Kumperensya ng mga Tagapagturo ng Relihiyon ng CES
Ang Saklaw at Impluwensiya ng Seminaries and Institutes


20:53

Ang Saklaw at Impluwensiya ng Seminaries and Institutes

Hunyo 2024 Kumperensiya ng mga Guro ng Relihiyon sa CES

Masaya akong ibahagi sa inyo ngayon ang update tungkol sa mga pagsisikap ng Seminaries and Institutes na mapalawak ang ating saklaw at impluwensiya sa nangyayari sa mga kabataan at young adult sa buong mundo. Maaaring nakita o narinig na ng ilan sa inyo ang iba’t ibang bahagi ng presentasyong ito sa iba’t ibang pagkakataon. Ngunit naniniwala ako na mahalaga na makita kung paano nagtutugma-tugma ang mga bahaging ito at isipin kung ano ang susunod.

Sa mga hindi nagtatrabaho sa S&I, sana ay maging interesado kayo sa impormasyong ito at makatulong din sa inyo.

Kaming lahat na nagtatrabaho sa Church Education ay palaging nag-iisip kung paano namin mapalalakas ang pananampalataya sa Tagapagligtas at mas masusuportahan ang ating mga estudyante sa kanilang pagsisikap na ipamuhay ang ebanghelyo. Mga lima o anim na taon na ang nakararaan, nakita namin na ilang taon nang pababa nang pababa ang enrollment sa Institute na lubhang nakabahala sa amin. At nang nakita rin namin ang paghina ng pananampalataya ng maraming young adult—gusto naming tumulong dahil alam naming magandang paraan ang institute para matanggap nila ang suportang kailangan nila. Gusto naming malaman kung ano pa ang magagawa namin, hindi lamang para hikayatin silang makibahagi kundi alamin kung paano kami mas makakaimpluwensya sa kanilang buhay. Naisip naming mahalagang maghanap ng paraan na talagang mapakinggan sila, maunawaan ang kanilang mga hamon at malaman kung ano ang maitutulong ng institute. Kaya bumuo kami ng team sa Seminaries and Institutes na tinawag namin noon na Innovate Institute Committee.

Ang komiteng ito ay nakipagtulungan muna sa Correlation Research sa pagsasaliksik tungkol sa mga young adult sa Simbahan. Pagkatapos ay nakipagtulungan sila sa BYU AdLab para malaman ang mga pagbabagong makatutulong sa mga young adult.

Napakalaking tulong ng mga karanasang ito kaya gusto naming makakita pa ng mga oportunidad na mapalawak pa ang saklaw at impluwensiya ng institute. Kaya kinontrata namin ang Bonneville Communications upang gumawa ng mas masusing pagsusuri.

Gumawa sila ng mga focus group at survey sa mahigit 5,000 young adult, kabilang na ang mga hindi dumadalo sa institute o sa Simbahan. Ang pag-aaral ay ginawa sa limang kontinente at nagbigay ng napakahalagang impormasyon.

Ang pinakamahalaga sa mga sinabi sa amin ng mga young adult ay gusto at kailangan nila ng apat na bagay:

Gusto nilang mas nakakaugnay ang institute sa pagtugon sa kanilang mga pangangailangan at pagsagot sa kanilang mga tanong.

Gusto nilang madama na kabilang sila—kabilang sa grupo ng mga taong tumutulong sa kanila na ipamuhay ang ebanghelyo, at maging bahagi ng isang layunin, madamang bahagi sila ng isang bagay na mahalaga.

Hiniling din nila na gawing mas accessible ang institute para makalahok sila kahit marami pa silang kailangang gawin at pagtuunan.

Ang pinakakaraniwang tugon ay gusto nilang madama ang pagmamahal ng Ama sa Langit at mas mapalapit sa Tagapagligtas. Tinawag namin ang isang ito na “pagbabalik-loob kay Jesucristo.” Tinulungan tayo ni Elder Gilbert na maunawaan na ang isang ito ay likas na naiiba sa iba.

