Lumang Tipan 2022
Abril 10. Paano Ko Mapapalakas ang Aking Pananampalataya kay Jesucristo Araw-araw? Exodo 14–17


“Abril 10. Paano Ko Mapapalakas ang Aking Pananampalataya kay Jesucristo Araw-araw? Exodo 14–17,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2022 (2021)

“Abril 10. Paano Ko Mapapalakas ang Aking Pananampalataya kay Jesucristo Araw-araw?” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2022

Larawan
Jesucristo

Abril 10

Paano Ko Mapapalakas ang Aking Pananampalataya kay Jesucristo Araw-araw?

Exodo 14–17

Larawan
icon ng sama-samang magpayuhan

Sama-samang Magpayuhan

Pinamumunuan ng isang miyembro ng quorum o class presidency; 10–20 minuto

Sa simula ng miting, bigkasin nang sabay-sabay ang Tema ng Young Women o ang Tema ng Korum ng Aaronic Priesthood. Pagkatapos, dagdag pa sa pagpapayuhan tungkol sa partikular na mga pangangailangan ng klase o korum, maaari mong talakayin ang mga impresyon at tema mula sa pangkalahatang kumperensya. Maaaring makatulong ang sumusunod na mga tanong.

  • Anong mga tema o mensahe ang namukod-tangi sa atin? Ano ang nagpalakas sa ating pananampalataya kay Jesucristo?

  • Ano ang nagpalakas sa ating patotoo tungkol sa mga buhay na propeta? Ano ang nahikayat tayong gawin dahil sa ating natutuhan o nadama?

  • Ano ang kailangan nating gawin bilang isang klase o korum para maalala at makakilos ayon sa narinig nating payo sa pangkalahatang kumperensya?

Sa pagtatapos ng lesson, kung angkop, gawin ang sumusunod:

  • Patotohanan ang mga alituntuning itinuro.

  • Ipaalala sa mga miyembro ng klase o korum ang mga plano at paanyayang ginawa sa oras ng miting.

Ituro ang Doktrina

Pinamumunuan ng isang adult leader o kabataan; 25–35 minuto

Espirituwal na Ihanda ang Iyong Sarili

Upang makaligtas sa ilang, kinailangang matutuhan ng mga anak ni Israel kung paano umasa sa Panginoon. Umasa sila sa Kanya para sa mga himalang nakapagliligtas ng buhay, tulad ng paghawi sa Dagat na Pula, at gayundin sa mga himalang nagdurugtong ng buhay, tulad ng manna mula sa langit. Totoo rin ito sa mga tinuturuan mo. Kung gusto nilang makaligtas sa kanilang espirituwal na paglalakbay sa ilang ng mortalidad, kailangan silang manampalataya kay Jesucristo. At kailangan silang manampalataya araw-araw, hindi lamang paminsan-minsan. Maaaring hindi madama ng ilan sa mga tinuturuan mo na malakas ang kanilang pananampalataya. Matutulungan mo silang makita na lumalago ang pananampalataya nang paunti-unti, araw-araw. Napapangalagaan ito sa pamamagitan ng maliliit at mga simpleng bagay na palagi nating ginagawa. Pagnilayan ang mga bagay na ito habang pinag-aaralan mo ang Exodo 14–17 sa linggong ito. Maaari mo ring pag-aralan ang mensahe ni Pangulong Dallin H. Oaks na “Maliliit at mga Karaniwang Bagay” (Liahona, Mayo 2018, 89–92).

Larawan
klase ng young women

Mapapalakas natin ang ating pananampalataya bawat araw sa maliliit at mga simpleng paraan.

Magkakasamang Matuto

Para makapagsimula ng isang talakayan, maaari mong hilingin sa mga kabataan na magbahagi ng ilan sa kanilang mga gawi sa araw-araw na tumutulong sa kanila na gumawa ng mabubuting bagay. Maaaring kabilang sa mga bagay na ito ang pananatiling malusog o pagpapalakas ng kanilang patotoo. Ano ang maaaring mangyari kung hindi natin mapananatili ang mga gawing ito? Paano maikukumpara ang araw-araw nating mga pagsisikap na gumawa ng mabubuting bagay sa mga tagubiling ibinigay ng Panginoon sa mga Israelita na tipunin ang manna? (tingnan sa Exodo 16:16–21). Maaari mong tulungan ang klase o korum na ikumpara ang karanasan ng mga Israelita sa ating mga pagsisikap na palakasin ang ating pananampalataya kay Jesucristo araw-araw. Halimbawa, ano ang ibinibigay sa atin ng Panginoon na parang manna na ibinigay Niya sa mga Israelita araw-araw? Ano ang magagawa natin na parang pagtitipon ng manna? Para maipagpatuloy ang inyong talakayan, gamitin ang isa o mahigit pa sa mga aktibidad sa ibaba o ang isa sa sarili mong mga aktibidad.

