Seminary
3 Nephi 27, Bahagi 2: Nagiging Banal sa pamamagitan ni Jesucristo


“3 Nephi 27, Part 2: Nagiging Banal sa pamamagitan ni Jesucristo,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon (2024)

“3 Nephi 27, Bahagi 2,” Manwal ng Titser para sa Aklat ni Mormon

3 Nephi 27, Bahagi 2

Nagiging Banal sa pamamagitan ni Jesucristo

masayang bata na binibinyagan

May mga pagkakataon ba na gusto mong maging mas espirituwal na malinis? Nang magturo si Jesucristo sa Kanyang mga disipulo sa sinaunang Amerika, ipinaliwanag Niya ang mahahalagang pagpapala na makakamtan ng mga taong sumusunod sa Kanyang ebanghelyo, kabilang na ang pagpapabanal sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maunawaan kung paano tanggapin ang nagpapabanal na kapangyarihan ng Tagapagligtas sa pagsisikap mong ipamuhay ang Kanyang ebanghelyo.

Hindi Malinis

Ibinahagi ni Elder Allen D. Haynie ng Pitumpu ang sumusunod na kuwento mula sa kanyang pagkabata.

10:25

Noong ako ay siyam na taong gulang, ang aking lola na puti na ang buhok at may taas na four-foot-eleven-inch (1.5 m), ay nagbakasyon nang ilang linggo sa bahay namin. Isang hapon habang nasa bahay siya, nakatuwaan namin ng dalawa kong kuya na humukay sa tapat ng bahay namin. Hindi ko alam kung bakit ginawa namin ito; kung minsan natutuwa lang maghukay ang mga batang lalaki. Nadumihan kami, pero kaunti lang naman kaya walang problema. Nakita ng iba pang mga bata sa lugar namin na masayang maghukay kaya nakihukay na rin sila. At nadumihan na kaming lahat. Matigas ang lupa, kaya humila kami ng hose at diniligan ang ilalim ng hukay para lumambot ang lupa. Naputikan kami habang naghuhukay, pero nakagawa naman kami ng malalim na hukay.

Isa sa kagrupo namin ang nagsabi na gawin naming swimming pool ang hukay, kaya pinuno namin ito ng tubig. Dahil ako ang pinakabata at gusto kong makabilang sa kanila, napapayag nila akong tumalon para subukan kung ayos na ito. Ngayon talagang napakarumi ko na. Wala naman akong balak na maglublob sa putik, pero iyon ang nangyari sa akin sa bandang huli.

Nang magsimula nang lumamig, tumawid ako ng kalsada para umuwi. Sinalubong ako ng lola ko sa pintuan sa harapan ng bahay at ayaw akong papasukin. Sabi niya, kung papapasukin niya ako, magkakalat ako ng putik sa bahay na kalilinis lang niya. Kaya ginawa ko ang gagawin ng sinumang siyam na taong gulang at tinakbo ang pintuan sa likod-bahay, pero mas mabilis siya kaysa sa akin. Nagalit ako, nagdabog, at nagpumilit na papasukin ako sa bahay, pero hindi niya ako pinagbuksan.

Basang-basa ako, puro putik, at giniginaw, at inisip ko na baka mamatay ako sa mismong bakuran namin. Sa huli, itinanong ko sa kanya kung ano ang gagawin ko para makapasok sa bahay. Bago ko pa namalayan, naramdaman ko na lang na iniispreyan ako ni lola ng tubig mula sa hose habang nakatayo ako. Matapos ang tila walang katapusang sandali, sinabi ni lola na malinis na ako at pinapasok na ako sa bahay. Mainit sa bahay, at nakapagsuot ako ng tuyo at malinis na damit. (Allen D. Haynie, “Alalahanin Kung Kanino Tayo Nagtitiwala,” Liahona, Nob. 2015, 121)

  • Anong mga espirituwal na paghahambing ang magagawa mo sa kuwento ni Elder Haynie at sa ating buhay?

Sa 3 Nephi 27, bilang bahagi ng mensahe ng Tagapagligtas sa Kanyang mga Nephitang disipulo tungkol sa Kanyang ebanghelyo, itinuro Niya ang mga kahihinatnan ng kasalanan at kung paano natin madaraig ang mga ito at kung paano tayo magiging espirituwal na malinis.

Basahin ang 3 Nephi 27:19, at alamin ang mga turo ng Tagapagligtas.

  • Ano ang itinuturo sa iyo ng talatang ito tungkol sa pangangailangan mo kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala?

Malilinis ka ni Jesucristo mula sa mantsa ng kasalanan at matutulungan ka Niyang maging banal. Isipin ang pangangailangan mo na maging malinis mula sa kasalanan at kung ano kaya ang pakiramdam na maging espirituwal na malinis. Sa pag-aaral mo ngayon, maghanap ng mga turo na makatutulong sa iyo na mas maunawaan kung paano mo matatamo ang nakapagpapabanal na kapangyarihan ng Tagapagligtas sa iyong buhay.

