Mga Himala, Anghel, at Kapangyarihan ng Priesthood
Kung nais ninyong matanggap ang mga pagpapala ng priesthood, pati na ang mga himala at paglilingkod ng mga anghel, tahakin ang landas ng mga tipan na inilatag ng Diyos.
Marami ngayon ang nagsasabi na wala nang mga himala, na kathang-isip lang ang mga anghel, at sarado na ang kalangitan. Pinatototohanan ko na hindi tumitigil ang mga himala, na may mga anghel sa ating paligid, at tunay na bukas ang kalangitan.
Noong narito pa sa lupa ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo, ipinagkaloob Niya ang mga susi ng priesthood sa Kanyang punong Apostol na si Pedro.1 Sa pamamagitan ng mga susing ito, pinamunuan ni Pedro at ng iba pang mga Apostol ang Simbahan ng Tagapagligtas. Subalit nang mamatay ang mga Apostol, binawi ang mga susi ng priesthood sa daigdig.
Pinatototohanan ko na naipanumbalik na ang mga sinaunang susi ng priesthood. Nagpakita kay Propetang Joseph Smith sina Pedro, Santiago, at Juan at iba pang mga sinaunang propeta bilang mga nilalang na nabuhay na mag-uli, at ipinagkaloob ang inilarawan ng Panginoon na “mga susi ng aking kaharian, at dispensasyon ng ebanghelyo.”2
Ang mga susi ring iyon ay ipinapasa nang propeta sa propeta hanggang ngayon. Ang mga iyon ay ginagamit ng 15 kalalakihan na sinang-ayunan natin bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag upang pamunuan ang Simbahan ng Tagapagligtas. Tulad noong sinaunang panahon, may isang senior na Apostol na may hawak at awtorisadong gumamit sa lahat ng susi ng priesthood. Siya si Pangulong Russell M. Nelson, propeta at Pangulo ng ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo sa ating panahon: Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Sa pamamagitan ng Simbahan ng Tagapagligtas, natatanggap natin ang mga pagpapala ng priesthood—kabilang na ang kapangyarihan ng Diyos na tumutulong sa atin sa ating buhay. Sa ilalim ng awtoridad ng mga susi ng priesthood, gumagawa tayo ng mga sagradong pangako sa Diyos at tumatanggap ng mga sagradong ordenansa na naghahanda sa atin na mamuhay sa Kanyang piling. Simula sa binyag at kumpirmasyon, at pagkatapos sa templo, sumusulong tayo sa isang landas ng mga tipan na umaakay sa atin pabalik sa Kanya.
Sa pagpapatong ng mga kamay sa ating ulo, tumatanggap din tayo ng mga basbas ng priesthood, kabilang na ang patnubay, kapanatagan, payo, pagpapagaling, at kakayahang tularan si Jesucristo. Buong buhay na pinagpala ako ng dakilang kakayahang ito. Tulad ng inihayag sa banal na kasulatan, ito ang tinutukoy natin na kapangyarihan ng banal na Pagkasaserdoteng Melquisedec.3
Noong kabataan ko, nagkaroon ako ng malaking paggalang sa kapangyarihang ito, lalo na’t nakita ko ang mga pagpapala ng priesthood. Habang naglilingkod ako noon bilang isang batang missionary sa Chile, kami ng kompanyon ko ay inaresto at nagkahiwalay. Walang nagsabi sa amin kung bakit. May malaking kaguluhan nang mga panahong iyon sa politika. Libu-libong tao ang dinala sa kustodiya ng pulis-militar at hindi na muling nakita pa.
Matapos tanungin, naupo akong mag-isa sa isang selda ng kulungan, hindi alam kung makikita ko pang muli ang mga mahal ko sa buhay. Bumaling ako sa aking Ama sa Langit, taimtim na nagsusumamo: “Ama, noon pa man ay itinuturo na sa akin na binabantayan po Ninyo ang Inyong mga missionary. Pakiusap, Ama, hindi po ako espesyal, pero naging masunurin naman po ako at kailangan ko po ang tulong Ninyo ngayong gabi.”
Bago iyon, ang mga binhi ng tulong na ito ay maraming taon nang naitanim. Matapos binyagan, kinumpirma akong miyembro ng Simbahan at binigyan ng kaloob na Espiritu Santo. Habang nagdarasal ako, nag-iisa sa likod ng mga rehas, agad na nadama ko ang Espiritu Santo at napanatag ako. Ipinaalala niya sa akin ang isang napaka-espesyal na talata mula sa aking patriarchal blessing, na isa pang pagpapala ng priesthood. Doon, nangako ang Diyos sa akin na dahil sa aking katapatan, mabubuklod ako sa templo sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan sa isang babaeng sakdal ganda at mabait at mapagmahal, na kami ay magiging mga magulang ng katangi-tanging mga anak, at na ako ay pagpapalain at makikilala bilang isang ama sa Israel.
Ang mga inspiradong salitang iyon na patungkol sa aking buhay sa hinaharap ay pumuspos ng kapayapaan sa aking kaluluwa. Alam ko na nagmula ang mga ito sa aking mapagmahal na Ama sa Langit, na laging tumutupad sa Kanyang mga pangako.4 Nang sandaling iyon, natiyak ko na makalalaya ako at mabubuhay para makita ang katuparan ng mga pangakong iyon.
