“Mosias 21–24, Bahagi 1: Paghahanap sa mga Layunin ng Panginoon para sa Ating mga Pagsubok at Paghihirap,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)
“Mosias 21–24, Bahagi 1,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon
Mosias 21–24, Bahagi 1
Paghahanap sa mga Layunin ng Panginoon para sa Ating mga Pagsubok at Paghihirap
Paano mo ipaliliwanag sa isang tao kung bakit tinutulutan ng Panginoon na makaranas tayo ng mga pagsubok at paghihirap? Inilarawan sa Mosias 21–24 ang mga karanasan ng mga tao ni Limhi at ng mga tao ni Alma, na kapwa nakaranas ng mahihirap na hamon. Layunin ng lesson na ito na tulungan kang makadama ng ibayong tiwala sa Ama sa Langit at kay Jesucristo kapag dumaranas ka ng mga pagsubok at paghihirap sa iyong buhay.
Pagdadala ng mga pasanin
Isipin kunwari na ang iyong mga pagsubok, pasanin, at paghihirap ay kinakatawan ng mga bato na kailangan mong pisikal na dalhin sa isang bag o backpack.
-
Ano ang ilan sa mga pagsubok o pasanin na maaaring maranasan ng mga tinedyer na maaaring maging parang mabibigat na bato sa loob ng backpack?
-
Anong mga bagay ang maaaring itanong ng mga tao tungkol sa mga pasaning dala nila?
Pag-isipan sandali ang ilan sa mga pagsubok at pasanin na kasalukuyan mong kinakaharap o naranasan sa iyong buhay. Pag-isipang ilista ang mga ito sa iyong study journal. Maaari mong isama ang mga tanong, alalahanin, o hangarin na nauugnay sa iyong mga pagsubok at pasanin.
Sa pag-aaral mo ngayon, alamin ang mga katotohanan na makatutulong sa iyo na mas maunawaan kung bakit maaaring tinutulutan ng Panginoon na maranasan mo ang mga pagsubok na ito.
Ang mga tao ni Limhi at ang mga tao ni Alma
Sa Mosias 21–24, nalaman natin ang tungkol sa dalawang grupo ng mga tao na nakaranas ng malalaking pagsubok at paghihirap. Ang unang grupo ay nakatira sa lupain ng Nephi at pinamumunuan ng anak ni Haring Noe na si Limhi. Ang pangalawang grupo ay nakatira sa lupain ng Helam at pinamumunuan ni Alma.
Ang sumusunod ay maikling buod ng mga pangyayari na may kaugnayan sa pagkabihag ng bawat grupo:
Ang mga tao ni Limhi
Matapos tanggihan ang mga turo at babala ni Abinadi, ang mga Nephita, na pinamumunuan na ngayon ni Haring Limhi, ay dinalang bihag ng mga Lamanita sa lupain ng Nephi at kinailangang magbayad ng malaking buwis (tingnan sa Mosias 19:15). Tulad ng ipinropesiya ng propetang si Abinadi (tingnan sa Mosias 12:5), sapilitang pinaglingkod ng mga Lamanita ang mga tao ni Limhi at pinatawan sila ng mabibigat na pasanin (tingnan sa Mosias 21:3).
Ang mga tao ni Alma
Pagkamatay ni Abinadi, si Alma at ang kanyang mga tagasunod ay tumakas patungo sa mga Tubig ng Mormon, kung saan sila bininyagan (tingnan sa Mosias 17:1–4; 18:1–14). Kalaunan ay tumakas sila para sa kanilang kaligtasan at nagtayo sila ng isang matwid na pamayanan sa lupain ng Helam (tingnan sa Mosias 18:32–34; 23:1–4, 19–20). Kalaunan, ang mga tao ni Alma ay natuklasan at dinalang bihag ng mga Lamanita (tingnan sa Mosias 23:25–29, 36–37). Si Amulon, na isa sa masasamang saserdote ni Noe, ay nabigyan ng kapangyarihan na pamahalaan sila at nagsimulang usigin si Alma at ang kanyang mga tao (tingnan sa Mosias 24:8–9).
Bakit tinutulutan ng Panginoon ang mga pagsubok
Basahin ang mga sumusunod na scripture passage, at hanapin ang mga turo na makatutulong sa iyo na maunawaan kung bakit tinutulutan ng Panginoon na makaranas tayo ng mga pagsubok at paghihirap. Maaari mong markahan ang mga salita at parirala na pinakanapansin mo.
-
Mga tao ni Limhi: Mosias 21:5–16
-
Mga tao ni Alma: Mosias 23:21–24; 24:8–14
Inihahayag ng mga salaysay na ito ang ilang katotohanan kung bakit tinutulutan ng Panginoon na makaranas ang mga tao ng mga pagsubok. Maaaring napansin mo rin ang mga sumusunod:
-
Tinutulutan ng Panginoon na makaranas tayo ng mga pagsubok upang tulungan tayong maging mapagpakumbaba at mas umasa sa Kanya (tingnan sa Mosias 21:5–14).
-
Ang ilang pagsubok at paghihirap ay dumarating dahil sa pagsuway (tingnan sa Mosias 21:15).
-
Ang ating mga pagsubok ay makapagbibigay sa atin ng mga pagkakataong hangarin at madama ang kapangyarihan ng Panginoon sa ating buhay (tingnan sa Mosias 21:15–16; 24:14).
-
Pinapahirapan ng Panginoon ang Kanyang mga tao at sinusubok Niya ang kanilang tiyaga at pananampalataya (tingnan sa Mosias 23:21).
Inaakala ng maraming tao na ang salitang pagpapahirap (tingnan sa Mosias 23:21) ay kasingkahulugan ng pagpaparusa. Ipinaliwanag ni Elder Lynn G. Robbins ng Pitumpu na, “Ang salitang chasten o pahirapan ay mula sa salitang Latin na castus, na ibig sabihin ay ‘malinis o dalisay,’ at ang chasten o pahirapan ay nangangahulugang ‘dalisayin’ [tingnan sa Merriam-Webster’s Collegiate Dictionary, 11th ed. (2003), “chasten”]” (“Ang Tapat na Hukom,” Liahona, Nob. 2016, 97). Pag-isipan sandali kung paano ka maaaring dinadalisay ng Panginoon sa pamamagitan ng iyong mga pagsubok at paghihirap.