mga ganitong argumento mula mismo sa mga taong madalas kong makasalamuha sa akademikong kultura ng Cambridge, Massachusetts. Habang nakaupo ako sa pag-iisip sa anomalyang ito sa gitna ng klase sa Sunday School, na may malalim nang patotoo sa Aklat ni Mormon, sinabi sa akin ng Espiritu, “Clark, ang Aklat ni Mormon ay totoo, at ang layunin nito ay magpatotoo na si Jesus ang Cristo.”
Nagpatuloy ang mga ganitong karanasan sa buong buhay ko. May isang pagkakataon na nagdarasal ako sa templo para sa aking mga kabataan sa loob ng lungsod ng Boston. Habang binabasa ko ang banal na kasulatan sa Mosiah 3:17, itinuro sa akin ng Espiritu na ang tanging paraan para matulungan ko ang mga kabataang lalaki na ito ay sa pamamagitan ni Jesucristo. May isang pagkakataon na pinag-aaralan ko ang Alma 36 at natutuhan ang tungkol sa chiasmus na tumatakbo sa buong kabanatang iyon, na ang pinakasentrong kinahinatnan nito na pagtubos sa Nakababatang Alma. Kapansin-pansin, tila sa tuwing nakatatanggap ako ng patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon, ito ay may kasamang pagsaksi kay Jesucristo. Nangyari muli ito sa sesyon ng kababaihan sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2018. Ipinaabot ni Pangulong Nelson ang isang paanyaya sa sesyong iyon sa mga kababaihan ng Simbahan na basahin ang Aklat ni Mormon hanggang sa katapusan ng taon, na may panukalang markahan ang bawat pagbanggit sa Tagapagligtas, bawat talata na tumutukoy sa Tagapagligtas sa Aklat ni Mormon. Dahil gusto kong suportahan ang aking asawa at ang aking anim na anak na babae, sumali ako sa kanila sa paanyayang iyon. Katatanggap ko lang ng kopyang ito ng Aklat ni Mormon. Isa itong bagong kopya ng Aklat ni Mormon. Minarkahan ko ang bawat reperensya dito na tungkol sa Tagapagligtas. Bawat pahina na may marka ng pulang lapis ay mga pagtukoy kay Jesucristo. Sa edad na 48, na mayroon nang malalim na patotoo sa Aklat ni Mormon at sa Tagapagligtas, ang Espiritu ay muling nagpatotoo sa akin noong taglagas na iyon, tuwing umaga habang binabasa ko ang mga pahina ng aklat na ito, “Clark, ang aklat na ito ay totoo, at ang layunin nito ay magpatotoo na si Jesus ang Cristo.”
Magbabalik ako sa mensahe ni Pangulong Nelson at sa sipi na binanggit ko kanina: “Nakikiusap ako na alagaan ninyo ang inyong patotoo. Pagsikapan ito. Angkinin ito. Pangalagaan ito. Pagyamanin ito para lumago ito. Busugin ito ng katotohanan. Huwag itong dungisan ng mga maling pilosopiya ng mga lalaki at babaeng walang pananalig at pagkatapos ay magtaka kung bakit humihina ang inyong patotoo. … Kapag inuna ninyo sa lahat ang inyong patotoo, hintaying mangyari ang mga [himala] sa inyong buhay.” Pinatutunayan ko ang mga himalang iyon. Napagpala ako sa napakaraming paraan dahil ginawa kong priyoridad ang aking patotoo sa buong buhay ko.
Mga kapatid, bilang mga religious educator dapat nating tulungan ang ating mga estudyante na alagaan ang kanilang patotoo. Gusto kong magtuon sa limang paraan na matuturuan natin ang ating mga estudyante na alagaan ang kanilang patotoo. Una, tulungan silang matutong gamitin ang kanilang kalayaang pumili. Pangalawa, turuan silang maging ilaw o tanglaw sa iba, lalo na sa mga nahihirapan. Pangatlo, magtanong nang may pananampalataya. Pang-apat, bigyang-pansin ang mga source na puno ng katotohanan. At panglima, umasa sa Espiritu.
