Mahahalagang Sustansya ng Ebanghelyo
Hunyo 2024 Kumperensya ng mga Guro ng Relihiyon sa CES
Mahal kong mga kapatid, nagpapasalamat ako sa pagkakataong makapagsalita sa mga guro ng relihiyon sa pandaigdigang broadcast na ito. Salamat sa inyong oras, at salamat sa lahat ng ginagawa ninyo sa pagtulong na isulong ang gawain ng Panginoon. Dapat ninyong malaman na ang inyong tagumpay “ay pangunahing nasusukat sa [inyong] pangakong tulungan ang mga anak ng Diyos na maging matatapat na disipulo ni Jesucristo. Ang inyong tagumpay ay hindi masusukat sa dami ng mga estudyante ninyo na nagiging matatapat na disipulo ng Tagapagligtas; hindi ito depende sa kung paano nila pinipiling tumugon sa inyong pagtuturo, paanyaya, o taos na mga pagpapakita ng kabaitan. Ang responsibilidad ninyo ay magturo nang malinaw at mabisa upang makagawa sila ng maayos na pagpili na magpapala sa kanila. Bawat indibiduwal ay may kalayaan. Alinsunod dito, sasabihin ko sa inyo tulad ng sinabi ni Propetang Joseph Smith sa mga unang missionary sa Simbahan sa dispensasyong ito, “Kung gagawin ninyo ang inyong tungkulin, magandang gawin iyan, na para bang lahat ng tao ay tanggap ang ebanghelyo.”
Noong 1916, sinabi ni Elder David O. McKay, “Wala nang higit pang dakilang tungkulin na maaaring taglayin ng sinumang lalaki [o babae], kaysa maging isang guro ng mga anak ng Diyos.” Totoo rin iyan ngayon. Ang isang gurong may pananampalataya, at nagtuturo ng pananampalataya, ay napakahalaga sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, lalo na para sa umuusbong na henerasyon.
Sa ilang sandali lang, babasahin ko ang isang sipi mula kay Pangulong Jeffrey R. Holland, at makikita ninyo ang koneksyon. Pero may ilang volunteers akong inimbitahan para tumulong. At papupuntahin natin sa harap ang mga Reese at Ashton, at bawat isa sa kanila ay kukuha ng Twinkie. Tulad ng alam ninyo, ang Twinkie ay isang vanilla cake na may cream filling. At gusto ko sanang buksan nila ang Twinkie nila at simulan nilang kainin ito. Bawat isa sa kanila ay kukuha ng napkin. At susubukan kong gawin ang koneksyon na ito dito.
Binigyang-diin ni Pangulong Jeffrey R. Holland ang kahalagahan ng pagtutuon sa pagtuturo ng mahahalagang aspekto ng ebanghelyo noong 1998. Sa kanyang mensahe itinuro niya: “Dapat nating muling bigyang-sigla at higit na iprayoridad ang [mahusay na] pagtuturo sa Simbahan—sa tahanan, mula sa pulpito, … at siyempre, sa klase. …
“… Kapag nagkaroon ng krisis sa ating buhay … hindi talaga uubra ang mga pilosopiya ng mga tao na humahalo sa ilang talata sa banal na kasulatan at sa mga tula. Talaga bang pinangangalagaan natin ang ating mga [estudyante] sa isang paraan na susuporta sa kanila kapag nagkaroon sila ng mga problema sa buhay? O binibigyan natin sila ng isang uri ng [masarap na Twinkie]—na wala namang espirituwal na halaga?”
Ngayong naubos mo na iyan, nang bahagya, President Reese, ilang gramo ng dietary fiber sa tingin mo ang nasa Twinkie mo? Ang totoo, walang-wala.
Sister Reese, ilang milligrams ng calcium sa tingin mo ang nasa Twinkie na ‘yan? Ang totoo, walang-wala.
At Sister Ashton, ilang micrograms ng vitamin A ang nasa palagay mo? Ang totoo, walang-wala.
At Brother Ashton, ilang milligrams ng vitamin C ang nandiyan? Tama, may pattern. Walang-wala ring vitamin C iyon.
Noong bata pa ako, gustung-gusto ko ng mga Twinkie. Kung pinayagan ako ng mga magulang ko, wala akong kakainin kundi mga Twinkie sa almusal, tanghalian, at hapunan. Ngayon, kung pinayagan nila ako na gawin iyon, alam ba ninyo kung ano ang makikita ninyo sa harapan ninyo ngayon? Isang constipated at osteoporotic na bulag na lalaking may scurvy. Hindi ito magandang tingnan.
Salamat sa ating mga boluntaryo. Hindi talaga ako nagpunta rito para talakayin ang epekto ng mga kakulangan sa nutrisyon sa kalusugan ng ating katawan. Maaaring masarap ang mga Twinkie, pero walang sustansya. Nagpunta ako rito para talakayin ang espirituwal na sustansyang inaalok ninyo sa inyong mga estudyante.
