Ang Pagpapatotoo kay Jesus
Ang aking paanyaya ay na kumilos ngayon upang masiguro ninyo ang inyong lugar bilang isa sa matatatag sa pagpapatotoo kay Jesus.
Noong 1832, nakatanggap sina Joseph Smith at Sidney Rigdon ng pambihirang pangitain hinggil sa walang hanggang tadhana ng mga anak ng Diyos. Ang pangitaing ito ay nagbanggit ng tatlong kaharian sa langit. Nagsalita si Pangulong Dallin H. Oaks tungkol sa mga “kaharian ng kaluwalhatian” na ito noong Oktubre,1 sinasabing “sa pamamagitan ng pagwawagi at kaluwalhatian ng Kordero,”2 ang lahat maliban sa iilang kaunting indibiduwal ay matutubos kalaunan papunta sa isa sa mga kahariang ito, “batay sa mga hangaring naipakita nila sa pamamagitan ng kanilang mga pagpili.”3 Ang plano ng pagtubos ng Diyos ay kinabibilangan ng pangkalahatang oportunidad para sa lahat ng Kanyang mga anak, kailanman o saanman sila nanirahan sa daigdig.
Bagama’t ang kaluwalhatian ng pinakamababa sa tatlong kaharian, ang telestiyal, ay “walang maaaring makaunawa,”4 ang inaasahan ng Ama ay na pipiliin natin—at, sa pamamagitan ng biyaya ng Kanyang Anak, magiging karapat-dapat—para sa pinakamataas at pinakadakilang kaluwalhatian sa mga kahariang ito, ang selestiyal, kung saan natin matatamasa ang buhay na walang hanggan bilang “mga kasamang tagapagmana ni Cristo.”5 Hinikayat tayo ni Pangulong Russell M. Nelson na “isipin ang kahariang selestiyal,” ginagawang walang hanggang mithiin ang kahariang selestiyal at pagkatapos, “pag-isipan nang mabuti kung saan [tayo] dadalhin sa kabilang-buhay ng bawat desisyon [natin] sa mundong ito.”6
Ang mga yaong nasa kahariang selestiyal ay “ang mga yaong tumanggap ng patotoo ni Jesus, … ang mga yaong matwid na tao na ginawang ganap sa pamamagitan ni Jesus, ang tagapamagitan ng bagong tipan.”7 Ang mga nananahan sa pangalawa, o terestriyal, ay inilarawan bilang pawang mabubuti, kabilang ang “mararangal na tao sa lupa, na nabulag ng panlilinlang ng mga tao.” Ang karaniwang nakalilimitang katangian nila ay na sila “ang mga yaong hindi matatatag sa pagpapatotoo kay Jesus.”8 Hindi katulad niyon, ang mga yaong nasa mas mababang kahariang telestiyal ay ang mga yaong “hindi tumanggap ng ebanghelyo ni Cristo, ni ng patotoo ni Jesus.”9
Pansinin na ang tumutukoy na katangian para sa mga nananahan sa bawat kaharian ay kung paano sila nauugnay sa “pagpapatotoo kay Jesus,” mula sa (1) buong-pusong debosyon hanggang sa (2) pagiging hindi matatag hanggang sa (3) tahasang pagtanggi. Sa bawat reaksyon ng tao nakasalalay ang kanyang walang hanggang hinaharap.
I.
Ano ang pagpapatotoo kay Jesus?
Ito ang saksi ng Espiritu Santo na Siya ang banal na Anak ng Diyos, ang Mesiyas at Manunubos. Nagpatotoo si Juan na si Jesus ay kasama ng Diyos sa simula, na Siya ang Tagapaglikha ng langit at lupa, at na “nasa kanya ang ebanghelyo, at ang ebanghelyo ang siyang buhay, at ang buhay ang siyang ilaw ng mga tao.”10 Ito “ang patotoo ng mga Apostol at Propeta, … na Siya’y namatay, inilibing, at muling nagbangon sa ikatlong araw, at umakyat sa langit.”11 Ito ang kaalaman na “walang ibang pangalang ibinigay kung saan ang kaligtasan ay darating.”12 Ito ang “patotoo, na pinakahuli sa lahat,” na ibinigay ni Propetang Joseph Smith, “na siya ay buhay! … Na siya ang Bugtong na Anak ng Ama—na sa kanya, at sa pamamagitan niya, at mula sa kanya, ang mga daigdig ay nililikha at nalikha, at ang mga naninirahan dito ay mga isinilang na anak na lalaki at babae ng Diyos.”13
II.
