Mga Aral Mula sa Buhay ng Isang Young Adult
Pandaigdigang Debosyonal Para sa mga Young Adult
Linggo, Mayo 5, 2024
Pambungad
Elder Carlos A. Godoy: Salamat at kasama namin kayo ngayon sa maganda at makasaysayang lugar na ito. Karangalan kong makasama kayo ngayon. Salamat at sinamahan ninyo kami mula sa iba’t ibang panig ng mundo. Gustung-gusto naming makasama ang mga young adult. Mahalaga ang papel ninyo sa Simbahan, at nabubuhay kayo sa napakahalagang sandaling ito ng inyong buhay. Ang mga desisyon ninyo ngayon ay makakaapekto nang malaki sa inyong kinabukasan. Kaya ngayong gabi, umaasa kaming may maidagdag na makatutulong sa maraming magagandang mensahe na natanggap na sa ibang mga debosyonal.
Natutuwa akong makasama sina Brother Chad Webb at ang kanyang asawang si Kristi, at sina Elder Clark Gilbert at ang kanyang asawang si Christine. Salamat at kasama namin kayo ngayon.
Napakasaya ko rin na kasama ko si Mônica sa debosyonal na ito. Gagamitin namin ang team-teaching approach, at sana ay magustuhan ninyo ito.
Bilang bahagi ng aming mensahe, ibabahagi namin ang maikling animated video na ginawa ng Simbahan tungkol sa mga batang bersyon namin. Halos kasing-edad ninyo kami noon ni Mônica.
Sa pamamagitan ng video na ito, umaasa kami na maituturo sa inyo ang ilang mga alituntunin na maaaring maiangkop sa inyong buhay sa ngayon. Ito ay limang minutong video kung saan makikita ninyo ang iba’t ibang pangyayari sa aming buhay. Mangyaring pansinin at sikaping matukoy ang mga alituntuning pinaniniwalaan ninyong makaka-relate kayo. Babalik kami mamaya para pag usapan ang ilan sa mga ito. OK?
[video]
Hindi ako naghahanap ng ebanghelyo o simbahan noon. Noong 16 taong gulang ako, isang kaibigan ng kuya ko ang pumunta sa bahay namin para anyayahan ang aming mga mas batang kapatid na babae sa aktibidad sa simbahan dahil iniisip niya na hindi kami pang-simbahan ng kuya ko. At pagdating namin sa simbahan, simple lang talaga ang kanilang aktibidad, at napakasaya nila sa dula-dulaang iyon at tawanan sila. At naisip ko, “Bakit masayang-masaya sila?”
Kaya makalipas ang dalawang araw, sa chapel ako nagpaturo sa mga missionary dahil hindi talaga interesado ang pamilya ko na maturuan. Napakasaya ko sa ebanghelyo. Alam kong totoo ito, na sapat na para magpabinyag ako kahit hindi kasama ang aking mga magulang. Pero hindi madali ang makabilang.
Wala akong mga kaibigan, kaya naroon lang ako sa bandang likod ng chapel—nagmamasid, nakikinig, at uuwi na. Puwede mong mapagtiisang gawin ito, pero kung wala kang kaibigan, kahit alam mong totoo ito, mahirap, lalo na kung may mga kaibigan ka sa labas na nagyayayang muling sumama ka sa kanila.
Nagpunta ako, minsan pa, sa simbahan isang araw ng Linggo, at may sinasagutan silang mga application. At tinanong ko, “Ano iyan?”
“Youth conference ito,” sabi nila. “Dapat sumama ka.”
Sabi ko, “Ok, gusto kong subukan iyan.” Kalaunan sa youth conference, lahat ng mga kabataang ito ay naglalaro, kumakanta, at sumasayaw, nang biglang may nagsalita sa speaker, “Magdasal tayo bago magsimula.”
Biglang nagsitahimik ang maiingay. Kaya nagtaka ako, “Ano daw? Ano’ng nangyayari dito?” Paanong ang maiingay na kabataang ito ay biglang naging mapitagan dahil sa isang panalangin? Wow, kakaiba sila. Gusto ko silang tularan. Para sa akin, isa na naman itong mensahe mula sa Panginoon: “Carlos, huwag kang tumigil sa pagpunta. Dito ka nabibilang.”