  • Sama-samang basahin ang Alma 37:6–7. Bilang isang klase o korum, ilista sa pisara ang ilan sa “maliliit at mga karaniwang bagay” na hinikayat ng Panginoon na gawin natin bawat araw para lumapit sa Kanya. Pagkatapos ay maaaring rebyuhin ng mga tinuturuan mo ang mensahe ni Pangulong Dallin H. Oaks na “Maliliit at mga Karaniwang Bagay” para makahanap ng karagdagang maliliit na bagay na maaaring magkaroon ng malaking impluwensya sa ating buhay. Ano ang maaaring maging epekto ng mga bagay na ito? Ano ang nahihikayat tayong gawin para maging mas palagiang bahagi ng ating pang-araw-araw na buhay ang mga bagay na ito?

  • Bakit kailangang pangalagaan araw-araw ang pananampalataya kay Jesucristo? Para mas maipaunawa ito sa mga miyembro, maaari mong ipalabas ang isa o mahigit pa sa mga video na nakalista sa ilalim ng “Suportang Resources.” Sa mga video na ito, itinuro ni Elder D. Todd Christofferson ang pangangailangang magsikap araw-araw na patatagin ang ating pananampalataya. Anyayahan ang mga tinuturuan mo na magbahagi ng mga bagay na natutuhan nila na naghihikayat sa kanila na palaguin ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo araw-araw.

  • Ang palagiang mga pagsisikap araw-araw ang pinakamainam na paraan para mapalakas ang ating pananampalataya kay Cristo. Para matalakay ang ideyang ito, sama-samang basahin ang pangatlong mungkahi ni Elder David A. Bednar sa kanyang mensaheng “Mas Masigasig at Mapagmalasakit sa Tahanan” (Liahona, Nob. 2009, 17–20). Anong mga aral ang matututuhan natin mula sa kanyang deskripsyon sa isang ipinintang larawan sa kanyang opisina? Paano naaangkop ang mga aral na ito sa ating mga pagsisikap na patatagin ang ating pananampalataya kay Jesucristo? Ang sama-samang pagbabasa sa Alma 32:21, 26–43 ay maaaring makaragdag sa inyong talakayan. Anong mga ideya ang nakikita natin kung paano palakasin ang ating pananampalataya kay Jesucristo?

  • Mapapalago natin ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng pagpiling matuto mula sa mga karanasang sumusubok dito. Maaari mong ipalabas ang video na “Mga Espirituwal na Buhawi” (ChurchofJesusChrist.org). Sama-samang talakayin kung ano ang magagawa natin sa oras ng isang pagsubok para mapalakas ang ating pananampalataya. (Tingnan din sa Neil L. Andersen, “Mga Espirituwal na Buhawi,” Liahona, Mayo 2014, 18–21.) Maaari mong hilingin sa mga miyembro ng klase o korum na magbahagi ng mga pagkakataon na nadama nila na sinubok ang kanilang pananampalataya kay Cristo at kung ano ang ginawa nila para mapalakas ang kanilang pananampalataya sa oras na iyon. Ituro na inilalarawan sa Exodo 14–17 ang madalas na pagbulung-bulong, o pagrereklamo, ng mga Israelita nang makaranas sila ng mga pagsubok. Paano pinahihina ng pagbulung-bulong sa mga oras ng pagsubok ang ating pananampalataya? Ano ang kaibhan sa pagitan ng pagbulung-bulong at ng pagpapahayag ng ating mga alalahanin sa Ama sa Langit sa mahihirap na panahon?

Kumilos nang May Pananampalataya

Hikayatin ang mga miyembro ng klase o korum na pagnilayan at itala kung ano ang gagawin nila para kumilos ayon sa mga impresyong natanggap nila ngayon. Kung gusto nila, maaari nilang ibahagi ang kanilang mga ideya. Anyayahan silang isipin kung paano mapapatibay ng pagkilos ayon sa kanilang mga impresyon ang kaugnayan nila sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

Suportang Resources

Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas

Ipaunawa sa mga miyembro ng klase o korum kung paano nila maaanyayahan ang Espiritu na dumalo sa kanilang mga talakayan. Magagawa nila ito sa pamamagitan ng kanilang “saloobin … , [sa] pakikitungo nila sa isa’t isa, at [sa] nadarama nila tungkol sa ebanghelyo” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 15).

Print