Higit pa sa patotoong ito ang katanungan, Ano ang gagawin natin tungkol dito?
Ang mga tagapagmana ng kahariang selestiyal ay “tumatanggap” ng pagpapatotoo kay Jesus nang lubusan sa pamamagitan ng pagpapabinyag, pagtanggap ng Banal na Espiritu, at pangingibabaw sa pananampalataya.14 Ang mga alituntunin at katotohanan ng ebanghelyo ni Jesucristo ang gumagabay sa kanilang mga prayoridad at pagpili. Ang pagpapatotoo kay Jesus ay naipakikita sa kung ano sila at ano ang kinahihinatnan nila. Ang kanilang motibo ay pag-ibig sa kapwa-tao, “ang dalisay na pag-ibig ni Cristo.”15 Ang pinagtutuunan nila ay ang makarating “sa sukat ng ganap na kapuspusan ni Cristo.”16
Tinanggap din ng ilan sa mga taong matatagpuan sa kahariang terestriyal ang pagpapatotoo kay Jesus, ngunit naiiba sila dahil sa kung ano ang hindi nila ginawa tungkol dito. Ang hindi pagiging matatag sa pagpapatotoo kay Jesus ay nagpapakita ng pagiging hindi interesado o pagiging kaswal—pagiging “malahininga”17— na hindi katulad ng mga tao ni Ammon sa Aklat ni Mormon, halimbawa, na “nakilala … sa kanilang pagsusumigasig sa Diyos.”18
Ang mga nananahan sa kahariang telestiyal ay ang mga yaong tumanggi sa pagpapatotoo kay Jesus pati na sa Kanyang ebanghelyo, Kanyang mga tipan, at Kanyang mga propeta. Inilarawan sila ni Abinadi bilang “humayo alinsunod sa kanilang sariling mga makamundong kagustuhan at hangarin; na hindi kailanman nanawagan sa Panginoon habang nakaunat ang mga bisig ng awa sa kanila; sapagkat ang mga bisig ng awa ay nakaunat sa kanila, at ayaw [nila].”19
III.
Ano ang ibig sabihin ng maging matatag sa pagpapatotoo kay Jesus?
Maraming posibilidad na maaaring isaalang-alang sa pagsagot sa tanong na ito. Magbabanggit ako ng ilan. Ang pagiging matatag sa pagpapatotoo kay Jesus ay tiyak na kinabibilangan ng pagpapalago at pagpapalakas ng patotoong iyon. Hindi binabalewala ng totoong mga disipulo ang tila maliliit na bagay na nagpapatibay at nagpapalakas sa kanilang pagpapatotoo kay Jesus, tulad ng panalangin, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, pagpapanatiling banal sa araw ng Sabbath, pagtanggap ng sakramento, pagsisisi, pag-minister, at pagsamba sa tahanan ng Panginoon. Pinaaalalahanan tayo ni Pangulong Nelson na “sa nakagugulat na bilis, ang patotoo na hindi napangangalagaan sa araw-araw ‘ng mabuting salita ng Diyos’ [Moroni 6:4] ay maaaring gumuho. Kaya nga, … kailangan natin ng araw-araw na mga karanasan ng pagsamba sa Panginoon at pag-aaral ng Kanyang ebanghelyo.” Pagkatapos ay idinagdag niya: “Nakikiusap ako sa inyo na hayaang manaig ang Diyos sa inyong buhay. Bigyan Siya ng makatwirang bahagi ng inyong oras. Sa paggawa nito, pansinin ang mangyayari sa inyong positibong espirituwal na momentum.”20
Ang pagiging matatag ay nagpapakita rin ng pagiging bukas at hayagan tungkol sa kanyang saksi. Sa pagbibinyag, kinukumpirma natin ang ating kagustuhang “tumayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng dako kung saan [tayo] ay maaaring naroroon, maging hanggang kamatayan.”21 Sa panahong ito ng Pasko ng Pagkabuhay natin higit na ipinahahayag nang masaya, hayagan, at walang pag-aalinlangan ang ating saksi sa nabuhay na mag-uli at buhay na Cristo.
