Mga Taunang Brodkast
“Magsalita Ka, Panginoon; sapagkat Nakikinig ang Iyong Lingkod”


18:16

“Magsalita Ka, Panginoon; sapagkat Nakikinig ang Iyong Lingkod”

Taunang Brodkast ng S&I para sa Enero 2024

Biyernes, Enero 26, 2024

Lubos akong nagpapasalamat na makasama kayo sa pandaigdigang training broadcast na ito. Nasasabik ako sa ibinahagi sa inyo ni Brother Webb tungkol sa darating na mga update sa ating kurikulum sa seminary. Ito ay napakahalagang pagsulong na magpapabuti sa paghahanda sa buhay ng mga kabataan sa iba’t ibang panig ng mundo. Matibay na nakasalig kay Jesucristo at nakaangkla sa mga banal na kasulatan, nakikita ko ang mga kabataang lalaki at babae na mas handang magmisyon, nagsisikap para sa mga tipan sa templo, mas matatag ang damdamin, mas self-reliant, at mas handa para sa kolehiyo.

Sa ating mga guro sa seminary, kayo ay bahagi ng mahalagang paghahanda sa buhay na kakailanganin ng ating mga kabataan upang maging mga disipulo ni Jesucristo sa darating na panahon ng kaguluhan. Umaasa ako na makikita ninyo ang inspirasyon sa likod ng mga lesson na ito at mauunawaan ang papel na gagampanan ninyo sa paghahanda sa inyong mga kabataan para sa kanilang hinaharap. Manalangin na mabigyan ng kaalaman at inspirasyon na makita ang kanilang tatahakin sa hinaharap. Magtamo ng matibay na pananalig para mainspirasyunan sila na maghanda. Ito ay napakagandang panahon para magturo sa seminary, at kamangha-mangha ang ating responsibilidad.

Ang mensahe ko ay magtutuon ngayon sa ating mga institute instructor, ngunit ang mga alituntunin ay nauugnay rin sa ating lahat na nagsisikap na pakinggan at pag-ibayuhin ang mga salita ng ating mga propeta. Sa Lumang Tipan, pinayuhan ni Eli ang magiging propeta na si Samuel na tumugon sa pagtawag ng langit sa pagsasabing, “Magsalita ka, Panginoon; sapagkat nakikinig ang iyong lingkod.”1 Ang huwarang ito ay nagbigay ng pagkakataon kay Samuel na maging tagapagsalita ng Panginoon sa kanyang panahon. Bahagi ng himala ng isang buhay na propeta ay mayroon tayong lider na pinagkakatiwalaan ng Panginoon na pakikinggan Siya at ituturo ang Kanyang salita.

Noong nakaraang taon, nagbahagi ako ng limang bagay na binigyang-diin ng propeta at mga apostol sa ating mga young adult:

  1. Alamin ang inyong banal na identidad.

  2. Humugot ng lakas kay Jesucristo sa inyong mga tipan.

  3. Hayaang manaig ang Diyos at sundin ang Kanyang propeta.

  4. Magturo ng katotohanan nang may pagmamahal.

  5. Maging responsable sa patotoo mo.

Marahil ang mas mahalaga kaysa sa mga tema mismo ay ang partikular na mga mensaheng pinaghugutan ng mga ito, mga mensaheng ipinahayag ng propeta sa mga young adult sa ating panahon. Halimbawa, isa sa pinakamahalagang mga mensahe na sinisikap naming bigyang-diin ay mula sa mensahe ni Pangulong Nelson sa pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult na pinamagatang “Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan.” Ang mga temang “Alamin ang inyong banal na identidad” at “Maging responsale sa patotoo mo” ay direktang nagmula sa mensaheng iyan.2 Hinikayat namin kayo na pag-aralan ang bawat isa sa mga bagay na ito na binigyang-diin ng propeta. Hiniling namin sa inyo na alamin ang mga ito, isama sa inyong pagtuturo at kurikulum. Higit sa lahat, inanyayahan namin kayo na isama ang mga ito sa paraan ng pagtugon ninyo sa mga tanong at paraan na naglilingkod kayo sa inyong mga estudyante.

Nagpapasalamat ako na tinanggap ng marami sa inyo ang mga paanyayang iyon at naghanap ng mga paraan na pag-ibayuhin ang mga salita ng ating mga propeta at apostol sa mga young adult ng Simbahan. Una sa lahat, ang religion and institute faculty ay hinilingan na i-update ang mga syllabus ng kanilang kursong Mga Turo ng mga Buhay na Propeta para maisama ang mga bagay na binigyang-diin ng propeta sa ating mga young adult. Nalaman din ng marami sa inyo kung paano mapapalakas at mapag-iibayo ng mga salita ng mga buhay na propeta ang iba pang mga kurso na nakabatay sa mga banal na kasulatan. Halimbawa, isang BYU instructor ang nakahanap ng mga paraan na maiugnay ang mensaheng “Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan” at iba pang mga mensahe ng propeta sa kurso niyang Religion 275 na Mga Turo at Doktrina ng Aklat ni Mormon. Sabi niya: “Ang mga turo ng Aklat ni Mormon ay napapalakas ng mga bagay na ito na binigyang-diin ng propeta sa kasalukuyan at vice versa. Talagang nakagawa ng kaibhan sa pag-unawa sa mga alituntunin ng ebanghelyo nang pagsamahin ang dalawang sangguniang iyon.”

