Magtiwala sa Diyos
Taunang Brodkast ng S&I para sa Enero 2024
Biyernes, Enero 26, 2024
Isang pagpapala ang magsalita sa inyo—kayo na maraming ginawa para gabayan ang mga nakababatang henerasyon kay Cristo. Ang inyong gawain ay magturo at magpabalik-loob. Kasama ninyo ang Banal na Espiritu. Hindi mailalarawan ang inyong gantimpala. Sa mga salita ng Tagapagligtas, “Anong laki ng inyong kagalakan … sa kaharian ng aking Ama!”1
Nagpapasalamat ako sa mensahe ng Commissioner of Education na si Elder Clark G. Gilbert, at ng Administrator of Seminaries and Institutes na si Brother Chad H Webb. Hinahangaan ko sila at masaya akong naglilingkod kasama sila. Hinihikayat ko ang pagkilos ayon sa matalinong tagubilin at payo na katatanggap lang natin mula sa kanila. Alam na alam nila ang sinasabi nila. Natuwa ako tungkol sa pag-unlad sa seminary at institute na ibinahagi ni Brother Webb. Binabati ko kayo at salamat sa lahat ng may bahagi sa tungkuling iyan.
Sana’y maalala ninyo ang mga sinabi ni Elder Gilbert tungkol sa pag-aaral at pagtutuon sa binigyang-diin ni Pangulong Russell M. Nelson kasama ang iba pang mga apostol at propeta. Ang mga halimbawang binanggit niya kung paano ito ginagawa, at epektibong nagawa, ay talagang makatutulong. Maaari ninyong gayahin ang marami sa mga ito at maghanap ng inspirasyon para magamit ang mga ito ayon sa inyong mga kalagayan. Ito ay isang mahalagang inisyatibo sa edukasyon ng Simbahan at mahalaga ang ibubunga nito.
Lalo akong natuwa—at naging interesado—sa ibinalita ni Brother Webb hinggil sa mga lesson ayon sa tema sa seminary. Binigyang-diin niya na patuloy nating ituturo ang mga banal na kasulatan ayon sa pagkakasunud-sunod nito bilang pundasyon para sa kurikulum ng seminary pero magdaragdag tayo ng iba’t ibang lesson sa karamihan ng mga linggo na tumatalakay sa mga temang tulad ng mission, templo, kasanayan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan, katatagan ng damdamin, kasanayan sa buhay, mga turo ng mga propeta sa mga huling araw, at iba pa. Para sa akin, ito ay tila pagdaragdag pa ng ilang prutas at sariwang pampalasa sa empanada. Magiging masarap ito. Kasama kayo, sabik akong matuto sa paraang ito, at nagagalak akong makapagbigay ng karagdagang bagay sa mga nagsisikap at nagsasakripisyo para makapunta sa seminary. Gayunman, nawa’y masarapan kayo sa empanada!
Gusto kong magsalita tungkol sa isang alalahanin na tila patuloy na nakakaapekto sa ating mas nakababatang mga henerasyon. Ang tinutukoy ko ay ang pagkabalisa at depresyon at ang mapait na bunga nito—pati na, ang pinakamalala, ang paggamit ng nakapipinsalang sangkap, pananakit sa sarili, at maging pagpapakamatay. Narito ang ilang estadistika:
Sa buong mundo, sa pagitan ng taong 2004 at 2021, ang mga ulat tungkol sa clinical depression sa mga tinedyer ay tumaas, mula 13.1% ay naging 29.2% para sa kababaihan at mula 5% ay naging 11.5% para sa kalalakihan.2 Sa mga may edad 12 hanggang 17, 21% ang nakaranas ng matinding depresyon kahit minsan sa kanilang buhay at 15% sa nakaraang taon.3 Hindi pa kasama sa mga numerong ito ang mas mababa ngunit malaking hamon ng nonclinical na depresyon at pagkabalisa na nararanasan ng marami pang kabataan.4 Ayon sa WebMD, halos 60% ng mga nakakaranas ng pagkabalisa ay nakakaranas din ng depresyon, at vice versa.5
Ipinakita sa mahabang pag-aaral ng Simbahan tungkol sa mga miyembrong kabataan na sa buong mundo noong 2018, 29% ang may iba’t ibang antas ng pagkabalisa. Mangyari pa, magkakaiba ito sa bawat bansa at maaaring hindi kumakatawan sa lahat ng kabataan sa bawat bansa ngunit ang estadistika para sa clinical anxiety, halimbawa, sa Estados Unidos, 28%; Chile, 32%; France at Belgium, 16%; South Africa, 46%; Taiwan, 18%; New Zealand, 32%.6
Siyempre, maraming bagay ang maaaring makadagdag o maiuugnay sa pagkakaroon ng depresyon at pagkabalisa. Sa ilang sitwasyon, maaaring may kinalaman ito sa genetics. Maaaring dahilan din ang ilang bagay, tulad ng paghihirap (kabilang ang trauma at kapabayaan), pagkalantad sa stress, paraan ng pagpapalaki ng magulang, sexual orientation, impluwensya ng mga kaibigan at social group, impluwensya sa paaralan, at pag-uugali, at iba pa.