Isa sa mga aspeto ng pagiging matatag sa pagpapatotoo kay Jesus ay ang pakikinig sa Kanyang mga mensahero. Hindi tayo pinipilit ng Diyos sa mas magandang landas, ang landas ng tipan, ngunit inuutusan Niya ang Kanyang mga propetang gawin tayong lubos na may kamalayan sa mga kahihinatnan ng ating mga pagpili. At hindi lamang ito sa mga miyembro ng Kanyang Simbahan. Sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta at apostol, Siya ay mapagmahal na sumasamo sa buong mundo na makinig sa katotohanang makapagpapalaya sa kanila,22 magliligtas sa kanila mula sa mga maiiwasan sanang pagdurusa, at magdadala sa kanila ng nagtatagal na kaligayahan.
Ang ibig sabihin ng matatag sa pagpapatotoo kay Jesus ay panghihikayat sa iba, sa pamamagitan ng salita at halimbawa, na maging matatag din, lalo na sa mga yaong sarili nating pamilya. Minsang nangusap si Elder Neal A. Maxwell sa “mga pawang ‘mararangal’ na mga miyembro [ng Simbahan] na nagpapakababaw lamang sa halip na palalimin ang pagkadisipulo at sila na nananamlay sa paggawa sa halip na maging ‘sabik sa paggawa’ [Doktrina at mga Tipan 76:75; 58:27].”23 Binibigyang-diin na ang lahat ay malayang pumili, binanggit ni Elder Maxwell: “Sa kasamaang-palad, gayunman, kapag ang ilan ay pumipili na maging tamad, sila ay pumipili hindi lamang para sa kanilang mga sarili kundi para sa mga susunod pang salinlahi. Ang mumunting hindi malinaw na pakikibahagi ng mga magulang ay maaaring magdulot ng malalaking paglihis sa kanilang mga anak! Ang mga naunang salinlahi sa pamilya ay maaaring nagpakita ng dedikasyon, habang ang ilan sa kasalukuyang salinlahi ay nagpapakita ng hindi malinaw na pakikibahagi. Ang nakalulungkot, sa susunod, ang ilan ay maaaring pumili ng pagtatalo, habang gumuguho ang masamang idinulot nito.”24
Ilang taon na ang nakalipas, isinalaysay ni Elder John H. Groberg ang kuwento ng isang bata pang pamilya na nakatira sa maliit na branch sa Hawaii sa simula ng 1900s. Mga miyembro na sila ng Simbahan nang mga dalawang taon noong ang isa sa mga anak nilang babae ay nagkaroon ng hindi matukoy na sakit at naospital. Sa simbahan, nang sumunod na Linggo, inihanda ng ama at ng kanyang anak na lalaki ang sakramento tulad ng ginawa nila sa karamihan ng mga linggo, ngunit nang lumuhod ang bata pang ama upang basbasan ang tinapay, ang branch president, na napagtanto kung sino ang nasa mesa ng sakramento, ay napatalon at napasigaw ng “Sandali. Hindi mo maaaring hawakan ang sakramento. May hindi matukoy na sakit ang anak mong babae. Umalis ka na kaagad habang inihahanda ng iba ang bagong tinapay para sa sakramento. Hindi ka puwede rito. Umalis ka na.” Ang nagulat na ama ay malungkot na tumingin sa branch president at pagkatapos ay sa kongregasyon at, nang madama ang lalim ng pagkabalisa at pagkapahiya mula sa lahat ng naroon, sumenyas sa kanyang pamilya, at tahimik silang lumabas mula sa chapel.
Walang salitang binanggit habang malungkot na naglalakad ang pamilya pauwi sa kanilang maliit na tahanan. Doon ay umupo sila nang paikot, at sinabi ng ama, “Pakiusap, tumahimik muna tayo hanggang sa handa na akong magsalita.” Inisip ng batang anak na lalaki kung ano ang gagawin nila upang makapaghiganti sa kahihiyang dinanas nila: papatayin ba nila ang mga baboy ng branch president, o susunugin ang kanyang bahay, o aanib sa ibang simbahan? Lima, sampu, labinlima, dalawampung minuto ang lumipas sa katahimikan.
