“Mosias 28: Personal na Pagbabalik-loob at Pagbabahagi ng Ebanghelyo,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)
“Mosias 28,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon
Mosias 28
Personal na Pagbabalik-loob at Pagbabahagi ng Ebanghelyo
Ano ang mga naging karanasan mo sa pagbabahagi ng ebanghelyo ni Jesucristo? Matapos makapagbalik-loob, ang mga anak ni Mosias ay lumapit sa hari upang humingi ng pahintulot na ipangaral ang ebanghelyo sa mga Lamanita. Tinanong muna ni Haring Mosias ang Panginoon, pagkatapos ay pinayagan niya ang kanyang mga anak na humayo upang madala nila ang salita ng Diyos sa mga Lamanita (tingnan sa Mosias 28:1). Layunin ng lesson na ito na tulungan kang mapatindi ang hangarin mo na ibahagi ang ebanghelyo.
Pagbabahagi at pagbabalik-loob
-
Ano ang ilang bagay na gustung-gusto ninyo kaya gusto ninyong ibahagi ang mga ito sa iba?
Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol na karaniwan na sa atin na magbahagi ng mga bagay na makabuluhan sa atin. ChurchofJesusChrist.orgBasahin ang pahayag sa ibaba.
Ang pagbabahagi sa ibang tao ng mga bagay na napakahalaga sa atin o nakatulong sa atin ay karaniwan lamang.
Ang ganitong huwaran ay nakikita lalo na sa mga bagay na may espirituwal na kahalagahan at epekto. …
Ang mga paanyaya namin sa inyo na alamin at subukan ang aming mensahe ay nagmumula sa mabubuting bunga ng ebanghelyo ni Jesucristo sa aming buhay. Kung minsan maaaring nahihiya kami o hindi kami tumitigil sa pagtatangka. Hangad lamang naming ibahagi sa inyo ang mga katotohanang napakahalaga sa amin. (David A. Bednar, “Magsiparito Kayo, at Inyong Makikita,” Liahona, Nob. 2014, 109, 110)
I-rate kung gaano katotoo ang mga sumusunod na pahayag para sa iyo mula 1 hanggang 5 (kung saan ang 1 ay hindi totoo para sa iyo at 5 ay napakatotoo para sa iyo):
-
Ang mga katotohanan tungkol sa Tagapagligtas na si Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo ay napakahalaga sa akin.
-
Hangarin kong ibahagi ang Kanyang ebanghelyo sa iba.
Habang pinag-aaralan mo ang mga buhay at halimbawa ng mga anak ni Mosias, pagnilayan ang hangarin mong ibahagi ang ebanghelyo ng Tagapagligtas. Humingi ng paghahayag para malaman kung ano ang susunod na mga hakbang na gusto ng Panginoon na gawin mo upang maging mas makabuluhan ang ebanghelyo sa iyo at tumitindi hangarin mong ibahagi ang ebanghelyo.
Ang mga anak ni Mosias
Alalahanin na matapos ang kanilang pagbabalik-loob, ipinangaral ng mga anak ni Haring Mosias ang ebanghelyo sa kanilang sariling lupain, na naghahangad na maisaayos ang mga kapinsalaang nagawa nila (tingnan sa Mosias 27:32–37).
Basahin ang Mosias 28:1–5, at alamin ang ninanais ng mga anak ni Mosias at kung bakit. (Maaari mo ring markahan ang malalaman mo sa iyong mga banal na kasulatan.)
-
Anong mga salita o parirala sa mga talatang ito ang pinakanapansin mo? Ano ang mga dahilan ng pagbabahagi ng ebanghelyo ng mga anak ni Mosias sa mga Lamanita?
-
Bakit maaaring nakahihikayat ang mga dahilang ito para ibahagi ang ebanghelyo?
-
Anong mga katotohanan ang natutuhan ninyo sa mga talatang ito?
Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula sa mga talatang ito ay kapag lumalalim ang ating pagbabalik-loob sa Panginoon, tumitindi ang hangarin nating ibahagi ang ebanghelyo.