Ibinahagi ng isang institute coordinator sa Atlanta kung paano niya naisama ang mga bagay na binigyang-diin ng propeta sa kursong Religion 250 na Si Jesucristo at ang Walang Hanggang Ebanghelyo. Halimbawa, sa pangalawang lesson na “Pagpapalakas ng Iyong Patotoo tungkol kay Jesucristo,” naisama niya ang mga tema na banal na identidad at maging responsable sa patotoo mo mula sa mensaheng “Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan” ni Pangulong Nelson. Sa lesson 10, “Tularan ang Halimbawa ng Pagsunod ni Jesucristo,” hinikayat niya ang kanyang klase na magtuon sa mensaheng “Hayaang Manaig ang Diyos.”3 At sa lesson 18, “Pagtanggap ng Banal na Kaloob na Biyaya ng Tagapagligtas,” nagtuon siya sa mensahe ni Pangulong Nelson na “Ang Walang Hanggang Tipan.”4

Inilarawan ng iba pa kung paano nakatulong sa kanila ang pagiging lubos na pamilyar sa mga bagay na ito na binigyang-diin ng propeta para masagot sa natural na paraan ang mga tanong tungkol sa ebanghelyo. Isang university institute faculty ang nagbahagi kung paano niya nagamit sa isang diskusyon sa klase tungkol sa pagpunta sa templo ang mensahe ni Pangulong Nelson na “Ang Templo at ang Inyong Espirituwal na Pundasyon.”5 Sabi niya, “Sa paggamit ng mga salita ni Pangulong Nelson, ang mensaheng ‘Magpatuloy’ ay naunawaan ng mga nahihirapang makahanap ng kagalakan sa kanilang paglilingkod sa templo.” Ibinahagi ng isang institute teacher sa Panama kung paano nakatulong sa kanila ang mga turo nina Pangulong Nelson at Elder Neil L. Andersen na tumugon bilang mga tagapamayapa sa isang isyu na lumikha ng malaking pagkakahati-hati sa kanilang lugar. Isang pang instructor ang nagbahagi na noong itanong sa kanya kung bakit hindi natin maaaring balewalain ang mga batas ng Diyos kung nahihirapan ang mga tao, ay nagawa niyang sumangguni sa mensahe ni Elder D. Todd Christofferson na “The First Commandment First.”6

Kapag patuloy nating binigyang-diin ang mga turo ng mga buhay na propeta, makikita natin ang mga bunga ng ating mga pagsisikap sa ating mga estudyante kapag sinunod nila ang mga ito. Sa klaseng “Pagsagot sa Aking mga Tanong tungkol sa Ebanghelyo,” inilarawan ng isang institute instructor ang naging tanong sa mga isyu tungkol sa LGBTQ kung saan kaagad na sumangguni ang mga estudyante sa ipinahayag ni Pangulong Nelson tungkol sa pag-alam sa inyong banal na identidad sa “Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan.” Inilarawan ng isa pa kung paano ginamit ng mga estudyante ang mensahe ni Pangulong Dallin H. Oaks na manindigan nang may pagmamahal sa pagpapahayag ng katotohanan nang maharap sila sa mahihirap na tanong tungkol sa ebanghelyo sa isang talakayan sa mga kaibigan nila.

Nakatanggap ako ng personal na impresyon na pag-ibayuhin ang mga bagay na binigyang-diin ng propeta sa mga young adult. Noong nakaraang taglamig, nagturo ako ng kursong Mga Turo ng mga Buhay na Propeta para sa isang buong semester sa BYU kasama si Dean Scott Esplin. Sa kursong ito, itinampok namin ang bawat isa sa mga binigyang-diin ng propeta. Habang tinatalakay namin ang mga temang ito sa aming mga estudyante, naging malinaw sa akin kung gaano kaepektibo ang mga payo ng mga propeta sa kasalukuyan para sa mga young adult sa kritikal na panahong ito ng kanilang buhay.

