Magtiwala sa Panginoon
Magiging matibay ang ating ugnayan sa Diyos kapag handa tayong magtiwala sa Kanya.
Sa aming pamilya, kung minsan ay naglalaro kami ng game na tinatawag naming “The Crazy Trust Exercise.” Nalaro na rin siguro ninyo ito. Dalawang tao ang tatayo nang ilang talampakan ang layo sa isa’t isa, at ang isa ay nakatalikod sa isa. Sa hudyat ng taong nasa likod, tutumba nang patalikod ang taong nasa harap at sasaluhin siya ng mga bisig ng kanyang kaibigan.
Pagtitiwala ang pundasyon ng lahat ng ugnayan o relasyon. Ang panimulang tanong sa anumang ugnayan ay “Mapagkakatiwalaan ko ba ang taong ito?” Mabubuo lamang ang isang ugnayan kung handang magtiwala ang mga tao sa isa’t isa. Hindi ito isang ugnayan o relasyon kung nagtitiwala nang lubusan ang isang tao ngunit ang isa naman ay hindi.
Bawat isa sa atin ay minamahal na espiritung anak na lalaki o anak na babae ng isang mapagmahal na Ama sa Langit.1 Ngunit naglalaan man ng pundasyon ang espirituwal na pinagmulang iyon, hindi ito makalilikha nang mag-isa ng makabuluhang ugnayan sa Diyos. Ang ugnayan ay mabubuo lamang kung pipiliin nating magtiwala sa Kanya.
Hangad ng Ama sa Langit na magkaroon ng malapit at personal na ugnayan sa bawat isa sa Kanyang mga espiritung anak.2 Ipinahayag ni Jesus ang hangaring iyon nang manalangin Siya, “Upang silang lahat ay maging isa. Gaya mo, Ama, na nasa akin at ako’y sa iyo, sana sila’y [maging isa sa atin].”3 Ang ugnayang hangad ng Diyos sa bawat espiritung anak ay yaong napakalapit at napakapersonal para maibahagi Niya ang lahat ng mayroon Siya at ang lahat ng nasa Kanya.4 Magkakaroon lamang ng gayong uri ng malalim at nagtatagal na ugnayan kapag ganap at lubos ang pagtitiwala.
Sa simula pa lamang ay ginawa na ng Ama sa Langit ang Kanyang bahagi na ipinahayag ang Kanyang ganap na pagtitiwala sa banal na potensyal ng bawat isa sa Kanyang mga anak. Nakabatay sa pagtitiwala ang planong Kanyang inilahad para sa ating paglago at pag-unlad bago pa tayo pumarito sa daigdig. Tuturuan Niya tayo ng mga walang-hanggang batas, lilikhain ang daigdig, bibigyan tayo ng mga mortal na katawan, bibigyan tayo ng kaloob na pumili para sa ating sarili, at hahayaan tayong matuto at umunlad sa pamamagitan ng paggawa ng sarili nating mga pasiya. Nais Niya na piliin nating sundin ang Kanyang mga batas at bumalik tayo upang matamo ang buhay na walang hanggan sa piling Niya at ng Kanyang Anak.
Nababatid na hindi tayo palaging gagawa ng mabubuting pasiya, naghanda rin Siya ng paraan para matakasan natin ang mga bunga ng mga masasamang pagpili. Binigyan Niya tayo ng isang Tagapagligtas—ang Kanyang Anak na si Jesucristo—upang magbayad-sala para sa ating mga kasalanan at maging malinis muli kung tayo ay magsisisi.5 Inaanyayahan Niya tayong gamitin ang mahalagang kaloob na pagsisisi palagi.6
Alam ng bawat magulang kung gaano kahirap magtiwala nang sapat sa isang anak upang hayaan siyang gumawa ng sarili niyang mga desisyon, lalo na kung alam ng magulang na malamang na makagawa ng mga pagkakamali ang anak at magdusa dahil dito. Subalit hinahayaan tayo ng Ama sa Langit na gumawa ng mga pagpapasiya na tutulong sa atin na maabot ang ating banal na potensyal! Tulad ng itinuro ni Elder Dale G. Renlund, “Ang mithiin [Niya] bilang magulang ay hindi ang iutos sa Kanyang mga anak na gawin kung ano ang tama; kundi ang piliin na gawin kung ano ang tama at sa huli ay maging katulad Niya.”7
Bagama’t nagtitiwala sa atin ang Diyos, titibay lamang ang ugnayan natin sa Kanya kapag handa tayong magtiwala sa Kanya. Ang hamon ay nabubuhay tayo sa isang makasalanang mundo at naranasan nating lahat na mapagtaksilan dahil sa pagsisinungaling, manipulasyon, pamimilit, o iba pang mga sitwasyon. Kapag pinagtaksilan tayo, maaaring mahirapan na tayong magtiwalang muli. Ang mga negatibong karanasang ito sa pagtitiwala sa mga di-perpektong tao ay maaari pa ngang makaapekto sa kahandaan nating magtiwala sa isang perpektong Ama sa Langit.
