Mga Taunang Brodkast
Espirituwal na Angkla


12:41

Espirituwal na Angkla

Taunang Brodkast ng S&I para sa Enero 2024

Biyernes, Enero 26, 2024

Ang asawa kong si Kristi ay lumaki malapit sa baybayin ng Southern California at mahal niya ang karagatan. Isa sa mga paborito niyang gawin ay bumisita sa mga parola. Kahit malayo na kami ngayon sa karagatan, nakabisita kami ng mga 15 iba’t ibang parola, at nalaman ko kung bakit gustung-gusto niya ang mga ito. Naantig ako sa larawan ng isang parola na nakatayo nang matatag laban sa hangin at alon dahil nakaangkla ito nang napakalalim sa mga solidong bato kaya kahit malalakas ang unos ay hindi ito natitinag mula sa pundasyong kinasasaligan nito. Sa gayunding paraan, umaasa kami na madadaig ng ating mga estudyante ang anumang unos na maaaring dumating sa kanilang buhay. Salamat sa inyo sa paglalaan ng espirituwal na angkla na kailangan nila at sa pagtulong sa kanila na maitayo ang kanilang pundasyon kay Jesucristo.

Dahil sa kahanga-hangang mga pagsisikap ninyo nitong nakaraang dalawang taon, nadagdagan ang institute nang 57,000 na estudyante, at ang seminary enrollment ay lumago nang 22,000 sa kabila ng mas kaunting potensyal na mga estudyante. Ito na ngayon ang pinakamataas na porsiyento ng mga estudyante sa seminary na naka-enroll na naiulat namin. Salamat sa pagtugon sa paanyaya ni Pangulong Nelson na tumulong sa pagtitipon ng isang henerasyon. Tulad nang itinuro niya, tuwing gagawa kayo ng anumang bagay na tumutulong sa sinuman na gumawa at tumupad ng kanilang mga tipan sa Diyos, tumutulong kayo na tipunin ang Israel.1 Bukod sa paglaki ng bilang ng enrollment, noong nakaraang taon, mahigit 25,000 kaibigan mula sa ibang mga relihiyon ang dumalo sa mga klase at 9,000 sa kanila ang nabinyagan.

Salamat sa inyong mga personal na pag-anyaya, sa pakikipagtulungan sa mga lider at magulang ng Simbahan, at sa paghikayat sa inyong mga estudyante na anyayahan ang kanilang mga kaibigan. Ang ginagawa ninyo ay gumagawa ng kahanga-hangang kaibhan, at hindi lamang ito sa mga bilang ng enrollment. Ang tunay na kaibhan ay nasa epektong nagagawa ninyo. Araw-araw, nagbabago ang mga buhay habang dumadalo sila sa inyong mga klase, habang nadarama nila ang inyong pagmamahal at pananampalataya, at habang tinatanggap nila ang inyong paanyaya na pag-aralan ang mga banal na kasulatan at pakinggan ang tinig ng Diyos. Salamat sa pagsampalataya ninyo para mapagpala ang mas marami pang anak ng Ama sa Langit sa pagbibigay ninyo ng espirituwal na angkla na lubhang kailangan nila.

Sa pagsisikap na patuloy na tuklasin ang mas marami at mas mahusay na paraan para mapagpala ang ating mga estudyante, ilang taon na ang nakararaan ay sinubukan namin ang isang bagong kurso sa seminary. Sa loob ng isang semestre itinuro namin sa mga estudyante na nasa unang taon sa seminary ang isang bagong bersyon ng institute course na Scripture Study Fundamentals [Mga Pangunahing Alituntunin sa Pag-aaral ng Mga Banal na Kasulatan]. Pagkatapos ng isang semestre, ang mga estudyante sa mga klaseng iyon ay naunang nagkaroon ng kakayahan na makabuluhang personal na pag-aralan ang mga banal na kasulatan at makibahagi sa mga talakayan sa klase kumpara sa kanilang mga kasabayan. Halos kasabay nito, ang programang tinatawag na Succeed in School [Magtagumpay sa Paaralan] ay nakatulong nang malaki sa mga estudyante na maging mas mahusay sa paaralan at maging mas handa sa mga oportunidad na makapag-aral sa hinaharap. Ang dalawang karanasang ito ay napansin ni Elder Gilbert, at nagsimula siyang hikayatin kaming pag-isipan kung ano ang itinuturo sa amin ng Panginoon.