Nang sumunod na araw, naglakad-lakad ako at may isang babae doon na mag-isang tumutugtog ng plauta. Nang makita ko ang babae, sinabi ko, “Wow!” At nagsimulang bumilis ang pintig ng puso ko. At gusto ko siyang kausapin. Napaka-natural niya at palakaibigan siya. At kinausap niya ako na parang kakilala niya ako. At naging kaibigan ko siya, nag-iisang kaibigan. At sa pamamagitan niya, nakilala ko ang iba pang mga kaibigan.
Pagkatapos ng youth conference na ito, nagpasiya akong magpatuloy. Lumipat ang pamilya ko sa kabilang panig ng lungsod. Pumunta ako sa chapel na malapit sa bahay namin, at hulaan ninyo kung sino ang naroon—si Mônica! Iyon ang ward niya. At sa pagtatapos ng miting, isang sister ang lumapit sa akin at sinabing, “Miyembro ka ba ng Simbahan?”
Sanay na ako sa tanong na iyon. Sabi ko, “Oo, sa palagay ko; syempre oo.”
Sabi niya, “Ah, dapat mag-seminary ka.”
At naisip ko, alam ninyo, sa pinanggalingan ko, ang seminary ay para sa magiging pari, isang padre.
Kaya sabi ko, “Hindi puwede, gusto kong magpakasal at magkaanak.”
At sabi niya, “Hindi, ang seminary ay para sa kabataan, para matuto tungkol sa ebanghelyo. Kaunti lang ang kabataan sa aming ward. Tatlo lang: sina Adriano Weber, Carlos Arthur Lencini, at Mônica Brandão.
At naisip ko, “Wow. Hindi ko alam kung ano ‘yun, pero gusto kong sumali roon.”
At tuwing umaga ay natatanggap ko ang mabuting salitang iyon ng Diyos. At nagbigay iyon sa akin ng pang-unawa sa kung sino ako, ng lakas upang patuloy na lumaban at ipagpatuloy ang aking pagbabalik-loob.
Pagkatapos ay naatasan ako bilang home teaching companion ng Young Men president. At kahit wala akong masyadong alam tungkol sa ebanghelyo, lagi niya akong inaatasang magturo. Nagtiwala siya sa akin, higit pa sa pagtitiwala ko sa sarili ko noong mga panahong iyon.
At ang nakakatuwa pa— siya ang tatay ni Mônica. At siyanga pala, ang anghel na si Mônica na binanggit ko na naroon para tulungan ako—ay napangasawa ko kalaunan. At matapos kaming magmisyon, nagpakasal kami sa templo, at ngayon ay ina na siya ng apat na anak namin at lola ng pitong apo. Siya pa rin ang anghel sa buhay ko.
Kung titingin kayo sa paligid, wala akong alinlangan na makikita ninyo ang mga nangangailangan ng tulong ng mga anghel. Kailangan kayo ng Panginoon. Kaya kapag nakita ninyo ang inyong sarili sa salamin, huwag kalimutan: sa inyong kalooban ay may magandang espiritu na anak ng Ama sa Langit na taglay ang lahat ng katangiang iyon at potensyal sa inyong kalooban.
[end video]
Elder Godoy: Namimis ko ang buhok na iyan. OK. Ngayon ay tatalakayin natin ang ilan sa mga paksang ito. Ang kalungkutan ang una.
Hindi Kayo Nag-iisa!
Sister Mônica Godoy: Sa palagay ko, ito ang pinakamagandang oras para huminto sandali at talakayin ang nangyari. Si Carlos, na batang bersyon, ay nag iisa at pinanghihinaan-ng-loob.
Siguro ang ilan sa inyo ay nakaramdam din na nag iisa kayo at nakalimutan, tulad ng nangyari dito. Mahirap ang makaramdam na hindi tayo napapansin o wala tayong gaanong halaga. Para sa mga nasa gayunding sitwasyon, huwag sana ninyong hayaang madaig kayo ng pakiramdam na ito. Hindi kayo nag-iisa. Siguro ang iba ay hindi nakikipag ugnayan sa inyo o hindi kayo tanggap tulad ng gusto ninyo. Malungkot na sitwasyon iyan. Pero tandaan, hindi kayo nag-iisa dahil laging nariyan ang Tagapagligtas. Kilala Niya kayo, alam Niya ang nangyayari sa buhay ninyo, mahal Niya kayo, at nariyan Siya sa tuwing kailangan ninyo. Nakikiusap ako na patuloy ninyong pagsikapan na makabilang. Magpapadala Siya ng mga anghel upang tulungan kayo.