Pagkalipas ng mga isang taon, biniyayaan ako ng Ama sa Langit ng isang asawang sakdal ganda at mabait at mapagmahal. Kami ni Lynette ay nabuklod sa templo. Biniyayaan kami ng tatlong anak na lalaki at apat na anak na babae na katangi-tangi. Naging ama ako, ayon sa lahat ng pangako ng Diyos sa patriarchal blessing na natanggap ko noong 17 taong-gulang ako.
“Anupa’t mga minamahal kong kapatid, tumigil na ba ang mga himala dahil sa si Cristo ay umakyat na sa langit? …
“… Hindi, ni ang mga anghel ay hindi tumitigil sa paglilingkod sa mga anak ng tao.”5
Pinatototohanan ko na patuloy na may nagaganap na mga himala at paglilingkod sa ating buhay, kadalasan, direktang resulta ito ng kapangyarihan ng priesthood. Ang ilang pagpapala ng priesthood ay agad na natatanggap sa mga pamamaraang nakikita at nauunawaan natin. Ang iba ay dahan-dahang natatamo at hindi lubusang nakakamit sa buhay na ito. Ngunit laging tumutupad ang Diyos sa lahat ng Kanyang pangako, tulad ng inilarawan sa salaysay na ito mula sa kasaysayan ng aming pamilya:
Ang lolo ko sa ama na si Grant Reese Bowen ay isang taong may malaking pananampalataya. Malinaw ko pang naaalala na narinig ko siyang nagkukuwento kung paano niya natanggap ang sarili niyang patriarchal blessing. Sa kanyang journal, itinala niya: “Ipinangako sa akin ng patriarch ang kaloob na pagpapagaling. Sinabi niya, ‘Ang maysakit ay gagaling. Oo, babangon ang patay sa ilalim ng iyong mga kamay.’”
Lumipas ang mga taon, nang minsang nagbubunton ng mga dayami si Lolo, may damdaming nagpahiwatig sa kanya na bumalik sa bahay. Nakasalubong niya ang kanyang ama na naglalakad papunta sa kanya. “Grant, kamamatay lang ng nanay mo,” sabi ng kanyang tatay.
Magbabasa akong muli mula sa journal ng Lolo ko: “Hindi ako huminto, sa halip, nagmadali akong makarating ng bahay at pumaroon sa balkonahe sa harap kung saan siya nakahimlay sa isang higaan. Pinagmasdan ko siya at nakita ko na wala nang tanda na buhay pa siya. Naalala ko ang aking patriarchal blessing at ang pangako na kung ako ay tapat, sa pamamagitan ng aking pananampalataya ay gagaling ang maysakit; at babangon ang patay. Ipinatong ko ang aking mga kamay sa ulo niya, at sinabi ko sa Panginoon na kung totoo ang pangakong binitiwan Niya sa akin sa pamamagitan ng patriarch noon, na nawa’y matupad ito sa oras na ito at muling buhayin ang nanay ko. Nangako ako sa Kanya na kung gagawin Niya ito, hindi ako kailanman mag-aatubiling gawin ang lahat ng aking makakaya para sa pagtatayo ng Kanyang kaharian. Habang nagdarasal ako, iminulat niya ang kanyang mga mata at nagsabing, ‘Grant, ibangon mo ako. Naroon na ako sa daigdig ng mga espiritu, pero pinabalik mo ako. Nawa’y lagi itong magsilbing patotoo sa iyo at sa buong pamilya ko.’”
Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson sa atin na hangarin at asahang mangyayari ang mga himala.6 Pinatototohanan ko na dahil ipinanumbalik ang priesthood, ang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos ay narito sa lupa. Sa pamamagitan ng mga calling at council, ang mga lalaki at babae, bata at matanda, ay maaaring lumahok sa gawain ng priesthood. Ito ay paggawa ng mga himala na dinadaluhan ng mga angel. Ito ang gawain ng langit, at pinagpapala nito ang lahat ng anak ng Diyos.
Noong 1989, pito kami sa pamilya ang papauwi na mula sa isang ward outing. Malalim na ang gabi noon. Ipinagbubuntis ni Lynette ang pang-anim naming anak. Nakadama siya ng malakas na pahiwatig na mag-seat belt siya, na nakalimutan niyang gawin. Hindi katagalan pagkatapos niyon, tumatahak na kami sa isang kurbada ng kalsada; isang kotse ang tumawid sa linya namin. Mga 70 milya (112 km) kada oras ang takbo ko, kinabig ko ang manibela upang iwasang mabangga ang paparating na kotse. Nagpagulung-gulong ang van namin, dumausdos pababa ng highway, lumihis ng kalsada, at huminto sa wakas, na lumagapak sa putikan ang gilid ng pasaherong katabi ng drayber.