Ang isang bagong dahilan na may kaugnayan sa mas matinding paglaganap ng pagkabalisa at depresyon ay ang paggamit ng social media. Napansin ito ng tanggapan ng US Surgeon General at nagbabala tungkol dito. Sa Estados Unidos, tinatayang 95% ng mga tinedyer ang may mga social media link, na halos dalawa sa bawat tatlong tinedyer ang gumagamit ng social media araw-araw. Natuklasan sa mga pag-aaral na ang mga tinedyer na ito ay karaniwang gumugugol ng 3.5 oras kada araw sa social media at iniulat na nakakaapekto ito nang negatibo sa kanilang pagtingin sa kanilang sarili. May partikular na huwaran ng pakikibahagi online na makakapagbadya ng negatibong kahihinatnan: halimbawa, cyberbullying, sexting, at doomscrolling. (Ang ibig sabihin pala ng “doomscrolling”—para sa inyo na gaya ko na hindi pa narinig ang tungkol dito—ay tumutukoy sa mahabang oras sa telepono o computer na nakatuon sa mga negatibong balita. Para sa iba, ang gawaing ito ay kasiya-siya at tila nakapapanatag kahit nakakabalisa.) Ang basta paggamit lang ng social media—ibig sabihin, ang pag-uukol ng oras sa social media nang walang layunin—ay nakadaragdag sa pakiramdam ng kahinaan o kakulangan at negatibong pagkukumpara, samantalang ang aktibo o makabuluhang paggamit ng social media (tulad ng pagpo-post, pagkomento, at pagkonekta) ay walang kaparehong negatibong resulta.
Ipinakita rin sa pagsasaliksik na may ilang bagay na makatutulong para maiwasan ang pagkabalisa at depresyon. Kabilang dito ang pisikal na aktibidad, pagmamahal, pagsusumigasig, at disiplina sa sarili.
Naniniwala ako na karamihan sa panghihina ng loob at pagkabalisa ay nagmumula sa hindi pag-unawa o pag-alaala sa plano ng Diyos at pagtitiwala sa Kanyang kapangyarihan kapag dumating ang mga problema. Kung walang pananalig na totoo ang Diyos, ang Kanyang pagmamahal, at ang Kanyang plano ng kaligayahan para sa Kanyang mga anak, makikita ng mga kabataan na madilim at walang katiyakan ang kanilang hinaharap. Hindi namin hinihingi sa mga seminary at institute instructor na maging mga counselor o espesyalista sa kalusugan ng pag-iisip. Sa halip, nagbibigay kami ng pambalanse sa mga bagay-bagay sa lipunan na nag-aambag sa pagtaas ng pagkabalisa at depresyon. Tayo ang tagapaghatid ng pag-asa. Tayo ay pinagmumulan ng pag-asa, na pag-asang nakaugat sa pananampalataya at pagtitiwala sa Diyos.
Ang pag-unawa sa plano ng pagtubos ng Ama sa Langit—lalo na ang pinakamahalagang elemento ng planong iyan, ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo—ay nagbibigay ng lubos na kapanatagan. Pinalalakas at pinangangalagaan nito ang espirituwal at emosyonal na katatagan—batid kung bakit tayo narito sa mundo at ang ating layunin sa mortal na buhay. Nagtuturo tayo, sa pamamagitan ng tuntunin at halimbawa, kung kanino sila maghahanap ng kaligtasan at suporta. Hayaang manahan sa kanilang puso ang mga salita ng Tagapagligtas: “Ang mga bagay na ito ay sinabi ko sa inyo, upang sa akin ay magkaroon kayo ng kapayapaan. Sa sanlibutan ay nahaharap kayo sa paguusig. Ngunit lakasan ninyo ang inyong loob, dinaig ko na ang sanlibutan.”7 Ang ating mga tipan ang nagbibigkis sa atin sa Kanya at sa pamamagitan Niya, nadaraig din natin ang sanlibutan.