Elder Godoy: Ngayon, isang mensahe sa ating lahat na malapit sa mga taong nakadarama na nag-iisa o nakalimutan sila. Tayo dapat ang mga anghel na iyon. Mangyaring tumingin sa paligid at tingnan ang iba pa na hindi kabilang sa mga kaibigan mo. Nakapunta na sila, pero nakaalis na, at marahil ay hindi ninyo napansin. Naging abala kayo sa buhay ninyo, sa mababait na kaibigan at kasama, kaya hindi ninyo nakita ang mga umaasang maramdamang mahal sila at tanggap. Ngunit naroon sila para maghanap ng kaibigan, umaasa na mapabilang. Malamang nasa bandang likod sila ng chapel o sa mga sulok ng mga silid-aralan. Mas malamang na hindi sila nagsusuot ng puting polo at kurbata o magandang damit na pansimba. Pero ginagawa nila ang lahat para makibagay. Nawa’y bigyan natin sila ng pagkakataon. Kailangan nila ang inyong ngiti, pakikipagkamay, at pagkakaibigan. Narito ang isang sipi mula kay Pangulong Spencer W. Kimball tungkol dito:
“Tunay na napapansin tayo ng Diyos, at binabantayan Niya tayo. Ngunit karaniwan na sa pamamagitan ng ibang tao Niya ibinibigay ang ating mga pangangailangan.”
OK. Pakikipagdeyt. Umiibig.
Umiibig
Sister Godoy: OK, narito ang isa pang magandang punto na dapat pag-usapan: nang umibig ka sa akin.
Elder Godoy: Alam ko na pipiliin mo iyan.
Sister Godoy: Siyempre naman! Maganda ang sandaling iyon, at may aral dito na ibabahagi. Ang ilan sa inyo ay iibig at madaling makikilala ang taong mamahalin ninyo. Ito ay magiging love at first sight.
Elder Godoy: Sa tingin ko, iyan ang nadama ko. Tumingin kayo sa mukha ko.
Sister Godoy: Pero para sa akin iba ang nangyari.
Elder Godoy: Alam ko.
Sister Godoy: Hindi natin dapat asahan na matatagpuan natin ang ating eternal companion sa paraang katulad ng sa iba. Para sa ilan, ito ay magiging malinaw at malakas. Para sa iba, maaaring kailangan ng mas maraming oras, pagsisikap, at tiyaga. Ito ay magiging mas maliwanag habang patuloy ninyong pinagsisikapan ang relasyon. Huwag agad sumuko dahil hindi kayo nagkaroon ng malakas na impresyon sa simula. Itinuturo sa atin ng karanasan na ang ilang magagandang pagsasama ay nagsimula sa mumunting paraan, unti-unti, sa bawat pagdedeyt.
Elder Godoy: Tama si Mônica. Para sa amin, ganoon talaga. Talagang ang tindi ng naramdaman ko pagkakita ko sa kanya. Sa akin, para akong nakakita ng haligi ng liwanag. Siya naman ay walang nadamang espesyal sa simula. Ilang buwan akong nagsikap hanggang sa napagtanto niya na puwede akong maging magandang opsiyon. Naging mabuting magkaibigan muna kami noong una, at pagkatapos ng maraming pagdedeyt, sa wakas ay nalaman niya na umiibig na siya sa “guwapong” binata na iyon. Parang ganoon.
Ang karanasang ito ay nagtuturo sa atin ng isa pang alituntunin: ang paraan ng pagtanggap natin ng paghahayag. Ang proseso ng paghahanap ng taong iibigin ay katulad ng proseso ng pagtanggap ng paghahayag.
Gusto ko ang turo ni Elder Bednar tungkol sa paghahayag. Para ituro ito, ginamit Niya ang halimbawa ng dalawang karanasan tungkol sa liwanag na nararanasan ng karamihan sa atin.
Ang unang karanasan ay nang “pumasok tayo sa madilim na silid at binuksan natin ang ilaw. … Sa isang iglap lang ay napuno ng liwanag ang silid at naglaho ang dilim. … Ang ilaw na binuksan sa madilim na silid ay parang pagtanggap ng mensahe mula sa Diyos nang mabilis … lubusan, at biglaan.” Ganoon ang nadama ko tungkol kay Mônica.
