Pangkalahatang Kumperensya
Magalak sa Kaloob na mga Susi ng Priesthood
Pangkalahatang kumperensya ng Abril 2024


19:3

Magalak sa Kaloob na mga Susi ng Priesthood

Ang mga susi ng priesthood ang namamahala kung paano magagamit ang priesthood ng Diyos upang maisakatuparan ang mga layunin ng Panginoon at mapagpala ang lahat ng tumatanggap ng ipinanumbalik na ebanghelyo.

Mahal kong mga kapatid, ang araw na ito ay isang makasaysayang araw para kay Pangulong Dallin H. Oaks at sa akin. 40 taon na ang nakalipas, noong Abril 7, 1984, nang sang-ayunan kami sa Korum ng Labindalawang Apostol.1 Nagagalak kami tuwing pangkalahatang kumperensya mula noon, kabilang na ang isang ito. Muli kaming napagpala ng sagradong pagbuhos ng Espiritu. Nawa’y paulit-ulit ninyong pag-aralan ang mga mensahe ng kumperensyang ito sa mga susunod na buwan.

Noong ipanganak ako,2 may anim na nagagamit na templo sa Simbahan—tag-iisa sa St. George, Logan, Manti, at Salt Lake City, Utah; gayundin sa Cardston, Alberta, Canada; at Laie, Hawaii. Dalawang naunang templo ang nagamit sa maikling panahon sa Kirtland, Ohio, at Nauvoo, Illinois. Habang lumilipat sa kanluran ang grupo ng mga miyembro ng Simbahan, napilitan ang mga Banal na iwan ang dalawang templong iyon.

Ang Nauvoo Temple ay sinunog ng isang arsonista. Muli itong itinayo at pagkatapos ay inilaan ni Pangulong Gordon B. Hinckley.3 Ang Kirtland Temple ay nilapastangan ng mga kaaway ng Simbahan. Kalaunan, ang Kirtland Temple ay nakuha ng Community of Christ, na siyang nagmay-ari nito sa loob ng maraming taon.

Noong nakaraang buwan ay ibinalita namin na nabili ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang Kirtland Temple, kasama ng ilang mahahalagang makasaysayang lugar sa Nauvoo. Talagang ipinagpapasalamat namin nang malaki ang naging magiliw at kapaki-pakinabang na talakayan namin kasama ang mga lider mula sa Community of Christ na humantong sa kasunduang ito.

Kirtland Temple.

Ang Kirtland Temple ay may natatanging kahalagahan sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo. Ang ilang kaganapan na nangyari doon ay mili-milenya nang naipropesiya at mahalaga upang maisakatuparan ng ipinanumbalik na Simbahan ng Panginoon ang misyon nito sa mga huling araw.

Ang pinakamahalaga sa mga kaganapang ito ay nangyari sa araw ng Linggo ng Pagkabuhay, Abril 3, 1836.4 Nang araw na iyon, sina Joseph Smith at Oliver Cowdery ay nakaranas ng isang serye ng mga pambihirang pagbisita. Una, nagpakita ang Panginoong Jesucristo. Itinala ng Propeta na ang “mga mata [ng Tagapagligtas] ay gaya ng ningas ng apoy; ang buhok sa kanyang ulo ay puti gaya ng busilak na niyebe; ang kanyang mukha ay nagniningning nang higit pa sa liwanag ng araw; at ang kanyang tinig ay gaya ng lagaslas ng malalawak na tubig.”5

Sa pagbisitang ito, pinagtibay ng Panginoon ang Kanyang pagkakakilanlan. Sinabi Niya, “Ako ang una at ang huli; ako ang siyang nabuhay, ako ang siyang pinaslang; ako ang inyong tagapamagitan sa Ama.”6

Pagkatapos ay ipinahayag ni Jesucristo na tinanggap Niya ang templo bilang Kanyang bahay at ginawa ang nakamamanghang pangakong ito: “Ipakikita ko ang aking sarili sa awa sa aking mga tao sa bahay na ito.”7

Ang mahalagang pangakong ito ay angkop din sa bawat inilaang templo ngayon. Inaanyayahan ko kayo na pagnilayan kung ano ang ibig sabihin ng pangako ng Panginoon para sa inyong sarili.

Kasunod ng pagbisita ng Tagapagligtas, nagpakita si Moises. Iginawad ni Moises kay Joseph Smith ang mga susi para sa pagtitipon ng Israel at sa pagbabalik ng sampung lipi.8

Nang matapos ang pangitaing ito, “si Elias ay nagpakita, at ipinagkatiwala ang dispensasyon ng ebanghelyo ni Abraham” kay Joseph.9

Pagkatapos ay nagpakita ang propeta na si Elijah. Ang kanyang pagpapakita ang tumupad sa pangako ni Malakias na bago ang Ikalawang Pagparito, isusugo ng Panginoon si Elijah upang “[ibaling] ang puso ng mga magulang sa kanilang mga anak, at ang puso ng mga anak sa kanilang mga magulang.”10 Iginawad ni Elijah ang mga susi ng kapangyarihang magbuklod kay Joseph Smith.11

Ang kahalagahan ng pagbabalik ng mga susing ito sa lupa sa pamamagitan ng tatlong sugo mula sa langit sa ilalim ng pamamahala ng Panginoon ay dapat bigyang-diin. Ang mga susi ng priesthood ang bumubuo sa awtoridad at kapangyarihan ng panguluhan. Ang mga susi ng priesthood ang namamahala kung paano magagamit ang priesthood ng Diyos upang maisakatuparan ang mga layunin ng Panginoon at mapagpala ang lahat ng tumatanggap ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo.