Kapag kaharap natin ang sabik na mga estudyante, kailangan natin silang pangalagaan ng mabuting salita ng Diyos at hindi ng espirituwal na mga Twinkie na walang espirituwal na sustanya. Yaong mga napangalagaan ng mga espirituwal na Twinkie ay malamang na hindi maging habambuhay na mga disipulo ni Jesucristo—mga indibiduwal na lumaki sa Panginoon at tumanggap ng “kaganapan ng Espiritu Santo.” Napangalagaan ng espirituwal na mga Twinkie, sa halip ay mas malamang na lumaki sila na espirituwal na matigas ang ulo, walang pananampalataya, at naguguluhan.
Para malabanan ang espirituwal na kakulangan sa nutrisyon, kailangan ng ating mga estudyante ng kahit apat man lang na espiritwal na sangkap na puno ng sustansya. Ang una ay ang patotoo tungkol sa Ama sa Langit at sa Kanyang plano, kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala, at sa Pagpapanumbalik ng kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo sa mga huling araw na ito. Para magawa ito, kailangan nating ituro ang ipinanumbalik na katotohanan at patotohanan ang mga ito.
Bibigyan ko kayo ng isang halimbawa nito. Ilang taon na ang nakararaan, isang doktor na Chinese na nagngangalang Grace ang gumugol ng 18 buwan sa pagbisita sa mga medical institution sa Salt Lake City. Pumaroon siya para alamin ang mga aspektong medikal ng pagpapalit ng puso. Kinaibigan siya ng pamilya ko, at isinama namin siya sa maraming aktibidad. Sa Araw ng Pasko na bumagsak sa araw ng Linggo, inanyayahan namin siya sa Simbahan para sa sacrament meeting. Inasahan namin na ang mga mensahe ay magturo tungkol kay Jesucristo at magbigay-diin sa mga dahilan para ipagdiwang ang Pasko. Naglilingkod ako noon bilang stake president at nakaupo ako sa pulpito sa oras ng miting. Nakaupo ang asawa’t anak ko sa tabi ni Grace sa kongregasyon.
Pagkatapos ng sacrament, nagkuwento ang unang tagapagsalita tungkol sa isang kilalang-kilala ngunit gawa-gawang salaysay tungkol sa ikaapat na pantas. Maganda ang pagkakuwento roon at nakapukaw ng damdamin. Ang sumunod na tagapagsalita ay ibinatay ang kanyang mensahe sa isang kuwento tungkol sa tatlong punong kumakatawan sa mga tao (anthropomorphized). Ang isa ay gustong maging isang magandang baul ngunit sa halip ay naging isang labangan ng mga hayop, isang sabsaban kung saan inihimlay ang sanggol sa Bethlehem. Ang pangalawa ay gustong maging hinahangaang barkong naglalayag. Sa halip, naging isang hindi-kapansin-pansing bangkang gamit ng ordinaryong mga mangingisda sa Lawa ng Galilea. Sa isang nagngangalit na bagyo, sinabi ng isang lalaking tinukoy ng iba na “Rabi,” “Pumayapa ka,” at tumigil nga ang bagyo. Ang pangatlong puno ay gustong maging isang bagay na maaaring hangaan mula sa malayo. Sa halip, naging mga biga ito kung saan ipinako ang isang lalaki sa isang burol na tinatawag na Calvary. Muli, isa pang gawa-gawa ngunit madamdaming kuwento ng Pasko.
Nadismaya ako sa kinalabasan ng miting at pakiramdam ko ay hindi ko puwedeng hayaang matapos iyon nang ganoon para kay Grace. Kahit na wala na kaming oras, kumiling ako sa bishop, at nagtanong ako, “Aayusin mo ba ang miting na ito, o gusto mong ako na lang?” Sabi niya siya na ang bahala. Nagpunta siya sa pulpito at gumugol ng limang minuto at ipinaliwanag kung sino ang Sanggol sa Bethlehem at kung ano ang isasakatuparan Niya. Nagbigay ng makapangyarihang patotoo ang bishop tungkol kay Jesucristo bilang Tagapagligtas ng buong sangkatauhan. Ipinahayag niya ang pangwakas na himno at panalangin at naupo na.
Habang kinakanta ang pangwakas na himno, kumiling si Grace sa asawa ko at sinabi niya, “Ruth, nang magsalita ang bishop, may nagbago sa miting!” Oo nga. Maganda naman ang layon ng mga tagapagsalita ngunit ang mga iyon ay nagsilbing mga teolohikong Twinkie, na kakatiting ang espirituwal na kahalahagan, mga walang-buhay na pagpapahayag ng pananampalataya at patotoo na walang anumang kapangyarihan ng salita ng Diyos at sa gayo’y ng Espiritu.
