2021
Protektahan ang mga Pribadong Sandali
Abril 2021


“Protektahan ang mga Pribadong Sandali,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Abr. 2021, 22–25.

Protektahan ang mga Pribadong Sandali

Itinuro sa akin ng tatay ko ang kahalagahan ng paggamit ng oras ko sa paggawa ng mabubuting bagay sa halip na iwasan lamang ang masasamang bagay.

mag-ama

Larawang kuha ni Cody Bell

Noong 13 anyos ako, nakatira ang pamilya ko sa ari-arian sa Granger, Utah, at tuwing Sabado ng umaga, gumigising kami ng nakatatanda kong kapatid na lalaki para simulan ang aming mga gawaing-bahay. Isang araw ng Sabado, ang gawain ko ay magtabas ng damo sa bakuran. Malaki ang aming bakuran, kaya kinailangan kong gumising nang napakaaga para matapos ko ito bago tumindi ang sikat ng araw.

Habang inililigpit ko ang lawn mower sa lalagyan nito nang makatapos ako, narinig kong sumara ang pintuan sa likod ng aming tahanan. Tumingala ako at nakita kong sumesenyas sa akin ang tatay ko na lumapit ako at maupo sa tabi niya sa mga baitang sa likod ng aming tahanan. Magkatabi kaming naupo na magkadikit ang aming mga balikat, habang hinahangaan ang magandang pagsikat ng araw, habang hinihintay kong kausapin niya ako.

Pagtingin sa Hinaharap

Ilang sandali pa ay sinabi niya sa akin na, “Anak, sabihin mo sa akin ang gusto mong gawin sa buhay mo. Ano ang mga mithiin mo? Ano ang naiisip mo tungkol sa hinaharap?

Sinabi ko sa kanya ang aking mga mithiin at pangarap, pati na ang mga bagay na tulad ng mga gagawin ko sa isports at pagiging isang abugado. Nang matapos ako, sabi niya, “Napakaganda niyan. Magagawa mo ang anumang bagay sa buhay na ito sa tulong ng ating Ama sa Langit.”

Pagkatapos ay sinabi niya, “Anak, may gusto akong sabihin sa iyo, at gusto kong malaman mo na ipinagdasal ko ang tungkol sa ibabahagi ko sa iyo ngayon. At ipinagdasal ko na ang mensaheng ibibigay ko sa iyo ay matatak sa iyong kaluluwa.

“Ang sasabihin ko sa iyo ay lubos na makakaapekto sa pagharap mo sa mga hamon at mga kalungkutan na tiyak na makakaharap mo sa iyong buhay. At maiimpluwensyahan nito kung paano mo haharapin ang mga tagumpay mo sa buhay nang higit kaysa anupamang bagay na alam kong sabihin sa iyo.”

Payo ni Itay: Protektahan ang mga Pribadong Sandali

Huminto siya sandali, at sabik kong hinintay na malaman kung ano ang napakagandang payo na ito.

Protektahan mo ang mga pribadong sandali ng iyong buhay,” sabi niya. “Alam mo ang mga sandaling iyon sa buhay mo kapag iniisip mong, ‘Wala namang ibang tao sa paligid, walang ibang nakakaalam ng ginagawa ko, at wala sa gagawin ko sa sandaling ito ang magkakaroon ng negatibong epekto sa sinuman’? Alam mo ang mga panahon na iyon?

“Ang ginagawa mo sa mga sandaling iyon, sa mga pribadong sandali ng iyong buhay, ang makakaapekto sa antas ng iyong kumpiyansa sa harap ng Diyos at ng mga tao. Ito ang makakaapekto sa kakayahan mong magtuon nang mabuti at magpokus sa mahihirap at masalimuot na mga hamon sa iyong buhay nang higit kaysa anupaman na maituturo ko sa iyo. At mas malaki ang kinalaman nito sa kung paano ka uunlad at mangangalaga ng sarili mong pamilya at kung paano ka nagsisikap na mapalapit sa ating Ama sa Langit kaysa anumang bagay na masasabi ko sa iyo. Anak, protektahan mo ang mga pribadong sandali ng iyong buhay.”

Nakinig akong mabuti sa payong iyon. At tulad ng sabi niya, ang sandaling iyon ay tumatak na mabuti sa aking puso at isipan. Ang mga salitang iyon ay habampanahong nakaukit sa aking kaluluwa.