Mahalagang tandaan na bago ang pagtatatag ng Simbahan, iginawad ng mga sugo mula sa langit ang Aaronic at Melchizedek Priesthood kay Propetang Joseph at ibinigay sa kanya ang mga susi ng dalawang priesthood na ito.12 Ang mga susing ito ang nagbigay kay Joseph Smith ng awtoridad na itatag ang Simbahan noong 1830.13

Pagkatapos sa Kirtland Temple noong 1836, ang paggagawad ng tatlong karagdagang susi ng priesthood na ito—ang mga susi ng pagtitipon ng Israel, ang mga susi ng ebanghelyo ni Abraham, at ang mga susi ng kapangyarihang magbuklod—ay napakahalaga. Ang mga susing ito ang nagbigay ng awtoridad kay Joseph Smith—at sa lahat ng sumunod na mga Pangulo ng Simbahan ng Panginoon—na tipunin ang Israel sa magkabilang panig ng tabing, na pagpalain ang lahat ng pinagtipanang anak ng mga pagpapala ni Abraham, na maglagay ng nagpapatibay na tatak sa mga ordenansa at tipan ng priesthood, at magbuklod ng mga pamilya sa kawalang-hanggan. Ang kapangyarihan ng mga susi ng priesthood na ito ay walang hanggan at kamangha-mangha.

Isipin kung paano maiiba ang inyong buhay kung hindi naipanumbalik ang mga susi ng priesthood sa lupa.14 Kung wala ang mga susi ng priesthood, hindi kayo mapagkakalooban ng kapangyarihan ng Diyos.15 Kung wala ang mga susi ng priesthood, ang Simbahan ay makapaglilingkod lamang bilang isang makabuluhang organisasyon na nagtuturo at nagkakawanggawa pero wala nang iba. Kung wala ang mga susi ng priesthood, wala sa atin ang magkakaroon ng access sa mahahalagang ordenansa at tipan na nagbibigkis sa atin sa ating mga mahal sa buhay magpakailanman at nagtutulot sa atin na mamuhay kasama ng Diyos kalaunan.

Ang mga susi ng priesthood ang dahilan kung kaya’t naiiba Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa iba pang organisasyon sa mundo. Maraming ibang organisasyon ang maaari at ginagawang pagbutihin ang inyong buhay rito sa mortalidad. Pero walang ibang organisasyon ang maaari at gagawing impluwensyahan ang inyong buhay pagkatapos ng kamatayan.16

Ang mga susi ng priesthood ay nagbibigay sa atin ng awtoridad na ipaabot ang lahat ng pagpapalang ipinangako kay Abraham sa bawat lalaki at babae na tumutupad sa tipan. Dahil sa gawain sa templo, ang mga natatanging pagpapalang ito ay nagiging available sa lahat ng anak ng Diyos, hindi alintana kung saan o kailan sila nabuhay o nabubuhay ngayon. Magalak tayo na ang mga susi ng priesthood ay muling naibalik sa lupa!

Inaanyayahan ko kayong pag-isipan nang mabuti ang sumusunod na tatlong pahayag:

  1. Ang pagtitipon ng Israel ay katibayan na mahal ng Diyos ang lahat ng Kanyang mga anak sa lahat ng dako.

  2. Ang ebanghelyo ni Abraham ay dagdag na katibayan na mahal ng Diyos ang lahat ng Kanyang mga anak sa lahat ng dako. Inaanyayahan Niya ang lahat na lumapit sa Kanya—“maitim at maputi, alipin at malaya, lalaki at babae; … pantay-pantay ang lahat sa Diyos.”17

  3. Ang kapangyarihang magbuklod ay makalangit na katibayan kung gaano kamahal ng Diyos ang lahat ng Kanyang mga anak sa lahat ng dako at kung gaano Niya kagusto na piliin ng bawat isa sa kanila na umuwi sa Kanya.

Ginagawang posible ng mga susi ng priesthood na ipinanumbalik sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith na matamasa ng bawat lalaki at babae na tumutupad sa tipan ang mga pambihirang personal na espirituwal na pribilehiyo. Muli, napakarami ang matututuhan natin mula sa sagradong kasaysayan ng Kirtland Temple.