Layunin ng institute na palalimin ang pagbabalik-loob kay Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo. Ang iba ay mga paraan para makamit ang layuning iyon. Kailangang konektado ang mga ito sa mithiing magbalik-loob para makatulong ito nang pangmatagalan sa mga young single adult. Maaaring maipadama namin na nakakaugnay sila o kabilang sila sa isang samahan nang hindi hahantong sa pagbabalik-loob. Pero hindi iyan ang hangad naming makamit. Kailangan naming tulungan silang makita kung paano sinasagot ng ebanghelyo ang mga tanong ng kanilang kaluluwa at tulungan sila sa mga hamon sa araw-araw. At kailangan naming ipadama ang pagiging kabilang sa tipan. Lahat ng ginagawa namin ay dapat humantong sa pagbabalik-loob.

Kaya tinanong namin ito sa mga young adult “Ano ang epekto kung ang institute ay mas nakakaugnay, nakapagpapadama ng pagiging kabilang, at mas nakakatulong na magpalalim ng pagbabalik-loob?”

Ang resulta ay ang paglikha ng ilang inisyatibo na ipinatupad sa mga piling programa sa nakalipas na apat na taon. Narito ang ilang halimbawa.

Upang gawing mas nakakaugnay ang institute, gumawa kami ng mga workshop. Ang mga workshop ay mga seminar na idadaos nang dalawa hanggang limang linggo batay sa mga pangangailangang tinukoy ng mga young adult. Kaya bukod sa mga semester-style class, maaari silang dumalo rito sa maikling panahon na tutugon sa mga nasasaloob nila. Ang mga workshop na ito ay batay pa rin sa mga banal na kasulatan at mga turo ng mga makabagong propeta at iba pang mga lider ng Simbahan.

Nagdagdag din kami ng mga bagong klase. Halimbawa, bumuo kami ng klase batay sa aklat ni Elder Anderson na The Divine Gift of Forgiveness, na nagustuhan ng marami.

Nagpapasalamat din kami kay Elder Uchtdorf, na nagpabatid ng Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas sa lahat ng ating guro. Iyon ang naging pundasyon ng aming pagsasanay, pati na ang mithiing gawing mas makabuluhan ang ating mga klase.

Sa pagsisikap na mas maipadama ang pagiging kabilang, binigyang-diin namin ang ideya ni Pangulong Nelson na anumang oras na gumawa kayo ng anumang bagay para tulungan ang sinuman na lumapit kay Jesucristo at gumawa at tumupad ng mga tipan, tinitipon ninyo ang Israel. Salamat sa inyong sigasig na anyayahan at hikayatin ang bawat potensyal na estudyante.

Halimbawa, noong nakaraang taon sa Central America, personal na inanyayahan ng aming mga guro ang mahigit 25,000 kabataan at young adult na dumalo sa mga klase. Hiniling din namin sa aming mga estudyante na anyayahan ang kanilang mga kaibigan. Dahil dito, mahigit 30,000 kaibigan mula sa ibang mga relihiyon ang dumalo, na ang naging resulta ay mahigit 9,000 binyag. Sa lahat ng pagbabagong ginawa namin, sa palagay ko ang pinakamalaking dahilan kung bakit dumami ang nag-enrol sa seminary at institute ay dahil marami sa inyo ang nakaunawa sa itinuro ni Pangulong Nelson na tipunin ang isang henerasyon ng mga kabataan at young adult. Salamat dahil taglay ninyo ang puso ng isang tagatipon at sa pagdadala ninyo ng napakaraming kabataan patungo kay Jesucristo. Habang mas nakaayon tayo sa pananaw ng propeta, mas makakaya natin ang gawaing ito.

May iba pa kaming mga ginawa, nag-renovate ng mga silid-aralan at mas tinugunan ang mga pangangailangan ng estudyante sa halip na ituro lamang ang materyal. Hiningan din namin ng mungkahi ang mga estudyante kung saang bahagi ng kurikulum nila gustong maglaan ng mas marami o mas kaunting oras.