Pinagtibay ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan ang katotohanang ito nang ituro niya ang sumusunod:
Ang kasidhian ng pagnanais nating ibahagi ang ebanghelyo ay malaking palatandaan ng lalim ng ating pagbabalik-loob (Dallin H. Oaks, “Sharing the Gospel,” Ensign, Nob. 2001, 7).
-
Ano ang mga naranasan ng mga anak ni Mosias na nakatulong sa kanila na magbalik-loob kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo? (Tingnan sa Mosias 27:34–36; 28:4).
-
Anong mga karanasan ang nakatulong sa iyo o sa mga kakilala mo na mas magbalik-loob kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo?
-
Ano ang gustung-gusto mo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo na gusto mong ibahagi sa iba? (Halimbawa, maaaring nagkaroon ka ng mga makabuluhang karanasan sa pagpapatawad ng Tagapagligtas, pagmamahal ng Diyos, panalangin, atbp.)
Kahit nagbalik-loob tayo sa Panginoon, maaaring may mga dahilan kung bakit mahirap pa ring ibahagi ang ebanghelyo.
-
Kung isa ka sa mga anak ni Mosias, ano kaya ang ipag-aalala mo tungkol sa pangangaral ng ebanghelyo sa mga Lamanita?
Bilang kanilang ama at bilang hari, si Mosias ay nagkaroon ng maraming dahilan upang mag-alala sa pagpapadala ng kanyang mga anak upang ipangaral ang ebanghelyo sa mga Lamanita. Hindi lang natakot si Haring Mosias para sa kaligtasan ng kanyang mga anak, inalala rin niya na kung aalis ang kanyang mga anak, hindi siya magkakaroon ng tagapagmana sa korona bilang susunod na hari ng mga Nephita.
Basahin ang Mosias 28:6–8, at alamin kung bakit pinayagan ni Mosias ang kanyang mga anak sa gayong mapanganib na misyon.
-
Anong mga pagpapala ang ipinangako ng Panginoon kay Mosias?
Ang mga susunod mong hakbang
Mag-ukol ng ilang sandali na ilista ang mga alalahanin mo o ng iba tungkol sa pagbabahagi ng ebanghelyo.
Pumili ng isa sa mga alalahaning ito at manalangin na mapatnubayan habang sinasaliksik mo ang mga banal na kasulatan at pinag-iisipan mo kung paano madaraig ang alalahaning ito. Halimbawa, kung mayroon kang isa sa mga sumusunod na alalahanin, maaari mong pag-isipan ang mga tanong at pag-aralan ang mga banal na kasulatan na nakalista pagkatapos ng mga pahayag.
Hindi ako sigurado kung sapat ang pagbabalik-loob ko upang maibahagi ang ebanghelyo. Paano makatutulong sa iyo ang mga halimbawa ng mga anak ni Mosias? (Tingnan sa Mosias 28:1–5.) Habang binabasa mo ang ilan sa mga sumusunod na talata, alamin ang mga paraan na maaari kang mas magbalik-loob: Mga Gawa 3:19; Santiago 5:20; Enos 1:2–5; Mosias 3:19; 5:2; 27:25; Alma 5:12–14; 22:15–18; 53:10; Helaman 15:7; 3 Nephi 9:20.
Natatakot akong matanggihan. Pag-aralan sa Mosias 28:2–4 ang mga dahilan kung bakit gustong ibahagi ng mga anak ni Mosias ang ebanghelyo kahit marami ang nag-aakala na malamang na hindi ito tanggapin ng mga Lamanita. Paano makatutulong sa iyo ang mga dahilang ito? Paano makatutulong sa iyo ang pag-iisip tungkol sa ginawa ng Tagapagligtas para sa iyo (at magagawa Niya para sa iba) upang madaig mo ang iyong takot?
Hindi ako naging pinakamabuting halimbawa ng pamumuhay ng ebanghelyo. Bago sila nagbalik-loob, nangaral ang mga anak ni Mosias laban sa ebanghelyo (tingnan sa Mosias 27:8–10), ngunit matapos silang magsisi, sila ay naging ilan sa mga pinakamatagumpay na misyonero sa Aklat ni Mormon (tingnan sa Alma 17:4). Ano ang nahikayat kang gawin dahil sa halimbawa nila? Anong iba pang mga halimbawa sa mga banal na kasulatan ang naiisip mo na maaaring makatulong?