Lumang Tipan 2022
Marso 27. Sino Ako, at Ano ang Nais ng Diyos na Kahinatnan Ko? Exodo 1–6


“Marso 27. Sino Ako, at Ano ang Nais ng Diyos na Kahinatnan Ko? Exodo 1–6,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2022 (2021)

“Marso 27. Sino Ako, at Ano ang Nais ng Diyos na Kahinatnan Ko?” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2022

Larawan
binatilyong tumutugtog ng gitara

Marso 27

Sino Ako, at Ano ang Nais ng Diyos na Kahinatnan Ko?

Exodo 1–6

Larawan
icon ng sama-samang magpayuhan

Sama-samang Magpayuhan

Pinamumunuan ng isang miyembro ng quorum o class presidency; 10–20 minuto

Sa simula ng miting, bigkasin nang sabay-sabay ang Tema ng Young Women o ang Tema ng Korum ng Aaronic Priesthood. Pagkatapos ay pamunuan ang isang talakayan tungkol sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan gamit ang isa o mahigit pa sa mga tanong sa ibaba o ang sarili mong mga tanong (tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 10.2, 11.2, ChurchofJesusChrist.org). Magplano ng mga paraan para kumilos ayon sa tinatalakay ninyo.

  • Ipamuhay ang ebanghelyo. Paano tayo nagagalak sa pagsunod kay Jesucristo?

  • Pangalagaan ang mga nangangailangan. Sino sa ating ward o komunidad ang nangangailangan ng ating tulong? Paano tayo makakatulong?

  • Anyayahan ang lahat na tanggapin ang ebanghelyo. Paano natin matutulungan ang isa’t isa na maghandang maglingkod bilang missionary?

  • Pagkaisahin ang mga pamilya para sa kawalang-hanggan. Paano tayo makapag-aambag sa mga pagsisikap ng ating ward na gumawa ng family history at gawain sa templo?

Sa pagtatapos ng lesson, kung angkop, gawin ang sumusunod:

  • Patotohanan ang mga alituntuning itinuro.

  • Ipaalala sa mga miyembro ng klase o korum ang mga plano at paanyayang ginawa sa oras ng miting.

Ituro ang Doktrina

Pinamumunuan ng isang adult leader o kabataan; 25–35 minuto

Espirituwal na Ihanda ang Iyong Sarili

Kahanga-hangang tanawin sana ang isang nagliliyab na palumpong na hindi natutupok, at natuon dito ang pansin ni Moises. Ngunit mas kahanga-hanga pa ang sumunod na nangyari. Kinausap ng Diyos si Moises, at natutuhan ni Moises na tingnan ang kanyang sarili ayon sa pagtingin ng Diyos sa kanya. Sa pananaw na iyon, may naisagawa si Moises sa tulong ng Panginoon na naituring niyang imposible: hinarap niya si Faraon at sinagip ang mga tao ng Diyos.

Kailangan nating lahat ng mga karanasang tutulong sa atin na palitan ang mga pagdududa natin sa ating sarili ng pagkaunawa ng Diyos sa kung sino tayo at ano ang maaari nating kahinatnan. Ang mga kabataan, lalo na, ay nahaharap sa mga maling mensahe tungkol sa kanilang personal na kahalagahan. At tulad ni Moises, ang Diyos ay “may gawain na ipinagagawa sa [kanila]” (Tema ng Korum ng Aaronic Priesthood). May sarili silang haharaping mga Faraon at sarili nilang sasagiping mga tao. Paano mo maipapaalala sa kanila na sila ay minamahal na mga anak na babae at lalaki ng mga magulang sa langit “na may banal na katangian at walang-hanggang tadhana”? (Tema ng Young Women). Pagnilayan ito habang binabasa mo ang Job 1–6. Isipin ding pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 18:10–15 at ang mensahe ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf na “Mahalaga Kayo sa Kanya” (Liahona, Nob. 2011, 19–22).

Larawan
grupo ng mga kabataang babae sa labas

Maaaring mabago ang ating buhay kapag nauunawaan natin ang ating tunay na pagkatao bilang mga anak ng Diyos.

