Seminary
Alma 7:14–27: “Ang Landas na Patungo sa Kaharian ng Diyos”


“Alma 7:14–27: ‘Ang Landas na Patungo sa Kaharian ng Diyos,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“Alma 7:14–27,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

Alma 7:14–27

“Ang Landas na Patungo sa Kaharian ng Diyos”

taong tumatahak sa landas na patungo sa kaharian ng Diyos

Madalas tukuyin ng mga propeta ang “makipot at makitid na landas” (2 Nephi 31:19), ang “landas ng tipan,” o “ang landas na patungo sa kaharian ng Diyos” (Alma 7:19). Natanto ni Alma na ang mga tao ng Gedeon ay nasa landas na ito at itinuro niya sa kanila kung paano ito ipagpapatuloy at magiging higit na katulad ng Diyos. Layunin ng lesson na ito na tulungan ka sa iyong mga pagsisikap na magkaroon ng mga katangiang tulad ng kay Cristo sa pagtahak mo sa landas na pabalik sa Diyos.

Isang landas na tatahakin

landas na patungo sa isang masukal na kagubatan
  • Ano ang mga kalamangan ng pagkakaroon ng landas na susundan?

Maaari mong panoorin ang “Araw-araw na Pagbabalik-loob” mula sa time code na 1:40 hanggang 3:25 para mapanood si Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol na ipinapaliwanag kung ano ang nangyayari sa mga taong naglalakbay nang walang landas na sinusundan o maaasahang palatandaan. Ang video ay matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org.

13:43

Matapos magpropesiya sa mga tao ng Gedeon tungkol sa buhay at Pagbabayad-sala ni Jesucristo, nagbahagi si Alma ng mga salita ng panghihikayat sa kanila.

Basahin ang Alma 7:19–20 para malaman kung ano ang sinabi ni Alma tungkol sa Diyos, sa Kanyang landas, at sa mga tao ng Gedeon.

Maaari mong markahan ang pariralang “ang landas na patungo sa kaharian ng Diyos” sa talata 19. Ngayon ay mas marami ka pang matututuhan tungkol sa landas na ito.

  • Sa iyong palagay, paano mo masasabi na nasa landas ka na patungo sa kaharian ng Diyos?

icon, isulat
  1. Gawin ang sumusunod bilang assignment mo para sa lesson na ito. Dagdagan ito sa buong lesson ayon sa tagubilin sa iyo.

    Magdrowing ng isang larawan na katulad ng sumusunod at lagyan ito ng label na “Ang landas na patungo sa kaharian ng Diyos.”

    idinrowing na landas patungo sa kaharian ng Diyos

Ang landas na patungo sa kaharian ng Diyos ay kadalasang tinutukoy bilang makipot at makitid na landas o landas ng tipan. Narito tayo sa landas na ito kapag sinusunod natin ang halimbawa at mga turo ni Jesucristo. Ang patuloy na pagtahak sa landas na ito ay aakay sa atin tungo sa buhay na walang hanggan (tingnan sa 2 Nephi 31:19–20).

Habang nag-aaral ka, pag-isipan kung nakikita mo ang iyong sarili sa landas na patungo sa kaharian ng Diyos. Maghanap ng mga turo na tutulong sa iyo na mas maunawaan ang landas na ito at ang mga pagpapalang ibinibigay sa iyo ng Panginoon kapag tinatahak mo ito.

“Ang landas na patungo sa kaharian ng Diyos”

Inilarawan ni Alma ang mga bagay na magagawa natin na aakay sa atin pabalik sa kinaroroonan ng Diyos.

Basahin ang Alma 7:14–16, at pagkatapos ay isulat ang mga bagay na ito na gagawin sa landas na iyong idinrowing o sa tabi nito.

  • Ano ang ipinaunawa sa iyo ng mga talatang ito tungkol sa ibig sabihin ng pagiging nasa landas na patungo sa Diyos?

Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula sa mga talatang ito ay kapag tayo ay nagsisisi, nakikipagtipan sa Diyos, at tumatanggap ng mga ordenansa ng ebanghelyo ni Jesucristo, tinatahak natin ang landas na patungo sa kaharian ng Diyos.

  • Paano nakatutulong ang mga bagay na ito na maihanda tayong makabalik sa kinaroroonan ng Diyos?

  • Anong mga pagpapala ang maaari nating maranasan sa buhay na ito sa pamamagitan ng pagtahak sa landas ng Diyos?

Pagkakaroon ng mga katangiang tulad ng kay Cristo habang tinatahak ang Kanyang landas

Ipinaliwanag ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang isang pagpapala ng pagtahak sa landas ng tipan ng Diyos ay “[pagiging] katulad Niya” (“Piliin Ninyo sa Araw na Ito,” Liahona, Nob. 2018, 104).

Tingnan ang mga sumusunod na larawan ng Tagapagligtas. Isipin ang mga katangiang nakikita mo na ipinapakita Niya sa bawat larawan.

si Cristo at ang babaeng nahuling nangangalunya
pinapanatag ni Jesus sina Maria at Marta
pinapayapa ni Cristo ang karagatan
  • Anong mga katangian ang pinakahinahangaan ninyo kay Jesucristo? Bakit?

  • Sa paanong paraan ninyo gustong maging mas katulad ng Tagapagligtas? Anong mga bagay ang nagpapahirap dito? Paano natin makakayanan ang mga paghihirap na ito sa tulong ng Panginoon?

  • Kailan ninyo nadama ang pinakamatinding hangarin na maging katulad Niya? Ano ang nangyayari sa buhay ninyo nang madama ninyo iyan?

Tinukoy ni Alma ang ilan sa mga katangiang tulad ng kay Cristo na dapat nating pagsikapang taglayin habang tinatahak natin ang landas na patungo sa kaharian ng Diyos.

Basahin ang Alma 7:22–25 at alamin ang mga katangian at pag-uugali na tulad ng kay Cristo na nakita mong nakasaad o inilarawan. Maaari mong markahan ang mga ito sa iyong mga banal na kasulatan. Maaari mo ring ilista ang mga katangian at pag-uugaling ito sa landas mismo o malapit sa landas na iyong idinrowing.

Mapanalanging pumili ng isang katangian na binanggit sa Alma 7:22–25 na sa palagay mo ay nais ng Ama sa Langit na taglayin mo, at pagkatapos ay gawin ang sumusunod na aktibidad. Isulat ang iyong mga pananaw sa ibaba ng larawan mo o sa iba pang bahagi ng iyong study journal.

  1. Alamin pa ang tungkol sa katangiang ito. Maaari kang gumamit ng mga scripture resources tulad ng Gabay sa mga Banal na Kasulatan, para makatulong dito. Isulat ang natutuhan mo.

  2. Ilista ang mga hamong naranasan mo sa pagsisikap na mataglay ang katangiang pinili mo at kung bakit sa palagay mo ay hinahayaan ka ng Diyos na maranasan ang mga hamong iyon.

  3. Maglista ng dalawa hanggang tatlong iba’t ibang paraan kung paano mas bubuti ang iyong buhay matapos taglayin ang katangiang ito.

  4. Tumukoy ng isang halimbawa mula sa buhay ng Tagapagligtas kung saan ipinakita Niya ang katangiang ito. Maaari ka ring maglista ng isang halimbawa mula sa buhay ng isang taong kilala mo kung saan ipinakita niya ang katangiang ito na tulad ng kay Cristo.

  5. Tumukoy ng isa o mahigit pa ng mga bagay na magagawa mo na mag-aanyaya sa tulong ng Diyos habang sinisikap mong taglayin ang katangiang ito. Gumawa ng plano kung paano mo magagawa ang bagay na iyon sa iyong buhay. Ang isang paraan kung paano mo maaaring pagsikapang magawa ang bagay na iyon ay sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa Ama sa Langit sa iyong araw-araw na panalangin tungkol sa iyong pag-unlad at paghingi ng Kanyang tulong kung saan ka nagkukulang.