Mga Larawan ng Pananampalataya
Libuletswe Gofrey Mokgatle
Gauteng, South Africa
Nabulag si Libuletswe noong siya ay 21 anyos. Muli niyang pinag-aralan ang maraming bagay, pero hindi niya napag-aralan ang Braille kailanman. Gusto niyang basahin ang mga banal na kasulatan, kaya humingi siya ng tulong sa Diyos sa panalangin.
Cody Bell, retratista
Noong 1991, talagang gusto kong maglingkod sa Panginoon, pero hindi ko alam kung paano. Ipinagdasal ko iyon at naisip kong sumapi sa simbahan ng born-again. Habang iniisip ko kung ito nga ang tamang landas, kumatok sa pintuan ko ang dalawang binatang nakaputing polo.
Binuksan ng asawa ko ang pinto at sinabi sa akin na akala niya’y mga estudyante, pero nagpakilala sila na mga missionary mula sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Gusto nilang magbahagi ng ebanghelyo sa akin. Pumayag ako.
Nagkaroon kami ng aking pamilya ng pakikipagtalakayan sa mga missionary, pagkatapos ay iniwan nila sa amin ang Aklat ni Mormon at sinabi na dapat naming basahin iyon. Sabi ko sa kanila kakailanganin ng pamilya ko na basahin iyon sa akin dahil bulag ako. Nakipag-appointment kaming muli sa mga missionary.
Pagbalik nila, sabi ko, “Hindi pa nababasa sa akin ng pamilya ko ang Aklat ni Mormon. Marami silang ginagawa, at wala silang panahon sa akin.”
Sa gayo’y sinabi sa akin ng mga missionary na gumawa ng mga audio cassette ng Aklat ni Mormon ang Simbahan. Itinanong nila kung pakikinggan ko iyon kung dadalhin nila iyon sa akin. Pumayag akong gawin iyon. Nang sumunod na pagkakataon, dumating sila na may dalang isang kahon ng mga audio cassette ng Aklat ni Mormon at ibinigay iyon sa akin. Akala ko babayaran ko iyon, pero hindi nila ako pinagbayad.
Sinimulan kong pakinggan ang mga cassette, at nasiyahan ako roon. Nang sumunod na nagpunta ang mga missionary sa bahay ko, may kasama silang ibang tao. Taga-kalapit-bayan siya at bibisita sa kanyang pamilya. Miyembro siya ng Simbahan, at hinikayat niya ako na sumama sa kanyang magsimba sa Linggo.
Sa unang Linggo narinig ko ang ebanghelyo sa paraan na hindi ko pa ito narinig dati. Kakaunti ang mga tao sa simbahang ito, pero may nadama ako. Nalaman ko na ang mga himno ng Simbahan ay naiiba sa lahat ng himnong napakinggan ko sa ibang mga simbahan. May patuloy na bumubulong sa akin na dapat kong ituloy ang pagsisimba.
Matagal-tagal din akong nagsimba, at kalauna’y nabinyagan ako. Hindi nagtagal, tinawag akong maging pangalawang tagapayo sa Sunday School presidency. Matapos akong matawag, binigyan ako ng hanbuk ng isang high councilor. Sabi ko sa kanya bulag ako at hindi ako makakita para magbasa. Sabi niya puwede kong kunin ang hanbuk na ito at ipabasa iyon sa akin sa iba. “Sa gayo’y malalaman mo ang mga responsibilidad mo bilang pangalawang tagapayo sa Sunday School,” sabi niya.
Naghanap ako ng babasa sa akin nito. Pumayag ang isa sa mga missionary na basahin at irekord ang manwal para sa akin. Habang nakikinig ako sa recording niya, nasimulan kong maunawaan ang aking mga responsibilidad. Patuloy akong naglingkod doon nang matagal.
Pagkatapos ay tinawag akong maging pangalawang tagapayo sa elders quorum. Kahit doon may manwal ako, pero hindi ko magamit. Lahat ng miyembro ng Simbahan ay may mga manwal na magagamit nila, at inisip ko kung magiging mabigat na pasanin ko ang dumepende sa iba na basahin at irekord ito palagi. Nagsimula akong magdasal at hiniling ko sa aking Ama sa Langit na tulungan akong makakita ng isang bagay na magagamit ko para mas maunawaan ang ebanghelyo. Habang nagdarasal, nadama ko na sinabi sa akin ng Espiritu na kung may pananampalataya ako, mapapakilos ko pati mga bundok.
Sa isang home teaching visit, sinabi ko sa sister na binisita namin, “Hindi ko mababasa ang mga banal na kasulatan kasi hindi ako makakita. Gusto kong pumasok sa paaralan kung saan ako matututo kung paano magbasa at magsulat ng Braille.”
Nagtrabaho ang kanyang kapatid sa isang paaralan para sa mga bulag. Tinulungan niya akong mag-aplay. Nag-aral ako ng Braille araw-araw. Gumising pa ako sa gabi para magpraktis ng pagbasa ng Braille. Apat na buwan lang, marunong na akong magbasa nito.
Nakatapos ako sa pag-aaral at sinabi ko sa branch president ko na nakakabasa na ako ng Braille. Binigyan niya ako ng isang kahon na manwal para sa priesthood at lahat ng banal na kasulatan sa Braille. Hindi ko alam na may ganoon ang Simbahan. Noon ako nagsimula na talagang unawain at tamasahin ang ebanghelyo.
Tinawag na ako sa bishopric, at halos 10 sampung taon na yata akong naglilingkod sa katungkulang iyon. Nakakatayo na ako ngayon sa harap ng ibang tao at nakakapagturo sa pamamagitan ng Espiritu. Dahil matagal basahin ang lesson sa Braille, pinapraktis at pinag-aaralan ko ang lesson sa bahay para makapagturo ako nang walang manwal.
Alam ko na ang mga banal na kasulatan ay totoo. Natututo ako mula roon tuwing babasahin ko ito. Palagi akong may natututuhang isang bagay mula roon.
Gustung-gusto kong sundin ang mga katotohanang natututuhan ko sa mga banal na kasulatan. Halimbawa, “Kung susundin mo ang aking mga kautusan at magtitiis hanggang wakas ikaw ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan” (D at T 14:7).