Tinulungan ako ng klase na mapagbuti ang paraan ng pagtuturo ko ng mga alituntuning ito, at nakatulong ito sa akin na mas maunawaan kung anong mga bahagi ng mga mensahe ang dapat kong gamitin kapag may mga tanong ang mga young adult. Isa pang impresyon na natanggap ko ay makibahagi sa isang serye ng mga workshop sa institute. Tulad ng alam ninyo, bahagi ng ating “Innovate Institute” initiative ang pagkakaroon ng maiikling workshop na tumutulong sa pagdadala ng mga tao sa institute na maaaring hindi pa nakakadalo.

Una naming ginawa ito sa Logan Institute sa Utah State University at pagkatapos ay sa Salt Lake Institute sa University of Utah, at kamakailan lamang sa Africa sa Brazzaville Institute sa Republic of the Congo sa pakikipagtulungan sa Kinshasa Institute sa Democratic Republic of the Congo, nagkaroon kami ng workshop na may dalawang bahagi na batay sa mensahe ni Pangulong Nelson na “Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan.” Ang unang linggo ng sesyon ay nakatuon sa binigyang-diin ng propeta na alamin ang inyong banal na identidad. Ang dalawang-linggong sesyon ay nakatuon sa binigyang-diin ng propeta na maging responsable sa patotoo mo. Ito ang una at huling binigyang-diin ng propeta na hiniling namin na pag-ibayuhin ninyo.

Pagkatapos ng unang sesyon, inanyayahan ko ang aking mga estudyante na magdala ng kaibigan para sa pangalawang sesyon na maaaring nahihirapan sa mga tanong tungkol sa pananampalataya o sa kanyang patotoo. Sa isang workshop, halos nadoble ang dumalo. Habang patuloy tayong gumagamit ng mga workshop para maragdagan ang kaugnayan at access sa institute, inaanyayahan ko ang bawat isa sa ating institute faculty na maghanap ng mga pagkakataon na magkaroon ng mga workshop na nakatuon sa mga binigyang-diin ng mga propeta na inilahad namin. Hinihikayat ko kayo na pagtuunan lalo na ang mga turo ni Pangulong Nelson, na binibigyang-diin ang kanyang pangunahing mensahe na “Mga Pagpiling May Epekto sa Kawalang-Hanggan.”

Mula noong magbigay kami ng tagubilin na pag-ibayuhin ang mga binigyang-diin ng propeta sa mga young adult, nakatanggap na tayo ng karagdagang tagubilin mula sa Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga buhay na tagapaglingkod sa mga pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult at sa pangkalahatang kumperensya. Sa kanyang mensahe noong taglagas ng 2023 sa mga young adult, pinagtibay ni Elder Quentin L. Cook ang payo ni Pangulong Nelson na alamin ang inyong banal na identidad. Sinabi niya na bahagi ng hamon sa pagkakaroon ng pananampalataya sa Diyos ay nagmumula sa pag-aalala tungkol sa ating tunay na identidad.

Paliwanag ni Elder Cook: “Itinuro ito ni Pangulong Russell M. Nelson sa di-malilimutang paraan. Binigyang-diin niya ang tatlong walang hanggang titulo: anak ng Diyos, anak ng tipan, at disipulo ni Jesucristo.” Sa unang bahagi ng kanyang mensahe, pinagtibay ni Elder Cook ang tema ni Pangulong Nelson na maging responsable sa patotoo mo nang sabihin niyang: “Bawat henerasyon ay nahaharap sa mga sitwasyon na maaaring humamon sa kanilang pananampalataya. … Bawat henerasyon ay kailangang tumuklas at magtamo ng sarili nilang kaalaman at patotoo tungkol sa Diyos.”7

Sa kanyang pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult noong Mayo 2023, ipinaalala sa atin ni Pangulong Dallin H. Oaks na manindigan sa katotohanan nang may pagmamahal sa pamamagitan ng pagbibigay-diin sa dalawang dakilang utos.8 Binanggit niya ang pahayag ng kapwa niya Apostol na si Elder D. Todd Christofferson: “Ang pag-una sa unang utos ay hindi nakababawas … sa kakayahan nating sundin ang pangalawang utos. Bagkus, pinag-iibayo at pinalalakas nito iyon. … Ang pagmamahal natin sa Diyos ay nagpapaibayo ng ating kakayahang mahalin ang ating kapwa nang mas lubos at ganap dahil tayo ay katuwang ng Diyos sa pangangalaga ng Kanyang mga anak.”9

Pagkatapos ay ipinaalala sa atin ni Pangulong Oaks na maaari pa rin nating mahalin ang ating kapwa at magkaisa ng opinyon nang hindi ikinokompromiso ang mga katotohanang alam natin. Sa kanyang mensahe sa pangkalahatang kumperensya kamakailan na pinamagatang “Isipin ang Kahariang Selestiyal!,” pinalawig ni Pangulong Nelson ang temang ito na manindigan sa katotohanan kahit tinutuligsa, sinasabing: “Ang opinyon ng publiko ay hindi ang tagapagpasiya sa kung ano ang totoo. … Kapag tinutuligsa ng isang taong mahal ninyo ang katotohanan, mag-isip nang selestiyal at huwag pagdudahan ang inyong patotoo.”10