Ang tapat na patotoo ng bishop ay batay sa mga katotohanang itinuro sa mga banal na kasulatan at sa mga turo ng mga propeta ng Panginoon; iyon ang nag-anyaya sa Espiritu sa miting. Nahinuha ko na mahirap na magpatotoo ang Espiritu sa katotohanan ng isang gawa-gawang kuwento. Anuman ang iba pa nating ginagawa sa ating pagtuturo, kailangan nating laging ibalik ang ating pagtuturo kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala, sa Ama sa Langit at sa Kanyang plano, at sa Panunumbalik ng Kanyang ebanghelyo. Siyempre, ayos lang na gumamit ng mga kwento, kahit mga kathang-isip, para mapukaw ang atensyon ng mga estudyante. Tingnan nga ninyo, ginamit ko ang Twinkies para makuha ang atensyon ninyo. Ngunit kapag nakuha na natin ang atensyon ng ating mga estudyante, kailangan nating ihatid ang sustansyang nagpapabago sa buhay. Siguro dapat ay nag-follow up ako sa Twinkies at nagbigay ng carrot sticks, broccoli, hummus—pero hindi ko ito ginawa.
Ipinahayag ni Apostol Pablo, “Sapagkat, ang lahat ng tumatawag sa pangalan ng Panginoon ay maliligtas.” Pagkatapos ay nagsunud-sunod ang mga tanong ni Pablo na nagpapaunawa sa atin ng kahalagahan ng isang awtorisadong gurong nagtuturo ng mahalagang sangkap na ito. Tanong niya, “Paano nga silang tatawag sa kanya na hindi nila sinampalatayanan? At paano sila sasampalataya sa kanya na hindi nila napakinggan? At paano sila makikinig kung walang mangangaral? At paano sila mangangaral kung hindi sila sinugo?” Pagkatapos ay ibinigay ni Pablo ang pahayag na ito: “Kaya ang pananampalataya ay nanggagaling sa pakikinig, at ang pakikinig ay sa pamamagitan ng salita ng Diyos.” Upang magkaroon ng pananampalataya ang iyong mga estudyante kay Jesucristo at sa Kanyang mahalagang tungkulin sa plano ng Ama, mahalagang magturo sa kanila tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Ito ang tema para sa kumperensyang ito: “Hanapin ang Jesus na ito na siyang isinulat ng mga propeta at apostol.”
Isinulat ng sikat na Scottish religious reformer at mangangaral na si Thomas Chalmers ang kanyang mga karanasan sa pagkatuto tungkol sa alituntuning ito. Si Chalmers ay nabuhay mula 1780 hanggang 1847. Nang malapit na siyang mamatay, natanto ni Chalmers na nakapagsagawa siya ng isang di-planadong eksperimento habang nangangaral siya. Sa loob ng ilang taon, nangaral siya laban sa lahat ng uri ng imoralidad at depekto ng pagkatao. Nagtuon siya sa ipinakitang pag-uugali ng kanyang mga parishioner, na nagtuturo ng Sampung Utos. Nakakadismaya ang resulta. Nalaman niya na ang kanyang mga salita ay “halos walang epekto sa mga miyembro ng kongregasyon” ng mga parishioner. Natanto niya na kahit may nakumbinsi siya na huwag magnakaw, hindi pa rin nagbago ang kaluluwa ng taong iyon; hindi nagbago ang kalooban ng taong iyon, kahit iniwasan ng taong iyon na maging masama ang kanyang ugali. Sa ibang salita, maaari mong baguhin ang pag-uugali nang hindi binabago ang puso ng estudyante.
Pagkatapos ay nagsimulang mangaral si Chalmers ng pakikipagkasundo sa Diyos at kapatawaran ng mga kasalanan sa pamamagitan ng dugo ni Cristo. Binago lamang ng kanyang mga parishioner ang kanilang buhay nang turuan niya sila sa ganitong paraan. Ang malaking aral na natutuhan niya ay na “ang pangangaral tungkol kay Cristo ang tanging epektibong paraan ng pangangaral ng moralidad.” Natanto niya ang nauna niyang pagkakamali—na nagsikap siyang baguhin ang pag-uugali, hindi ang mga puso. Ngayon siya ay nagtrabaho upang baguhin ang mga puso, at ang pag uugali ay natural at kasabay na nagbago.
Ang pagkabatid na si Jesus ang Cristo, na Siya ang aking Tagapagligtas at Manunubos, ay binago ang buhay at puso ko. Nabago ng kaalamang ito ang aking pag-uugali sa isang paraan na walang ibang makagagawa. Alam ko na nakinabang ako sa Kanyang walang-hanggang nagbabayad-salang sakripisyo. Ang kaalamang iyan talaga ang nagpapabago ng buhay.