Una, dapat nating ituro sa mga estudyante na ang pagpapalakas ng patotoo ay tuwirang pagkilos gamit ang ating kalayaang pumili. Madalas na binabanggit ni C. S. Lewis ang pahayag na “Ang pinakamahabang landas ay ang pinakamaikling daan pauwi.” Kailangan ng pagsisikap para palalimin ang pananampalataya at pagiging disipulo. Ito ay isang tuwirang pagkilos. Itinuro ni Alma na ang pagpapalakas ng patotoo ay nangangailangan ng ating buong atensyon: “Subalit masdan, kung kayo ay gigising at pupukawin ang inyong kaisipan, maging sa isang pagsubok sa aking mga salita, at gagamit ng kahit bahagyang pananampalataya, oo, kahit na wala kayong higit na nais kundi ang maniwala, hayaan na ang pagnanais na ito ay umiral sa inyo, maging hanggang sa kayo ay maniwala sa isang pamamaraan na kayo ay magbibigay-puwang para sa isang bahagi ng aking mga salita.”
Ang pangalawang alituntunin na maituturo natin sa pagtulong sa mga estudyante na alagaan ang kanilang patotoo ay ang maging ilaw sa iba, lalo na marahil sa mga nahihirapan. Ang henerasyong ito ay may malalim na malasakit sa kanilang mga kaibigan at sa mga nahaharap sa mga hamon sa kanilang buhay. Itinuro sa atin ni Pangulong Nelson na huwag husgahan ang iba na nahihirapan.
“Kapag lumayo sa Simbahan ang mga kaibigan at kapamilya, patuloy silang mahalin. Hindi ninyo dapat husgahan ang pagpapasiya ng iba na tulad ng hindi kayo dapat punahin sa pananatiling tapat.
“Ngayon, pakinggan sana ninyo ako kapag sinabi kong: Huwag kayong magpaligaw sa mga yaon na ang mga pagdududa ay maaaring udyok ng mga bagay na hindi ninyo nakikita sa kanilang buhay.”
Maaaring nakakahawa ang pag-aalinlangan at pagdududa, ngunit gayon din ang pananampalataya at pag-asa. Ipinagpatuloy ni Pangulong Nelson:
“Higit sa lahat, ipakita sa inyong nag-aalinlangang mga kaibigan kung gaano ninyo kamahal ang Panginoon at ang Kanyang ebanghelyo. Gulatin ang kanilang pusong nagdududa ng inyong pusong nananalig!
“Kapag inalagaan ninyo ang inyong patotoo at pinalago ito, magiging mas mabisang kasangkapan kayo sa mga kamay ng Panginoon.”
Nasa huling puntong ito—na pagtuturo sa ating mga estudyante na maging kasangkapan at resource para sa Panginoon—kung saan sa palagay ko, ay may pagkakataon tayong tulungan ang mga young adult sa kanilang patotoo. Turuan silang maging ilaw. Turuan silang maging kaibigan. Turuan silang maging resource sa iba. At para sa mga hindi pa natatagpuan ang kanilang pananampalataya, turuan silang kumilos sa paglilingkod sa iba. Maraming patotoo ang dumarating sa akto ng paglilingkod sa iba. Ang patotoong natanggap ko sa Boston Massachusetts Temple, na si Cristo ang sagot sa aking kabataan, ay dumating dahil ginagawa ko noon ang lahat ng alam kong makatutulong. Turuan ang ating mga estudyante na maging ilaw, at lalago ang kanilang patotoo.
