Seminary
4 Nephi: “Nagbalik-loob … sa Panginoon”


“4 Nephi: ‘Nagbalik-loob … sa Panginoon,’” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“4 Nephi,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

4 Nephi

“Nagbalik-loob … sa Panginoon”

grupo ng masasayang kabataang babae na nakasuot ng damit-pangsimba

Sa loob ng ilang milenyo, ang mga indibiduwal, pamilya, at lipunan ay naghahanap ng mga huwaran tulad ng pagkakasundo, kapayapaan, at pagkakaisa. Maaaring tila hindi makakamtan ang mga ito, ngunit nangyari ang mga ito. Ang salaysay sa 4 Nephi ay isang halimbawa niyon. Ang isang susi para matamo ang mga pagpapalang ito ay ang palalimin ang ating pagbabalik-loob sa Panginoon at magkaroon ng pagmamahal ng Diyos sa ating puso. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na makadama ng higit na pagmamahal sa Ama sa Langit at kay Jesucristo upang maging mas malalim ang iyong pagbabalik-loob sa Kanila.

Isang posibilidad mula sa langit

Isipin kung ano kaya ang mangyayari kung ikaw at ang mga tao sa paligid mo ay nagmamahal at nagsisikap na sundin si Jesucristo.

  • Paano maiiba ang inyong komunidad?

  • Paano maiiba ang inyong paaralan o simbahan?

  • Paano maiiba ang inyong tahanan?

Ang aklat ng 4 Nephi ay naglalaman ng salaysay tungkol sa mga taong nabuhay pagkatapos ng pagdalaw ng Tagapagligtas sa lupain ng Amerika. Sa pag-aaral mo ng kanilang mga karanasan, alamin ang naging impluwensya ni Jesucristo at ng Kanyang ebanghelyo sa mga taong ito. Isipin kung paano makakaimpluwensya ang mga turong ito sa paraan ng pamumuhay na pinili mo.

Ang epekto ng ebanghelyo ng Tagapagligtas

Basahin ang 4 Nephi 1:1–2, at alamin ang epekto ng Tagapagligtas at ng Kanyang mga turo sa mga tao.

  • Ano ang napansin mo?

Maaari mong markahan ang pariralang “ang mga tao ay nagbalik-loob na lahat sa Panginoon” sa talata 2.

Ang ibig sabihin ng magbalik-loob sa Panginoon ay “pagbabago ng isang tao ng kanyang paniniwala, nasasapuso, at buhay upang tanggapin at sundin ang kalooban ng Diyos … [at] maging disipulo ni Cristo” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagbabalik-loob, Nagbalik-loob,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org).

Ang mga pagpapala ng pagbabalik-loob

Ang mga Nephita at mga Lamanita ay nakaranas ng pambihirang mga pagpapala dahil sa kanilang pagbabalik-loob kay Jesucristo. Sa iyong study journal, isulat ang “Mga Pagpapala mula sa Pagbabalik-loob” sa gitna ng isang pahina.

Basahin ang 4 Nephi 1:2–18, at markahan ang mga salita o parirala na naglalarawan ng mga pagpapalang natanggap nila. Sa iyong papel, isulat ang mga salita o pariralang ito sa paligid ng pamagat na “Mga Pagpapala mula sa Pagbabalik-loob.” (Maaaring makatulong na malaman ang kahulugan ng ilan sa mga salita sa talata 16. Ang alitan ay tumutukoy sa mga kaguluhan o hidwaan ng publiko, ang pagpapatutot ay tumutukoy sa mga seksuwal na kasalanan, at ang kahalayan ay tumutukoy sa pagnanasa at kawalan ng kalinisang-puri.)

Isipin kung alin sa mga pagpapalang ito ang nais mong maranasan pa sa sarili mong buhay. Maaari mong bilugan ang mga ito sa pahina sa iyong study journal.

icon, isulat
  1. Sagutin ang mga sumusunod na tanong:

    • Ano ang pinakanapansin mo sa mga talatang ito? Bakit?