Ang sumunod na naalala ko ay narinig ko ang tinig ni Lynette: “Shayne, kailangan nating lumabas sa pintuan sa gawi mo.” Nakabitin ako sa hangin sa seat belt ko. Ilang segundo rin bago ako nahimasmasan. Sinimulan naming isa-isang ilabas ng van ang mga bata sa gawi ko ng pintuan ng kotse na bubong na ngayon ng van. Nag-iiyakan sila, nag-iisip kung ano ang nangyari.
Hindi nagtagal, napansin namin na nawawala ang aming 10 taong-gulang na anak na si Emily. Pasigaw na tinawag namin ang pangalan niya, ngunit walang sumagot. Ang mga miyembro ng ward na nagbibiyahe rin pauwi noon ay naroon at tarantang hinahanap siya. Napakadilim noon. Muli kong tiningnan ang van gamit ang isang flashlight at, laking takot ko nang makita ang maliit na katawan ni Emily na naipit sa ilalim ng van. Desperado kong naibulalas, “Kailangan nating iangat ang van mula sa pagkakadagan kay Emily.” Hinawakan ko ang bubong ng kotse at hinila ito. Iilan lamang ang naroon para iangat ang van, gayunman, mahimalang naibalikwas ito sa mga gulong nito na naglantad sa wala nang buhay na katawan ni Emily.
Hindi na humihinga si Emily. Ang mukha niya ay kulay-ube na. Sinabi ko, “Kailangan natin siyang basbasan.” Isang mabuting kaibigan at ka-miyembro sa ward ang lumuhod na kasama ko, at sa pamamagitan ng awtoridad ng Melchizedek Priesthood, sa pangalan ni Jesucristo, inutusan namin siyang mabuhay. Nang sandaling iyon, humugot ng mahabang hinga si Emily.
Matapos ang tila maraming oras na lumipas, dumating din sa wakas ang ambulansya. Isinugod sa ospital si Emily. Bumigay ang kanyang baga at may litid na naputol sa tuhod niya. Ang posibilidad na magkaroon siya ng pinsala sa utak dahil sa panahong nawalan siya ng oxygen ay nagdulot din ng pangamba. Isa’t kalahating araw na na-coma si Emily. Patuloy kaming nanalangin at nag-ayuno para sa kanya. Pinagpala siya na lubusang gumaling. Ngayon, si Emily at ang kanyang asawang si Kevin ay mga magulang ng anim na anak na babae.
Mahimalang nakaligtas ang lahat sa aksidente. Ang sanggol na nasa sinapupunan noon ni Lynette ay si Tyson. Siya rin ay naligtas sa anumang pinsala at isinilang nang sumunod na Pebrero. Pagkalipas ng walong buwan, pagkatanggap ng kanyang katawang-lupa, bumalik sa piling ng Ama sa Langit si Tyson. Siya ang aming guardian angel na anak. Nadarama namin ang impluwensiya niya sa aming pamilya at umaasa kami na muli namin siyang makakapiling.7
Napansin ng mga nag-angat ng van na nakadagan kay Emily na tila walang bigat ang van. Alam kong tumulong ang mga anghel sa langit sa mga anghel sa lupa upang iangat ang sasakyan mula sa pagkakadagan sa katawan ni Emily. Alam ko rin na muling nabuhay si Emily sa pamamagitan ng kapangyarihan ng banal na priesthood.
Ang katotohanang ito ay inihayag ng Panginoon sa Kanyang mga tagapaglingkod: “Ako ay magpapauna sa inyong harapan. Ako ay papasainyong kanang kamay at sa inyong kaliwa, at ang aking Espiritu ay papasainyong mga puso, at ang aking mga anghel ay nasa paligid ninyo, upang dalhin kayo.”8
Pinatototohanan ko na “ang Banal na Pagkasaserdote, alinsunod sa Orden ng Anak ng Diyos”9—ang Melchizedek Priesthood—kalakip ang mga susi, awtoridad, at kapangyarihan nito ay ipinanumbalik sa mundo sa mga huling araw na ito. Alam ko na bagama’t hindi lahat ng sitwasyon ay umaayon sa inaasahan at ipinapanalangin natin, ang mga himala ng Diyos ay laging magaganap ayon sa Kanyang kalooban, Kanyang takdang panahon, at Kanyang plano para sa atin.
Kung nais ninyong matanggap ang mga pagpapala ng priesthood, pati na ang mga himala at paglilingkod ng mga anghel, inaanyayahan ko kayong tahakin ang landas ng mga tipan na inilatag ng Diyos para sa bawat isa sa atin. Tutulungan kayo ng mga miyembro at lider ng Simbahan na nagmamahal sa inyo na gawin ang susunod na hakbang.
Pinatototohanan ko na si Jesucristo, na Anak ng Diyos, ay buhay at pinamumunuan ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng mga buhay na propeta na may hawak at gumagamit ng mga susi ng priesthood. Ang Espiritu Santo ay totoo. Ibinigay ng ating Tagapagligtas ang Kanyang buhay upang pagalingin tayo, bawiin tayo, at iuwi tayo.
Pinatototohanan ko na hindi tumitigil ang mga himala, na may mga anghel sa ating paligid, at bukas ang kalangitan. At talagang bukas ang mga ito! Sa pangalan ni Jesucristo, amen.