Ang pangalawang espirituwal na sangkap na puno ng sustansya para sa mga estudyante ay ang personal na kaugnayan sa inyo. Ito ay dahil ang isang personal na kaugnayan sa inyo ay maaaring magpadali sa mga estudyante na mapalapit sa Tagapagligtas. Siya palagi ang tunay na pinagmumulan ng espirituwal na nutrisyon. Ngunit ang kaugnayan sa pagitan ng guro at mag-aaral ay tumutulong sa mga mag-aaral na tanggapin ang mga salita ng Tagapagligtas. Kahit pagkaraan pa ng inyong pormal na pagtuturo sa mga estudyante, ang inyong kaugnayan ay maaaring patuloy na maging positibong impluwensya sa kanilang buhay. Ang inyong magiging walang-katapusang impluwensya, alang-alang sa malaking pagmamahal at malasakit ninyo sa kanilang kapakanan sa halip na sa inyong sarili, ay dahil itinuro ninyo sila sa Panginoon at sa Kanyang doktrina.
Naranasan ko ito. Gayon ang naging uri ng impluwensya sa akin ng isa sa aking mga guro sa Primary na si Becky. Noong bata pa ako, sa halip na magbubusa dahil sa malinaw na mga pagkakamali ko, hinuhuli ako ni Becky na gumagawa ng isang bagay na mabuti, pinipisil ang aking pisngi, tinatapik ako sa ulo, at sinasabing, “Dale, napakabait mong bata.” Hindi ito mapanghamak para sa akin; sa halip ay inasam ko ang mga pagkakataon na nangyari ito. Kalaunan noong binatilyo na ako, wala na ako sa Primary, bumalik ang pamilya ko sa ward na iyon matapos manirahan nang ilang taon sa Finland at Sweden. Nilapitan ako ni Becky pagkatapos kong ipasa ang sakramento, pinisil ang aking pisngi, tinapik ako sa ulo, at sinabing, “Dale, napakabait mong bata.” Nang makabalik ako mula sa misyon, matapos mag-ulat tungkol sa mga karanasan ko bilang missionary sa isang sacrament meeting, nilapitan ako ni Becky, pinisil ang aking pisngi, tinapik ako sa ulo, at sinabing, “Dale, napakabait mong bata.” Sa sumunod na mga dekada, gumawa ako ng mas mabubuting pagpili kaysa maaaring nagawa ko—dahil itinuro ako ni Becky sa Tagapagligtas, at ayaw ko siyang biguin.
Isang araw ng Linggo pagkatapos kong matawag sa Labindalawa, nagbalik ako sa ward kung saan ako lumaki. Naroon pa rin si Becky sa ward na iyon. Naupo ako sa dulo ng rostrum, nagsalita nang maikli sa sacrament meeting, at umupo. Kasunod ng pangwakas na panalangin, ginulat ako ni Becky, na noo’y mahigit 80 anyos na, mula sa likod. Lumigid siya sa mga upuan ng koro sa likod ko, pinisil ang aking pisngi, tinapik ako sa ulo, at sinabing, “Dale, napakabait mong bata.”
Bawat estudyante ay nangangailangan ng isa o mahigit pang Becky sa kanilang buhay—mga guro na may habambuhay na kaugnayan sa kanila, na nagturo sa kanila sa Tagapagligtas, na nakaapekto sa kanilang pag-iisip at pag-uugali, na ayaw nilang biguin. Kapag naging masama ang epekto ng krisis sa mga estudyante na siguradong mararanasan nila, maaari kayong maglaan ng ligtas na lugar para mabalingan nila para sa pagmamahal at pagtiyak. Inaamin ko, maaring may ilan na tutol sa mga pagtatangka ninyong kilalanin sila, ngunit hindi iyan hadlang sa inyo na mahalin sila. Maaaring may mas malaking impluwensya kayo sa mga estudyanteng palaban kaysa inaakala ninyo.
Ang pangatlong matalinghagang sangkap na puno ng sustansya na kailangan ng bawat estudyante ay ang kakayahang sagutin ang mga tanong at alalahanin nila tungkol sa Simbahan. Walong taon na ang nakararaan, ipinayo ni Elder M. Russell Ballard sa mga guro ng relihiyon:
“Lipas na ang panahon na tapat na nagtatanong ang estudyante at sumasagot ang guro ng, ‘Huwag mong alalahanin iyan!’ Lipas na ang panahon na nagbabanggit ng problema ang estudyante at nagpapatotoo ang guro bilang sagot na nilayong iwasan ang isyu. Lipas na ang panahon na protektado ang mga estudyante mula sa mga taong bumabatikos sa Simbahan. …
“Bago ninyo isabak [ang inyong mga estudyante] sa mundo, bakunahan [sila] sa pamamagitan ng paglalaan ng tapat, pinag-isipan, at tumpak na interpretasyon ng doktrina ng ebanghelyo, ng banal na kasulatan, ng ating kasaysayan, at ng mga paksang kung minsan ay mali ang pagkaunawa.”