Lumuwag na ang mga nakakuyom na kamao ng ama, at namuo ang mga luha. Nagsimulang umiyak ang ina at, hindi nagtagal ay tahimik na ring umiyak ang bawat anak. Bumaling ang ama sa kanyang asawa at nagwikang, “Mahal kita,” at pagkatapos ay inulit ang mga salitang iyon sa bawat isa sa kanilang mga anak. “Mahal ko kayong lahat at nais kong maging magkakasama tayo sa walang hanggan bilang isang pamilya. At ang natatanging paraan upang mangyari iyon ay maging mabubuting miyembro tayong lahat ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa Mga Huling Araw at mabuklod sa pamamagitan ng banal na pagkasaserdote sa templo. Hindi ito ang simbahan ng branch president. Ito ang Simbahan ni Jesucristo. Hindi natin hahayaan ang sinumang tao o anumang sakit o kahihiyan o kapalaluan na humadlang sa pagsasama-sama natin magpakailanman. Sa susunod na Linggo, babalik tayo sa simbahan. Lalayo tayo sa iba hanggang sa matuklasan na ang sakit ng anak nating babae, ngunit babalik tayo.”
Bumalik sila, gumaling ang kanilang anak na babae, at nabuklod ang pamilya sa Laie Hawaii Temple nang ito ay maitayo na. Ngayon, mahigit sa 100 kaluluwa ang tumatawag sa kanilang ama, lolo, at lolo-sa-tuhod na pinagpala dahil itinuon niya ang kanyang mga mata sa walang hanggan.25
Ang huling aspeto ng pagiging matatag sa pagpapatotoo kay Jesus na babanggitin ko ay ang ating indibiduwal na pagsisikap para sa personal na kabanalan. Si Jesus ang ating Manunubos,26 at sumasamo Siyang, “Magsisi, kayong lahat na nasa mga dulo ng mundo, at lumapit sa akin at magpabinyag sa aking pangalan, upang kayo ay magawang-banal sa pamamagitan ng pagtanggap sa Espiritu Santo, upang kayo ay makatayong walang bahid-dungis sa aking harapan sa huling araw.”27
Inilarawan ni propetang Mormon ang isang grupo ng mga Banal na nagsikap sa ganitong paraan kahit na sila ay “lumusong sa labis na pagdurusa”:28
“Gayunpaman, sila ay madalas na nag-ayuno at nanalangin, at tumibay nang tumibay sa kanilang pagpapakumbaba, at tumatag nang tumatag sa kanilang pananampalataya kay Cristo, hanggang sa mapuspos ang kanilang mga kaluluwa ng kagalakan at kasiyahan, oo, maging hanggang sa pagpapadalisay at sa pagpapakabanal ng kanilang mga puso, kung aling pagpapakabanal ay napasakanila dahil sa pagsuko ng kanilang mga puso sa Diyos.”29 Itong dakilang pagbabago ng puso—pagbaling ng ating mga puso sa Diyos at pagkasilang na muli sa espiritu sa pamamagitan ng biyaya ng Tagapagligtas—ang siyang hinahanap natin.30
Ang aking paanyaya ay na kumilos ngayon upang masiguro ninyo ang inyong lugar bilang isa sa matatatag sa pagpapatotoo kay Jesus. Dahil maaaring kailanganin ang pagsisisi, “huwag ninyong ipagpaliban ang araw ng inyong pagsisisi,”31 hanggang “sa oras na hindi ninyo inaakala ang tag-init ay palipas na, at ang pag-aani ay nakaraan na, at ang inyong mga kaluluwa ay hindi ligtas.”32 Maging masigasig sa pagtupad sa inyong mga tipan sa Diyos. Huwag “magdamdam dahil sa kahigpitan ng salita.”33 “Pakatandaan na panatilihing laging nakasulat ang pangalan [ni Cristo] sa inyong mga puso, … nang [maaaring] inyong marinig at makilala ang tinig ng tatawag sa inyo, at gayundin, ang pangalang kanyang itatawag sa inyo.”34 At huli, “pagpasiyahan ito sa inyong puso, na gagawin ninyo ang mga bagay na ituturo [ni Jesus], at iuutos sa inyo.”35
Nais ng ating Ama na ang lahat ng Kanyang mga anak ay maging masaya sa buhay na walang hanggan kasama Niya sa Kanyang kahariang selestiyal. Si Jesus ay namatay at nabuhay na mag-uli upang gawing posible iyon. Siya ay “umakyat na sa langit, at umupo sa kanang kamay ng Diyos, upang angkinin sa Ama ang kanyang mga karapatan sa awa na mayroon Siya sa mga anak ng tao.”36 Nananalangin ako na tayo ay pagpalain ng nag-aalab na pagpapatotoo sa ating Panginoong Jesucristo, magalak at maging matatag sa pagpapatotoong iyon, at patuloy na matamasa ang mga bunga ng Kanyang biyaya sa ating mga buhay. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.