Pagpapatatag ng Aking Patotoo

Habang pinag-iisipan ko ang itinuro sa akin ng tatay ko, natanto ko na hindi lamang tinutukoy ng tatay ko ang kahalagahan ng paglayo sa mga bagay na gaya ng pornograpiya at maling asal. Pinapayuhan niya ako na punuin ko ang mga pribadong sandaling iyon ng mga positibong bagay. Mga isang taon makalipas ang pag-uusap na iyon, natapos ko nang basahin ang Aklat ni Mormon sa unang pagkakataon. At natanggap ko ang patotoo sa pamamagitan ng Espiritu, sa isang pribadong sandali, na ang Aklat ni Mormon ay salita ng Diyos. At nagawa ko na maiugnay ang kahalagahan nito bilang salita ng Diyos at nito bilang Simbahan ng Panginoon.

Sa mga pribadong sandaling iyon, nagkaroon ako ng patotoo na ang propeta noong kabataan ko, si Pangulong Spencer W. Kimball, ay tagapagsalita ng Panginoon. At sa pundasyong iyon kaya patuloy kong nalaman na bawat kasunod na propeta, kabilang na si Pangulong Russell M. Nelson, ngayon, ay pinili ng Panginoon, tinawag, at hinirang na tagapagsalita sa mundo.

Para sa akin, ang mga pribadong sandaling iyon ang naging pundasyon na kinasasaligan ng aking patotoo.

Pagsisikap na Mas Pagbutihin Pa

Simula noong umagang iyon sa mga baitang sa likod ng aming bahay noong bata pa ako, ang pagprotekta sa mga pribadong sandali sa buhay ko ay hindi lamang paggawa ng mga bagay na poprotekta sa bawat sandali laban sa kamalian o kasalanan kundi pagpuno sa mga sandaling iyon ng nakasisiglang espirituwal at pisikal na mga aktibidad. Kabilang sa mga ito ang pakikinig sa magandang musika, pagdarasal, pagbabasa ng mga banal na kasulatan o iba pang makabuluhang mga aklat, at pisikal na ehersisyo. Sinisikap ko at pinupuno ang mga pribadong sandaling iyon na nakatuon sa pagpapaunlad ng aking mga talento at paggawa ng mga libangan ko. Natuklasan ko na ang paggawa nito ay nagdudulot sa akin ng walang-hanggang kagalakan sa halip na panandaliang kaligayahan.

dalagitang nagbabasa ng mga banal na kasulatan

Noong kabataan ko, habang sinisikap kong protektahan ang mga pribadong sandali ng buhay ko, gumawa ako ng personal na mga mithiin sa mga aspeto na gusto kong pagbutihin pa, tulad ng pagtatakda ng mga mithiin na basahin ang Aklat ni Mormon, pagbutihin ang oras ko sa pagtakbo sa 400-meter run, maglingkod sa full-time mission, at mag-aral sa isang unibersidad. Sinikap kong gamitin ang oras ko para umunlad at mapaunlad ang aking mga kasanayan. Ang pagtatakda at pagsisikap na makamtan ang mga mithiing iyon ay nagpala sa aking buhay. Nagkaroon ako ng mas malusog na katawan, napatibay ang patotoo, napayapa ang kalooban, at nakadama ng walang-hanggang kagalakan.

Lubos ang pasasalamat ko sa payong ibinigay sa akin ng tatay ko maraming taon na ang nakalipas para protektahan ang mga pribadong sandali sa buhay ko. Alam ko na ang kanyang payo ay nakatulong sa akin na harapin ang mga hamon ng buhay at madama ang pagtitiwala na alam ko na mayroon akong Ama sa Langit na nagmamahal sa akin at malalapitan ko sa oras ng pagdarasal, sa lahat ng pribadong sandali ng aking buhay (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 121:45–46). Habang pinoprotektahan mo ang mga sandaling iyon sa iyong buhay at pinupuno ito ng makabuluhan, nakasisiglang mga aktibidad, makikita at madarama mo ang mga pagpapala ng kapayapaan ng ating Ama sa Langit, ibayong tiwala sa sarili at ibubuhos ang habambuhay na kagalakan sa iyong buhay.