    • Batay sa natutuhan mo mula sa mga talatang ito, paano mo tatapusin ang sumusunod na pangungusap: “Kapag nagbalik-loob tayo sa Panginoon …”?

Ang isang katotohanan na matutukoy natin mula sa mga talatang ito ay kapag nagbalik-loob tayo sa Panginoon, bibiyayaan tayo ng kaligayahan at pagkakaisa bilang mga anak ni Cristo.

  • Sa iyong palagay, bakit magdudulot ng gayong mga pagpapala ang pagbabalik-loob kay Jesucristo at pamumuhay sa Kanyang ebanghelyo?

  • Paano makakaimpluwensya sa gawain natin sa araw-araw ang pag-unawa sa katotohanang ito?

Ang pag-ibig sa Diyos

Ibinahagi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod na obserbasyon kung bakit nagawa ng mga taong ito na mamuhay sa gayong kaligayahan at pagkakaisa.

12:44

Ano ang susi sa pagkakaroon ng kuntento at masayang buhay na ito? Ito ay nakasaad sa isang pangungusap: “[Ang] pag-ibig sa Diyos [ay] nananahan sa mga puso ng tao” [4 Nephi 1:15]. Kapag ang pag-ibig sa Diyos ang nananaig sa ating buhay, sa pakikipag-ugnayan natin sa isa’t isa at sa nadarama natin sa buong sangkatauhan, ang mga diskriminasyon, paglalagay ng mga label, at artipisyal na pagkakahati-hati ay nagsisimulang mapawi, at nadaragdagan ang kapayapaan. Iyan ang mismong nangyari sa mga tao sa Aklat ni Mormon. Wala nang mga Lamanita, o Jacobeo, o Josefita, o Zoramita. Wala nang mga “ita”. Isang bagong mas mainam na pagkakakilanlan ang ginamit ng mga tao. Lahat sila, sinasabi rito, ay nakilala bilang “mga anak ni Cristo” [4 Nephi 1:17]. (Jeffrey R. Holland, “Ang Pinakamahalagang Pag-aari,” Liahona, Nob. 2021, 9)

Maaari mong markahan ang parirala sa talata 15 tungkol sa pag-ibig sa Diyos na nananahan sa puso ng mga tao. Ang maaaring ibig sabihin ng pagkakaroon ng pag-ibig sa Diyos sa ating puso ay nadarama natin ang pagmamahal ng Diyos para sa atin at sa iba. Maaari ding ibig sabihin nito ay makadama ng pagmamahal sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

  • Ano ang ilang magagawa natin na makatutulong sa atin na makadama ng higit na pagmamahal sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?

Ang isang paraan na makadarama tayo ng higit na pagmamahal para sa Ama sa Langit at kay Jesucristo ay sa pamamagitan ng pag-aaral ng tungkol sa Kanila at makilala Sila sa mga banal na kasulatan.

Maglaan ng oras na pag-aralan ang mga scripture passage tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo na makatutulong sa iyo na makadama ng higit na pagmamahal para sa Kanila. Bigyang-pansin ang natutuhan mo tungkol sa Kanilang mga katangian, hangarin, at tungkulin. Maaari mong saliksikin ang mga katagang tulad ng “Ama sa Langit” o “Jesucristo” gamit ang mga tool sa pag-aaral tulad ng Gabay sa mga Banal na Kasulatan, o ang search function sa Gospel Library.

icon, isulat
  1. Sagutin ang mga sumusunod na tanong:

    • Ano ang isang bagay na natutuhan mo tungkol sa Ama sa Langit o kay Jesucristo na makatutulong sa iyo na makadama ng higit na pagmamahal para sa Kanila?

    • Ano ang isang bagay na pagsisikapan mong gawin sa darating na mga araw na makatutulong sa iyo na mas magbalik-loob kay Jesucristo?