Mga guro, matutulungan ninyo ang mga estudyante sa pagtuturo sa kanila ng kahulugan ng pagsamahin ang pag-aaral at pananampalataya habang natututo sila. Maaari ninyo silang turuan sa pamamagitan ng pagpapakita ng halimbawa ng kasanayan at paraang ito sa klase.
Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay naipanumbalik sa ating panahon sa pamamagitan ng paghahayag. Alam natin kung gayon kung paano bumalik sa ating tahanan sa langit, ngunit maaaring mayroon pa rin tayong mga tanong at alalahanin na taos nating hangad na masagot natin. Mamasdan ng inyong mga estudyante kung paano kayo sumagot sa mahihirap na tanong; umiwas o magbalewala sa matatapat na tanong na aakit ng iba pang mga tanong. Kailangan ninyong maghandang gabayan ang iba sa paghahanap nila ng mga sagot at tulungan silang magkaroon ng pananampalataya sa Panginoon at sa Kanyang banal na pinagkukunan ng katotohanan. Itinuro ni Elder Dieter F. Uchtdorf, “Ang pagtatanong ay hindi tanda ng kahinaan; ito ay simula ng paglago.” Dahil diyan, nagtipon ang Simbahan ng maganda at mapagkakatiwalaang resource para sa mga indibiduwal na naghahanap ng mga sagot sa sarili nilang mga tanong at para sa iba pa na nagsisikap na tulungan sila. Ang ating mithiin ay tumulong na palakasin ang pananampalataya kay Jesucristo, kahit habang naglalaan tayo ng ilang mungkahi kung paano ituturo ang kumplikado at kung minsa’y mahihirap na paksa.
Ang resource na ito ay matatagpuan kapwa sa ChurchofJesusChrist.org website at sa Gospel Library app. Kung sakaling hindi kayo pamilyar sa resources na ito, ipapakita ko sa inyo kung nasaan iyon sa loob ng Gospel Library app. Buksan ninyo ang inyong Gospel Library app. Mula sa home page, magpunta sa library. I-tap ang tile na “Mga Paksa at mga Tanong.” Dito’y makikita ninyo ang isang bahaging tinatawag na “Paghahanap ng mga Sagot sa Iyong mga Tanong” at isa pang bahaging tinatawag na “Pagtulong sa Iba sa Kanilang mga Tanong,” at ang alpabetikong listahan ng maraming paksa na maaaring magustahan ninyo.
Ang bahaging “Paghahanap ng mga Sagot sa Iyong mga Tanong” ay nagtuturo ng mga alituntuning maaaring gumabay sa ating pag-aaral habang tapat tayong naghahanap ng mga sagot sa ating mga tanong—tungkol man sa pananampalataya, doktrina, o kasaysayan ng Simbahan. Ipinaliliwanag ng pambungad sa bahaging ito na ang mga tanong ay mahalagang bahagi ng espirituwal na paglago at na ang paghahanap ng mga sagot ay maaaring maging isang habambuhay na hangarin. Hinihikayat tayo ng mga alituntuning matatagpuan sa bahaging ito na isentro ang ating buhay kay Jesucristo dahil sa Kanya natin kailangang itayo ang pundasyon ng ating pananampalataya. Ipinapaalala sa atin na ang plano ng kaligtasan ng Diyos ay naglalaan ng pananaw para sa ating mga tanong. Ang pananaw na iyan ay tumutulong sa atin na matukoy ang mahahalagang katotohanan ng ebanghelyo mula sa mga bagay na hindi gayon kahalaga. Para lumago ang pananampalataya, kailangan nating piliing manampalataya. Pagkatapos ay kailangan nating kumilos nang may pananampalataya at mahigpit na kumapit sa nalalaman natin. Kapag ginawa natin ito, pinalalalim natin ang ating pagkaunawa at pananampalataya kay Jesucristo.
Hinihikayat tayo ng mga karagdagang alituntuning tinalakay sa bahaging ito na maging matiyaga sa ating sarili, sa iba, at sa takdang panahon ng Panginoon. Kailangan nating tandaan na ang paghahayag ay isang proseso na kadalasang nagsisimula sa mga tanong, madalas dumating nang taludtod sa taludtod, at kung minsa’y maaaring maging isang pakikibaka. Habang nagsasaliksik tayo para sa mga sagot, dapat nating hangarin ang patnubay ng Espiritu Santo at sikaping maunawaan ang nakaraan sa pamamagitan ng pag-intindi sa konteksto.
