Tiwala sa Tipan sa Pamamagitan ni Jesucristo
Kapag pumasok tayo sa bahay ng Panginoon, sinisimulan natin ang isang sagradong paglalakbay sa pagkatuto na maging mas dalisay at mas banal na mga disipulo ni Cristo.
Mahal kong mga kapatid, dalangin ko na tayo ay espirituwal na mapasigla ng inspiradong mga mensahe mula sa ating mga lider ngayong Sabado at Linggo at magalak sa nais kong tawagin na “tiwala sa tipan sa pamamagitan ni Jesucristo.” Ang tiwalang ito ay ang tahimik ngunit tiyak na pangakong matatanggap ng mga tutupad sa kanilang mga tipan ang mga pagpapalang ipinangako ng Diyos na kailangang-kailangan para sa napakaraming hamon ng ating panahon.
Ang pagtatayo ng bagong mga bahay ng Panginoon sa iba’t ibang panig ng mundo sa ilalim ng inspiradong pamumuno ni Pangulong Russell M. Nelson ay nagdulot ng malaking kagalakan sa mga miyembro ng Simbahan at nagsisilbing mahalagang simbolo ng paglawak ng kaharian ng Panginoon.
Sa pagbabalik-tanaw ko sa aking nakamamanghang karanasan sa paglalaan ng Feather River California Temple nitong Oktubre, napaisip ako kung minsan ba ay nagiging mas mahalaga sa atin ang kasabikang dala ng pagkakaroon ng mga bagong templo sa ating mga lungsod at komunidad kaysa sa banal na layunin ng mga sagradong tipan na ginagawa sa templo.
Nakaukit sa harapan ng bawat templo ang mga salitang: “Kabanalan sa Panginoon.”1 Ang inspiradong mga salitang ito ay malinaw na paanyaya na kapag pumasok tayo sa bahay ng Panginoon, sinisimulan natin ang isang sagradong paglalakbay sa pagkatuto na maging mas dalisay at mas banal na mga disipulo ni Cristo. Habang tayo ay gumagawa ng mga banal na tipan sa harapan ng Diyos at nangangakong susundin ang Tagapagligtas, tumatanggap tayo ng kapangyarihang baguhin ang ating mga puso, mapanibago ang ating mga espiritu, at mapalalim ang ating kaugnayan sa Kanya. Ang gayong gawain ay nagpapabanal sa ating kaluluwa at nagbibigkis sa atin sa Diyos at kay Jesucristo, na nangangakong matatanggap natin ang kaloob na buhay na walang hanggan.2 Ang bunga ng sagradong paglalakbay na ito ay ang pagtanggap natin ng mas banal at mas dalisay na tiwala sa ating pang-araw-araw na buhay dahil sa mga tipang ginawa natin sa pamamagitan ni Jesucristo.
Ang gayong tiwala ay ang pinakasukdulan ng ating banal na koneksyon sa Diyos at matutulungan tayo nito na magkaroon ng higit na debosyon at pasasalamat kay Jesucristo at sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Pinagtitibay nito ang ating kakayahang mahalin at paglingkuran ang iba, at pinalalakas nito ang ating mga kaluluwa na makapamuhay sa isang makasalanang mundo na patuloy na nagiging mapanglaw at nakapanlulumo. Ito ay nagbibigay sa atin ng lakas na madaig ang pangamba, takot, pagkabigo, at kawalan ng pag-asa na itinitimo sa ating mga puso ng kalaban, lalo na kapag mahirap ang buhay, matagal ang mga hamon, o mabibigat ang ating mga suliranin. Isang talata sa Biblia ang nagbibigay ng matalinong payo para sa bawat isa sa atin kapag nahaharap tayo sa mga hamon ng ating panahaon: “Kaya’t huwag ninyong itakuwil ang inyong pagtitiwala.”3
Mahal kong mga kapatid, ang mga taong nagkaroon ng tunay na tiwala sa mga tipan na ginawa sa bahay ng Panginoon sa pamamagitan ni Jesucristo ay nagtataglay ng isa sa mga pinakamakapangyarihang pwersa na maaari nating matanggap sa buhay na ito.