Ang panalangin sa paglalaan ni Joseph Smith ng Kirtland Temple ay nagtuturo kung paano espirituwal na pinalalakas kayo at ako ng templo upang mapagtagumpayan ang mga hamon ng buhay sa mga huling araw na ito. Hinihikayat ko kayo na pag-aralan ang panalanging iyon, na nakatala sa Doktrina at mga Tipan bahagi 109. Ang panalanging iyon ng paglalaan, na tinanggap sa pamamagitan ng paghahayag, ay nagtuturo na ang templo ay “isang bahay ng panalanginan, isang bahay ng pag-aayuno, isang bahay ng pananampalataya, isang bahay ng pag-aaral, isang bahay ng kaluwalhatian, isang bahay ng kaayusan, isang bahay ng Diyos.”18

Ang listahan na ito ng mga katangian ay higit pa sa paglalarawan sa templo. Isa itong pangako tungkol sa mangyayari sa mga taong naglilingkod at sumasamba sa bahay ng Panginoon. Maaari silang umasa na makatanggap ng mga sagot sa panalangin, personal na paghahayag, higit na pananampalataya, lakas, kapanatagan, higit na kaalaman, at higit na kapangyarihan.

Ang paggugol ng oras sa templo ay tutulong sa inyo na mag-isip nang selestiyal at maunawaan kung sino talaga kayo, ano ang maaari ninyong kahinatnan, at ano ang uri ng magiging buhay ninyo magpakailanman. Ang palagiang pagsamba sa templo ay magpapahusay sa paraan kung paano ninyo nakikita ang inyong sarili at kung paano kayo naaakma sa dakilang plano ng Diyos. Pangako ko iyon sa inyo.

Ipinapangako rin sa atin na sa templo ay maaari tayong “makatanggap ng kaganapan ng Espiritu Santo.”19 Isipin kung ano ang kahulugan ng pangakong iyon pagdating sa pagbukas ng kalangitan para sa bawat masigasig na naghahanap ng walang hanggang katotohanan.

Tinagubilinan din tayo na ang lahat ng sumasamba sa templo ay magkakaroon ng kapangyarihan ng Diyos at may mga anghel na “[nangangalaga] sa kanila.”20 Gaano nadaragdagan ang tiwala ninyo sa sarili na malaman na, bilang isang na-endow na babae o lalaki na taglay ang kapangyarihan ng Diyos, hindi ninyo kailangang harapin nang mag-isa ang buhay? Anong lakas-ng-loob ang ibinibigay sa inyo na malaman na talagang tutulungan kayo ng mga anghel?

Sa huli, tayo ay pinangakuan na “walang pagsasabuwatan ng kasamaan” ang mananaig sa mga taong sumasamba sa bahay ng Panginoon.21

Ang pag-unawa sa mga espirituwal na pribilehiyo na naging posible sa templo ay mahalaga sa bawat isa sa atin ngayon.

Mahal kong mga kapatid, ito ang aking pangako. Wala nang higit na tutulong sa inyo na kumapit nang mahigpit sa gabay na bakal22 kaysa sa pagsamba ninyo nang regular sa temple hanggang sa abot ng inyong makakaya. Wala nang higit na poprotekta sa inyo habang nilalabanan ninyo ang abu-abo ng kadiliman ng mundo. Wala nang higit na magpapalakas sa inyong patotoo tungkol sa Panginoong Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala o tutulong sa inyo na mas maunawaan ang dakilang plano ng Diyos. Wala nang higit na magbibigay sa inyo ng espirituwal na kapanatagan sa mga panahon ng pasakit. Wala nang higit na magbubukas ng kalangitan. Wala!

Ang templo ang daan tungo sa mga pinakadakilang pagpapala ng Diyos na nakalaan para sa bawat isa sa atin, sapagkat ang templo ang tanging lugar sa mundo kung saan maaari nating matanggap ang lahat ng pagpapalang ipinangako kay Abraham.23 Ito ang dahilan kung bakit ginagawa namin ang lahat ng aming makakaya, sa ilalim ng pamamahala ng Panginoon, na mas madaling matanggap ang mga pagpapala ng templo ng mga miyembro ng Simbahan. Kaya, ikinalulugod naming ibalita na plano naming magtayo ng bagong templo sa bawat isa sa sumusunod na 15 lugar:

  • Uturoa, French Polynesia

  • Chihuahua, Mexico

  • Florianópolis, Brazil

  • Rosario, Argentina

  • Edinburgh, Scotland

  • Brisbane, Australia south area

  • Victoria, British Columbia

  • Yuma, Arizona

  • Houston, Texas south area

  • Des Moines, Iowa

  • Cincinnati, Ohio

  • Honolulu, Hawaii

  • West Jordan, Utah

  • Lehi, Utah

  • Maracaibo, Venezuela

Mahal kong mga kapatid, pinatototohanan ko na ito ay Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Siya ang pinuno nito. Tayo ay Kanyang mga disipulo.

Tayo ay magalak sa panunumbalik ng mga susi ng priesthood, na ginagawang posible para sa inyo at sa akin na tamasahin ang bawat espirituwal na pagpapala na handa at karapat-dapat nating tanggapin. Pinatototohanan ko ito sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.