2018
Pinamumunuan ng mga Buhay na Propeta
Setyembre 2018


Hanggang sa Muli Nating Pagkikita

Pinamumunuan ng mga Buhay na Propeta

Mula sa “Another Prophet Now Has Come!” Ensign, Ene. 1973, 116–18. Pinagpare-pareho ang pagbabantas.

Laging nangungusap ang Diyos sa mga tao sa pamamagitan ng mga buhay na propeta.

Ang isang bagong propeta ng Diyos … ay isa sa hanay ng inspiradong kalalakihan na tinawag ng langit upang maglingkod ngayon at magbigay ng bagong paghahayag mula sa langit sa bawat lalaki, babae, at batang makikinig.

Ang pagtatalaga sa [isang] propeta ay mahalagang sandali sa bawat taong nananalig sa Diyos, lalo na sa bawat nananalig sa Panginoong Jesucristo. …

Sa tuwina kapag may isang lahi sa lupa na inari ng Panginoon, pinamumunuan Niya sila sa pamamagitan ng mga buhay na propeta na binigyan Niya ng patnubay mula sa langit. …

Larawan
President Nelson

Nagtalaga na ngayon ng gayon ding hanay ng inspiradong kalalakihan sa makabagong panahon. Bunga ito ng Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ng Panginoong Jesucristo sa pamamagitan ng Kanyang tagakita sa mga huling araw na si Joseph Smith …

Salungat sa karaniwang paniniwala, ang Panginoon ay isang Diyos na nangungusap, isang Diyos na naghahayag. Siya ay isang Diyos ng liwanag at katalinuhan, ng kaalaman at impormasyon. Hindi Siya nakikitungo sa kasamaan, at hindi rin Siya nagliligtas ng sinumang walang nalalaman. Ang Kanyang buong plano ng kaligtasan ay nakabatay sa komunikasyon sa mga taong naliwanagan.

Sino ang makasasamba nang may katalinuhan kung wala siyang alam?

Sino ang magkakaroon ng makabuluhang pananampalataya kung wala siyang alam tungkol sa Diyos?

At saan magmumula ang kaalamang ito kung hindi sa Diyos mismo? …

Hindi mabilis matuto ang mga tao ng mga paraan ng Panginoon, at lalong hindi nila matanggap kaagad ang katotohanan na kahit handa Siyang mangusap sa kanila, ang Kanyang pamamaraan ng paggawa niyon ay sa pamamagitan ng itinalaga Niyang mga buhay na propeta.

Isang huwaran ito sa Kanya. Ito ang Kanyang pamamaraan, at hindi pa Niya ito binabago. Ang Diyos ay Siya ring kahapon, ngayon, at magpakailanman, at gayon din ang Kanyang mga pamamaraan. …

Taimtim naming pinatototohanan na ang komunikasyon sa pagitan ng langit at lupa ay muling naitatag sa ating panahon. Ipinapahayag namin na ang Diyos ay hindi hiwalay sa mundo.

Hindi Siya patay. Siya ay buhay.

Hindi Siya bulag. Siya ay nakakakita.

Hindi Siya bingi. Siya ay nakaririnig.

Hindi Siya pipi. Siya ay nagsasalita, nang malinaw, sa Kanyang mga buhay na propeta at sa pamamagitan nila sa buong mundo.

Sa ganitong paraan nangungusap ang Diyos sa inyo ngayon.

Print