Ang isa pang karanasan ay “nang masdan natin ang pagbubukang-liwayway. … Kabaligtaran ng pagbubukas ng ilaw sa madilim na silid, ang liwanag mula sa pasikat na araw ay hindi kaagad sumilay. [Bagkus], unti-unti at patuloy na tumindi ang liwanag, at … sa huli, tuluyan nang naghari ang araw sa kalangitan. …
“Ang unti-unting pagliliwanag na nagmumula sa papasikat na araw ay parang pagtanggap ng mensahe mula sa Diyos nang ‘taludtod sa taludtod, tuntunin sa tuntunin’ (2 Nephi 28:30).” Iyon ang sitwasyon ni Mônica sa pagtuklas na ako ang tamang tao para sa kanya. Medyo matagal bago ito nangyari.
Sinabi ni Elder Bednar sa huli: “Kadalasan, ang paghahayag ay dumarating nang paunti-unti at ibinibigay ayon sa ating hangarin, pagkamarapat, at paghahanda.”
Sister Godoy: Angkop din iyan sa pagtanggap ng espirituwal na kumpirmasyon tungkol sa ating mga makakasama sa walang hanggan. Kadalasan, ito ay dumarating nang paunti-unti sa pakikipag-usap natin sa mga tao at pag-uukol ng oras na magkasama.
Espirituwal na Lakas
Elder Godoy: Hayaan mong ako ang magsalita tungkol diyan. Tulad ng nakita ninyo sa video, ang pagdalo sa seminary ay isang mahalagang desisyon para sa akin. Bagama’t ang orihinal na dahilan ng pagdalo ay isang magandang babae at hindi ang mga aral ng ebanghelyo, lubos itong nakaapekto sa aking pagbabalik-loob at espirituwal na paglalakbay.
Dahil sa araw-araw na pag-aaral ng mga turo ng ebanghelyo, napalakas ko ang aking patotoo at nalabanan ang mga tukso sa buong maghapon ko. Nakatulong ito sa akin na maunawaan na ako ay anak ng Diyos at na may plano Siya para sa akin sa buhay na ito.
Sister Godoy: Maiaangkop din ang parehong alituntunin sa institute. Bahagi rin ito ng pakikipagdeyt natin. Sana ay sinasamantala ninyo ang magandang resource na ito. Doon, makikita ninyo hindi lamang ang katotohanan ng ebanghelyo kundi pati na rin ang mga tunay na kaibigan. Panoorin ninyo ang sinabi ni Pangulong Nelson tungkol sa institute:
Video: “Mga kapatid, mahal ko kayo. Iniisip at ipinagdarasal ko kayo palagi. Nabubuhay kayo sa panahon na walang-katulad. Kayo ay nasa edad kung saan kayo ay gumagawa ng mahahalagang desisyon—mga desisyon na makakaapekto sa buhay ngayon at sa buhay na walang hanggan. Ang mga ito ay nakakapanlumo o nakakatakot kung minsan. Ngunit nakakatuwa rin ito dahil nabubuhay tayo sa isang kakaibang panahon.
“Maaari ko ba kayong anyayahang gawin ang isang bagay na tutulong sa inyo? Dumalo sa institute! Nakita ko na ang aking mga anak, apo, at maraming apo-sa-tuhod na dumalo sa institute. Binago nito ang kanilang buhay.
“Tinulungan sila ng institute, at tutulungan kayo, na palalimin ang iyong pagbabalik-loob kay Jesucristo. Ang pagdalo sa institute ay tutulong sa inyo na mas madama ang pagmamahal ng Ama sa Langit. Makikita sa institute ang mahuhusay na mga guro, matatapat na kaibigan, at pagiging kabilang. Malalaman ninyo kung bakit ang pamumuhay ng ebanghelyo ay humahantong sa kaligayahan. Ito ay tutulong sa inyo na ipamuhay ang ebanghelyo at maging masaya—ngayon mismo.
-
Kung gusto ninyong malaman kung sino kayo talaga, dumalo sa institute.
-
Kung gusto ninyong malaman ang layunin ng buhay, dumalo sa institute.
-
Kung gusto ninyong manatili sa landas ng tipan, dumalo sa institute.