Sa ating pag-aaral ng Aklat ni Mormon sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin ngayong taon, nasaksihan natin kung paano naranasan ni Nephi ang ganitong uri ng kapangyarihan ng tiwala sa tipan sa pamamagitan ng kanyang katapatan noong siya ay naharap sa mga problema at pagsubok tulad ng pagkuha ng mga lamina na ipinag-utos ng Panginoon. Bagama’t lubhang ikinalungkot ang takot at kakulangan ng pananampalataya nina Laman at Lemuel, si Nephi ay nanatiling may tiwala na ibibigay ng Panginoon sa kanila ang mga lamina. Sinabi niya sa kanyang mga kapatid, “Yamang ang Panginoon ay buhay, at yamang tayo ay nabubuhay, hindi tayo bababa sa ating ama sa ilang hangga’t hindi natin naisasagawa ang bagay na ipinag-uutos ng Panginoon sa atin.”4 Dahil sa tiwala ni Nephi sa mga pangako ng Panginoon, nagawa niya ang ipinag-utos sa kanya.5 Kalaunan sa kanyang pangitain, nakita ni Nephi ang ganitong tiwala, kaya isinulat niya, “Ako, si Nephi, ay namasdan ang kapangyarihan ng Kordero ng Diyos, na ito ay napasa mga banal ng simbahan ng Kordero, at sa mga pinagtipanang tao ng Panginoon, … at nasasandatahan sila ng katwiran at ng kapangyarihan ng Diyos sa dakilang kaluwalhatian.”6
Nakita ko mismo ang pagdaloy ng mapagmahal na mga pangako at kapangyarihan ng Panginoon sa buhay ng mga anak ng Diyos, na nagpapalakas sa kanila para harapin ang mga hamon ng buhay. Noong isang araw lamang, umuwi ang aking asawa pagkatapos niyang sumamba sa templo at sinabi sa akin kung gaano siya naantig ng kanyang naranasan doon. Pagpasok niya sa bahay ng Panginoon, nakakita siya ng lalaki sa wheelchair na mabagal ang pag-usad at isang babaing nakatungkod na hirap maglakad, at silang dalawa ay buong tapang na nagpunta para sambahin ang Panginoon sa Kanyang bahay. Habang naglalakad ang aking asawa papasok sa may silid ng initiatory, nakakita siya ng isang sister na putol ang isang braso—at ang isang braso naman ay hindi kumpleto—na matapat at masigasig na isinasagawa ang anumang gawaing iniatas sa kanya.
Habang pinag-uusapan namin ng aking asawa ang karanasang ito, napagtanto namin na tanging ang dalisay at taos-pusong tiwala sa walang-hanggang mga pangako na ibinibigay ng Diyos sa pamamagitan ng mga banal na pangakong ginawa sa Kanya sa Kanyang bahay ang magbubunsod sa kamangha-manghang mga disipulo na iyon ni Cristo, sa kabila ng mga sitwasyon nila sa buhay, na lisanin ang kanilang tahanan noong napakalamig na araw na iyon.
Mahal kong mga kaibigan, kung mayroong isang bagay na maaari nating taglayin—at isang bagay na maaari nating ipasa sa ating mga anak at mga apo na makatutulong sa kanila sa mga pagsubok na darating—ito ay ang tiwala sa tipan sa pamamagitan ni Jesucristo. Ang pagtataglay ng gayong kaloob mula sa langit ay tutulong sa kanila na mamuhay tulad ng ipinangako ng Panginoon sa Kanyang matatapat na tagasunod: “Ang aking mga disipulo ay tatayo sa mga banal na lugar, at hindi matitinag.”7
Paano tayo magkakaroon ng gayong tiwala sa pamamagitan ni Jesucristo? Dumarating ito sa pamamagitan ng pagpapakumbaba, pagtuon ng ating buhay sa Tagapagligtas, pagsasabuhay ng mga alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo, pagtanggap ng mga ordenansa ng kaligtasan at kadakilaan, at pagiging tapat sa mga tipang ginawa natin sa Diyos sa Kanyang banal na bahay.
Sa kanyang pangwakas na mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2019, ipinaalala sa atin ng ating mahal na propeta ang tungkol sa isang mahalagang hakbang sa pagkakaroon ng tiwala sa tipan, sabi niya: “Ang indibiduwal na pagkamarapat upang makapasok sa tahanan ng Panginoon ay nangangailangan ng maraming indibiduwal na espirituwal na paghahanda. … Ang indibiduwal na pagkamarapat ay humihiling ng lubos na pagbabago ng isip at puso upang maging mas katulad ng Panginoon, maging matapat na mamamayan, maging mas mabuting halimbawa, at maging mas banal na tao.”8 Kaya nga, kung babaguhin natin ang ating paghahanda sa pagpasok sa templo, mababago natin ang ating karanasan sa templo, na magpapabago sa ating buhay sa labas ng templo. “Sa gayon ang iyong pagtitiwala ay lalakas sa harapan ng Diyos; at ang doktrina ng pagkasaserdote ay magpadadalisay sa iyong kaluluwa gaya ng hamog mula sa langit.”9
Ang isang kakilala kong bishop ay tinatawag ang pinakamatandang klase sa Primary hindi bilang klase sa “Primary,” kundi bilang “temple preparation” class. Noong Enero, inanyayahan ng bishop ang mga miyembro ng klase at ang kanilang mga guro sa kanyang opisina, kung saan pinag-usapan nila kung paano nila gagamitin ang buong taon para maghandang makapasok sa templo. Naglaan ng panahon ang bishop para matalakay ang angkop na mga tanong sa interbyu para sa temple recommend, na pagkatapos ay isinama sa kanilang mga aralin sa Primary. Inaanyayahan niya ang mga bata na maghanda para kapag pumasok sila sa opisina ng bishop sa isang taon, sila ay tiwala, sa tipan, at handang tanggapin ang temple recommend at makapasok sa bahay ng Panginoon. Ngayong taon, ang bishop ay may apat na batang babae na sabik, handa, at may tiwala na magpunta sa templo kung kaya’t gusto nilang i-print ng bishop ang kanilang mga recommend ng 12:01 ng umaga sa unang araw ng taon.
