Isang Talaan ng mga Bagay na Aking Kapwa Nakita at Narinig
Wala nang mas mainam na panahon para maging miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw kaysa ngayon.
Noong makapagtapos ako sa law school, pinili namin ng aking asawang si Marcia na magtrabaho sa isang law firm na nakatuon sa mga batas ng paglilitis. Nang simulan ko ang aking on-the-job training, maraming oras ang ginugol ko sa paghahanda sa mga saksi na magpapatotoo sa paglilitis. Mabilis kong natutuhan na ang mga katotohanan ay natutukoy sa korte habang ang mga saksing nanumpa ay nagpapatotoo sa katotohanan ng kanilang mga nakita at narinig. Habang nagpapatotoo ang mga saksi, ang kanilang mga salita ay kapwa itinatala at iniingatan. Ang kahalagahan ng mapagkakatiwalaang mga saksi ang palagi kong inuuna sa aking paghahanda.
Agad kong napagtanto na ang parehong mga salitang ginagamit ko araw-araw bilang isang abogado ay ang mga salita ring ginagamit ko sa mga pakikipag-usap ko tungkol sa ebanghelyo. Ang mga salitang “saksi” at “patotoo” ay ginagamit natin habang ibinabahagi natin ang ating kaalaman at nararamdaman tungkol sa katotohanan ng ebanghelyo ni Jesucristo.
Noong sang-ayunan ako bilang isang bagong Area Seventy, binuklat ko ang mga banal na kasulatan upang malaman ang aking mga tungkulin at binasa ang Doktrina at mga Tipan 107:25, na nagsasabing, “Ang Pitumpu ay tinawag din … na maging mga natatanging saksi sa mga Gentil at sa buong daigdig.” Tulad ng naiisip ninyo, ang aking mga mata ay natuon sa salitang “mga natatanging saksi.” Naging malinaw sa akin na mayroon akong responsibilidad na magpatotoo—na magpatotoo tungkol sa pangalan ni Jesucristo—saanman ako magtungo sa mundo.
Maraming halimbawa sa mga banal na kasulatan ng mga taong naging saksi at nagpatotoo sa kanilang mga nakita at narinig.
Nang simulan ng sinaunang propetang si Mormon ang kanyang talaan, isinulat niya, “At ngayon, ako, si Mormon, ay gumagawa ng talaan ng mga bagay na aking kapwa nakita at narinig, at tinatawag itong Aklat ni Mormon.”1
Ang mga Apostol ng Tagapagligtas na sina Pedro at Juan ay nagpagaling ng isang lalaki sa pangalan ni Jesucristo ng Nazaret.2 Nang utusang huwag magsalita sa pangalan ni Jesus, sumagot sila:
“Kung matuwid sa paningin ng Diyos na makinig muna sa inyo sa halip na sa Diyos, kayo ang humatol.
“Sapagkat hindi maaaring hindi namin sabihin ang aming nakita at narinig.”3
Ang isa pang nakaaantig na patotoo ay nagmula sa mga Banal sa Aklat ni Mormon na nakasaksi sa pagdalaw ng Tagapagligtas na si Jesucristo. Pakinggan ang paglalarawang ito ng kanilang nasaksihan: “At sa ganitong pamamaraan sila nagpatotoo: Kailanman ay hindi pa nakita ng mata, ni narinig ng tainga, ang gayong kadakila at mga kagila-gilalas na bagay na aming nakita at narinig na winika ni Jesus sa Ama.”4
Mga kapatid, ngayon ay ipinahahayag ko ang aking patotoo at gumagawa ng talaan ng aking mga nakita at narinig habang ako ay nasa sagradong ministeryo bilang isang Pitumpu ng Panginoong Jesucristo. Sa paggawa niyan, nagpapatotoo ako sa inyo tungkol sa isang mapagmahal na Ama sa Langit at sa Kanyang mabait na Anak na si Jesucristo, na nagtiis, namatay at muling bumangon upang maipagkaloob ang buhay na walang hanggan sa mga anak ng Diyos. Nagpapatotoo ako sa “isang kagila-gilalas at kamangha-manghang gawain”5 at na ang Panginoon ay nagsimulang muling ipanumbalik ang Kanyang ebanghelyo sa daigdig sa pamamagitan ng Kanyang mga buhay na propeta at apostol.6 Nagpapatotoo ako na batay sa aking mga nakita at narinig, wala nang mas mainam na panahon para maging miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw kaysa ngayon. Alam ko ito batay sa aking sariling kaalaman, hindi nakabatay sa iba pang pinagkukunan, dahil sa mga bagay na aking nakita at narinig.