-
Kung gusto ninyong matutuhan kung paano hayaang manaig ang Diyos sa inyong buhay, dumalo sa institute.
-
Kung gusto ninyong maging tagapamayapa, dumalo sa institute.
“Pangako ko ang mga biyayang iyan at ipinapahayag ko ang pagmamahal ko sa inyo sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.”
Elder Godoy: Habang narito pa tayo sa bahagi tungkol sa espirituwal na lakas, hayaan ninyong ikuwento ko ang karanasan ko sa home teaching.
Tulad ng nakita ninyo sa animated video, inatasan akong maglingkod kahit wala akong gaanong maitutulong. Dahil sa paglilingkod, nadama kong pinahahalagahan ako. Inihanda ako nito na tulungan ang iba at, dahil dito, pinalakas ang sarili kong patotoo. Ang isa sa mga pinakamagandang paraan para mapatatag ang patotoo ng isang tao ay ang pagbabahagi nito. Umaasa ako na aktibo kayong nakikibahagi sa mga pagkakataong maglingkod. Maaaring ito ay ministering, family history, paglilingkod sa templo, o anumang iba pang tungkulin sa Simbahan kung saan nakakalimutan ninyo ang tungkol sa iyong sarili at tinutulungan ang iba. Pagpapalain kayo nito, palalakasin, at poprotektahan.
Gusto ko ang talata sa Doktrina at mga Tipan na nagbibigay-diin sa alituntuning ito:
“Katotohanang sinasabi ko, ang mga tao ay nararapat na maging sabik sa paggawa ng mabuting bagay, at gumawa ng maraming bagay sa kanilang sariling kalooban, at isakatuparan ang maraming kabutihan.”
At saka, tulad ng sinabi ko sa video, gustung-gusto ko ang home teaching companion ko na iyon kaya pinakasalan ko ang kanyang anak. Siya ang naging biyenan ko. Siya ang tatay ni Monica. Napakaaktibo ko sa mga assignment ko sa home teaching. Naroon ako bawat buwan sa bahay nila para mag-home teaching.
Sister Godoy: Ang isang pagpapala sa henerasyong ito na hindi namin naranasan ay ang malapit na mga templo. Ang nag-iisang templo sa Brazil noong bata pa kami ay nasa Sao Paulo, na napakalayo sa amin. Noong panahong iyon, nagpupunta ang mga young adult sa templo kapag paalis na sila para magmisyon o magpakasal. Mabuti na lang at binigyang-diin ngayon ni Pangulong Nelson ang kahalagahan ng pagtanggap ng inyong mga endowment kahit hindi pa magmimisyon o ikakasal. Mas kailangan dito ang paghahanda kaysa sa anumang bagay. Umaasa ako na isasaalang-alang ninyo ito.
Ang madalas na pagdalo sa bahay ng Panginoon ay nagdudulot din ng mga pagpapala. Sa templo, tumatanggap tayo ng mga aral na tutulong sa atin na madaig ang mundo. Gustung-gusto ko ang sinabi ni Pangulong Nelson tungkol sa templo sa huling kumperensya:
Video: “Wala nang higit na tutulong sa inyo na kumapit nang mahigpit sa gabay na bakal kaysa sa pagsamba ninyo nang regular sa templo sa abot ng inyong makakaya. Wala nang higit na poprotekta sa inyo habang nilalabanan ninyo ang abu-abo ng kadiliman ng mundo. Wala nang higit na magpapalakas sa inyong patotoo tungkol sa Panginoong Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala o tutulong sa inyo na mas maunawaan ang dakilang plano ng Diyos. Wala nang higit na magbibigay sa inyo ng espirituwal na kapanatagan sa mga panahon ng pasakit. Wala nang higit na magbubukas ng kalangitan. Wala!”
Elder Godoy: Salamat, President Nelson, sa inyong mga turo. Mahal na mahal namin kayo. OK, kasunod na paksa: pagmimisyon.
Paglilingkod sa Misyon
Sister Godoy: OK, oras na para pag-usapan ang mga misyon. Anim na buwan matapos umalis si Carlos para sa kanyang misyon, ako naman ang nagmisyon.
Elder Godoy: Nagkataon pa talaga.
