“1 Nephi 13:20–42: Malinaw at Mahahalagang Katotohanan” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser (2024)
“1 Nephi 13:20–42: Malinaw at Mahahalagang Katotohanan” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser
1 Nephi 13:20–42
Malinaw at Mahahalagang Katotohanan
Ang Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ng Tagapagligtas ay isang pagpapala sa napakaraming paraan. Ang isang pagpapala ay naghahayag ito ng marami sa malinaw at mahahalagang katotohanang nawala sa Biblia. Nakita ni Nephi ang mga kaganapan sa Pagpapanumbalik bago pa man nangyari ang mga ito at naunawaan niya ang mahalagang papel na gagampanan ng kanyang talaan sa Pagpapanumbalik. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maunawaan kung paano tumutulong ang Aklat ni Mormon at ang iba pang inihayag na banal na kasulatan na maibalik ang malinaw at mahahalagang katotohanan ng ebanghelyo ng Tagapagligtas.
Mga Pamamaraang Pangkaligtasan
Ang bisikleta ay isang simple at epektibong uri ng transportasyon. Ang pagbibisikleta ay maaari ding maging isang kasiya-siya at magandang karanasan. Ano ang ilan sa mahahalagang bahagi ng bisikleta kaya napapaandar ito ng isang tao nang ligtas at maayos? Kunwari ay may sarili kang bisikleta at may sadyang nag-alis ng ilang mahahalagang piyesa nito.
-
Ano kaya ang ipinahihiwatig ng mga ginawa niya tungkol sa nadarama niya sa iyo?
-
Ano ang maaaring mangyari kung susubukan mong paandarin ang bisikleta nang may mga kulang na piyesa?
-
Sino ang maaari mong kontakin para maayos at maibalik ang iyong bisikleta upang gumana ito nang maayos?
Sa gayon ding paraan, hinangad ni Satanas na saktan at lituhin ang mga anak ng Diyos sa pamamagitan ng pag-aalis at pagbabago ng mahahalagang bahagi ng ebanghelyo ni Jesucristo. Sa pag-aaral mo ng 1 Nephi 13, alamin ang ginawa ng Tagapagligtas para tulungan tayong madaig ang mga balakid ni Satanas.
Marami ang nangagkatisod
Ipinakita kay Nephi sa pangitain ang mahahalagang pangyayari sa mga huling araw, kabilang na ang isang aklat na dinala sa lupang pangako ng mga Gentil. Basahin ang tungkol sa aklat sa 1 Nephi 13:20–25 at alamin ang nilalaman nito.
-
Ano ang natutuhan mo sa iyong binasa?
Maaari kang magsulat ng tala sa talata 20 na ang aklat na nakita ni Nephi ay tumutukoy sa Banal na Biblia. Ang pagsusulat ng mga tala sa iyong mga banal na kasulatan ay makatutulong sa iyo na gawing personal ang mga ito at makakadagdag sa pagiging epektibo ng iyong pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Halimbawa, ang pagsusulat ng mga tala sa iyong banal na kasulatan ay maaaring makatulong sa iyo na maalala ang mga espirituwal na kaalaman sa hinaharap o maging isang pagpapala ito sa iyo o sa iba sa sandali ng pangangailangan.
-
Ano ang napansin mo tungkol sa paraan ng paglalarawan sa Biblia?
Basahin ang 1 Nephi 13:26–29, at alamin ang nangyari sa Biblia matapos itong lumabas mula sa mga “apostol ng Kordero.”
-
Ano ang nangyari sa Biblia?
-
Paano nagiging dahilan ng espirituwal na pagkakatisod ng mga tao ang pag-aalis ng malinaw at mahahalagang katotohanan mula sa Biblia?
-
Paano natutulad ang mga talatang ito sa analohiya ng bisikleta?
Ang “kaloob at kapangyarihan ng Kordero”
Matapos masaksihan na binago o inalis ang malinaw at mahahalagang katotohanan sa Biblia, nalaman ni Nephi na hindi hahayaan ng Panginoon sa Kanyang awa na manatili sa pagkalito o pagkabulag ang sangkatauhan (tingnan sa 1 Nephi 13:30–34). Nakita ni Nephi na ang ebanghelyo ay ipanunumbalik sa kabuuan nito sa pamamagitan ng “kaloob at kapangyarihan ng Kordero” (1 Nephi 13:35).
Upang malaman kung paano ito naisakatuparan ng Tagapagligtas, basahin ang 1 Nephi 13:35–39 at maaari mong markahan ang mga sumusunod na parirala at isulat ang kahulugan ng mga ito sa iyong mga banal na kasulatan o study journal.
Reperensyang banal na kasulatan at parirala |
Interpretasyon |
---|---|
Reperensyang banal na kasulatan at parirala 1 Nephi 13:35 “ang mga bagay na ito” | Interpretasyon Ang Aklat ni Mormon |
Reperensyang banal na kasulatan at parirala 1 Nephi 13:39 “iba pang mga aklat” | Interpretasyon Kasama ang Aklat ni Mormon, ang Doktrina at mga Tipan, ang Mahalagang Perlas, at ang Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia |
Reperensyang banal na kasulatan at parirala 1 Nephi 13:39 “mga talaan ng mga propeta at ng labindalawang apostol ng Kordero” | Interpretasyon Ang Banal na Biblia |
Basahin ang 1 Nephi 13:40–41, at maghanap ng paglalarawan kung anong mga banal na kasulatan ng Pagpapanumbalik ang ipababatid sa lahat ng tao.
-
Ano ang natuklasan mo?
Maaari mong isulat ang sumusunod na katotohanan sa iyong mga banal na kasulatan o study journal: Ang Aklat ni Mormon at ang iba pang mga banal na kasulatan sa mga huling araw ay ipanunumbalik ang malinaw at mahahalagang katotohanan na nagpapatotoo kay Jesucristo at pagtitibayin ang kabuuan ng Kanyang walang hanggang ebanghelyo.
-
Sa iyong palagay, bakit ang mga katotohanan mula sa ebanghelyo ng Tagapagligtas ay inilalarawan bilang malinaw at mahalaga?
-
Ano ang natutuhan mo tungkol sa Panginoon sa Kanyang tungkulin sa pagpapanumbalik ng malinaw at mahahalagang katotohanan?
-
Ano ang isang katotohanan o turo mula sa banal na kasulatan sa mga huling araw na malinaw at mahalaga sa iyo?
-
Paano ka natulungan ng katotohanang ito na mas mapalapit kay Jesucristo?
Naipanumbalik ang malinaw at mahahalagang katotohanan
Ang mga sumusunod ay ilang halimbawa ng malinaw at mahahalagang katotohanan na ipinanumbalik na. Pumili ng kahit dalawang paksa na gusto mong pag-aralan. Basahin muna ang reperensya sa Biblia na nakapanaklong at isipin na ang nakapaloob sa talata o mga talata ay ang tanging alam ng kahit sino tungkol sa paksa. Anong mga tanong ang maaaring maisip mo? Pagkatapos, basahin ang mga karagdagang reperensyang banal na kasulatan mula sa Aklat ni Mormon, Doktrina at mga Tipan, o Mahalagang Perlas. Isulat ang malinaw at mahahalagang katotohanan na natuklasan mo mula sa mga pinili mong paksa.