Mga Debosyonal noong 2024
Pananalig sa Hinaharap


5:36

Pananalig sa Hinaharap

Pandaigdigang Debosyonal Para sa mga Young Adult

Linggo, Mayo 5, 2024

Maraming salamat, Elder at Sister Gilbert, sa inyong mga komento at patotoo. At talagang naaalala ko ang karanasang iyon sa Peru at ang iyong mga turo at kung gaano kami kapalad at dahil iyon sa mga itinuro mo noon.

Nais kong wakasan ang aking mga komento sa isang salita: pag-asa.

Naniniwala ako na mas madali para sa atin na mas nakatatanda na kilalanin ang kamay ng Panginoon sa ating buhay kaysa sa mga mas nakababata. Dahil mas maraming taon na tayong nabubuhay at mas marami tayong karanasan sa ating nakaraan, nagagawa nating gunitain at makita ang impluwensya ng isang mapagmahal na Ama sa Langit para gabayan at protektahan tayo sa buong buhay natin.

Sa paggunita ngayon, kinikilala ko na sa maraming sandali na inakala kong nag-iisa ako, hindi pala. Nakikita ko ngayon na kapag sumara ang ilang pintuan ng oportunidad at nagtataka ako kung bakit at nagrereklamo tungkol doon, kapag naisip ko na hindi nasasagot ang aking mga dalangin, ang totoo, isa pang pintuan, sa isa pang sandali, o sa isa pang lugar ang nabubuksan patungo sa isang mas mabuting landas. Ngunit hindi ko naunawaan iyon noong mga panahong iyon. Nauunawaan ko na iyon ngayon, habang ginugunita iyon.

Sa iba pang mga sandali, akala ko ako lang ang gumagawa ng matatalinong desisyon o kasama ko si Mônica, naniniwala na ako ang taong matalino na bumubuo ng maganda kong hinaharap. Nakikita ko na ngayon ang lihim na impluwensyang gumagabay at nagpoprotekta sa akin mula sa mga posibleng pagkakamali. Nakikita ko na lagi pala Siyang naroon para sa akin.

Kaya nga mapapatotohanan ko na mayroon tayong isang Ama sa Langit na kilala at mahal tayo. Mapapatotohanan ko na mayroon tayong isang Tagapagligtas na mahal tayo at handa tayong tulungan sa anumang sitwasyon natin sa buhay.

Kung minsan, maaaring iniisip ng ilan sa inyo na walang nakakaalam kung ano ang pinagdaraanan ninyo sa buhay, at siguro nga’y tama kayo; wala nga. Ngunit alam iyan ng Panginoon. Itinuro sa atin ni Elder Bednar:

“Walang sakit ng katawan, walang paghihirap ng kaluluwa, walang pagdurusa ng espiritu, walang karamdaman o kahinaan tayong nararanasan sa buhay na hindi muna naranasan ng Tagapagligtas. Kayo at ako sa sandali ng kahinaan ay maaaring magsabing, ‘Walang nakauunawa. Walang nakaaalam.’ Walang sinuman, marahil, ang nakakaalam. Ngunit lubos na alam at nauunawaan iyan ng Anak ng Diyos, dahil dinanas at pinasan Niya ang ating mga pasanin bago pa natin naranasan ang mga iyon. At dahil binayaran at pinasan Niya ang pasaning iyan, lubos ang Kanyang pagdamay at maiuunat Niya ang Kanyang bisig ng awa sa napakaraming aspeto ng ating [buhay].”

Sa Alma 7 nalaman natin kung paano at bakit ibinibigay ng Tagapagligtas ang ganitong uri ng tulong.

“At siya ay hahayo, magdaranas ng mga pasakit at hirap at lahat ng uri ng tukso; at ito ay upang matupad ang salita na nagsabing dadalhin niya sa kanyang sarili ang mga pasakit at ang mga sakit ng kanyang mga tao.”

Sa gayon, nagdusa ang Tagapagligtas hindi lamang para sa ating mga kasamaan, kundi nagdusa rin para sa kawalang-katarungan, sakit, dalamhati, at lahat ng sakit ng damdamin na maaari nating pagdaanan sa buhay.

At nagtapos si Alma:

“At dadalhin niya sa kanyang sarili ang kamatayan, upang makalag niya ang mga gapos ng kamatayan na gumagapos sa kanyang mga tao; at dadalhin niya ang kanilang mga kahinaan, upang ang kanyang sisidlan ay mapuspos ng awa, ayon sa laman, upang malaman niya nang ayon sa laman kung paano tutulungan ang kanyang mga tao alinsunod sa kanilang mga kahinaan.”

Mayroon akong personal na patotoo sa tulong na ito ng langit. Naranasan ko na ito noong kabataan ko, sa aming mag-asawa, sa aking pagiging magulang, at sa aking pamumuno. Alam ko na ang aking Tagapagligtas ay buhay at sa pamamagitan ng Kanyang biyaya at mga pagpapala ng Kanyang Pagbabayad-sala, maaari tayong magkaroon ng pag-asa at kagalakan sa buhay na ito at ng walang-hanggang pamilya sa kabilang-buhay.

Pinatototohanan ko ito nang buong pagmamahal, sa pangalan ni Jesucristo, amen.