Matutulungan natin ang mga estudyante at iba pa na itayo ang kanilang saligan sa “bato na ating Manunubos na si Cristo, ang Anak ng Diyos,” nang sa gayon “kapag ipinadala ng diyablo ang kanyang malalakas na hangin, oo, ang kanyang mga palaso sa buhawi, oo, kapag ang lahat ng kanyang ulang yelo at kanyang malakas na bagyo ay humampas sa [kanila], hindi ito magkakaroon ng kapangyarihan sa [kanila] na hilahin [silang] pababa sa look ng kalungkutan at walang katapusang kapighatian.”8 Ganito ang pagkasabi rito ni Pangulong Russell M. Nelson: “Ipinahayag ng Panginoon na sa kabila ng mahihirap na hamon sa buhay ngayon, ang mga nagtayo ng kanilang pundasyon kay Jesucristo, at natutuhan kung paano gamitin ang Kanyang kapangyarihan, ay hindi kailangang sumuko sa mga hindi pangkaraniwang problema ng panahon ngayon.”9
Mayroon tayong hindi mapapantayang pagkakataon sa pamamagitan ng kurso ng pag-aaral sa taong ito, ang Aklat ni Mormon. Walang ibang banal na kasulatan ang malinaw na naglalahad ng plano ng pagtubos. Walang ibang aklat ang nagtuturo nang may higit na panghihikayat sa katotohanan at kahalagahan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Walang ibang bahagi ng aklat ng mga banal na kasulatan ang nagtataglay ng kapangyarihang magpabalik-loob ng Aklat ni Mormon sa patotoo nito na si Jesus ang Cristo at Kanyang nadaig ang kamatayan, kapwa pisikal at espirituwal. Ang Aklat ni Mormon ay isang malinaw na paglalahad ng katotohanan ng ebanghelyo at kagalakan na matatagpuan sa pagsunod sa mga kautusan ng ebanghelyo. Ang salaysay nito ay puno ng mga halimbawa ng pagtatagumpay. Ang Aklat ni Mormon ay salita ng Diyos, at “ang bisa ng salita ng Diyos”10 ay nagbubunga ito ng pananampalataya sa Tagapagligtas—pananampalataya na nagpapaalis ng pag-aalinlangan, depresyon, at pagkabalisa na maaaring dumaig sa atin at palitan ang mga ito ng lakas at kapanatagan.
Isipin ang ilang halimbawa:
Nariyan ang pamilyar na pangako na ipinahayag ni Haring Benjamin: “At bukod dito, ninanais kong inyong isaalang-alang ang pinagpala at maligayang kalagayan ng mga yaong sumusunod sa mga kautusan ng Diyos. Sapagkat dinggin, sila ay pinagpala sa lahat ng bagay, kapwa temporal at espirituwal; at kung sila ay mananatiling matapat hanggang wakas, tatanggapin sila sa langit upang doon ay manahan silang kasama ng Diyos sa isang kalagayan ng walang katapusang kaligayahan. O tandaan, tandaan na ang mga bagay na ito ay totoo; sapagkat ang Panginoong Diyos ang siyang nagsabi ng mga ito.”11
Alalahanin ang nakapapanatag na pahayag ni Nephi nang maharap siya sa pag-uusig at depresyon nang pumanaw ang kanyang ama:
“Gayunpaman, sa kabila ng dakilang kabaitan ng Panginoon, sa pagpapakita sa akin ng kanyang mga dakila at kagila-gilalas na gawain, ang aking puso ay napabulalas: O kahabag-habag akong tao! Oo, ang aking puso ay nalulungkot … dahil sa aking mga kasalanan.
“Ako ay napipiit dahil sa mga tukso at kasalanang madaling bumibihag sa akin.
“At kapag nais kong magsaya, ang aking puso ay dumaraing dahil sa aking mga kasalanan; gayunpaman, alam ko kung kanino ako nagtiwala. …
“O kung gayon, kung nasaksihan ko ang mga gayong kadakilang bagay, kung ang Panginoon sa kanyang pagpapakababa sa mga anak ng tao ay dinalaw ang mga tao sa labis na pagkaawa, bakit mananangis ang aking puso at mamamalagi ang aking kaluluwa sa lambak ng kalungkutan, at ang aking katawan ay manlalambot, at ang aking lakas ay manghihina, dahil sa aking mga paghihirap? …
“O Panginoon, ako ay nagtiwala sa inyo, at ako ay magtitiwala sa inyo magpakailanman.”12
Isinalaysay ni Alma ang kagalakan ng pagiging isinilang na muli at pagkatapos ay umasa sa Diyos:
“At ngayon, sa loob ng tatlong araw at tatlong gabi ako ay giniyagis, maging ng mga pasakit ng isang isinumpang kaluluwa.
