“Doctrinal Mastery: Alma 7:11–13—‘At Siya ay Hahayo, Magdaranas ng mga Pasakit at Hirap at Lahat ng Uri ng Tukso,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)
“Doctrinal Mastery: Alma 7:11–13,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon
Doctrinal Mastery: Alma 7:11–13
“At Siya ay Hahayo, Magdaranas ng mga Pasakit at Hirap at Lahat ng Uri ng Tukso”
Sa iyong pag-aaral ng Alma 7:1–13, nalaman mo ang tungkol sa ilan sa dinanas ng Tagapagligtas bilang bahagi ng Kanyang Pagbabayad-sala upang “malaman niya nang ayon sa laman kung paano tutulungan ang kanyang mga tao” (Alma 7:12). Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maisaulo ang doctrinal mastery reference at ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan para sa Alma 7:11–13, maipaliwanag ang doktrinang itinuro sa scripture passage na ito, at magamit ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman sa mga sitwasyon sa tunay na buhay.
Isaulo at ipaliwanag
Ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan para sa Alma 7:11–13 ay “At siya ay hahayo, magdaranas ng mga pasakit at hirap at lahat ng uri ng tukso.” Maaari mong markahan ang pariralang ito sa iyong mga banal na kasulatan kung hindi mo pa ito nagagawa.
Ang sumusunod na aktibidad ay maaaring makatulong sa iyo na maisaulo ang reference at mahalagang parirala ng banal na kasulatan. Isulat ang reference at mahahalagang parirala ng banal na kasulatan batay sa pagkakasaulo mo. Kung hindi mo ito magagawa sa unang subok, muling basahin ang reference at parirala, at pagkatapos ay subukan itong isulat. Ulitin ang pagbabasa at pagsusulat hanggang sa maisulat mo ito nang buo ayon sa naisaulo mo.
Sa nakaraang lesson, natutuhan mo mula sa Alma 7:11–13 na nagdusa si Jesucristo upang iligtas ka mula sa kasalanan at kamatayan at tulungan ka sa mga hamon ng mortalidad.
Kunwari ay may kaibigan kang nag-text sa iyo tungkol sa isang bagay na mahirap na pinagdaraanan niya. Naisip mo na makatutulong ang mensahe sa Alma 7:11–13 para sa iyong kaibigan pero nag-aalala ka na hindi niya ito babasahin kung ipadadala mo lang sa kanya ang scripture reference.
Pagsasanay ng pagsasabuhay
Hanapin ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman sa bahaging “Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman” ng Doctrinal Mastery Core Document (2022). Isulat ang mga alituntuning ito bilang mga heading sa iyong study journal, at mag-iwan ng espasyo sa pagitan ng bawat isa para masagot mo ang mga tanong tungkol sa mga ito kalaunan sa lesson.
Isipin kung paano makatutulong ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman at ang doktrinang itinuro sa Alma 7:11–13 sa sumusunod na sitwasyon.
Simula nang magdiborsyo ang mga magulang ni Peter ilang taon na ang nakakaraan, pakiramdam niya ay pahirap nang pahirap ang buhay niya. Nahihirapan siyang pumasok sa eskuwela, at ang ilan sa kanyang mga kaibigan ay tila hindi na siya isinasama tulad noon. Halos tumigil na rin si Peter sa pagsisimba, sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan, at pagdarasal sa Diyos. Isang araw, sinabi ni Peter sa isa sa kanyang mga kaibigan ang tungkol sa kanyang mga paghihirap. Sabi niya, “Gusto kong mas maging maayos ang mga bagay-bagay, pero hindi ko alam kung saan ako hihingi ng tulong. Pakiramdam ko ay nag-iisa ako at wala nang pag-asang mabago ang sitwasyon ko.”
Isipin kunwari na ikaw ang kaibigang kausap ni Peter at humingi rin siya sa iyo ng payo kung paano makakayanan ang kanyang mahirap na sitwasyon. Gamitin ang mga turo sa Alma 7:11–13 at ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman para matulungan si Peter sa kanyang hamon.
Kumilos nang may pananampalataya
Basahin ang talata 5–7 sa bahaging “Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman” sa Doctrinal Mastery Core Document. Maaari mong markahan ang mahahanap mo na makatutulong.
Suriin ang mga konsepto o tanong nang may walang-hanggang pananaw
Basahin ang talata 8 sa bahaging “Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman” ng Doctrinal Mastery Core Document. Maaari mong markahan ang mahahanap mo na makatutulong
Hangaring mas makaunawa sa pamamagitan ng sources na itinalaga ng Diyos
Basahin ang talata 11–12 sa bahaging “Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman” ng Doctrinal Mastery Core Document, at maghanap ng mga turo na makatutulong kay Peter.