Seminary
1 Nephi 16–17: Pagkilos nang may Pananampalataya sa Mahihirap na Sitwasyon


“1 Nephi 16–17: Pagkilos nang may Pananampalataya sa Mahihirap na Sitwasyon,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser (2024)

“1 Nephi 16–17: Pagkilos nang may Pananampalataya sa Mahihirap na Sitwasyon,” Manwal ng Aklat ni Mormon para sa Titser

1 Nephi 16–17

Pagkilos nang may Pananampalataya sa Mahihirap na Sitwasyon

Paggawa sa sasakyang-dagat

Isipin ang mga hamong kinaharap ni Lehi at ng kanyang pamilya matapos lisanin ang Jerusalem at habang naninirahan sa ilang. Ang paraan ng pagtugon ni Nephi sa kanyang mga hamon ay nagbibigay sa atin ng halimbawa kung paano tutugon sa sarili nating mga pagsubok sa buhay. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na matutuhan kung paano ihalintulad ang mga banal na kasulatan sa iyong sarili at harapin ang mga hamon nang may pananampalataya.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Paghahanap ng kahalagahan ng mga banal na kasulatan

Isipin na kunwari ay may nagsabi sa iyo na sa palagay niya ay sayang ang oras niya sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan. Nadama niya na hindi kapaki-pakinabang ang mga banal na kasulatan para sa mga hamon at isyu sa ating panahon.

  • Paano mo kaya sasagutin ang alalahanin niya?

Pag-isipan ang sarili mong pag-aaral ng mga banal na kasulatan at ang kahalagahan at silbi ng mga banal na kasulatan sa iyong buhay. Isipin ang mga bagay na nagpahirap na gawing makabuluhan ang mga banal na kasulatan at ang anumang bagay na nakatulong sa iyo na madaig ang mga balakid na ito.

Upang matulungan ang kanyang mga kapatid na matuto mula sa mga banal na kasulatan at gamitin ang mga ito sa kanilang panahon, nagturo ang propetang si Nephi ng isang mahalagang aral na makatutulong din sa ating pag-aaral ng mga banal na kasulatan.

Basahin ang 1 Nephi 19:23, at alamin kung ano ang itinuro ni Nephi.

  • Paano mo ilalarawan sa sarili mong mga salita ang katotohanang itinuro ni Nephi?

Ihalintulad ang mga banal na kasulatan sa ating sarili

Ang isang katotohanan na maaaring natukoy mo sa talatang ito ay kapag inihalintulad natin ang mga banal na kasulatan sa ating sarili, matututo at makikinabang tayo mula sa mga ito.

  • Ano ang alam mo tungkol sa paghahalintulad ng mga banal na kasulatan?

  • Ano ang mga naging karanasan mo sa paghahalintulad ng mga banal na kasulatan?

  • Ayon sa talata 23, ano ang layunin ni Nephi sa pagbabasa at paghahalintulad ng mga salita ni Isaias?

  • Paano makatutulong sa iyo ang paghahalintulad ng mga banal na kasulatan upang mas lubos mong makilala at paniwalaan si Jesucristo?

Ang ibig sabihin ng ihalintulad ang mga banal na kasulatan ay iugnay ang nakatala sa mga ito sa ating sariling buhay.

Ang sumusunod na proseso ay makatutulong sa iyo sa mga pagsisikap mo na ihalintulad ang mga banal na kasulatan sa iyong buhay. Isulat ang mga hakbang na ito sa iyong study journal.

  1. Maghanap ng mahahalagang detalye.

  2. Ikumpara sa iyong buhay.

  3. Tumuklas ng mahahalagang aral.

  4. Tukuyin kung paano personal na ipamumuhay ang mga aral.

Sa lesson na ito, magkakaroon ka ng mga pagkakataong magsanay na ihalintulad ang mga banal na kasulatan sa iyong buhay habang pinag-aaralan mo ang ilang pangyayaring naganap sa pamilya ni Lehi sa ilang.

Nabali ni Nephi ang kanyang busog o pana

Hakbang 1: Maghanap ng mahahalagang detalye

Magsanay na gawin ang hakbang na ito sa pamamagitan ng pag-aaral ng 1 Nephi 16:17–25, 30–32 at paghahanap ng mahahalagang detalye. Maaaring kabilang sa mga detalyeng ito ang mga tao, lugar, bagay, kilos, o pangyayari. Maaari mo ring panoorin ang “Pinatnubayan ng Panginoon ang Paglalakbay ni Lehi,” na matatagpuan sa SimbahanniJesucristo.org, mula sa time code na 5:33 hanggang 16:18 bilang bahagi ng iyong pag-aaral.

16:16

Pinatnubayan ng Panginoon ang Paglalakbay ni Lehi | 1 Nephi 16

Ang mga pamilya nina Lehi at Ismael ay nagpatuloy sa paglalakbay sa ilang at pinatnubayan ng Panginoon.

  • Anong mahahalagang detalye ang nahanap mo?