Para sa accessibility, ang pangunahing pagbabago ay online institute. Ang nadagdag sa taunang online enrollment ay umabot sa 25,000, mula sa 9,000 noong nakalipas na dalawang taon. Ito ay dahil sa pakikipagtulungan namin sa BYU–Pathway Worldwide na makatutulong nang malaki sa patuloy na pag-unlad sa hinaharap.

Nagdagdag din kami ng flexibility sa mga oras at lokasyon ng klase para mas madaling makadalo ang mga estudyante.

Nagdagdag kami ng mga aktibidad at iba pang resources sa mga gusali ng institute, na lalong nagpasigla at nagpasaya at nakapaghikayat ng mas maraming kabataan sa institute. Nakikipagtulungan din kami sa mga unit ng Simbahan na idaos ang institute sa mga bagong aprubadong lugar ng pagtitipon.

Para mahikayat na makibahagi ang mas maraming estudyante, gumawa si Pangulong Nelson ng video para mag-anyaya. May mga nakuha rin kaming mga komento mula sa mga estudyante tungkol sa karanasan nila sa institute. Tinawag namin ang video na iyon na “I Love Institute.” Narito ang isang segment na pinagsama ito pareho.

[video]

Kofi: Talagang nakatulong sa akin ang institute na makilala ang aking Tagapagligtas at hindi lamang Siya makilala, kundi malaman ang tungkol sa Kanya, at kung anong aspekto ng buhay ko ang mapagbubuti ko para maging katulad Niya.

Lily: Mahal ko ang institute dahil mahal ko si Jesucristo at sa institute, nakakapagsalita ako tungkol sa Kanya. Kapag nagsasalita tayo tungkol kay Jesucristo, may kapangyarihan. At nararamdaman ko ang kapangyarihang iyon sa buhay ko.

Pangulong Russell M. Nelson: Mga mahal kong kapatid, mahal ko kayo. Iniisip at ipinagdarasal ko kayo palagi. Nabubuhay kayo sa panahon na walang-katulad. Kayo ay nasa edad kung saan kayo gumagawa ng mahahalagang desisyon, mga desisyon na makakaapekto sa buhay ninyo ngayon at sa buhay na walang hanggan. Ang mga ito ay malalaking desisyon o nakakatakot kung minsan. Ngunit nakakatuwa rin ito dahil nabubuhay tayo sa isang kakaibang panahon.

Maaari ko ba kayong anyayahang gawin ang isang bagay na tutulong sa inyo: dumalo sa institute. Nakita ko na ang aking mga anak, apo, at maraming apo-sa-tuhod na dumalo sa institute. Binago nito ang kanilang buhay. Tinulungan sila ng institute, at tutulungan kayo na palalimin ang inyong pagbabalik-loob kay Jesucristo. Ang pagdalo sa institute ay tutulong sa inyo na mas madama ang pagmamahal ng Ama sa Langit.

Makikita sa institute ang mahuhusay na mga guro, matatapat na kaibigan, at pagiging kabilang. Malalaman ninyo kung bakit ang pamumuhay ng ebanghelyo ay humahantong sa kaligayahan. Ito ay tutulong sa inyo na ipamuhay ang ebanghelyo at maging mas masaya, ngayon mismo.

Kung gusto ninyong malaman kung sino kayo talaga, dumalo sa institute. Kung gusto niyong malaman ang layunin ng buhay, dumalo sa institute. Kung gusto niyong manatili sa landas ng tipan, dumalo sa institute. Kung gusto ninyong matutuhan kung paano hayaang manaig ang Diyos sa inyong buhay, dumalo sa institute. Kung gusto ninyong maging tagapamayapa, dumalo sa institute.

Ipinapangako ko ang mga biyayang iyan at ipinapahayag ko ang pagmamahal ko sa inyo sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.

[end video]

Ang mga video na ito ay nasa website ng Simbahan. Ginamit na ang mga ito sa social media, sa mga silid-aralan, ng mga lider ng priesthood, at marami sa inyo ang gumamit nito sa mga debosyonal ng YSA. Salamat sa paggamit ng mga materyal na ito para ipaabot ang mga paanyaya at pangako ng propeta.

