Lumang Tipan 2022
Marso 13. Paano Ako Makatutugon sa Paghihirap nang May Pananampalataya? Genesis 37–41


“Marso 13. Paano Ako Makatutugon sa Paghihirap nang May Pananampalataya? Genesis 37–41,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2022 (2021)

“Marso 13. Paano Ako Makatutugon sa Paghihirap nang May Pananampalataya?” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2022

Larawan
mga kabataang lalaking nakangiti

Marso 13

Paano Ako Makatutugon sa Paghihirap nang May Pananampalataya?

Genesis 37–41

Larawan
icon ng sama-samang magpayuhan

Sama-samang Magpayuhan

Pinamumunuan ng isang miyembro ng quorum o class presidency; 10–20 minuto

Sa simula ng miting, bigkasin nang sabay-sabay ang Tema ng Young Women o ang Tema ng Korum ng Aaronic Priesthood. Pagkatapos ay pamunuan ang isang talakayan tungkol sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan gamit ang isa o mahigit pa sa mga tanong sa ibaba o ang sarili mong mga tanong (tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 10.2, 11.2, ChurchofJesusChrist.org). Magplano ng mga paraan para kumilos ayon sa tinatalakay ninyo.

  • Ipamuhay ang ebanghelyo. Paano natin nakita ang kamay ng Panginoon sa ating buhay?

  • Pangalagaan ang mga nangangailangan. Paano natin masusuportahan ang isa’t isa sa mga bagay na pinagdaraanan natin?

  • Anyayahan ang lahat na tanggapin ang ebanghelyo. Paano natin mas magagamit ang teknolohiya bilang kasangkapan sa pagbabahagi ng ebanghelyo?

  • Pagkaisahin ang mga pamilya para sa kawalang-hanggan. Ano ang ginagawa natin upang matulungan ang ating mga pamilya na lumapit kay Cristo?

Sa pagtatapos ng lesson, kung angkop, gawin ang sumusunod:

  • Patotohanan ang mga alituntuning itinuro.

  • Ipaalala sa mga miyembro ng klase o korum ang mga plano at paanyayang ginawa sa oras ng miting.

Ituro ang Doktrina

Pinamumunuan ng isang adult leader o kabataan; 25–35 minuto

Espirituwal na Ihanda ang Iyong Sarili

Bilang isang binata, naharap si Jose ng Ehipto sa maraming uri ng paghihirap. Nakaalitan niya ang kanyang pamilya at minaltrato siya ng kanyang mga kapatid. Naharap siya sa tukso na suwayin ang batas ng kalinisang-puri. Ngunit sa halip na igalang dahil sa kanyang integridad, itinapon siya sa bilangguan. Maaaring nahaharap ang mga miyembro ng inyong klase o korum sa gayon ding mga pagsubok at marami pang iba. Habang pinag-aaralan mo ang mga karanasan ni Jose sa Genesis 37–41, isipin ang mga tinuturuan mo. Pagnilayan kung ano kaya ang mahahalagang aral sa buhay ni Jose para sa kanila (tingnan din sa Eter 12:27; Henry B. Eyring, “Sikapin, Sikapin, Sikapin,” Liahona, Nob. 2018, 90–93). Ang salaysay tungkol kay Jose ay maaaring maghikayat sa mga miyembro ng klase o korum na itanong, “Paano ako makatutugon sa aking mga paghihirap nang may pananampalataya, at paano ako tutulungan ng Diyos?”

Larawan
klase ng young women

Sa pagtutuon sa ating pananampalataya kay Jesucristo, makasusumpong tayo ng lakas sa ating mga paghihirap.

Magkakasamang Matuto

Isiping hilingin sa mga miyembro ng klase o korum na ilista sa pisara ang ilang pangyayari mula sa buhay ni Jose ng Ehipto, tulad ng inilarawan sa Genesis 37 at 39–41. Ang pagpapakita ng ilang larawan, tulad ng mga nasa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya, ay maaaring makatulong sa kanila na maalala ang mga pangyayaring ito. Paano natutulad ang mga pagsubok ni Jose sa mga hamong kinakaharap ng mga kabataan ngayon? Kung buhay si Jose ngayon, anong payo kaya ang maibibigay niya sa atin tungkol sa pagtugon sa paghihirap? Ano kaya ang masasabi niya kung paano nakatulong sa kanya ang kaugnayan niya sa Panginoon? Gamitin ang mga aktibidad na tulad ng mga sumusunod upang tulungan ang mga kabataan na pag-isipan kung paano sila makatutugon sa kanilang mga hamon nang may pananampalataya kay Jesucristo.

