Seminary
Mosias 19–20: “Natupad na ang mga Salita ni Abinadi”


“Mosias 19–20: ‘Natupad na mga Salita ni Abinadi,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Mosias 19–20,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Mosias 19–20

“Natupad na ang mga Salita ni Abinadi”

Haring Noe

Nais ng Ama sa Langit na maging masaya at ligtas ka. Isang paraan upang makadama ka ng kagalakan at espirituwal na proteksyon ay sa pamamagitan ng pagsunod sa mga turo at babala ng Kanyang mga propeta. Sa hindi nila pagtanggap kay Abinadi, si Haring Noe at ang kanyang mga tao ay nawalan ng mga pagpapala ng kaligtasan at nakaranas ng matinding pagdurusa. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na makadama ng mas malaking hangarin na makinig sa mga babala at turo ng mga propeta ng Panginoon.

Kaligtasan mula sa panganib

Tingnan ang mga sumusunod na larawan at tukuyin ang panganib o pinsala na magagawang hadlangan ng mga bagay na nasa larawan.

life jacket, helmet ng bisikleta, harness para sa pag-akyat
  • Saang mga panganib tayo pinoprotektahan ng mga bagay na ito?

  • Sa inyong palagay, bakit pinipili ng ilang tao na balewalain ang mga kagamitan o tuntuning pangkaligtasan?

Dagdag pa sa mga pisikal na panganib, ang mga espirituwal na panganib ay bahagi rin ng ating mortal na karanasan. Dahil mahal Niya tayo, ang Panginoon ay tumatawag ng mga propeta upang bigyan tayo ng mga tuntunin at kasangkapan na makatutulong sa atin na maranasan ang pisikal, espirituwal, at emosyonal na kaligtasan sa buong buhay natin.

Pagnilayan sandali ang kaligtasang ibinibigay sa inyo ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta at apostol. Maaaring makatulong ang mga sumusunod na tanong:

  • Gaano ka kadalas umaasa sa mga propeta at apostol ng Panginoon bilang paraan upang matanggap ang Kanyang espirituwal na proteksyon?

  • Ano ang ilang halimbawa kung paano ka mapagpapala ng pagsunod sa mga propeta ng Panginoon?

Sa iyong pag-aaral, maghanap ng mga turo na makatutulong sa iyo na makadama ng mas matinding hangarin na hanapin ang kaligtasan at kaligayahan na nagmumula sa pagsunod sa propeta ng Panginoon.

Naranasan ng mga tao ni Haring Noe ang mga bunga ng kanilang mga kasalanan

si Abinadi sa harap ni Haring Noe

Alalahanin na isinugo si Abinadi upang balaan ang mga tao ni Haring Noe tungkol sa kanilang kasamaan upang maiwasan nila ang mga darating na kahatulan ng Panginoon. (Maaaring makatulong na rebyuhin ang ilan sa mga babala ni Abinadi sa Mosias 11:20–25; 12:1–8.)

Rebyuhin ang tugon ni Noe at ng kanyang mga tao sa mga babala ni Abinadi sa pagbabasa ng Mosias 12:13–15; 17:11–20.

  • Sa iyong palagay, bakit pinili ni Noe at ng kanyang mga saserdote na balewalain ang mga babala ni Abinadi?

  • Ano ang ilang halimbawa ng kung paano maaaring balewalain o tanggihan ng mga tao ang mga turo ng mga propeta sa ating panahon? Sa iyong palagay, bakit kaya nila ito ginagawa?