Bilang bahagi ng pandaigdigang pagsasanay na ito, pinagtitibay ko rin ang paanyaya ko noon na pag-aralan at isabuhay ang mga bagay na binigyang-diin sa kasalukuyan ng propeta para sa mga young adult. Bilang mga guro ng seminary at institute, isa sa mga paraan para masabi natin ang, “Magsalita ka, Panginoon; sapagkat nakikinig ang iyong lingkod,” ay pakinggan at pag-aralan nang mabuti ang mga salita ng Panginoon na inihayag sa pamamagitan ng Kanyang mga buhay na propeta. Maaari nating muling ulitin ang mga tagubilin na naibigay na ng mga propeta sa ating mga young adult.

Bilang bahagi ng aking tungkulin bilang isang General Authority, kailangang maging saksi ako ng Tagapagligtas. Ang isa pang responsibilidad na nakaatang sa Pitumpu ay maging sanggunian sa Labindalawang Apostol bago ang iba pa. Narito ako ngayon na ginagawa ang aking tungkulin kasama si Elder D. Todd Christofferson, na sinusuportahan ko sa aking tungkulin bilang commissioner of education at sa kanyang tungkulin bilang chairman ng Executive Committee of the Church Board of Education. Sinisikap kong makatulong kay Elder Christofferson bilang bahagi ng tungkuling iyan. Kahit noon na hindi pa ako naka-assign kay Elder Christofferson, sinisikap kong pag-ibayuhin ang payo at mga turo ng bawat isa sa mga Apostol at lalo na ng propeta ng Simbahan.

Kapag nasa mga miting ako ng Simbahan sa mga stake conference o sa mga leadership training meeting, karamihan sa aking mga mensahe ay pagpapaibayo lamang sa mga salita ng mga propeta at apostol. Gayon din, kapag pinapayuhan at pinaglilingkuran ko ang iba, ginagamit ko ang mga salita ng mga kapatid na ito. Sa edukasyong panrelihiyon naman, ang propeta at mga apostol ang nagsasalita sa ngalan ng Panginoon sa Kanyang mga young adult. May responsibilidad tayong alamin at pag-ibayuhin ang mga mensaheng iyon. Mga kapatid, ang ating mga young adult ay nabubuhay sa mapanganib na panahon, ngunit ang Panginoon ay naghanda ng mga propeta na may tungkulin at kakayahan na magsabing, “Magsalita ka, Panginoon; sapagkat nakikinig ang iyong lingkod.” Nawa’y magkaroon tayo ng tapang, disiplina, at pananampalataya na pakinggan ang kanilang mga salita at, sa paggawa nito, ay madala ang mensahe ng Diyos sa Kanyang mga anak sa buong mundo. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Pribilehiyo at pagkakataon ko na ngayong ipakilala ang ating pangunahing tagapagsalita. Si Elder D. Todd Christofferson ay tinawag sa Korum ng Labindalawang Apostol ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw noong Abril 5, 2008. Si Elder Christofferson ay nagkaroon ng mga responsibilidad sa pangangasiwa sa maraming lugar ng Simbahan, kabilang na ang kanyang kasalukuyang mga tungkulin sa Utah at Africa West Area. Tulad ng nabanggit, siya rin ay kasalukuyang nanunungkulan bilang chairman ng Executive Committee ng Church Board of Education.

Maliban pa sa iba pang partikular na gawain, lahat ng Labindalawa ay may espesyal na tungkulin na maging natatanging saksi ng pangalan ng Tagapagligtas. Napansin ko ang pagkakaibang ito habang minamasdan ko si Elder Christofferson nang maatasan kami na magkasamang bisitahin ang campus ng BYU–Hawaii. Si Elder Holland ang inatasang mamuno noon, ngunit dahil sa hindi inaasahang pangyayari, ang responsibilidad ay naiatang kay Elder Christofferson.

Ginampanan niya nang mahusay ang tungkuling mamuno, ngunit sa isa sa aming mga miting ay may sinabi siya na palagi kong naiisip. Sabi niya, “Sa huli, anuman ang ating responsibilidad sa area o kasalukuyang responsibilidad, ang ating pinakamahalagang tungkulin ay maging natatanging saksi ng pangalan ni Cristo sa buong mundo.” Habang binabanggit niya ang mga salitang iyon sa Laie, Hawaii, pinatotohanan sa akin ng Espiritu ang kasagraduhan ng tungkulin ni Elder Christofferson at kung paano niya iginagalang ang tungkuling iyan nang may dignidad at pagpapahalaga. Pribilehiyo nating marinig ngayon si Elder Christofferson.

Elder Christofferson …