Noong senior year ko sa hayskul, upang makapagtapos sa seminary, kinailangan kong matukoy ang 15 templo ng Simbahan. Ang larawan ng bawat templo ay nasa harap ng aming silid-aralan, at kinailangan kong malaman kung saan matatagpuan ang bawat isa. Ngayon, pagkaraan ng ilang taon, magiging napakahirap nang gawin ito—na tukuyin ang kada isa sa 335 templong ginagamit o inanunsyo. Personal kong nakita ang marami sa mga bahay na ito ng Panginoon at nagpapatotoo ako na ang Panginoon ay nagbibigay ng Kanyang mga pagpapala at ordenansa sa napakarami pang mga anak Niya sa buong mundo.
Itinuro sa akin ng mga kaibigan ko sa FamilySearch na mahigit sa isang milyong bagong pangalan ang idinaragdag sa FamilySearch sa araw-araw. Kung hindi ninyo nahanap ang inyong ninuno kahapon, inaanyayahan ko kayong tingnan muli bukas. Kung tungkol sa pagtitipon ng Israel sa kabilang panig ng tabing ang pag-uusapan, wala nang mas mainam na panahon para maging miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw kaysa ngayon.
Habang pinapalaki namin noon ang aming mga anak sa Twin Falls, Idaho, limitado lamang ang aming pananaw tungkol sa isang pandaigdigang Simbahan. Noong matawag ako bilang isang General Authority, naatasan kami ni Marcia na maglingkod sa Pacific Area, isang lugar na hindi pa namin napuntahan. Nagalak kaming makita ang mga stake mula sa tuktok ng New Zealand hanggang sa ibaba, na may templong nailaan noong 1958. Isa iyon sa 15 templong kinailangan kong kabisaduhin noon sa seminary. Nakita namin ang mga templo sa bawat malalaking siyudad ng Australia, na mayroong mga stake sa iba’t ibang dako ng kontinente. Nagkaroon kami ng mga tungkulin sa Samoa, kung saan mayroong 25 stake, at sa Tonga, kung saan halos kalahati ng populasyon ay mga miyembro ng Simbahan. Nagkaroon kami ng tungkulin sa isla ng Kiribati, kung saan ay may dalawang stake. Nagkaroon kami ng mga tungkulin na bisitahin ang mga stake sa Ebeye sa Marshall Islands at sa Daru sa Papua New Guinea.
Matapos ang aming paglilingkod sa Pacific Islands, itinalaga kaming maglingkod sa Pilipinas. Sa gulat ko, ang Simbahan ni Jesucristo sa Pilipinas ay lumago nang higit pa sa inaakala ko. Mayroon na ngayong 125 stake, 23 mission, at 13 templo na ginagamit o inanunsyo. Nasaksihan ko ang isang simbahan na may mahigit sa 850,000 miyembro sa bansang iyon. Paano kong hindi napansin ang pagtatatag ng Simbahan ni Cristo sa iba’t ibang dako ng mundo?
Matapos ang tatlong taon sa Pilipinas, inatasan akong maglingkod sa Missionary Department. Ang tungkulin ko ay nagdala sa amin sa mga mission sa iba’t ibang dako ng mundo. Ang pananaw ko sa pandaigdigang Simbahan ng Tagapagligtas ay labis na lumawak. Naatasan kami ni Marcia na bisitahin ang mga mission sa Asia. Nakita namin ang isang magandang stake center sa Singapore, na may kahanga-hanga at matatapat na miyembro. Binisita namin ang mga miyembro at mga missionary sa isang chapel sa Kota Kinabalu, Malaysia. Nakilala namin ang mga missionary sa Hong Kong at nakilahok sa isang napakagandang stake conference kasama ang matatapat na Banal.
Ang karanasang ito ay naulit nang makilala namin ang mga missionary at mga miyembro sa Europe, sa Latin America, Caribbean, at Africa. Napakalaki ng paglago ng Simbahan ni Jesucristo sa Africa.
Saksi ako sa patuloy na Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo at sa katuparan ng propesiya ni Joseph Smith na “ang katotohanan ng Diyos ay magpapatuloy nang may kagitingan, may pagkamaharlika, at may kalayaan, hanggang sa makapasok ito sa bawat lupalop, makadalaw sa bawat klima, makaraan sa bawat bansa, at mapakinggan ng bawat tainga.”7
Ang ating mahuhusay na missionary na ngayon ay nasa iba’t ibang dako ng daigdig ay nasa 74,000 na. Katuwang ang mga miyembro, nagbibinyag sila ng mahigit sa 20,000 tao kada buwan. Kamakailan lamang ay mga 18-, 19-, at 20-taong-gulang na mga kabataang lalaki at babae, sa tulong ng Panginoon, ang gumawa ng malaking himala ng pagtitipon na ito. Makikita natin ang mga nakababatang babae at lalaking ito sa maliliit na nayon sa Vanuatu at sa malalaking siyudad ng New York, Paris, at London. Nakita ko silang magturo tungkol sa Tagapagligtas sa mga liblib na kongregasyon sa Fiji at sa malalaking pagtitipon sa mga lugar na gaya ng Texas, California, at Florida sa United States.