  • Ang pag-aaral kung paano tumugon sa paghihirap ang Tagapagligtas ay makatutulong sa atin na harapin ang ating mga paghihirap nang may pananampalataya. Maaaring magmungkahi ang mga kabataan ng ilang halimbawa ng paghihirap na naranasan ng Tagapagligtas at sama-samang rebyuhin ang mga ito (tingnan sa “Suportang Resources” para sa ilang ideya). Ano ang hinahangaan natin sa paraan ng pagtugon ng Tagapagligtas sa mga panahon ng Kanyang paghihirap? Paano natin masusundan ang Kanyang halimbawa kapag nahaharap tayo sa sarili nating paghihirap?

  • Kung minsan ay mas madaling tumugon sa paghihirap kapag sinusubukan nating tingnan iyon mula sa pananaw ng Panginoon. Para maipaunawa ito sa mga tinuturuan mo, hilingin sa kanila na maghanap ng mga halimbawa ng kaibhang magagawa ng pananaw sa pamamagitan ng pagrerebyu sa mensahe ni Elder Rafael E. Pino na “Ang Walang-Hanggang Pananaw ng Ebanghelyo” (Liahona, Mayo 2015, 117–19). Anyayahan silang ibahagi ang natuklasan nila. Ano ang ipinahihiwatig ng mga halimbawang ito kung paano natin maaaring tingnan at tugunan ang ating mga paghihirap? Kung makapagsasalita sa atin ang Tagapagligtas tungkol sa ating mga hamon, ano kaya ang sasabihin Niya? Para masagot ang tanong na ito, maaaring rebyuhin ng mga kabataan ang mga talata sa banal na kasulatan sa “Suportang Resources.”

  • Isiping hilingin sa mga kabataan na magbahagi ng halimbawa ng isang tao (marahil ay isang ninuno) na nagbigay-inspirasyon sa kanila sa paraan ng kanyang pagharap sa mahirap na pagsubok. O maaari kang magbahagi ng nagbibigay-inspirasyong mga halimbawa ng mga taong kilala mo. Ang mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya ay kadalasang kinabibilangan ng mga kuwento ng mga taong tumugon sa paghihirap nang may pananampalataya (tingnan ang ilang halimbawa sa “Suportang Resources”). Isipin kung ano ang maaari mong ibahagi mula sa gayong mga mensahe na maaaring makabuluhan sa mga tinuturuan mo. Habang sama-sama ninyong tinatalakay ang mga halimbawang ito, imungkahi na magtuon ang mga miyembro ng klase o korum sa kung paano nakatulong sa mga tao ang pagsampalataya kay Jesucristo sa kanilang mga paghihirap. Maaari mo ring ibahagi ang listahan ng resources ni Bishop W. Christopher Waddell na ibinigay ng Panginoon para tulungan tayo sa ating mga hamon, na matatagpuan malapit sa dulo ng kanyang mensaheng “Bumaling sa Panginoon” (Liahona, Nob. 2017, 94–96).

Kumilos nang May Pananampalataya

Hikayatin ang mga miyembro ng klase o korum na pagnilayan at itala kung ano ang gagawin nila para kumilos ayon sa mga impresyong natanggap nila ngayon. Kung gusto nila, maaari nilang ibahagi ang kanilang mga ideya. Anyayahan silang isipin kung paano mapapatibay ng pagkilos ayon sa kanilang mga impresyon ang kanilang kaugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

Suportang Resources

Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas

“Kapag naghanda ka, hayaang gabayan ng iyong pang-unawa sa mga taong tinuturuan mo ang iyong mga plano” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas,7). Halimbawa, mapanalanging magplano ng mga aktibidad gamit ang mga banal na kasulatan at iba pang resources na maaaring makatulong sa mga hamong kinakaharap ng mga miyembro ng klase o korum.

Print