“I-assess ang Iyong Pagkatuto 1: 1 Nephi 1–15” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser (2024)
“I-assess ang Iyong Pagkatuto 1: 1 Nephi 1–15” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser
I-assess ang Iyong Pagkatuto 1
Layunin ng lesson na ito na tulungan kang suriin ang mga mithiing itinakda mo at ang pag-unlad na naranasan mo na sa iyong pag-aaral ng Aklat ni Mormon.
Pag-aralan ang Aklat ni Mormon Araw-araw
-
Ano ang ilang bagay na ginagawa ninyo araw-araw o gabi-gabi?
-
Ano ang maaaring mangyari kung hindi ninyo ginawa ang mga aktibidad na ito nang isang araw o mas matagal pa?
-
Bakit ang araw-araw na pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay isang bagay na dapat nating pagsikapang gawin?
Pumili ng isa sa mga sumusunod upang ilarawan ang pag-aaral mo ng Aklat ni Mormon sa araw-araw:
-
Ang pag-aaral ko ay makabuluhan at palagian.
-
Mabuti ang pag-aaral ko kapag nagagawa ko ito pero hindi ko ito regular na nagagawa.
-
Araw-araw akong nag-aaral pero wala akong masyadong napapala rito.
-
Nahihirapan akong maintindihan ang binabasa ko at bihira akong mag-aral nang mag-isa.
-
Wala pa akong nagagawang anuman para maisakatuparan ko ang mithiin ko sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan.
-
Iba pa: ipaliwanag ang iyong sagot.
Natural lang na magkaroon ng mga balakid sa mithiing tulad nito na gagawin araw-araw. Ang mahalaga ay patuloy kang nagsisikap.
-
Ano ang nagawa ninyong mahusay sa pag-aaral ninyo ng Aklat ni Mormon? Ano ang gusto ninyong pagbutihin pa o gawin sa ibang paraan?
Mga personal na naiisip at nadarama tungkol sa Aklat ni Mormon
Panaginip ni Lehi
Isipin kung paano makatutulong ang iba’t ibang bahagi ng panaginip ni Lehi sa mga indibiduwal sa mga sumusunod na sitwasyon:
-
Isang binatilyo ang sumasama sa isang grupo ng mga tao na pinipiling labagin ang Word of Wisdom at pinipilit siyang gawin din iyon.
-
Iniisip ng isang dalagita na mas seryoso niyang pag-aaralan ang mga banal na kasulatan kapag tapos na ang mga problema niya.
-
Isang binatilyo ang nagsimulang mahiya sa pagiging miyembro niya ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw kapag naririnig niya ang iba na kinukutya ang mga taong relihiyoso.
Masusunod mo ang mga kautusan
Sa lesson tungkol sa 1 Nephi 3, maaaring nagtakda ka ng mithiin na maging mas masunurin sa isang kautusan na mahirap sundin. Pagnilayan ang iyong progreso sa mithiing ito, at isulat sa iyong study o personal journal ang mga naiisip mo. Pag-isipan ang mga sumusunod na tanong habang nagninilay-nilay at nagsusulat ka:
-
Kumusta ang iyong pagsisikap na masunod ang kautusang ito?
-
Anong mga tagumpay o balakid ang naranasan mo?
-
Paano mo maaaring i-adjust ang iyong plano?
-
Paano ka napagpala sa iyong mga pagsisikap?
-
Paano naghanda ang Panginoon ng paraan upang maging masunurin ka?
Kung wala ka pang naiisip na kautusan na para sa iyo ay maaaring mahirap na sundin, mag-isip ng isa ngayon. Magpasya kung anong mga hakbang ang magagawa mo upang mas lubos na masunod ito.
Itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan na ang pagtitiwala ni Nephi sa Panginoon ay maghihikayat sa atin kapag nahihirapan tayong sundin ang mga kautusan ng Panginoon:
Napukaw ng batang si Nephi sa Aklat ni Mormon ang hangarin nating magkaroon ng tiwala sa Panginoon na sundin ang Kanyang mga utos, gaano man kahirap ang mga ito sa ating paningin. Naharap si Nephi sa panganib at muntik nang mamatay nang sabihin niya itong mga salita ng pagtitiwala na maaari at kailangan nating palaging madama sa ating puso: “Hahayo ako at gagawin ang mga bagay na ipinag-uutos ng Panginoon, sapagkat nalalaman ko na ang Panginoon ay hindi magbibigay ng mga kautusan sa mga anak ng tao, maliban sa siya ay maghahanda ng paraan para sa kanila upang kanilang maisagawa ang bagay na kanyang ipinag-uutos sa kanila” [1 Nephi 3:7]. (Henry B. Eyring, “Magtiwala sa Diyos, Pagkatapos ay Humayo at Gumawa,” Liahona, Nob. 2010, 71)