Maaaring kasama sa mga napansin mong mga detalye ang pagkabali ng busog o pana ni Nephi; ang pagbulung-bulong nina Lehi, Laman, Lemuel, at ng mga anak na lalaki ni Ismael; ang paggawa ni Nephi ng bagong busog o pana; at pagpunta ni Nephi sa kanyang ama para magtanong kung saan siya patutungo para kumuha ng pagkain.

Nabali ni Nephi ang kanyang busog o pana
Hakbang 2: Ikumpara sa iyong buhay

Isipin ang mga aspeto ng iyong buhay na may kaugnayan sa mga detalyeng natukoy mo sa naunang hakbang. Maaaring makatulong sa iyo ang sumusunod na tanong para magawa ito:

  • Anong mga sitwasyon sa buhay ko ang katulad ng mga sitwasyon sa mga talatang ito?

Maaaring naikumpara mo ang pagkabali ng busog o pana ni Nephi sa mga di-inaasahang paghihirap sa iyong buhay. Maaaring naikumpara mo na rin ang mga salita at ginawa ni Nephi at ng kanyang mga kapamilya sa mga reaksyon ng mga tao kapag naharap sa mahihirap na sitwasyon.

Hakbang 3: Tumuklas ng mahahalagang aral

Isipin ang natutuhan mo mula sa mga banal na kasulatan na maaaring angkop sa iyo. Maaari mo ring isipin ang natutuhan mo tungkol sa Tagapagligtas.

  • Ano ang ilang aral na natutuhan mo mula sa salaysay tungkol sa pagkabali ng busog o pana ni Nephi at sa paggawa Niya nito na magagamit mo sa iyong buhay?

  • Ano ang itinuturo sa iyo ng salaysay na ito tungkol kay Jesucristo?

Ang isang katotohanan na maaaring natukoy mo mula sa salaysay na ito ay kung magsisikap tayo at hihingi ng patnubay sa Panginoon, tutulungan Niya tayo sa ating mga paghihirap.

Hakbang 4: Tukuyin kung paano personal na ipamumuhay ang mga aral
  • Tukuyin kung paano personal na ipamumuhay ang mga aral sa pamamagitan ng pagninilay-nilay sa sarili mong buhay.

  • Ano ang ilang paraan na maipamumuhay mo ang katotohanang ito?

Bukod sa maraming paraan upang maipamuhay ang katotohanang ito, maaari mong isipin kung paano mo matutularan ang halimbawa ni Nephi kapag nakaranas ka ng mga di-inaasahang hamon o para bang wala nang pag-unlad ang buhay mo. Sa halip na bumulung-bulong o huwag gumawa ng kahit ano, maaari kang magkusa at sumulong nang may pananampalataya at pagtitiwala na tutulungan ka ni Jesucristo.

  • Paano nakatulong sa iyo ang pagsunod sa huwarang ito sa pag-aaral upang mahanap mo ang kahalagahan ng salaysay ng banal na kasulatan na ito?

Iniutos kay Nephi na gumawa ng isang sasakyang-dagat

Matapos maglakbay sa ilang nang walong taon, si Lehi at ang kanyang pamilya ay nakarating sa isang lupain sa tabi ng dalampasigan, na kanilang pinangalanang Masagana dahil sagana ito sa mga bungang-kahoy at pulut-pukyutan (tingnan sa 1 Nephi 17:4–6).

Basahin ang 1 Nephi 17:5–20, 48–55; 1 Nephi 18:1–4, gamitin ang apat na hakbang na tinalakay kanina upang tulungan kang ihalintulad ang salaysay na ito sa iyong buhay. Maaari mo ring panoorin ang video na “Iniutos ng Panginoon kay Nephi na Gumawa ng Isang Sasakyang-dagat” mula sa time code na 0:00 hanggang 12:07, na matatagpuan sa SimbahanniJesucristo.org. Hayaang gabayan ng Espiritu ang iyong mga iniisip at pag-aaral. Tumigil nang madalas upang pag-isipan kung paano maihahalintulad ang natutuhan mo sa mga partikular na sitwasyon sa iyong buhay. Itala ang mga impresyong matatanggap mo.

15:13

Iniutos ng Panginoon kay Nephi na Gumawa ng Isang Sasakyang-dagat | 1 Nephi 17–18

Sinunod ni Nephi ang utos ng Panginoon na gumawa ng isang sasakyang-dagat sa kabila ng pag-uusig ng kanyang mga nakatatandang kapatid.

icon, isulat
  1. Sagutin sa iyong study journal ang mga sumusunod na tanong:

    • Anong mahahalagang detalye ang natukoy mo sa salaysay na ito?

    • Ano ang ilang pagkukumpara na ginawa mo sa mga detalyeng iyon at sa mga aspeto ng iyong buhay?

    • Ano ang ilang aral na natutuhan mo sa salaysay na ito na magagamit mo sa iyong buhay? Ano ang natutuhan mo tungkol kay Jesucristo?

    • Paano mo maipamumuhay ang katotohanang ito?