Inilarawan ni Jesucristo kung paano tayo mapapabanal sa pamamagitan ng Espiritu Santo

Sa 3 Nephi 27:20–22, itinuro ng Tagapagligtas kung ano ang magagawa natin para matanggap ang Kanyang nagpapabanal na kapangyarihan at maging karapat-dapat sa buhay na walang hanggan. Upang matulungan kang pag-aralan ang mga talatang ito, kopyahin ang sumusunod na chart sa iyong study journal.

Mga Kautusan

Mga Pagpapala

Basahin ang 3 Nephi 27:20–22 at kumpletuhin ang chart batay sa malalaman mo.

icon Ang 3 Nephi 27:20 ay isang doctrinal mastery passage. Maaari mong markahan ang mga doctrinal mastery passage sa partikular na paraan upang madali mong mahanap ang mga ito. Magkakaroon ka ng pagkakataon sa susunod na lesson na magsanay na gamitin ang doktrinang itinuturo sa passage na ito sa isang tanong o sitwasyon.

  • Paano mo ibubuod ang mga turo ng Tagapagligtas sa talata 20 bilang pahayag ng katotohanan?

Ang isang katotohanan na matututuhan natin ay kung tayo ay magsisisi at lalapit kay Jesucristo sa pamamagitan ng pagpapabinyag, mapapabanal tayo sa pamamagitan ng pagtanggap ng Espiritu Santo at tatayo tayo nang walang bahid-dungis sa Kanyang harapan sa huling araw.

Ang ibig sabihin ng mapabanal ay maging “malaya mula sa kasalanan, pagiging dalisay, malinis, at banal sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Jesucristo” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagpapabanal,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org).

icon, isulat
  1. Sagutin ang mga sumusunod na tanong:

    • Paano nakatutulong sa atin ang pagsisisi at pagbibinyag na maranasan ang pagpapabanal sa pamamagitan ni Jesucristo?

    • Paano mo kaya sasagutin ang isang tao na nagtatanong kung paano naaangkop ang mga kautusang ito sa kanila matapos nilang matanggap ang ordenansa ng binyag?

Nagiging Banal sa pamamagitan ng Espiritu Santo

Itinuturo sa atin ng mga salita ni Jesucristo sa talata 20 na ang paraan ng pagtulong Niya sa atin na maging banal ay sa pamamagitan ng pagtanggap sa Espiritu Santo.

Itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan ang kaugnayan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas at ng nakapagpapabanal na impluwensya ng Espiritu Santo.

Kung nadarama ninyo ang impluwensya ng Espiritu Santo ngayon, maituturing ninyong katibayan ito na nagkakaroon ng epekto ang Pagbabayad-sala sa inyong buhay. Sa kadahilanang iyan at sa marami pang iba, makabubuting ilagay ninyo ang inyong sarili sa mga lugar o mga gawain na nag-aanyaya ng mga pahiwatig ng Espiritu Santo. Madarama natin ang impluwensya ng Espiritu Santo sa dalawang paraang ito: ang Espiritu Santo ay nananahan lamang sa isang malinis na templo, at kapag nasa atin ang Espiritu Santo, nililinis tayo nito sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. (Henry B. Eyring, “Gifts of the Spirit for Hard Times,” Ensign, Hunyo 2007, 23)

icon, isulat
  1. Sagutin ang kahit isa sa mga sumusunod na tanong.

    • Paano mo napansin ang nagpapadalisay na impluwensya ng Espiritu sa iyong buhay?

    • Ano ang ilang paraan na maaanyayahan natin ang patuloy na patnubay ng Espiritu Santo upang regular tayong mapagpala ng nagpapabanal na impluwensya nito?

Pagsasabuhay ng mga turo ng Tagapagligtas

Ang mga katotohanang napag-aralan mo ngayon ay simple ngunit mahalagang sundin palagi upang makabalik ka nang karapat-dapat sa kinaroroonan ng Diyos. Isipin kung paano mo ipamumuhay ang natutuhan at nadama mo. Maaari kang pumili ng isa o mahigit pa sa mga sumusunod na opsiyon o pumili ng ibang paraan para maipamuhay ang mga turong ito.

  1. Maging mas handang magsisi araw-araw at magpasiyang sundin nang mas lubusan ang Tagapagligtas.

  2. Gawing mas makabuluhang bahagi ng iyong pagsamba sa araw ng Linggo ang pakikibahagi mo sa ordenansa ng sakramento.

  3. Tukuyin ang isang kasalanan o panggagambala na humahadlang para mapasaiyo ang Espiritu Santo. Gawin ang mga kinakailangang pagkilos para maalis ang kasalanan o panggagambalang iyon sa iyong buhay.

  4. Simulang gawin ang isang bagay para mas matanggap mo ang patnubay ng Espiritu Santo.