“At ito ay nangyari na habang nasa gayon akong paggiyagis ng pagdurusa, samantalang ako ay sinasaktan ng alaala ng marami kong kasalanan, dinggin, naalala ko ring narinig ang aking ama na nagpropesiya sa mga tao hinggil sa pagparito ng isang Jesucristo, isang Anak ng Diyos, na magbabayad-sala para sa mga kasalanan ng sanlibutan.
“Ngayon, nang labis na natuon ang aking isipan sa kaisipang ito, nagsumamo ako sa aking puso: O Jesus, kayo po na Anak ng Diyos, kaawaan po ako, na nasa kasukdulan ng kapaitan, at napalilibutan ng walang katapusang tanikala ng kamatayan.
“At ngayon, dinggin, nang maisip ko ito, hindi ko na naalala pa ang aking mga pasakit; oo, hindi na ako nagiyagis pa ng alaala ng aking mga kasalanan.
“At o, anong galak, at anong kagila-gilalas na liwanag ang namasdan ko; oo, ang kaluluwa ko ay napuspos ng kagalakan na kasinsidhi ng aking pasakit! …
“Oo, at magmula noon maging hanggang sa ngayon, ako ay gumawa nang walang tigil, upang makapagdala ako ng mga kaluluwa tungo sa pagsisisi; upang sila ay madala ko na makatikim ng labis na kagalakan na aking natikman; upang sila rin ay isilang sa Diyos, at mapuspos ng Espiritu Santo. …
“At ako ay tinulungan habang dumaranas ng lahat ng uri ng mga pagsubok at suliranin, oo, at sa lahat ng uri ng paghihirap; oo, pinalaya ako ng Diyos mula sa bilangguan, at mula sa mga gapos, at mula sa kamatayan; oo, at ibinibigay ko ang aking tiwala sa kanya, at ako ay patuloy niyang ililigtas.”13
Sino ang may nakahihigit pang dahilan ng pagkabalisa at matinding depresyon kaysa kay Mormon, na puno ng pighati ay nagsabing, “Isang patuloy na tagpo ng kasamaan at mga karumal-dumal na gawain ang nakatambad sa harapan ng aking mga mata simula pa noong magkaroon ako ng kakayahang mamasdan ang mga gawi ng tao.”14 Gayunman, sa kabila ng naranasang digmaan at trauma sa buong buhay niya, sinabi niya kay Moroni, “Anak ko, maging matapat kay Cristo; at nawa ay huwag makapagpadalamhati sa iyo ang mga bagay na aking isinulat, na makapagpapabigat sa iyo tungo sa kamatayan; kundi nawa ay dakilain ka ni Cristo, at nawa ay mamalagi sa iyong isipan magpakailanman ang kanyang mga pagdurusa at kamatayan, at ang pagpapakita ng kanyang katawan sa ating mga ama [ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli], at ang kanyang awa at mahabang pagtitiis, at ang pag-asa ng kanyang kaluwalhatian at ng buhay na walang hanggan.”15
Inilarawan ni Alma ang sariling halimbawa ng Tagapagligtas sa pagharap sa di-maarok na pagdurusa at kung paano tayo, sa halip na mawalan ng pag-asa, ay maaaring bumaling sa Kanya para sa kapanatagan at paggaling.
“At siya ay hahayo, magdaranas ng lahat ng uri ng pasakit at hirap at tukso; at ito ay upang matupad ang salita na nagsabing dadalhin niya sa kanyang sarili ang mga pasakit at ang mga karamdaman ng kanyang mga tao.
“At dadalhin niya sa kanyang sarili ang kamatayan, upang makalag niya ang mga gapos ng kamatayan na gumagapos sa kanyang mga tao; at dadalhin niya sa kanyang sarili ang kanilang mga kahinaan, upang ang kanyang sisidlan ay mapuspos ng awa, ayon sa laman, upang malaman niya nang ayon sa laman kung paano tutulungan ang kanyang mga tao alinsunod sa kanilang mga kahinaan.