Ang paghahanda ay hindi lang para sa mga magpupunta sa templo sa unang pagkakataon. Dapat palagi at patuloy tayong maghandang pumasok sa bahay ng Panginoon. Isang stake ang gumamit ng temang, “Nakasentro sa tahanan, sinusuportahan ng Simbahan, at patungo sa templo.” Ang salitang patungo10 ay isang kawili-wiling salita na nagsasaad ng pagtuon sa isang direksyon, at nangangahulugan din ito ng kalalabasan ng isang pagkilos. Kaya kung tayo ay patungo sa templo, tayo ay nakatuon sa templo at sa Tagapagligtas, na nagbibigay sa atin ng direksyon at katatagan habang tinitiyak nating mayroon tayong tiwala sa tipan sa pamamagitan ni Jesucristo. Kung gayon, lahat sa atin ay dapat na lubos na nakatuon sa ating susunod na iskedyul sa Panginoon sa Kanyang banal na bahay, malapit man o malayo ang templo.11
Ipinaalala sa atin ng ating mahal na propetang si Pangulong Russell M. Nelson ang mahahalagang alituntuning ito nang sinabi niya: “Ang templo ang sentro sa pagpapalakas ng ating pananampalataya at espirituwal na katatagan dahil ang Tagapagligtas at ang Kanyang doktrina ang pinakasentro ng templo. Ang lahat ng bagay na itinuturo sa templo, sa pamamagitan ng mga tagubilin at ng Espiritu, ay nakadaragdag sa pagkaunawa natin tungkol kay Jesucristo. Ang Kanyang mahahalagang ordenansa ang nagbibigkis sa atin sa Kanya sa pamamagitan ng mga sagradong tipan ng priesthood. Pagkatapos, kapag tinupad natin ang ating mga tipan, pagkakalooban Niya tayo ng Kanyang nagpapagaling at nagpapalakas na kapangyarihan. At, talagang kakailanganin natin ang Kanyang kapangyarihan sa mga darating na araw.”12
Nais ng Tagapagligtas na tayo ay maging handa at malinaw na maunawaan kung paano talaga tayo kikilos kapag gumawa na tayo ng mga tipan sa ating Ama sa Langit sa Kanyang pangalan. Nais Niya na tayo ay maging handa na maranasan ang ating mga pribilehiyo, pangako, at responsibilidad; maging handang taglayin ang mga espirituwal na kaalaman at kabatiran na kailangan natin sa buhay na ito. Alam ko na kapag nakita ng Panginoon ang kahit mumunting pagnanais o matwid na pagkilos ayon sa ating kahandaang ituon ang ating buhay sa Kanya at sa mga ordenansa at tipan na ginawa natin sa Kanyang bahay, pagpapalain Niya tayo, sa Kanyang perpektong paraan, ng mga himala at magiliw na awa na kailangan natin.
Tayo ay maaaring maging mas dalisay at mas banal sa bahay ng Panginoon. Kaya kapag lumabas tayo ng templo, na binago ng ating pag-asa sa mga pangako ng mga tipan, na taglay ang kapangyarihang mula sa kaitaasan, dinadala natin ang diwa ng templo sa ating mga tahanan at buhay. Tinitiyak ko sa inyo na ang pagtataglay ng diwa ng bahay ng Panginoon ay lubos na magpapabago sa atin.
Nalaman din natin sa templo na kung nais nating lubusang madama ang Espiritu ng Panginoon sa ating buhay, hindi tayo dapat magkaroon ng hindi mabuting damdamin sa kahit kanino man. Ang pagbibigay ng puwang sa ating puso’t isipan para sa sama ng loob ay magbubunga ng hindi magandang salita at kilos, sa social media man o sa ating mga tahanan, na magiging dahilan para lumayo sa atin ang Espiritu ng Panginoon. Kaya’t huwag ninyong hayaang mawala ang inyong tiwala, sa halip ay pagtibayin pa ito.
Ang patuloy at mas pinabilis na pagtatayo ng mga templo ay patuloy na magpapasabik, magbibigay-inspirasyon, at magpapala sa atin. Ngunit ang mas mahalaga ay kung babaguhin natin ang ating paghahanda sa pagpasok sa templo, mababago natin ang ating karanasan sa templo, na magpapabago sa ating buhay sa labas ng templo. Ang pagbabagong ito nawa’y maghatid sa atin ng tiwala sa mga banal na tipang ginawa natin sa Diyos sa pamamagitan ni Jesucristo. Buhay ang Diyos, si Jesucristo ang ating Tagapagligtas, at ito ang Kanyang ipinanumbalik na Simbahan sa mundo. Buong pagpipitagan kong ipinahahayag ang mga katotohanang ito sa sagradong pangalan ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo, amen.