Magkakasamang Matuto

Maaaring nabasa na ng mga miyembro ng inyong klase o korum ang Exodo 1–6 sa linggong ito. Para mahikayat silang ibahagi ang natutuhan nila, maaari mong itanong sa kanila kung ano ang nadama ni Moises tungkol sa tungkulin niyang iligtas ang mga anak ni Israel (tingnan sa Exodo 3:11). Anong mga katotohanan ang itinuro ng Panginoon kay Moises na makakatulong na baguhin ang kanyang pananaw? (tingnan sa Exodo 3:4–15; 4:10–17; tingnan din sa Moises 1:3–11). Paano kaya nakatulong kay Moises ang mga katotohanang ito? Paano tayo matutulungan ng mga ito? Gumamit ng isang aktibidad na tulad ng isa sa mga sumusunod para tulungan ang mga miyembro ng klase o korum na matuklasan kung ano ang naihayag ng Diyos tungkol sa kanilang tunay na pagkatao, kahalagahan, at potensyal.

  • Sinabi ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, “Lubhang kakaiba ang ginagamit na panukat ng Panginoon sa mundo upang timbangin ang kahalagahan ng isang kaluluwa” (“Mahalaga Kayo sa Kanya,” 22). Para matalakay ang ideyang ito, maaari mong isulat sa pisara ang Paano ipinapakita ng mundo sa isang tao na siya ay pinahahalagahan? Anyayahan ang mga tinuturuan mo na magmungkahi ng mga sagot. Kung hahatulan natin ang ating kahalagahan sa ganitong paraan, paano kaya maaapektuhan ng mga damdaming ito ang ating mga pagpili? Pagkatapos ay maaari mong isulat sa pisara ang Paano ipinapakita ng Diyos sa isang tao na siya ay pinahahalagahan? Habang nagbabahagi ng mga sagot ang mga kabataan, hikayatin silang basahin ang Juan 3:16; Doktrina at mga Tipan 18:10–15; Lucas 15:3–6, 11–32. Maaari din nilang basahin ang huling bahagi ng mensahe ni Pangulong Uchtdorf. Kung hahatulan natin ang ating kahalagahan sa ganitong paraan, paano kaya maaapektuhan ng mga damdaming ito ang ating mga pagpili?

  • Ang mga label ay nakakaapekto sa damdamin at pagtrato natin sa ating sarili at sa iba. Para matulungan ang mga miyembro ng klase o korum na isipin kung paano nila binibigyan ng label ang kanilang sarili, maaari mong bigyan ang bawat isa sa kanila ng ilang blangkong name tag. Bawat tag ay maaaring sulatan ng “Hello, ako si …” sa itaas. Anyayahan silang mag-isip ng ilang iba’t ibang salita o kataga na maaari nilang isulat sa kanilang name tag. Kung sinusulatan ng Ama sa Langit ang mga name tag para sa atin, ano kaya ang isusulat Niya? Ano ang maaari Niyang isulat kung ang nakasaad sa mga tag ay “Hello, maaari akong maging …”? Maaaring pagnilayan ng mga miyembro ng klase o korum ang mga tanong na ito habang binabasa ang ilan sa sumusunod na mga talata: 1 Juan 3:1–3; Moroni 10:32–33; Doktrina at mga Tipan 76:69–70; 84:37–38.

  • Ang mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya sa “Suportang Resources” ay may mga halimbawa ng mga taong nagbago ang buhay dahil nalaman nila ang kanilang tunay na pagkatao bilang mga anak ng Diyos. Isiping bigyan ang bawat miyembro ng klase o korum ng isa sa mga halimbawang ito para pagnilayan at ibahagi sa grupo. Maaari mo ring banggitin kung paano nakaapekto sa buhay mo ang pagkaalam na lahat tayo ay anak ng Diyos. Anyayahan ang mga miyembro ng klase o korum na gayon din ang gawin.

Kumilos nang May Pananampalataya

Hikayatin ang mga miyembro ng klase o korum na pagnilayan at itala kung ano ang gagawin nila para kumilos ayon sa mga impresyong natanggap nila ngayon. Kung gusto nila, maaari nilang ibahagi ang kanilang mga ideya. Anyayahan silang isipin kung paano mapapatibay ng pagkilos ayon sa kanilang mga impresyon ang kanilang kaugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

Suportang Resources

Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas

“Kung madarama ng mga kabataan na may tiwala ka sa kanila, lalago ang tiwala nila sa kanilang banal na potensyal, at magugulat ka sa magagawa nila” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 28).

Print