Sister Godoy: Hindi ito nagkataon lang. Pareho naming gustong maglingkod sa Panginoon, at pareho naming gustong magkasama sa hinaharap. Kaya itinuring namin ang aming mga misyon bilang isang magandang paraan upang bigyang-lugod ang Tagapagligtas at kasabay niyan ihanda ang aming sarili para sa buhay mag-asawa. Alam namin na magdudulot din ito ng mga pagpapalang kakailanganin ng mga bata pang mag-asawa.
Elder Godoy: Walang dudang nagdulot ng mga pagpapala sa aming buhay ang aming mga misyon. Dahil sa aming mga misyon, lumakas ang aming patotoo sa Tagapagligtas, nadagdagan ang aming kaalaman sa ebanghelyo, at nakatulong sa amin ang mga kasanayan sa komunikasyon at pamumuno na natutuhan namin doon. Pero higit sa lahat, masarap sa pakiramdam namin na magampanan ang mga misyon na inaasahan sa amin ng Panginoon.
Sister Godoy: Pero may tanong ako sa inyo. Paano naman ang mga hindi makapunta o hindi nakatapos ng kanilang misyon sa iba’t ibang dahilan? May pag-asa pa ba sila sa magandang kinabukasan?
Elder Godoy: Oo, syempre! Ang mapagmahal na Ama sa Langit ay laging nariyan para sa kanila. Hindi natin dapat husgahan ang mga taong may iba’t ibang karanasan sa misyon o walang karanasan sa misyon. Dahil bagama’t ang pagmimisyon ay maaaring maging mahalagang karanasan sa pag-aaral sa ating buhay at responsibilidad ng priesthood para sa mga kabataang lalaki, hindi ito ordenansa ng ebanghelyo, kaya walang pagkakaitan ng kanilang pag-unlad sa buhay na ito o mawawalan ng mga pagpapala sa kawalang-hanggan dahil dito.
Sister Godoy: Natutuwa ako na nagkaroon ako ng pagkakataong maglingkod, at inirerekomenda ko ito sa lahat. Pero tulad ng alam natin, ang kababaihan ay malugod na inaanyayahang magmisyon at kailangang-kailangan, ngunit ang paglilingkod ay opsiyonal.
Elder Godoy: Nagpapasalamat din ako sa karanasan ko sa misyon. Naniniwala ako na bumalik ako mula sa dalawang taong iyon na mas handa para sa buhay. At mas maganda ang gupit ng buhok.
Sister Godoy: Matapos ang pag-uusap tungkol sa pagbalik mula sa misyon, bakit hindi natin pag-usapan naman ngayon ang pag-aasawa?
Elder Godoy: OK. Talakayin natin ang paksa.
Pagbuo ng Pamilya
Sister Godoy: Heto kami, dalawang returned missionary na may masidhing pagmamahal, maraming plano, at walang pera.
Elder Godoy: Totoo ‘yan! Naaalala ko pa.
Sister Godoy: Sa paggunita ko ngayon, natanto ko kung gaano namin kagandang nasimulan ang buhay may-asawa at magkasamang makamit ang aming mga mithiin sa edukasyon, propesyon, at temporal na mga bagay. Magkasama naming ginawa ito, at ang mga karanasan at hamon na iyon ay lalong naglapit sa amin sa isa’t isa.
Elder Godoy: Natatandaan ko at sang-ayon ako. Ang mga taon na iyon ng pagpapatatag ng aming buhay at pagkakamit ng aming mga layunin ay naging espeyal na alaala. Hindi ibig sabihin na maling simulan ang buhay may-asawa na matatag na sa pinansyal. Nais lang naming ibahagi ang mensahe sa mga hinihintay munang makamit ang lahat ng kailangan ninyo bago mag-asawa. Kailangan ninyo ang mga pangunahing kaalaman, ang isa’t isa, at ang tulong ng Panginoon—lahat ng iba pa ay makakamit ninyo nang magkasama, na magpapatibay sa inyong pagsasama. At naghahanap ako ng ilan dito mismo sa audience.
Sister Godoy: Sa ibang pokus naman pero tungkol pa rin sa paksang ito—isa pang komento tungkol sa buhay may-asawa: kapag nakikita ninyo, mga young adult, ang mga tulad namin na matatatag na mag-asawa at pamilya, maaaring iniisip ninyo na laging ganito, na laging maganda ang lahat, at naging madali ang buhay namin. Marahil totoo ito para sa iilan, pero hindi para sa karamihan.
Elder Godoy: Hindi para sa amin.