Gustung-gusto ko ang mga video ng mga estudyante. Hindi ito scripted, marami sa kanila ang nagsalita sa naitulong ng mga klase na makilala nila ang Tagapagligtas at sumunod sa Kanya. Kaya salamat sa ginagawa ninyo; gustung-gusto kong marinig ang kanilang patotoo. At siyempre, lubos kaming nagpapasalamat kay Pangulong Nelson sa kanyang mensahe, na talagang nakaantig sa ilang young adult.

Noong nasa San Diego ako kasama si Elder Stevenson, isang dalagita ang lumapit sa akin pagkatapos ng debosyonal at sinabing akala niya ay tapos na siyang mag-aral sa institute nang nakatapos na siya. Pero nang marinig niya ang ipinangako ng propeta, kaagad siyang nag-enrol muli, at muli siyang pinagpala dahil dito.

Ang resulta ng lahat ng pagsisikap na ito at ang iba ay ang paglago ng institute.

Matapos ang limang taong pagbaba, nadagdagan kami ng 57,000 estudyante sa nakalipas na dalawang taon. Iyan ay 20 porsiyentong pagtaas—at alam natin na marami ring estudyanteng dumadalo na hindi opisyal na nag-e-enroll. Ito ang pinakamalaking bilang sa loob ng walong taon, at natutuwa kami na nangyari ito sa dalawang magkasunod na taon.

Bahagi lang ng kwento ang pagtaas ng enrollment. Kahit saan ako magpunta, naririnig ko ang mga kuwento tungkol sa mga buhay na nabago. Kapag sinimulan ng mga kabataan ang seryosong pag-aaral ng mga banal na kasulatan, sila ay pinagpapala at tumatanggap ng inspirasyon at pag-asa. At nangyayari iyan sa ating mga klase araw-araw.

Bukod pa sa mga taunang enrollment, alam namin na 95 porsiyento ng mga aktibong young single adult ang dumadalo ng institute bilang young adult, karamihan sa pagitan ng edad na 18 at 24. Pero hindi kami kuntento rito; ginagawa namin ang lahat ng magagawa namin para matulungan ang lahat ng aktibo at di-gaanong aktibo na mga young adult. Umaasa kami na ang porsiyentong iyan ay mas tataas sa 100 porsiyento ng mga aktibo kapag naabot ng institute ang lahat ng nakikibahaging YSA sa Simbahan at marami sa mga hindi nakikibahagi upang matulungan sila na maging aktibong muli.

Sa taong ito, positibo kaming makapagdaragdag pa tayo ng 20,000 estudyante sa institute. Ibig sabihin, makapagdaragdag tayo ng mahigit 77,000 estudyante sa institute sa loob ng nakalipas na tatlong taon, sa mahigit 100,000 na pinagsamang bilang ng seminary at institute. Pwede ko bang sabihin ulit iyan? Mahigit 100,000 karagdagang estudyante sa loob ng tatlong taon—dahil sa inyong mga pagsisikap!

Ibig sabihin, 100,000 pang tao ang may pagkakataong makita ang kahalagahan ng ebanghelyo sa kanilang buhay, maramdaman ang pagiging kabilang, at mapalalim ang kanilang pagbabalik-loob kay Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo. Salamat sa inyo!

Kaya ano ang susunod na gagawin sa institute?

Kailangan naming laging magtuon at umayon sa ating layunin sa Seminaries and Institutes. Hindi lang kami gumagawa ng pagbabago para lang may magawang pagbabago. Gumagawa kami ng pagbabago upang mas makatulong at makaimpluwensya.

Upang magawa iyan, nagbibigay kami ng karagdagang gabay at proseso para sa pagbabago sa hinaharap. Ang prosesong ito ay nagsisimula sa pakikinig para matulungan ang mga young adult na madama na mahal at pinakikinggan sila. Hangaring maunawaan ang kanilang mga pangangailangan. Anyayahan silang maging bahagi ng proseso.