Habang nangyayari ito, nagsimulang talakayin ng mga miyembro ng Missionary Department kung ano pa ang magagawa ng seminary para makatulong sa paghahanda ng mga magiging missionary. Ang iba pang mga talakayan ay tungkol sa pagtulong ng Temple Department sa mga taong dadalo sa templo sa unang pagkakataon na magkaroon ng makabuluhang karanasan sa templo at maunawaan ang mga tipang gagawin nila. Ang iba naman ay nakikipag-usap sa Welfare and Self-Reliance Services Department tungkol sa pagtulong na matugunan ang lumalaking pangangailangan para sa emosyonal na katatagan at pag-asa sa sarili. Kasabay nito, ang matagal nang hangarin ng marami na mas magtuon sa mga turo ng mga makabagong propeta ay tinalakay rin.

Tulad ng mga tributaryo na dumadaloy sa ilog, maraming ideya ang sama-samang dumating na tila itinuturo kami sa iisang direksyon. Nang pag-isipan namin ang mga posibilidad, natanto namin na ang seminary ay nasa natatanging katayuan. Ang ibang mabubuting tao, tulad ng mga counselor sa paaralan o family therapist, ay makatutulong sa pagtugon sa mga kinakailangang paksa at maaaring makatulong nang malaki, ngunit natatangi tayo sa kakayahan nating tugunan ang mga paksang iyon sa pamamagitan ng pananaw ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Natanto rin namin na natatangi tayo kahit sa loob lamang ng Simbahan dahil sa dami ng oras na kasama natin ang ating mga kabataan bawat linggo.

Tayo rin ay nasa natatanging katayuan sa ating sariling kasaysayan. Yamang iniayon na ang ating iskedyul sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin, pag-aaralan natin ngayon ang parehong aklat ng banal na kasulatan bilang indibiduwal, pamilya, at iba pang mga klase sa Simbahan. Dahil dito napaisip kami na marahil maaari nating gamitin ang kaunti sa ating mahalagang oras upang tuwirang talakayin ang mga partikular na paksa sa konteksto ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Sa lahat ng mga ideyang ito na nakakaambag sa mga naiisip namin, patuloy kaming nakasalig sa ilang ideya bilang pundasyon. Ang hangarin namin ay laging nakasentro kay Cristo, nakabatay sa banal na kasulatan, at nakapokus sa mag-aaral. Lagi naming sisikaping anyayahan ang Espiritu Santo at magtutuon sa aming layunin na palalimin ang pagbabalik-loob kay Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo.

Habang mapanalangin naming pinag-isipan kung ano ang kinalaman ng lahat ng ito sa aming pagsisikap na pagpalain ang mga kabataan, naalala namin na itinuro ni Elder David A. Bednar ang kahalagahan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan sa tatlong paraan: ayon sa pagkakasunud-sunod, paksa, at tema. Itinuro niya:

“Ang pagbabasa ng isang aklat ng banal na kasulatan mula simula hanggang katapusan ay simula ng pagdaloy ng tubig na buhay sa ating buhay sa pamamagitan ng pagkatuto sa mahahalagang kuwento, doktrina ng ebanghelyo, at mga alituntuning walang hanggan. …

“… Ang pag-aaral ayon sa paksa ay nagpapalawak sa ating kaalaman.”

Idinagdag pa ni Elder Bednar:

“Ang masigasig na pagsasaliksik na tuklasin ang pagkakaugnay, huwaran, at tema ay bahagi ng ibig sabihin ng ‘magpakabusog’ sa mga salita ni Cristo. Ang paraang ito ay magbubukas ng daluyan ng espituwal na imbakan, liliwanagin ang ating pang-unawa sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu, at magbubunga ng matinding pasasalamat para sa banal na kasulatan at matibay na pangako na hindi matatanggap sa ibang paraan. Ang ganitong pagsasaliksik ay makapagtatayo sa atin sa bato na ating Manunubos at makadaraig ng impluwensya ng kasamaan sa mga huling araw na ito.”2

Batid na kailangan naming manatiling tapat sa aming matagal at itinatanging kasaysayan ng pagtuturo ng mga banal na kasulatan ayon sa pagkakasunud-sunod nito at patuloy na makinabang sa pagsunod namin sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin, at batid din na ang ating mga kabataan ay may partikular na mga hamon at ang pangangailangang maghanda para sa kanilang hinaharap, inilahad namin ang sumusunod na rekomendasyon sa Board of Education. Babasahin ko ngayon ang napag-usapan sa board.

“Inirerekomenda [ng administrasyon ng Seminary and Institutes of Religion] ang paglikha ng kurikulum ng seminary na nagtuturo ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin ayon sa pagkakasunud-sunod sa mga banal na kasulatan 3–4 na araw bawat linggo, at ang mga lesson na ayon sa tema nang 1–2 beses bawat linggo, na binuo mula sa mga paksang tulad ng misyon, templo, at paghahanda para sa edukasyon; mga kasanayan sa pag-aaral ng banal na kasulatan; katatagan ng damdamin; mga kasanayan sa buhay; at mga turo ng mga propeta sa mga huling araw. Ang mga lesson ayon sa tema ay ibabatay din sa mga banal na kasulatan at nakatuon sa mga alituntunin ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo.”

