Lumang Tipan 2022
Pebrero 27. Bakit Mahalaga ang Kasal na Walang-Hanggan? Genesis 24–27


“Pebrero 27. Bakit Mahalaga ang Kasal na Walang-Hanggan? Genesis 24–27,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2022 (2021)

“Pebrero 27. Bakit Mahalaga ang Kasal na Walang-Hanggan?” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2022

Larawan
magkasintahang nakatingin sa templo

Pebrero 27

Bakit Mahalaga ang Kasal na Walang-Hanggan?

Genesis 24–27

Larawan
icon ng sama-samang magpayuhan

Sama-samang Magpayuhan

Pinamumunuan ng isang miyembro ng quorum o class presidency; 10–20 minuto

Sa simula ng miting, bigkasin nang sabay-sabay ang Tema ng Young Women o ang Tema ng Korum ng Aaronic Priesthood. Pagkatapos ay pamunuan ang isang talakayan tungkol sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan gamit ang isa o mahigit pa sa mga tanong sa ibaba o ang sarili mong mga tanong (tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 10.2, 11.2, ChurchofJesusChrist.org). Magplano ng mga paraan para kumilos ayon sa tinatalakay ninyo.

  • Ipamuhay ang ebanghelyo. Anong mga paksa ang natalakay ng bishopric sa ating mga ward youth council meeting? Ano ang magagawa natin bilang isang klase o korum batay sa mga talakayang iyon?

  • Pangalagaan ang mga nangangailangan. Paano natin matutulungan ang mga tao na katulad ng pagtulong ni Cristo kapag nakikita natin ang isang pangangailangan at hindi natin alam kung ano ang sasabihin?

  • Anyayahan ang lahat na tanggapin ang ebanghelyo. Ano ang natagpuan natin sa ebanghelyo ni Jesucristo na nagdudulot ng kagalakan sa atin? Paano natin maibabahagi sa iba ang kagalakang iyon?

  • Pagkaisahin ang mga pamilya para sa kawalang-hanggan. Ano ang ginagawa natin para mahanap ang mga pangalan ng ating mga ninuno na nangangailangan ng mga ordenansa sa templo? Ano ang magagawa natin para matulungan ang iba na mahanap ang mga pangalan ng kanilang mga ninuno?

Sa pagtatapos ng lesson, kung angkop, gawin ang sumusunod:

  • Patotohanan ang mga alituntuning itinuro.

  • Ipaalala sa mga miyembro ng klase o korum ang mga plano at paanyayang ginawa sa oras ng miting.

Ituro ang Doktrina

Pinamumunuan ng isang adult leader o kabataan; 25–35 minuto

Espirituwal na Ihanda ang Iyong Sarili

Nang panahon na para mag-asawa si Isaac, hiniling ni Abraham sa kanyang alipin na maghanap ng asawa para kay Isaac. Ninais nina Abraham at Isaac na makahanap ng asawa para kay Isaac na maaaring gumawa at tumupad ng mga tipan sa Panginoon at ituro ang mga ito sa kanyang mga anak. Si Rebeca ang matapat na babaeng pumasok sa tipan ng kasal kay Isaac. Bagama’t nililinaw sa mga banal na kasulatan na ang kasal ay napakahalaga sa Diyos, ang mga turo ng Diyos tungkol sa kasal ay hinahamon sa ating panahon. Ngunit ipinahayag na ng Kanyang mga propeta na ang kasal “ay inorden ng Diyos” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” ChurchofJesusChrist.org). Mahalaga para sa mga tinuturuan mo na maunawaan ang mga walang-hanggang katotohanan tungkol sa kasal. Ang paggawa nito ay tutulong sa kanila na maghanda para sa at magpatotoo tungkol sa mahalagang bahaging ito ng plano ng ating Ama sa Langit.

Ano ang nadarama ng mga kabataang tinuturuan mo tungkol sa kasal na walang-hanggan? Paano mo sila matutulungang isipin kung bakit napakahalaga ng kasal na walang-hanggan sa plano ng Ama sa Langit? Habang naghahanda kang magturo, maaari mong rebyuhin ang mensahe ni Elder D. Todd Christofferson na “Bakit Dapat Mag-asawa at Bumuo ng Pamilya” (Liahona, Mayo 2015, 50–53). Maaari mo ring rebyuhin ang “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” (ChurchofJesusChrist.org).