“… Ang Anak ng Diyos ay magdurusa ayon sa laman upang madala niya sa kanyang sarili ang mga kasalanan ng kanyang mga tao, upang mabura niya ang kanilang mga kasalanan alinsunod sa kapangyarihan ng kanyang pagtubos; at ngayon, dinggin, ito ang patotoo na nasa akin.
“Ngayon, sinasabi ko sa inyo na kayo ay kinakailangang magsisi at isilang na muli; sapagkat ang Espiritu ay nagsabi na kung hindi kayo isisilang na muli, hindi ninyo maaaring manahin ang kaharian ng langit; kaya nga halina at magpabinyag tungo sa pagsisisi, upang kayo ay mahugasan mula sa inyong mga kasalanan, upang magkaroon kayo ng pananampalataya sa Kordero ng Diyos, na siyang mag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan, na may kapangyarihang makapagligtas at maglinis sa lahat ng kasamaan.”16
Sa Aklat ni Mormon, natutuhan natin ang tunay na kahulugan at proseso ng pagiging isinilang na muli at “[pagiging] banal sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo, ang Panginoon.”17 Kung magagabayan natin ang ating mga kabataan at young adult tungo sa espirituwal na pagsilang na muli, mawawala ang depresyon at ang anumang pagkabalisa sa kanilang buhay (gaya ng pagbibigay ng mensahe na ibobrodkast sa iba’t ibang panig ng mundo) ay makakayanan nila. Maging ang kamatayan mismo ay hindi banta sa kapayapaang nadarama nila kapag sila ay isinilang sa Espiritu at natutong magtiwala sa Diyos.
Nagsalita minsan si Elder Neal A. Maxwell tungkol sa pangamba ng sangkatauhan, ang katotohanan na lahat ay magwawakas sa kamatayan. Ang ating mga nagawa, natamo, at mga ugnayan ay magkakaroon ng wakas, at kung wala na ng kahit ano, kung gayon tulad ng sinabi ng “Mangangaral” sa Eclesiastes “lahat ay walang kabuluhan at pakikipaghabulan sa hangin”18 Ang kamatayan ay isang katotohanan, at napipilitan tayong tanggapin na kung walang kapangyarihang makadaraig sa kamatayan, kaunti lang ang magiging layunin ng ating buhay. Sa kabutihang-palad, alam natin na nadaig na ang kamatayan, may layunin at kahulugan ang buhay, at hindi lahat ay walang kabuluhan. Sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, nadaig ni Jesucristo ang problema ng sangkatauhan na kamatayan, at ngayon, tulad ng napansin ni Elder Maxwell, “mayroon lamang kani-kanyang mahirap na kalagayan [ating mga kasalanan, pagkakamali, at pagkukulang], at maliligtas din tayo mula rito sa pagsunod sa mga turo niya na sumagip sa atin mula sa pangkalahatang pagkalipol.”19
Sa lahat ng ito, sinusuportahan namin ang walang hanggang pananaw na nakapaloob sa sinabi ni Pangulong Nelson na, “Mag-isip nang selestiyal.” Dapat nating tulungan ang bagong henerasyon na iwaksi ang pag-uugaling “Magsikain, magsiinom, at magsipagsaya, sapagkat mamamatay tayo bukas” na mas lalong nakikita ngayon sa iba’t ibang kultura. Ang pag-uugaling ito ng pagsuko sa buhay ay nagbabalewala sa dakilang plano ng pagtubos at kaligayahan at nakatuon lamang sa sandaling kasiyahan. Humahantong ito sa mga huwaran at paraan ng pamumuhay na hindi napapanatili. Ito ang daan na tiyak na patungo sa nakapanlulumong pagkabalisa at depresyon. Tinalakay ni Pangulong Nelson ang isyung ito sa kanyang mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong nakaraang Oktubre. Ipinayo niya:
“Ang mortalidad ay isang klase na nagtuturo sa ating piliin ang mga bagay na may napakalaking kahalagahan sa kawalang-hanggan. Napakaraming tao ang namumuhay na para bang wala ng ibang buhay kundi ito. Gayunman, ang mga pagpili ninyo ngayon ang magtatakda ng tatlong bagay: ang lugar kung saan kayo mananahanan sa buong kawalang-hanggan, ang uri ng katawan na tataglayin ninyo sa muling pagkabuhay, at ang mga taong makakasama ninyo magpakailanman. Kaya mag-isip nang selestiyal.”20
Sa isang aklat na inilathala niya kamakailan na pinamagatang Heart Matter, ipinaliwanag ni Pangulong Nelson ang pananaw na ito sa pagbanggit ng isang nakakatakot na personal na karanasan. Sabi niya:
“May ilang pagkakataon sa aking buhay na naharap ako sa kamatayan. Ang isa ay nangyari sa Maputo, Mozambique, noong Mayo 2009. Habang kumakain sa mission home doon kasama si Elder William W. Parmley, ang Africa Southeast Area President, at ang kanyang asawang si Shanna, at si Mozambique Maputo Mission president na si Blair J. Packard at ang kanyang asawang si Cindy, tatlong lalaki na armado ng mga automatic na baril ang biglang pumasok sa silid.