Ang rekomendasyon ay buong kagalakang inaprubahan na ipatupad sa buong mundo simula Enero ng taong 2025.

Tandaan lamang na bawat linggo patuloy nating ituturo ang mga banal na kasulatan ayon sa pagkakasunud-sunod nito. Mahalaga na patuloy nating tulungan ang ating mga estudyante na magkaroon ng tiwala sa kanilang kakayahang pag-aralan at unawain ang mga banal na kasulatan at malaman at maipamuhay ang mga alituntuning itinuturo ng mga ito. Patuloy din nating tutulungan ang mga kabataan na mahanap ang mga sagot sa kanilang mga tanong sa pamamagitan ng mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman at makinabang sa doctrinal mastery. Ang mga lesson na ayon sa paksa, na tinatawag na mga “lesson sa paghahanda para sa buhay,” ay idaragdag din sa bagong kurikulum. Ang mga lesson na ito ay tutugon sa partikular na mga pangangailangan ng ating mga estudyante sa seminary sa mga paraang patuloy na nakasentro kay Cristo, nakabatay sa banal na kasulatan, at nakatuon sa mag-aaral.

Sa mga lesson na ito magagamit ninyo ang inyong mga kasanayan, karanasan, at kaloob bilang mga guro na nagtuturo ng banal na kasulatan ayon sa pagkakasunud-sunod nito. Hindi ito pagsisimulang muli. Hindi namin hinihiling sa inyo na maging eksperto sa alinman sa mga bagong paksang ito. Sa katunayan, umaasa kami na wala sa inyo ang gaganap sa papel ng magulang o therapist, counselor, o specialist. Hinihiling lang namin sa inyo na manatiling matibay na nakasalig sa mga turo ni Jesucristo ayon sa nakasaad sa mga bagong kaugnay at inaprubahang materyal na ito.

Upang matulungan kayong maghanda para sa 2025, ipadadala sa inyo ang mga bagong materyal sa Hulyo ng 2024, na kinabibilangan ng mga lesson sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin at paghahanda sa buhay. Hinihikayat namin kayong rebyuhin ang mga lesson na ito sa panahong iyon at hinihikayat din kayong simulang ibahagi ang pahayag na ito sa mga magulang, lokal na lider, at opisyal sa paaralan para makatulong na makahikayat sa mas maraming kabataan na mag-enroll sa seminary. Sa pagsasama ng mga pamamaraan ng pag-aaral ng banal ng kasulatan ayon sa pagkakasunud-sunod at pag-aaral ayon sa tema, umaasa kaming makapagbukas ng espirituwal na imbakan na iba sa alinmang nakita namin noon.

Umaasa kami na matulungan ang isang henerasyon ng mga kabataan na malaman kung paano pag-aralan ang mga banal na kasulatan at makaugnay sa mga turo ng mga buhay na propeta. Isang henerasyon ng kabataang matatag ang damdamin na may mga kasanayan at kakayahang magtagumpay sa paaralan at maging mabubuting ama at ina at mamuno sa Simbahan at sa kanilang mga komunidad. Umaasa kami na matulungan ang isang henerasyon na maging handa na maunawaan ang mga tipan sa templo, na tapat na tumutupad sa mga ito, at isang henerasyon ng mga missionary na karapat-dapat, kwalipikado, espirituwal na malakas, at handang kumatawan sa Tagapagligtas sa pag-anyaya sa mundo na lumapit sa Kanya.

Umaasa kami na maihanda ang isang henerasyon ng mga disipulo ni Jesucristo na lubos na nagbalik-loob sa Kanya at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo sa buong buhay nila. Salamat muli sa pagtitipon ng isang henerasyon at sa pambihirang epekto ninyo sa kanila. Alam namin na maraming hinihiling sa inyo. Salamat sa inyong lahat sa kahanga-hangang ginagawa ninyo. Kapag patuloy kayong nanampalataya, naniniwala ako na makakakita kayo ng mga himala, na ang Panginoon ay handang palakasin at protektahan ang ating mga estudyante at harapin ang mga unos ng mga huling araw na ito. Patuloy kayong tutulungan ng Panginoon. Iyan ang ginagawa Niya. Iyan ang Kanyang kalooban. Pinatototohanan ko Siya sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Russell M. Nelson at Wendy W. Nelson, “Pag-asa ng Israel” (pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan, Hunyo 3, 2018), Gospel Library.

  2. David A. Bednar, “A Reservoir of Living Water” (Brigham Young University devotional, Peb. 4, 2007), 3, speeches.byu.edu.