Ang bahaging “Pagtulong sa Iba sa Kanilang mga Tanong” ay nagmumungkahi ng mga alituntunin na maaaring gumabay sa atin habang nakikipag-ugnayan tayo sa iba na may mga tanong. Ano’t anuman, dapat tayong magsalita nang may paggalang, makinig nang may pakikiramay, at magpamalas ng pagmamahal na tulad ng kay Cristo. Kaya makinig at tumugon nang may pagmamahal. Hangaring umunawa, kilalanin ang karanasan ng iba, at iwasang balewalain o husgahan sila. Kapag ginawa natin ito, maaari nating kilalanin ang ating mga limitasyon. Tandaan lamang na bagama’t nasa atin ang kabuuan ng ebanghelyo, wala sa atin ang mga sagot sa lahat ng tanong. Ang ilang sagot ay kailangang maghintay ng karagdagang paghahayag. Sa ilang tanong at ilang nagtatanong, hindi talaga sapat ang alam natin tungkol sa kalooban ng Panginoon at sa kabuuan ng doktrina ng Simbahan para ganap na mabigyang-kasiyahan ang mga estudyante. Sa ganitong mga sitwasyon, maaaring hindi makatulong na tangkaing hikayatin ang mga nagtatanong sa paggamit ng karagdagang lohika o katwiran.
Maaaring magkamali nang di-sadya ang maraming guro na magbigay ng mga katwiran o paliwanag na hindi nagmumula sa Panginoon. Kapag nangyari iyan, maaaring kalaunan ay hindi na maging posibleng sagot sa hinaharap ang katwiran o sagot na ibinigay at humina ang pananampalataya ng estudyante. Mas mabuti pang sabihin na hindi natin alam ang sagot kaysa maggawa-gawa ng katwiran o paliwanag. Kung sabagay, ang pananampataya ay isang pagpapasiya, at ang tanging sagot kung minsan ay umasa sa pananampalataya sa Panginoong Jesucristo at sa Pagpapanumbalik ng Kanyang ebanghelyo at matiyagang maghintay sa mga sagot mula sa Panginoon kung kailan Niya piliing ihayag ang mga iyon. Nagtitiwala tayo sa Panginoon at sinisikap nating maging isang ligtas at mapagkakatiwalaang mahihingan ng tulong ng iba.
Maaari nating hikayatin ang mga estudyante na palakasin ang sarili nilang espirituwal na patotoo tungkol sa pagmamahal ng kanilang Ama sa Langit at na nagbayad-sala si Jesucristo para sa kanila. Tandaan na kahit hindi tanggapin ng mga estudyante ang kabuuan ng ebanghelyo, maaari pa rin silang maniwala at maging tapat sa mga salita ni Jesucristo. Kapag nahihirapan sila sa isang aspekto ng Simbahan, maaari pa rin silang magkaroon ng matibay na patotoo na mahal sila ng Ama sa Langit at nais Niya ang pinakamabuti para sa kanila at na si Jesucristo ang kanilang Tagapagligtas.
Mapapansin ninyo na marami sa mga mungkahi sa pagtulong sa iba sa kanilang mga tanong ang pinakaepektibong masasagot nang paisa-isa. Naniniwala ako na ito ang pinakamabuting paraan. Maaaring hindi maganda para sa isang guro na payagan ang buong klase na maging tapat sa pagsagot sa mahalagang tanong ng isang tao. Ang mga tanong ng mga estudyante ay hindi dapat lumihis sa nakaplanong kurikulum na nilayong magpalakas ng pananampalataya. Laging tandaan na ang layunin ninyo ay palakasin ang pananampalataya ng buong klase, hindi ang magambala ng ilan na hindi mapigil sa pagsasalita. Tulad ng lahat ng pagtuturo, ang pagsagot sa mga tanong ay nangangailangan ng patnubay ng Espiritu.
Ang nilalaman ng bahaging ito ay nagpapaalala rin sa atin na alagaan ang sarili nating pananampalataya kahit habang tinutulungan natin ang iba. Pinayuhan tayo ni Sister Tamara W. Runia na huwag “habulin ang mga mahal natin sa buhay na naliligaw ng landas.” Sa halip, tulad ni Lehi sa pangitain ng punungkahoy ng buhay, “ikaw ay manatili sa kinaroroonan ninyo at tawagin sila. Pumunta kayo sa punungkahoy, manatili roon, patuloy na kainin ang bunga at, habang nakangiti, patuloy na tawagin ang mga mahal ninyo sa buhay at ipakita sa kanila na masayang kainin ang bunga!”
Ang mga alituntuning nasa “Mga Paksa at mga Tanong,” lalo na ang mga itinuro sa mga bahaging “Paghahanap ng mga Sagot sa mga Tanong” at “Pagtulong sa Iba sa Kanilang mga Tanong,” ay nakatulong sa akin na mahanap ang mga sagot sa sarili kong mga tanong sa isang paraan na nagpalakas sa aking pananampalataya sa Panginoon at nagpalalim sa pagkaunawa ko sa Kanya at sa Kanyang gawain. Ang mga alituntunin ay nakatulong din sa akin na alalayan ang iba sa pagsasaliksik tungkol sa kanilang mga alalahanin at tanong. Magdaragdag ng iba pang nilalaman sa hinaharap para makatulong sa partikular na mga tanong at paksa, kaya balikan sana ninyo nang madalas ang resource na ito at huwag ninyong isipin kailanman na, “Nabasa ko na iyan.” Tiwala ako na magiging mahalaga din para sa inyo ang mga bahagi at paksang ito. Ang inyo nawang paggamit ng mga materyal na ito ay magpalalim sa pananampalataya ninyo at ng iba sa Tagapagligtas.
