Mga Komento nina Elder at Sister Gilbert
Pandaigdigang Debosyonal Para sa mga Young Adult
Linggo, Mayo 5, 2024
Elder Clark G. Gilbert: Salamat, Elder at Sister Godoy. Sa simula ng linggong ito sinabi ko sa asawa ko na tatawagin kami ng mga Godoy para magsalita saglit. At sabi niya, “Mga, ilang tao ba ang pupunta doon?” At sinabi kong, “Ah, mga ilang libong katao sa Tabernacle, at daan-daang libo sa iba’t ibang panig ng mundo. Huwag kang kabahan.”
Makapangyarihan ang mga itinuro sa inyo ngayong gabi. Elder at Sister Godoy, salamat po sa napahusay na pagtuturo ninyo sa mga young adult. Kami ni Christine ay nagpapasalamat sa maraming oportunidad na matuto at makasalamuha ang mga young adult ng Simbahan sa iba’t ibang panig ng mundo. Napakaganda ng pakikinig sa mga Godoy sa gabing ito. Sa pagtanda namin, gusto naming maging katulad ng mga Godoy? Malinaw na dama nila ang mga pangangailangan at alalahanin ng mga young adult at mahal na mahal nila kayo.
Talagang hanga ako na ang kanilang mga mensahe ay lubos na nakasentro kay Cristo at batay sa mga turo ng propeta. Sa pakikinig ko sa kanila sa gabing ito, parang alingawngaw ito ng mismong mga mensahe na ibinigay sa iba pang mga pandaigdigang debosyonal para sa young adult nina Pangulong Nelson, Pangulong Oaks, at ng iba pang mga apostol. Saglit tayong tumigil at pagnilayan ang mga temang tinalakay sa inyo ng mga Godoy ngayong gabi:
-
Pagiging kabilang kay Cristo at sa ating mga Tipan
-
Pakikipagdeyt
-
Pagtanggap ng Personal na Paghahayag
-
Mga Huwaran ng Paglilingkod
-
Ang Templo
-
Mga Misyon
-
-
Pag-ibig sa Isang Tao at Pag-aasawa
-
Ang Kahalagahan ng Pagdalo sa Institute
Hindi lamang ibinahagi sa inyo ng mga Godoy ang kanilang paglalakbay sa buhay, nagawa nila ito sa personal at taimtim na paraan. Umaasa ako na makikita ninyo iyon bilang pagpapahayag ng kanilang pagmamahal at malasakit sa inyo. Ibinahagi rin nila ang kanilang mensahe sa mga paraan na nagpalakas sa payo ng propeta at nagpaalala sa ating lahat na ginagawa natin lahat ito sa at sa pamamagitan ng Tagapagligtas na si Jesucristo.
Sister Christine Gilbert: Isa sa mga paborito kong larawan sa gabing ito ay ang larawan ng mga Godoy noong bago pa silang mag-asawa. Mukhang napaka-optimistiko ni Mônica, samantalang mukhang medyo kinakabahan si Carlos!
Ngayon ikumpara ninyo ito sa larawan ng buong angkan ng pamilya ng mga Godoy.
Napaisip ako kung naisip ba ng batang Carlos at Mônica noon ang mga magiging anak na iyon, mga bagong manugang, at mga apo, sa mga nagdaang taon na iyon. Naisip kaya nila ang graduate school, career, pagbuo at pagpapalaki ng pamilya, paglilingkod sa Simbahan, pagtira sa iba’t ibang lugar, at ngayon ang kanilang tungkulin bilang kilalang mga lider sa Simbahan? Mahal namin sina Elder at Sister Godoy. Itinuturing namin silang mga kaibigan at halimbawa ng magagawa ninyo kapag tinupad ninyo ang mga tipan, ipinamuhay ang ebanghelyo, at isinali ang Panginoon sa inyong paglalakbay sa buhay. Tumatayo ako bilang saksi na kapag isinali natin ang Panginoon, ituturo Niya ang dapat nating hangarin at pag-iibayuhin Niya ang ating pinakamainam na pagsisikap.
Elder Gilbert: Habang iniisip ko ang mga pangyayari sa buhay ng mga Godoy at ang pagsali nila sa Panginoon sa kanilang buhay, naalala ko ang isang napakapersonal na karanasan ko kay Elder Godoy anim na taon na ang nakararaan.
Naglilingkod ako noon bilang Pangulo ng BYU–Pathway Worldwide, at si Elder Godoy ang Area President ng South America Northwest Area, na ang headquarters ay sa Lima, Peru.
Ang Peru ay kahanga-hangang lugar ng Simbahan na may mahigit 40 stake at ngayon ay may dalawang templo. Napakaraming estudyante ng BYU–Pathway sa Peru. Nang gabing iyon, katulad ng gabing ito, hiniling namin kay Elder Godoy na magsalita sa kanila tungkol sa kanilang pag-aaral.
Naghanda ng mensahe si Elder Godoy, pero habang magkasama kaming nakaupo at nakatingin sa lahat ng mga estudyante, nag-alala siya sa ipinagagawa namin sa kanila. Naging emosyonal siya nang maisip niya ang pag-aaral ng Ingles ng mga young adult na ito, pagkuha ng kurso sa kolehiyo, at lahat sila ay nagtatrabaho nang full-time habang nag-aaral ng pangalawang wika. Puspos ng emosyon, isinantabi ni Elder Godoy ang kanyang inihandang mensahe, siya ay tumayo, at buong tapang na ipinahayag: “Mahirap ang ipinagagawa namin sa inyo—lalo na kung nagsisikap kayong gawin ito nang mag-isa. Ang tanging paraan na magagawa ninyo ito ay isali ang Panginoon sa inyong pag-aaral. Gawin ninyong kapartner ang Panginoon, at bawat mabuting bagay ay darating sa inyo kalaunan.”
Alam ni Elder Godoy noon ang maaaring hindi niya lubos na naunawaan noong mga panahong iyon na siya ay young adult pa sa Brazil: ang tanging paraan para maging kung sino ang kailangan ninyong maging at makadama ng kagalakan sa paglalakbay ay isali ang Panginoon sa inyong buhay. Ngayong gabi, nakakita kayo ng katibayan sa alituntuning iyan. Sina Carlos at Mônica Godoy ay buhay na halimbawa ng maaaring magawa nating lahat kapag nagtiwala tayo sa Panginoon at ginawa natin Siyang kapartner.
Mahal namin ang mag-asawang ito, at inirerekomenda namin ang kanilang mensahe sa inyo. Ibinabahagi namin ni Christine ang aming patotoo na kapag isinali ninyo ang Panginoon sa iyong mga pagsisikap, gagawa Siya ng mga himala sa inyong buhay. Sinasabi namin ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.