Tulad ng ipinropesiya ni Abinadi (tingnan sa Mosias 17:15–19), dumanas ng mahihirap na pagsubok ang mga tao ni Noe matapos tanggihan ang mga salita at paanyaya ng Panginoon na magsisi. Maaaring maalala mo mula sa iyong pag-aaral ng Mosias 7 na hindi nagtagal matapos ang pagkamatay ni Abinadi, ang mga taong ito ay natuklasan ng isang pangkat ng mga tao mula sa Zarahemla na pinamumunuan ng isang lalaking nagngangalang Ammon (tingnan sa diagram sa ibaba). Nang matuklasan sila, ang mga Nephita sa lupain ng Nephi ay mga bihag ng mga Lamanita.

larawan ng mga paglalakbay ng mga Nephita upang mabawi ang lupain ng Nephi

Ang kanilang pinuno ay si Limhi, ang anak ni Haring Noe. Basahin ang mga salita ni Limhi sa Mosias 7:24–29, at alamin ang mga dahilang natukoy niya kaya sila nabihag.

  • Ano ang nakita mo sa mga talatang ito na makatutulong sa isang taong hindi nakadarama na mahalagang sundin ang mga propeta ng Panginoon?

  • Gamit ang nabasa mo, ano ang idurugtong mo para mabuo ang sumusunod na pangungusap na magiging angkop sa mga tao sa ating panahon?

Ang pagbalewala o pagtanggi sa mga salita ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta ay humahantong sa …

Basahin ang Mosias 19:3–21; 20:3, 21, at maghanap ng mga detalye na naglalarawan sa katotohanan na ang pagbalewala o pagtanggi sa mga salita ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta ay humahantong sa pagdurusa at kalungkutan.

icon, isulat
  1. Sagutin ang mga sumusunod na tanong:

    • Anong katibayan ang nakita mo sa pagdurusa o kalungkutan na naranasan ng mga tao sa mga talatang ito?

    • Matapos makita ang pagdurusang tiniis ng mga taong ito at malaman na ang Panginoon ay nagsugo ng propeta upang magbigay sa kanila ng babala, ano ang natutuhan mo tungkol sa Panginoon?

Ibinahagi ni Pangulong M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol ang ilan sa mga pagpapalang matatanggap natin kapag nakinig tayo sa payo ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta:

Makikita sa kasaysayan na may kaligtasan, kapayapaan, kaunlaran, at kaligayahan sa pagsunod sa payo ng propeta. (M. Russell Ballard, “His Word Ye Shall Receive,” Ensign, Mayo 2001, 65)

  • Ano ang ilang halimbawa mula sa iyong buhay o sa mga banal na kasulatan na sumusuporta sa pahayag ni Pangulong Ballard?

Ang payo ng Panginoon para sa iyo

Tulad ng mga propeta noong unang panahon, ang mga propeta ngayon ay nagbibigay sa atin ng mga payo, babala, at mga ipinangakong pagpapala ng Panginoon. Ang isang resource kung saan natin makikita ang ilan sa mga payong ito ay sa Para sa lakas ng mga Kabataan (buklet, 2022).

Pag-aralan sandali ang kahit isang paksa mula sa buklet. Sa iyong pag-aaral, hanapin ang sumusunod:

  1. Mga pamantayan na ipinapayo ng Panginoon na ipamuhay mo

  2. Mga posibleng espirituwal na panganib sa hindi pagsunod sa payo ng Panginoon

  3. Mga ipinangakong pagpapala sa pagsunod sa mga tagubilin at babala ng Panginoon

icon, isulat
  1. Isulat ang (mga) paksang pinag-aralan mo at sagutin ang mga sumusunod na tanong:

    • Ano ang ilan sa mga potensyal na panganib na nabanggit sa hindi pagsunod sa payo na pinag-aralan mo?

    • Ano ang ilan sa mga ipinangakong pagpapala?

    • Paano makatutulong sa iyo ang pagsunod sa mga turong ito na mas masunod si Jesucristo?

Isipin ang natutuhan mo ngayon tungkol sa kahalagahan ng pagsunod sa propeta ng Panginoon. Pag-isipan sandali kung paano mo mas masusunod ang propeta at kung bakit mahalaga para sa iyo na gawin ito. Isulat ang mga naisip at espirituwal na impresyon mo sa iyong study journal.