Ang pang-apat at huling matalinghagang espirituwal na sangkap na puno ng sustansya na gusto kong magkaroon ang lahat ng estudyante ay anumang mahalagang sangkap na lumilikha at nagpapanatili ng malambot na puso. Ang ibig kong sabihin sa malambot na puso ay isang taong matalas ang pakiramdam sa Espiritu. Ang matigas na puso, ang kabaligtaran ng malambot na puso, ay espirituwal na nakamamatay. Madalas ilarawan sa mga banal na kasulatan ang mga panganib na naghihintay sa mga may matigas na puso. Nalaman ni Nephi na “ang abu-abo ng kadiliman ay mga tukso ng diyablo, na bumubulag sa mga mata, at nagpapatigas sa mga puso ng mga anak ng tao, na umaakay sa kanila palayo patungo sa maluluwang na lansangan, kaya sila nasasawi at naliligaw.”
Ang pisikal na matigas na puso ay mahirap mapuno ng dugo. Kaya habang napupuno ang puso, habang naghahanda na itong tumibok, ang matigas na puso ay nahihirapang lumaki upang makapasok ang dugo. At maaari itong humantong sa isang uri ng sakit sa puso na kasintindi ng pagpalya ng puso na nagmumula sa kabiguan nitong tumibok. Ganito rin kahirap punuin ng dugo ang isang matigas na puso, nahihirapan ang isang espirituwal na matigas na puso na mapuspos ng Espiritu.
Sa 2 Nephi 33, tinukoy ni Nephi na ang mga taong pinatitigas ang kanilang puso ay hindi hahayaan ang Banal na Espiritu na iparating ang mga salita ng Diyos sa kanilang puso. Sabi niya, “Sapagkat kapag ang isang tao ay nagsasalita sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, ang kapangyarihan ng Espiritu Santo ang nagdadala nito sa puso ng mga anak ng tao. Sinabi pa ni Nephi, “Datapwat masdan, marami ang pinatitigas ang kanilang mga puso laban sa Banal na Espiritu, kaya hindi ito magkaroon ng puwang sa kanila, anupa’t kanilang itinapon ang mga bagay na naisulat at itinuring yaon na mga bagay na walang kabuluhan.”
Itinuro ni Elder David A. Bednar: “Pansinin kung paanong ang kapangyarihan ng Espiritu ang nagdadala ng mensahe sa damdamin [ngunit] hindi kinakailangang sa loob ng puso. … Gayunman, sa huli, ang nilalaman ng mensahe at ang patotoo ng Espiritu Santo ay maisasapuso lamang kung pahihintulutan ito ng nakikinig.”
Kung hindi malambot ang puso ng ating mga estudyante, maaari silang makatulad ng mga magsasabi na: “Natanggap na namin ang salita ng Diyos, at hindi na namin kailangan [ng iba pa]! … sapagkat sapat na kaalaman namin!” Para sa kanila, “ganito ang wika ng Panginoong Diyos: Magbibigay ako sa mga anak ng tao ng taludtod sa taludtod, ng tuntunin sa tuntunin, kaunti rito at kaunti roon; at pinagpala ang mga yaong nakikinig sa aking mga tuntunin, at ipahiram ang tainga sa aking mga payo, sapagkat matututo sila ng karunungan; sapagkat siya na tumatanggap ay bibigyan ko pa ng karagdagan; at mula sa kanila na nagsasabing mayroon na kaming sapat, mula sa kanila ay kukunin maging ang mga yaong mayroon sila.”
Kapag matigas ang puso, maaaring harangan ng ating mga estudyante ang daan para makatanggap sila ng iba pang salita o mga sagot ng Diyos sa kanilang mga dalangin. Kailangan nila, tulad natin, na maging bukas sa Espiritu upang maturuan sila ng lahat ng bagay na dapat nilang gawin. Tulad ng itinuro ni Alma, “At sila na magpapatigas ng kanilang mga puso, sa kanila ay ibibigay ang higit na maliit na bahagi ng salita hanggang sa wala na silang malaman pa hinggil sa kanyang mga hiwaga; at pagkatapos, sila ay kukuning bihag ng diyablo, at aakayin ng kanyang kagustuhan tungo sa pagkawasak.” Ang malambot na puso ay itinataguyod ang kahihinatnang ipinangako ng Tagapagligtas. “Siya na sumusunod sa [mga kautusan ng Diyos] ay tumatanggap ng katotohanan at liwanag, hanggang sa siya ay maluwalhati sa katotohanan at malaman ang lahat ng bagay.” Gayunman, ginagawang posible ng matitigas ang puso na ang “masama ay [dumating] at [kunin] ang liwanag at katotohanan.”