Tayo, siyempre, ay nagtuturo na ayos lang magkaroon ng mga tanong. Si Elder Renlund ngayong gabi ay magsasalita pa ng kaunti tungkol dito. Ipinaliwanag ni Pangulong Nelson: “Kung mayroon kayong mga tanong—at sana’y mayroon nga—hanapin ang mga sagot nang may taimtim na pagnanais na maniwala.” Ngunit tulad ng itinuro ni Pangulong Jeffrey R. Holland, “Kung minsa’y kumikilos tayo na para bang ang tapat na pagpapahayag ng pag-aalinlangan ay mas magandang pagpapakita ng katapangang moral kaysa tapat na pagpapahayag ng pananampalataya. Hindi totoo iyan!” Nang magsumamo sa Tagapagligtas ang ama ng batang may sakit, “Panginoon, nananampalataya ako; tulungan mo ang kawalan ko ng pananampalataya,” nagsisimula na siyang magkaroon ng paniniwala. Natuto siya noong teenager pa—o natuto ako noong teenager pa, nang ilapit ko sa tatay ko ang isang mahirap na pagsubok sa pananampalataya, naisip ko na napakatalino ko at nakaisip ako ng isang bagay na hindi niya naisip. Sa edad na 15, ako ay mas matalino sa aking ama, na palaging nananalo sa bawat argumento. At ngayon ay may napakahirap akong tanong sa kanya. Sa halip na sagutin ang tanong ko, sinabi lang niya: “Clark, naitanong ko na rin iyan dati. At sa buhay ko, nagkaroon ako ng dalawang uri ng bunton na mga tanong: isang bunton ng mga bagay na alam ko at isa na tila mahirap intindihin. Sa paglipas ng panahon, nalaman ko na ang bunton ng mga bagay na alam ko ay patuloy na dumarami, at ang bunton ng mga bagay na hindi ko alam ay patuloy na nababawasan.”
Kung magpapatuloy ka nang may pananampalataya, ipinapangako ko sa iyo na mangyayari ito. Hindi ito nangangahulugan na hindi natin bibigyan ng kasagutan ang mga tanong at alalahanin na mayroon ang mga tao, kundi tinutulungan natin silang magpatuloy nang may pananampalataya. Sa palagay ko, ito ang sinasabi noon ni Elder Larry Corbridge sa kanyang debosyonal sa BYU nang sabihin niya sa mga estudyante dito sa kampus na ito na magtuon sa mga pangunahing tanong at hayaang malutas ang mga di-gaanong mahahalagang tanong sa paglipas ng panahon. Paulit-ulit na ipinapaalala sa atin ni Pangulong Nelson na sa pagpapalakas ng patotoo ay dapat ding naroon ang pagbibigay natin ng pansin sa mga source na puno ng katotohanan. “Busugin [ang inyong patotoo] ng katotohanan. Huwag itong dungisan ng mga maling pilosopiya ng mga lalaki at babaeng walang pananalig at pagkatapos ay magtaka kung bakit humihina ang inyong patotoo.” Nadarama ng ilang young adult na ang tanging paraan para magkaroon ng malakas na pananampalataya ay harapin ang ating mga kritiko at kaaway ng Simbahan. Kahit paano ay magagawa nitong mas malakas ang isang patotoo. Sa ganitong mga sitwasyon, dapat nating tulungan ang ating mga estudyante na tingnan ang integridad ng layunin. Hindi nagsikap sina Korihor, Nehor, at Sherem na patatagin ang kanilang mga tagasunod kundi sinikap lamang nilang bigyang-katwiran ang sarili nilang mga maling pagpili at itaguyod ang kanilang mga personal na mithiin. Ituro sa iyong mga estudyante na, “maaaring ang ilang source ay ginawa para magdulot ng kawalan ng tiwala, takot, at pag-aalinlangan.” Tulungan silang bumaling sa mga buhay na propeta, sa mga banal na kasulatan, at sa mga pinagkakatiwalaang lider ng Simbahan.