Sister Godoy: Ang buhay may-asawa ay isang karanasan sa pag-aaral na mas bumubuti habang sumusulong tayo. Naroon na ang pagmamahalan mula pa sa simula, ngunit ang pagsasama sa araw araw ay pinatatatag nang unti-unti. Kailangan nating makibagay sa isa’t isa, tumawa at umiyak paminsan-minsan; ang mga anak ay magdudulot ng kagalakan at sakit ng ulo, magkakasakit tayo minsan, at kakapusin tayo sa pera kung minsan. Pero alam ba ninyo? Ganyan talaga ang buhay.
Elder Godoy: Pero isang bagay ang sigurado. Kung ilalakip natin ang ebanghelyo ni Jesucristo sa lahat ng ito, mas magiging madali at mas masaya ang buhay may-asawa.
Sister Godoy: Kaya, pangalawang tanong. Paano naman ang mga taong hindi magkakaroon ng pagkakataong makapag-asawa sa buhay na ito? Mayroon ka bang gustong sabihin sa kanila?
Elder Godoy: Mayroon. Gusto ko ang payo ni Pangulong Hinckley sa mga sister na naniniwala akong angkop sa bawat isa. Tingnan natin kung ano ang sinabi niya:
Video: “Nakakalungkot na ilan sa inyo ang hindi makakapag-asawa sa buhay na ito. Kung minsan ito ang nangyayari. Kung sakali man ay huwag manimdim. Kailangan pa rin ng mundo ang inyong mga talento. Kailangan nito ang inyong kontribusyon. Kailangan ng Simbahan ang inyong pananampalataya. Kailangan nito ang matatag at tapat ninyong pagtulong. Hindi kabiguan ang buhay, maliban kung gusto natin. Kailangan ng marami ang inyong tulong, ngiti, magiliw na pag-aalala. Marami akong nakitang kababaihan na may kakayahan, kaakit-akit, at magaganda na nalipasan ng panahon. Hindi ko ito maunawaan, pero alam kong sa plano ng Maykapal, sa walang-hanggang plano ng kaligayahan ng Diyos, may oportunidad at gantimpala ang lahat ng maghahangad nito.”
Elder Godoy: Ang isang talata sa banal na kasulatan na nagpapahayag ng gayon ding mga pangako ay matatagpuan sa Mosias 2:41.
“At bukod dito, ninanais kong inyong isaalang-alang ang pinagpala at maligayang kalagayan ng mga yaong sumusunod sa mga kautusan ng Diyos. Sapagkat dingin, sila ay pinagpala sa lahat ng bagay, kapwa temporal at espirituwal; at kung sila ay mananatiling matapat hanggang wakas, tatanggapin sila sa langit upang doon ay manahan silang kasama ng Diyos sa isang kalagayan ng walang katapusang kaligayahan. O tandaan, tandaan na ang mga bagay na ito ay totoo; sapagkat ang Panginoong Diyos ang siyang nagsabi ng mga ito.”
Bilang buod, ang mensahe, ayon sa sinabi ni Elder Bednar, ay kailangan ninyo lang maging mabuting babae o mabuting lalaki, sundin ang mga kautusan, at ang Panginoon ang bahala sa lahat. Sa huli, lahat ng pagpapala ay ipagkakaloob sa matatapat.
Môni, may mga huling komento ka ba?
Sister Godoy: Oo. Gusto kong magtapos sa aking patotoo.
Alam ko na tayo ay mga espiritung anak ng mapagmahal na Ama sa Langit. Alam ko na si Jesus ang Cristo at Siya ay buhay. Alam ko na ang buhay na ito ay ang panahon para maghanda sa pagharap sa Diyos. Alam ko na pinapatnubayan Niya tayo at inihahanda ang daan. Hindi tayo nag-iisa. Alam ko na ang templo ang bahay ng Panginoon sa mundo. May isang lugar kung saan maaari tayong makatanggap ng kaalaman at inspirasyon sa ating buhay. Alam ko na mayroon tayong propeta ngayon, at tinuturuan at ginagabayan niya tayo.
Sa pangalan ni Jesucristo, amen.
Elder Godoy: Maraming salamat. Gustung-gusto kong nagtuturo na kasama ka. At mahal kita.
Ang mga Gilberts naman? May komento ba kayo o anumang ituturo sa magandang audience na ito?