Ilang taon na ang nakalipas, interesado ang dalawang kaibigan ko na sina Leonid at Valentina na maging mga miyembro ng Simbahan. Nang simulan ni Leonid na pag-aralan ang ebanghelyo, nahirapan siyang manalangin. Noong bata pa siya, naranasan ni Leonid na manipulahin at kontrolin ng mga nakatataas sa kanya at nawalan siya ng tiwala sa awtoridad. Ang mga karanasang ito ay nakaapekto sa kakayahan niyang buksan ang kanyang puso at ipahayag sa Ama sa Langit ang personal niyang nadarama. Sa paglipas ng panahon at sa pag-aaral, nagkaroon ng higit na pag-unawa si Leonid sa pagkatao ng Diyos at naranasang madama ang pagmamahal ng Diyos. Kalaunan, nakagawian na niya ang pagdarasal para magpasalamat at magpahayag ng pagmamahal niya sa Diyos. Ang nag-iibayo niyang tiwala sa Diyos kalaunan ay inakay siya at si Valentina na pumasok sa mga sagradong tipan para patibayin ang kanilang ugnayan sa Diyos at relasyon sa isa’t isa.
Kung ang pagkawala ng tiwala ninyo noon ang humahadlang sa inyo na magtiwala sa Diyos, tularan lamang ang halimbawa ni Leonid. Matiyagang patuloy na alamin ang iba pa tungkol sa Ama sa Langit, sa Kanyang pagkatao, sa Kanyang mga katangian, at sa Kanyang mga layunin. Humanap at magsulat ng mga karanasan nang nadama ninyo ang Kanyang pagmamahal at kapangyarihan sa inyong buhay. Itinuro ng ating buhay na propetang si Pangulong Russell M. Nelson na habang mas natututo tayo tungkol sa Diyos, mas magiging madali para sa atin ang magtiwala sa Kanya.8
Minsan, ang pinakamagandang paraan upang matutuhang magtiwala sa Diyos ay ang magtiwala lang sa Kanya. Tulad ng “The Crazy Trust Exercise,” minsan ay kailangan lamang na handa tayong matumba nang patalikod at hayaan Siyang saluhin tayo. Ang ating mortal na buhay ay isang pagsubok. Madalas dumating ang mga hamong sumusubok sa atin nang higit pa sa sarili nating kakayahan. Kapag kulang ang ating sariling kaalaman at pang-unawa, natural na maghanap tayo ng tutulong sa atin. Sa mundong puno ng impormasyon, hindi tayo mauubusan ng mga source na hihikayat sa atin na sila ang mga solusyon sa ating mga hamon. Gayunman, ang simple at subok nang turo sa Mga Kawikaan ay nagbibigay ng pinakamagandang payo: “Sa Panginoon ay buong puso kang magtiwala.”9 Ipinapakita natin ang ating tiwala sa Diyos sa pagbaling muna sa Kanya kapag naharap tayo sa mga hamon.
Nang matapos ko ang law school sa Utah, naharap ang aming pamilya sa mahalagang desisyon kung saan magtatrabaho at maninirahan. Matapos tumanggap ng mga payo sa isa’t isa at sa Panginoon, nadama naming magpunta at ilipat ang aming pamilya sa silangang Estados Unidos, malayo sa aming mga magulang at mga kapatid. Noong una, naging maayos ang lahat, at nadama namin na tama ang desisyon namin. Ngunit pagkatapos ay nagbago ang lahat. Nagtanggalan ng empleyado sa law firm, at malamang na mawalan ako ng trabaho o insurance sa panahon mismo na isinilang ang anak naming si Dora na may malubhang karamdaman at pangmatagalang espesyal na mga pangangailangan. Habang nahaharap sa mga hamong ito, nakatanggap ako ng tawag na maglingkod na mangangailangan ng malaking oras at katapatan.
Hindi pa ako naharap sa gayong hamon at nabagabag ako. Nagsimula akong magduda sa desisyong ginawa namin at sa patunay na natanggap namin. Nagtiwala kami sa Panginoon, at dapat ay maging maayos ang lahat. Natumba ako nang patalikod, at ngayo’y mukhang walang sasalo sa akin.