“Sa kaguluhang sumunod, tinutukan ako ng baril sa ulo ng isang magnanakaw at sinabing naroon sila para patayin ako, kunin ang asawa ko, at pagkatapos ay kinalabit ang gatilyo ng baril. Tumunog ang gatilyo ng baril pero hindi pumutok. Nagalit ang magnanakaw sa pagmintis ng putok, at tinadyakan ako sa mukha at bumagsak ako sa sahig. Sigurado ako na ito na ang katapusan ng aking buhay. Naaalala ko na naisip ko, ‘papanaw na ako sa buhay na ito at pupunta sa kabilang buhay. Magiging interesanteng karanasan ito.’
“Sa sandali ring iyon, isa pang magnanakaw ang tumutok ng baril sa likod ni Wendy, at hinahatak siya patayo sa kanyang upuan, sinasabing, ‘Sasama ka sa amin! Sasama ka sa amin!’
“Sa pamamagitan ng magkakasunod na mahimalang mga pangyayari—salamat sa malaking kabayanihang ginawa ni Sister Cindy Packard—naligtas ang buhay namin. Gayunman, tulad ng mga nakakatakot kong karanasan noon, natanto ko kung gaano kadelikado ang buhay at kakaunti ang mga bagay sa mundong ito na may walang-hanggang kahalagahan. Habang pinagbabantaan ng mga magnanakaw na iyon ang buhay namin, hindi ko iniisip ang mga gantimpala o educational degree o parangal. Ang iniisip ko ay ang aking pamilya at ang mga tipang ginawa ko sa Panginoon.
“Nangangamba ako na napakarami sa atin ang namumuhay na para bang wala ng ibang buhay kundi ito at ang buhay ay hindi magpapatuloy pagkatapos ng kamatayan, at ang ginagawa natin dito ay walang epekto sa hinaharap. Hindi iyan totoo.
“Napakahalaga na hindi tayo malito at mahila mula sa landas ng tipan ng mga makikinang na bagay, ibig sabihin ang mga parangal at atensyon ng mga tao. Ang mga bagay na ito ay walang anumang kahalagahan sa kabilang buhay. Ang magiging mahalaga ay kung gumawa tayo ng mga tipan sa Diyos at tinupad ang mga ito.”21
Dalangin ko na matulungan natin ang lahat ng yaong maiimpluwensyahan natin na gumawa ng mga tipan sa Diyos at tuparin ang mga ito. Tulungan sila na mapalakas ang kanilang pananampalataya at pagtitiwala sa Diyos at makahanap ng pag-asa. Tulungan silang magsisi at manatili sa nakatutubos na biyaya ng Tagapagligtas at makahanap ng kapayapaan. Tulungan silang isilang na muli bilang “mga anak ni Cristo, mga anak niyang lalaki, at mga anak niyang babae”22 at magkaroon ng kagalakan. Nawa’y matanggap ninyo ang kasiya-siyang salita ng Diyos, “Magaling! Mabuti at tapat na [lingkod].”23
Ibinibigay ko sa inyo ang aking matibay at tiyak na patotoo sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo. Ang katotohanan ng Kanyang Pagbabayad-sala ay nagpapatunay sa katotohanang itinuturo natin sa ebanghelyo ni Jesucristo at nagpapatotoo ako na taglay Niya ang lahat ng kapangyarihan sa langit at lupa—na kaya Niyang tuparin at tutuparin Niya ang Kanyang mga pangako. Siya ay buhay! Kayo ang Kanyang katuwang na pastol, at binabasbasan ko kayo ng Kanyang pagmamahal at ng malaking kakayahang magturo at mangalaga sa Kanyang mga tupa. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.