Larawan
pamilyang naglalakad sa kakahuyan

Ang mga kasal na walang-hanggan at mga pamilya ay napakahalaga sa plano ng Ama sa Langit.

Magkakasamang Matuto

Maaaring napagnilayan na ng mga kabataang tinuturuan mo ang kahalagahan ng kasal habang binabasa nila ang Genesis 24–27 sa linggong ito. Anyayahan silang rebyuhin ang Genesis 24. Hilingin sa kanila na ibahagi ang mga talatang nagpapakita na mahalaga ang kasal sa mga taong inilarawan sa kabanatang ito. Anyayahan silang isipin kung bakit napakahalaga ng kasal na walang-hanggan sa plano ng Diyos. Matutulungan sila ng mga aktibidad sa ibaba na mas maunawaan ang kahalagahan ng kasal.

  • Ang mga miyembro ng inyong klase o korum ay maaaring magkaroon ng mga pagkakataong ipaliwanag kung bakit mahalaga sa kanila ang kasal. Anyayahan silang isipin na kunwari ay may isang kaibigan silang naniniwala na hindi na uso at hindi kailangan ang kasal. Maaari silang gumawa ng maikling sulat sa kaibigang ito para ipaliwanag ang kahalagahan ng kasal sa plano ng Ama sa Langit. Hikayatin silang isama ang mga katotohanang matatagpuan nila sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo.” Maaari din nilang gamitin ang mga talata sa banal na kasulatan na matatagpuan sa “Suportang Resources” o sa “Kasal, Pagpapakasal” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (scriptures.ChurchofJesusChrist.org). Anyayahan silang ibahagi sa klase ang isinulat nila.

  • Para makapagsimula ng isang talakayan tungkol sa kahalagahan ng kasal, isulat sa pisara ang Bakit mahalaga ang kasal na walang-hanggan? Bigyan ng ilang minuto ang mga kabataan para isulat ang mga sagot sa tanong. Pagkatapos ay anyayahan silang ibahagi ang kanilang mga sagot. Maaari silang maghanap ng mga karagdagang sagot sa mensahe ni Elder D. Todd Christofferson na “Bakit Dapat Mag-asawa at Bumuo ng Pamilya” (Liahona, Mayo 2015, 50–53). Anyayahan silang ibahagi ang kanilang patotoo kung bakit mahalaga ang kasal.

  • Sa pagtanggap natin sa mga turo ng Diyos tungkol sa kasal at pagsisikap na ipamuhay ang mga ito, tumatanggap tayo ng maraming pagpapala. Ngunit may ilang tao—kabilang na ang mga taong ginagawa ang lahat para ipamuhay ang ebanghelyo—na nahaharap sa mga hamon sa pagtatatag ng masasaya at walang-hanggang kasal. Maaari mong hilingin sa mga kabataan na pag-usapan ang ilan sa mga hamong iyon. Ano ang magagawa natin ngayon upang makapaghanda para sa gayong mga hamon? Maaari mo rin silang anyayahang basahin ang huling dalawang bahagi ng mensahe ni Elder Neil L. Andersen na “Ang Mata ng Pananampalataya” (Liahona, Mayo 2019, 34–38). Maaaring talakayin ng mga miyembro ng inyong klase o korum ang mga halimbawang nakita nila sa buhay nila o sa kasaysayan ng pamilya nila tungkol sa mga taong tapat na hinarap ang mga hamon tulad ng binanggit ni Elder Andersen. Paano matutulungan ng Tagapagligtas ang lahat ng taong nahaharap sa mga hamon sa paghahangad nila sa mga pagpapala ng kasal na walang-hanggan?

Kumilos nang May Pananampalataya

Hikayatin ang mga miyembro ng klase o korum na pagnilayan at itala kung ano ang gagawin nila para kumilos ayon sa mga impresyong natanggap nila ngayon. Kung gusto nila, maaari nilang ibahagi ang kanilang mga ideya. Anyayahan silang isipin kung paano mapapatibay ng pagkilos ayon sa kanilang mga impresyon ang kanilang kaugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

Suportang Resources

Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas

Inanyayahan ng Tagapagligtas ang Kanyang mga alagad na kumilos nang may pananampalataya at ipamuhay ang mga katotohanang itinuro Niya. Paano mo maaanyayahan ang mga tinuturuan mo na ipamuhay ang mga katotohanang natututuhan nila?

Print