Makikita ninyo ang mga missionary sa bawat sulok ng mundo na nagsasalita ng 60 iba’t ibang wika at tinutupad ang dakilang atas ng Tagapagligtas sa Mateo 28: “Sa paghayo ninyo, gawin ninyong alagad ang lahat ng mga bansa, bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo.”8 Pinupuri ko ang mga missionary ng Simbahan noon at ngayon at ipinapaalala sa ating sumisibol na salinlahi ang paanyaya ni Pangulong Russell M. Nelson na makibahagi at tipunin ang Israel.9
Nagpapatotoo ako ngayon na ang dakilang Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ng Tagapagligtas ay nakita ng aking sariling mga mata at narinig ng aking sariling mga tainga. Saksi ako sa gawain ng Diyos sa buong mundo. Wala nang mas mainam na panahon para maging miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw kaysa ngayon.
Marahil, ang pinakanakapagbibigay-inspirasyong himala ng Pagpapanumbalik na nasaksihan ko ay kayo, ang matatapat na miyembro ng Simbahan sa bawat lupain. Kayo, ang mga Banal sa Huling Araw, ay inilarawan ni Nephi sa Aklat ni Mormon nang makita niya ang ating panahon at nagpatotoo, “At ito ay nangyari na ako, si Nephi, ay namasdan ang kapangyarihan ng Kordero ng Diyos, na ito ay napasa mga banal ng simbahan ng Kordero, at sa mga pinagtipanang tao ng Panginoon, na nakakalat sa lahat ng dako ng mundo; at nasasandatahan sila ng katwiran at ng kapangyarihan ng Diyos sa dakilang kaluwalhatian.”10
Nagpapatotoo ako na nakita ng sarili kong mga mata ang nakita ni Nephi—kayo, ang mga pinagtipanang Banal sa bawat lupain, nasasandatahan ng katwiran at ng kapangyarihan ng Diyos. Habang ako ay nasa pulpito sa isa sa mga dakilang bansa sa mundo, itinimo ng Panginoon sa aking isipan ang isang bagay na itinuro ni Haring Benjamin sa Mosias 2 sa Aklat ni Mormon. Brent, “Ninanais kong inyong isaalang-alang ang pinagpala at maligayang kalagayan ng mga sumusunod sa mga kautusan ng Diyos. Sapagkat dinggin, sila ay pinagpala sa lahat ng bagay, kapwa temporal at espirituwal.”11
Nagpapatotoo ako sa inyo na nakita ito ng sarili kong mga mata at narinig ng sarili kong mga tainga nang makilala ko kayo, mga tapat na Banal ng Diyos sa iba’t ibang dako ng daigdig na sumusunod sa mga kautusan. Kayo ang mga pinagtipanang anak ng Ama. Kayo ay mga disipulo ni Jesucristo. Alam din ninyo ang alam ko dahil natanggap ninyo ang inyong personal na patotoo sa katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Itinuro ng Tagapagligtas, “Ngunit mapapalad ang inyong mga mata, sapagkat ang mga ito’y nakakakita; at ang inyong mga tainga, sapagkat ang mga ito’y nakakarinig.”12
Sa ilalim ng pamamahala ng Panginoon at sa pamumuno ng Kanyang mga propeta at apostol, patuloy tayong maghahanda ng mga missionary, gagawa at tutupad ng mga sagradong tipan, magtatatag ng Simbahan ni Cristo sa buong mundo, at tatanggap ng mga pagpapalang dumarating habang tayo ay sumusunod sa mga kautusan ng Diyos. Tayo ay nagkakaisa. Tayo ay mga anak ng Diyos. Kilala natin Siya at mahal natin Siya.
Sumasama ako sa inyo, aking mga kaibigan, habang nagkakaisa tayong nagpapatotoo na ang mga bagay na ito ay totoo. Gumagawa tayo ng talaan ng mga bagay na kapwa natin nakita at narinig. Kayo at ako ay mga saksing nagpapatotoo. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng nagkakaisang patotoo na ito tayo ay nagpapatuloy sa pagsulong nang may pananampalataya sa Panginoong Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo. Inihahayag ko ang aking patotoo na si Jesucristo ay buhay. Siya ang ating Tagapagligtas at ating Manunubos. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.