Ang isa sa pinakamahalagang source na puno ng katotohanan ay ang Espiritu Santo. Turuan ang mga estudyante na maunawaan kung ano ang nadarama nila kapag naroroon ang Espiritu Santo at mapagtanto ang paglayo nito kapag mali ang pagkakalarawan sa katotohanan. Nagkaroon ako ng karanasan na malaki ang naging epekto sa akin kaugnay ng paksang ito sa kamakailang BYU–Hawaii question-and-answer session kasama sina Pangulong Henry B. Eyring at Pangulong Keoni Kauwe. Tinanong kami ng isang estudyante kung saan nila kakailanganin ang Espiritu Santo sa kanilang buhay. Inuulit ang sinabi ni Pangulong Nelson na “Sa darating na mga araw, hindi magiging posible na espirituwal na makaligtas kung [wala ang pumapatnubay, nagtatagubilin, nakapapanatag, at palagiang] impluwensya ng Espiritu Santo,” hiniling sa akin ni Pangulong Eyring na sagutin ang tanong ng estudyante. Ito ay tanong na nasagot ko na nang daan-daang beses bilang BYU–Idaho president. Sumagot ako na kakailanganin ng mga estudyante ang Espiritu kapag nagpapasiya sila sa kung ano ang pag-aaralan, sino ang ka-date, saan titira, anong trabaho ang kukunin, at marami pang ibang desisyon sa buhay na kakaharapin ng ating mga young adult. Pagkatapos ay hiniling ni Pangulong Eyring sa estudyante na muling basahin ang pahayag ni Pangulong Nelson. Sa pagkakataong ito, huminto siya sa salitang makaligtas. Nilinaw ni Pangulong Eyring na sadyang ginamit ng propeta ang salitang makaligtas. Ipinaliwanag niya na ang mga estudyante ay nabubuhay sa panahon kung kailan napakabisa ng kalaban sa pagbaluktot ng katotohanan kung kaya’t kung wala sa kanila ang Espiritu Santo, malilinlang sila tungkol sa pinakamahalaga sa mga katotohanan ng ebanghelyo. Sa kanyang mensaheng “Isipin ang Kahariang Selestiyal!,” ipinahayag ni Pangulong Nelson: “Walang katapusan ang mga panlilinlang ng kaaway. Mangyaring maging handa. Huwag humingi ng payo sa mga taong hindi naniniwala. Humingi ng patnubay mula sa mga tinig na mapagkakatiwalaan ninyo—mula sa mga propeta, tagakita, at tagapaghayag at mula sa mga bulong ng Espiritu Santo.”
Mga kapatid, turuan natin ang ating mga estudyante na alagaan ang kanilang patotoo. Turuan silang pagsikapan ito, angkinin ito, pangalagaan ito, pagyamanin ito para lumago ito. Sa layuning ito, turuan natin silang matutong gamitin ang kalayaang pumili, maging ilaw sa iba, magtanong nang may pananampalataya, bigyang-pansin ang mga source na puno ng katotohanan, at matutong umasa sa Banal na Espiritu. Ang Strengthening Religious Education Directive ay nag-aatas sa atin na gawin ito nang may pananalig. May nagagawa ang inyong mga pagsisikap. Huwag paniwalaan ang mga salaysay sa labas. Tumataas ang bilang ng mga young adult na dumadalo sa institute. Tumataas ang bilang ng mga young adult na nag-aaral sa mga paaralan ng Simbahan. Lumalakas ang pananampalataya sa buong Simbahan, kahit sa mahihirap na panahong ito. Natututo ang ating mga estudyante na alagaan ang kanilang patotoo, at mas lumalapit sila kay Jesucristo. May patotoo ako sa ating Tagapagligtas. Alam kong totoo ang Aklat ni Mormon. At pinatototohanan ko na ang layunin nito ay magpatotoo na si Jesus ang Cristo. Anyayahan natin ang ating mga estudyante na hanapin ang parehong mga katotohanang iyon. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.