Pagkatapos, payuhan ang isa’t isa at magsaliksik ng mga posibleng solusyon habang isinasaalang-alang ang mga patakaran at magagamit na mga resource.

Pagkatapos ay humingi ng pahintulot upang ipatupad ang mga solusyon na iyon at sukatin at suriin ang mga kinalabasan, kung epektibo ba ang mga ito, at makinig muli sa mga estudyante.

Sa patuloy at paulit-ulit na prosesong ito, makipagtulungan sa inyong region o area director. Magbibigay sila ng makabuluhang patnubay at direksyon.

Tulad ng sinabi ni Elder Neil L. Andersen kamakailan:

“Lahat tayo ay mga tagapagbago. Kailangan lang nating panatilihin ang ganyang pag-iisip at matanto na ang Simbahang ito ay isang makabagong Simbahan. Tayo ang Simbahan ni Jesucristo, kaya ang mga alituntuning iyon ay kasingtagal ng kawalang-hanggan. Ngunit gumagawa tayo ng pagbabago dahil lagi tayong umaakma, patuloy tayong lumalago, lagi tayong gumagawa ng mas makabubuti. Ngunit inaasahan ko na kaalinsabay nito, mga tagasunod din tayo. … Lahat ay mga tagapagbago.”

Gustung-gusto ko ang diwa ng itinuro ni Elder Andersen. Ang ilang bagay ay hindi kailanman magbabago, tulad ng mga walang-hanggang alituntunin ng ebanghelyo. Ngunit iniaangkop namin ang mga programa ng Simbahan upang mas matugunan ang mga pangangailangan ng mga miyembro nito.

Ang pinakasentro sa lahat ng aming gagawin ay ang pagtuturo ng ebanghelyo ni Jesucristo na matatagpuan sa salita ng Diyos na may diwa ng Espiritu Santo.

Sa aming pagsisikap na gawin ito na ang tuon ay sa mag-aaral, hinihikayat namin kayo na makibahagi sa prosesong ito at pakinggan at sagutin ang mga estudyante.

At nawa’y tandaan ninyo: lahat ng ginagawa nating pagbabago sa institute ay dapat naaayon sa layunin at makatutulong sa mga young adult na palalimin ang kanilang pagbabalik-loob kay Jesucristo.

Ngayon, kumusta naman ang seminary? Tulad ng nabanggit ko, ang seminary ay lumalago rin. Hindi ito kasing dramatiko ng institute, pero nadagdagan tayo ng 5 porsiyento sa nakalipas na dalawang taon sa seminary. Malaking progreso ito dahil sa kabila ng posibleng pagbaba ng 50,000 estudyante sa seminary mula noong 2018, lumalago pa rin tayo. Nitong nakaraang taon umabot tayo sa 54.4 na porsiyento ng potensyal na mag-eenrol sa seminary. Ito ang pinakamataas na porsyento na naiulat namin, at ito ay tumaas mula sa 49 na porsiyento limang taon na ang nakalilipas. Sa taong ito, nais naming pataasin muli ang porsyento na iyan sa 56 na porsiyento at magdagdag ng 3,000 estudyante.

Nasasabik kami rito. Dati ay may division director kami sa Church Office Building na, kapag may napagtagumpayan ang team niya, sumisigaw siya ng, “Mag-ice cream tayo! Gusto kong sabihin ‘yan sa buong mundo!” Lahat ng kahanga-hangang ginawa ninyo para madagdagan ang enrollment at ang epekto ninyo, dapat lang lahat kayo—mag-ice cream. At magdiwang! Napakaganda ng mga nangyayaring ito. Maraming salamat sa inyo. Gayunman, kapag natutuwa kami pero hindi pa rin kuntento, tinatanong namin sa aming mga sarili, “Ano pa ang magagawa natin para pagpalain ang mga kabataan sa seminary?”