Isang araw ay malinaw na pumasok sa aking puso’t isipan ang mga salitang “Huwag mong itanong kung bakit; itanong mo kung ano ang nais kong matutuhan mo.” Ngayo’y lalo pa akong naguluhan. Sa mismong sandali na nahihirapan ako sa nauna kong desisyon, inanyayahan ako ng Diyos na higit pang magtiwala sa Kanya. Sa paggunita sa pangyayaring iyon, iyon ang kritikal na bahagi ng buhay ko—iyon ang sandali na napagtanto ko na ang pinakamainam na paraan para matutong magtiwala sa Diyos ay ang magtiwala lang sa Kanya. Sa sumunod na mga linggo, nakita ko nang may pagkamangha ang mahimalang plano ng Panginoon na pagpalain ang aming pamilya.
Alam ng mahuhusay na guro at coach na ang pag-unlad sa intelektuwal at paglakas ng pisikal na katawan ay mangyayari lamang kapag pinagana ang isipan at mga kalamnan. Gayundin, inaanyayahan tayo ng Diyos na umulad sa pamamagitan ng pagtitiwala sa Kanyang espirituwal na pagtuturo sa pamamagitan ng mga karanasang susubok sa ating kaluluwa. Samakatwid, makasisiguro tayo na anumang pagtitiwala ang naipakita natin sa Diyos noon, may iba pang darating na pangyayari na susubok sa ating pagtitiwala. Nakatuon ang Diyos sa ating paglago at pag-unlad. Siya ang Dalubhasang Guro, ang napakahusay na coach na palagi tayong sinusubok para tulungan tayong maunawaan ang iba pa nating banal na potensyal. Iyan ay palaging kapapalooban ng isang paanyaya sa hinaharap na magtiwala sa Kanya nang kaunti pa.
Itinuturo ng Aklat ni Mormon ang huwarang ginagamit ng Diyos para subukin tayo upang mapatibay ang ugnayan Niya sa atin. Sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin, pinag-aralan natin kamakailan kung paanong sinubok ang tiwala ni Nephi sa Diyos nang utusan silang magkakapatid na bumalik sa Jerusalem para kunin ang mga laminang tanso. Matapos mabigo ang una nilang mga pagtatangka, sumuko ang kanyang mga kapatid at handa nang bumalik nang hindi dala ang mga lamina. Ngunit pinili ni Nephi na lubos na magtiwala sa Panginoon at nagtagumpay siya sa pagkuha ng mga lamina.10 Ang karanasang iyon ang malamang na nagpalakas sa tiwala ni Nephi sa Diyos nang mabali ang kanyang pana at magdanas ng gutom ang kanyang pamilya sa ilang. Muli, pinili ni Nephi na magtiwala sa Diyos, at naligtas ang pamilya.11 Ang sunud-sunod na mga karanasang ito ang mas magpatibay sa pagtitiwala ni Nephi sa Diyos para sa mas malaki at mahirap na gawain na kalaunan ay kakaharapin niya sa paggawa ng isang sasakyang-dagat.12
Sa mga karanasang ito, napatibay ni Nephi ang ugnayan niya sa Diyos sa pamamagitan ng palagian at patuloy na pagtitiwala sa Kanya. Ang huwaran ding ito ang ginagamit ng Diyos sa atin. Personal Niya tayong inaanyayahang palakasin at palalimin ang ating tiwala sa Kanya.13 Sa tuwing tumatanggap tayo ng paanyaya at kumikilos ayon dito, nadaragdagan ang pagtitiwala natin sa Diyos. Kung binabalewala o tinatanggihan natin ang isang paanyaya, titigil ang ating pag-unlad hanggang sa maging handa tayong kumilos ayon sa isang bagong paanyaya.
Ang magandang balita ay pinili man natin o hindi na magtiwala noon sa Diyos, maaari nating piliing magtiwala sa Diyos ngayon at sa darating pang mga araw. Nangangako ako na tuwing gagawin natin iyon, paroroon ang Diyos para saluhin tayo, at ang ating pagtitiwala ay lalo pang titibay hanggang sa araw na tayo ay maging isa sa Kanya at sa Kanyang Anak. Pagkatapos ay masasabi natin tulad ni Nephi, “O Panginoon, ako ay nagtiwala sa inyo, at ako ay magtitiwala sa inyo magpakailanman.”14 Sa pangalan ni Jesucristo, amen.