Ibinuod ni Haring Benjamin ang mga nilalaman ng espirituwal at metaporikal na nagbibigay-sustansiyang sangkap na ito na lumilikha at nagpapanatili ng malambot na puso. Ipinahayag niya, “Nais kong inyong pakatandaan, at laging panatilihin sa inyong alaala ang kadakilaan ng Diyos, at ang inyong sariling kawalang-kabuluhan, at ang kanyang kabutihan, at mahabang pagtitiis sa inyo … at magpakumbaba ng inyong sarili maging sa kailaliman ng pagpapakumbaba, nananawagan sa pangalan ng Panginoon sa araw-araw, at matatag na naninindigan sa pananampalataya sa kanya na paparito.” Ang mga sangkap ay ito: na lagi nating tandaan na ang pagtubos ay dumarating lamang dahil kay Jesucristo, na kung wala Siya ang ating sitwasyon ay walang pag-asa. Hinihikayat tayo nito na magpakumbaba sa kailaliman ng pagpapakumbaba at naghihikayat sa atin na manalangin araw-araw, at pagkatapos ay naninindigan tayo sa ating pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Ang likas na bunga ay na tayo ay “laging magsasaya, at mapupuspos ng pag-ibig ng Diyos, at laging mananatili ang kapatawaran ng [ating] mga kasalanan; at … uunlad sa kaalaman ng kaluwalhatian niya na lumikha sa [atin].”
Tinutulungan ninyo ang mga estudyante na maalala at laging manatili sa kanilang alaala ang kadakilaan ng Diyos habang masigasig kayong nagsisikap na hikayatin silang maniwala kay Cristo “at makipagkasundo sa Diyos [upang malaman na] naligtas [sila] sa pamamagitan ng biyaya, sa kabila ng lahat ng [kanilang] magagawa.” Kaya “nangungusap tayo tungkol kay Cristo, nagagalak tayo kay Cristo, … upang malaman ng ating mga [estudyante] kung kanino sila aasa para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan.” Ang kaalamang iyan ay tinutulungan silang manatiling mapagkumbaba, nagpapahiwatig sa kanila na tumawag sa pangalan ng Diyos araw-araw at manindigan sa pananampalataya. Tinutulungan sila nito na mapanatili ang malambot na puso na madaling mapuspos ng Espiritu Santo.
Lahat ng apat na sangkap na tinalakay ko ay tulung-tulong at pare-parehong nagpapatibay. Ngayon ay isang magandang panahon para suriin ang sarili nating pagtuturo. Itanong sana ninyo sa inyong sarili:
-
Nakasentro ba kay Jesucristo ang pagtuturo ko?
-
Nagtuturo ba ako nang may patotoo at pagmamahal?
-
Hinahangad ko bang magkaroon ng habambuhay na kaugnayan sa aking mga estudyante?
-
Tinutulungan ko ba ang mga estudyante sa sarili nilang mga tanong at hindi sila iniiwanan ng mas maraming tanong?
-
Nagpapakita ba ako ng halimbawa ng malambot na puso, na nagpapahayag ng pasasalamat sa Diyos at naninindigan sa pananampalataya?
-
Ano ang natututuhan ng aking mga estudyante mula sa aking halimbawa gayundin sa aking pagtuturo?
Mga kapatid, salamat sa ginagawa ninyo para tulungan ang mga anak ng Ama sa Langit na maging matatapat na disipulo ni Jesucristo, mapanatili ang malambot na puso, papasukin ang Espiritu sa kanilang puso, at malinaw na ituro sila kay Jesucristo, ang Manunubos ng sanlibutan. Tulad ng narinig natin sa awitin, lahat tayo ay madaling maligaw, madaling iwan ang Diyos na mahal natin. Kailangan tayong mapaalalahanan ng Kanyang kabutihan upang ang kabutihang iyon, tulad ng isang kadena, ay ibigkis ang ating mga pusong gumagala sa Diyos. Kaya sinabi ni Robert Robinson, nang isulat niya iyon, “Narito ang puso ko. Kunin at ibigkis ito. Ibigkis ito sa kalangitan.” Gusto niyang mapaalalahanan kung bakit nararamdaman niyang kantahin ang awiting iyon ng tumutubos na pag-ibig gayong minsan ay hindi niya ito nararamdamang kantahin. At ganoon din ang ating gawain, na tulungan ang ating mga estudyante sa landas na iyon.
Pagpalain kayo ng Diyos sa ginagawa ninyo. Pagpalain kayo ng Diyos sa inyong kabutihan, sa inyong pananampalataya, sa inyong katapatan, sa inyong mga patotoo. Salamat sa paglilingkod sa Maestro. Salamat sa pagiging kaibigan Niya, dahil Siya ang ating mabait, matalino, makalangit na kaibigan. Talagang alam ko na ito ay totoo. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.