Ilang taon na ang nakararaan, ibinahagi ko na ang pinakamainam na magagawa namin para mabago ang seminary ay patuloy na ipatupad ang doctrinal mastery. Kapag mas maipapaloob natin ang doctrinal mastery sa paraang inilaan nito, mas pagpapalain nito ang mga kabataan ng Simbahan. Ang doctrinal mastery ay maghihikayat ng mga pinalalim na karanasan sa pagbabalik-loob, kaugnayan, at pagiging kabilang sa ating mga estudyante sa seminary.

Mula noon, isinama namin ang isa pang makabuluhang inisyatibo. Simula sa 2025, ipapakilala namin ang mga lesson sa paghahanda sa buhay sa iba’t ibang bahagi ng mundo bilang tugon sa kasalukuyang mga pangangailangan na natukoy ng ating mga kabataan at lider.

Ang mga inspiradong lesson na ito ay tumatalakay sa mga paksang tulad ng paghahanda sa misyon at templo, edukasyon, kalusugang pisikal at emosyonal, mga turo ng mga makabagong propeta, at marami pang iba. Ang mga lesson ay makadaragdag sa ating patuloy na pagtuturo ayon sa pagkakasunud-sunod ng banal na kasulatan at ng doctrinal mastery.

Sa pakikipag-usap sa mga kabataan, sinabi ng ating commissioner na si Elder Clark G. Gilbert, “Ang mga lesson na ito sa paghahanda sa buhay ay nilayon upang tulungan kayong palakasin ang inyong relasyon sa Diyos at matanggap ang Kanyang tulong!”

Dagdag pa niya, “Nangako si Pangulong Nelson na sa pamamagitan ng pakikilahok sa seminary, ‘ang [mga kabataan] ay makakatanggap ng mga sagot sa ilan sa [kanilang] pinakamahirap na tanong. Makakahanap [sila] ng mapagkakatiwalaang mga kaibigan. [Sila] ay magiging tunay na disipulo ng Panginoong Jesucristo.’

Kaya kung iniisip ninyo ang paggawa ng pagbabago sa seminary, magtuon muna tayo sa mabisang pagtuturo ng mga banal na kasulatan ayon sa pakasunud-sunod, paggamit nang lubos ng doctrinal mastery, at epektibong pagpapatupad ng mga lesson sa paghahanda sa buhay. Naniniwala ako na sa ganyang paraan natin matutugunan nang husto ang mga pangangailangan ng mga kabataan ng Simbahan ngayon.

Salamat sa lahat ng ginagawa ninyo para suportahan ang mga kabataan at young adult saanman. Ang inyong mga pagsisikap ay nagpapalawak ng saklaw at nagpapalalim ng impluwensya ng Seminaries and Institutes sa makabuluhang paraan.

Natutuwa akong isipin ang 100,000 karagdagang estudyante sa ating mga klase sa nakalipas na ilang taon—at dahil mas nadarama nila na nakakaugnay sila, na kabilang sila, at mas madali sa kanila na makabahagi, humahantong ito sa pagbabalik-loob nila kay Jesucristo.

Panatilihin natin ang napakagandang momentum na ito sa mga susunod na taon sa pagpapala ng mas marami pang anak ng ating Ama sa Langit.

Pinatototohanan ko na pinabibilis ng Panginoon ang Kanyang gawain. Napakalaking biyaya na maging bahagi nito. At pinatototohanan ko na si Jesus ang Cristo, ang Tagapagligtas ng sanlibutan; na ang Ama sa Langit ay may perpektong plano para sa Kanyang mga anak; na si Jesucristo ang pangunahing tauhan sa perpektong plano na iyon na iligtas at dakilain ang mga anak ng Ama sa Langit. Ito ang Kanyang kaharian sa lupa, at isang pribilehiyo ang maging bahagi nito sa anumang paraan. Ang pagpapagal sa buhay na ito sa pagpapatotoo kay Jesucristo ay isang pribilehiyo. Lubos akong nagpapasalamat na maging bahagi nito at magpatotoo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang tunay na Simbahan sa lupa, sa mga buhay na propeta, sa Aklat ni Mormon, sa lahat ng pagpapalang ibinigay sa atin dahil sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo sa lupa. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.