Lumang Tipan 2022
Abril 24. Bakit Tayo Binibigyan ng Diyos ng mga Kautusan? Exodo 18–20


“Abril 24. Bakit Tayo Binibigyan ng Diyos ng mga Kautusan? Exodus 18–20,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2022 (2021)

“Abril 24. Bakit Tayo Binibigyan ng Diyos ng mga Kautusan?” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2022

Larawan
sampung utos

Abril 24

Bakit Tayo Binibigyan ng Diyos ng mga Kautusan?

Exodo 18–20

Larawan
icon ng sama-samang magpayuhan

Sama-samang Magpayuhan

Pinamumunuan ng isang miyembro ng quorum o class presidency; 10–20 minuto

Sa simula ng miting, bigkasin nang sabay-sabay ang Tema ng Young Women o ang Tema ng Korum ng Aaronic Priesthood. Pagkatapos ay pamunuan ang isang talakayan tungkol sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan gamit ang isa o mahigit pa sa mga tanong sa ibaba o ang sarili mong mga tanong (tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 10.2, 11.2, ChurchofJesusChrist.org). Magplano ng mga paraan para kumilos ayon sa tinatalakay ninyo.

  • Ipamuhay ang ebanghelyo. Anong mga karanasan kamakailan ang mas naglapit sa atin sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?

  • Pangalagaan ang mga nangangailangan. Mayroon bang isang taong lumipat sa ating ward o sumapi sa Simbahan kamakailan? Paano natin maipadarama na tanggap natin sila?

  • Anyayahan ang lahat na tanggapin ang ebanghelyo. May paparating bang mga aktibidad na mapapadaluhan natin sa ating mga kaibigan?

  • Pagkaisahin ang mga pamilya para sa kawalang-hanggan. Anong mga pagsisikap ang magagawa natin para maitala ang ating mga personal na kasaysayan?

Sa pagtatapos ng lesson, kung angkop, gawin ang sumusunod:

  • Patotohanan ang mga alituntuning itinuro.

  • Ipaalala sa mga miyembro ng klase o korum ang mga plano at paanyayang ginawa sa oras ng miting.

Ituro ang Doktrina

Pinamumunuan ng isang adult leader o kabataan; 25–35 minuto

Espirituwal na Ihanda ang Iyong Sarili

Ang pagbabasa ng Exodo 20 ay maaaring mag-udyok sa iyo na isipin kung bakit tayo may mga kautusan. Ang tingin ng ilang tao sa mga kautusan ay paghihigpit o pagtatangkang kontrolin tayo. Ngunit dahil alam natin na ang Diyos ay isang mapagmahal na Ama, maaari tayong magtiwala na ang Kanyang mga batas ay para sa ating ikabubuti, kahit hindi natin palaging alam ang mga dahilan para sa mga ito. Nangako Siya sa atin na malalaman natin na ang Kanyang mga kautusan ay totoo kapag ipinamuhay natin ang mga ito (tingnan sa Juan 7:17).

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Dahil walang katapusan at sakdal ang pagmamahal sa atin ng Ama at ng Anak at dahil alam Nila na hindi natin nakikita ang lahat ng nakikita Nila, binigyan Nila tayo ng mga batas na gagabay at poprotekta sa atin. May matibay na kaugnayan sa pagitan ng pagmamahal ng Diyos at ng Kanyang mga batas” (“The Love and Laws of God” [Brigham Young University devotional, Set. 17, 2019], 2, speeches.byu.edu).

Bakit kayo nagpapasalamat para sa mga kautusan? Ano ang gusto mong maunawaan ng mga miyembro ng inyong klase o korum kung bakit tayo binigyan ng Diyos ng mga kautusan? Maaari kang maghandang magturo sa pamamagitan ng pagrerebyu ng Exodo 20 at ng mensahe ni Pangulong Dallin H. Oaks na “Pagmamahal at Pakikisalamuha sa mga Taong Naiiba” (Liahona, Nob. 2014, 25–28).

Larawan
binatilyong nag-aaral ng mga banal na kasulatan

Malalaman natin na ang mga utos ng Diyos ay totoo kapag ipinamumuhay natin ang mga ito.

Magkakasamang Matuto

Para matulungan ang mga miyembro ng klase o korum na rebyuhin ang Sampung Utos, maaari mong hilingin sa kanila na ilista ang lahat ng kautusang ito hangga’t kaya nila mula sa alaala. Kung kailangan nila ng tulong, maaari silang tumingin sa Exodo 20:3–17. Bakit tayo binibigyan ng Diyos ng mga kautusan? Para masagot ang tanong na ito, maaari nilang talakayin ang ilan sa Sampung Utos sa maliliit na grupo. Paano tayo matutulungan ng pagsunod sa mga kautusang ito na makasumpong ng kaligayahan at mas mapalapit sa Diyos? Ang sumusunod na mga ideya ay makakatulong sa mga tinuturuan mo na malaman ang iba pa kung bakit binibigyan tayo ng Diyos ng mga kautusan.

  • May mga sagot ang mga banal na kasulatan sa tanong na “Bakit tayo binibigyan ng Diyos ng mga kautusan?” Maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng klase o korum na hanapin ang mga sagot sa isa o mahigit pa sa mga talatang matatagpuan sa “Suportang Resources.” Pagkatapos ay hilingin sa kanila na ibahagi ang isang bagay na natagpuan nila.

  • Para maipaunawa sa mga miyembro ng klase o korum kung bakit binibigyan tayo ng Diyos ng mga kautusan, maaari mong ikumpara ang pagkakaroon ng mga kautusan mula sa Diyos sa mga karanasan na maaari silang makaugnay. Halimbawa, maaari mong hilingin sa kanila na isipin na kunwari ay nagdaraan sila sa isang kalsada sa bundok na malapit sa isang matarik na talampas at may bakod sa tabi ng kalsada. Hilingin sa kanila na talakayin sa isa pang tao ang mga tanong na gaya ng mga sumusunod: Paano nagiging parang bakod ang mga utos ng Diyos? Paano tayo napagpala ng pagsunod sa mga kautusan? Anong iba pang mga pagkukumpara ang maaaring magpaunawa sa atin kung bakit tayo binibigyan ng Diyos ng mga kautusan at kung bakit natin dapat sundin ang mga ito? Para sa ilang halimbawa, maaari mo silang anyayahang rebyuhin ang isa sa mga mensaheng matatagpuan sa “Suportang Resources.” Hilingin sa kanila na ibahagi ang mga pagkukumparang matatagpuan nila at talakayin ang natututuhan nila.

  • Ang inyong talakayan ay maaaring mauwi sa pagtalakay ng mga miyembro ng klase o korum kung paano natin dapat pakitunguhan ang mga taong hindi naniniwala o sumusunod sa ilang kautusan. Maaari mo silang anyayahang maghanap ng payo sa mensahe ni Pangulong Dallin H. Oaks na “Pagmamahal at Pakikisalamuha sa mga Taong Naiiba.” Maaari mong itanong ang mga bagay na katulad nito: Paano natin dapat pakitunguhan ang mga taong pinipiling mamuhay nang naiiba sa atin? Paano natin makikita ang kabutihan sa iba kapag iba ang ginagawa nilang mga pagpili kaysa sa atin?

Kumilos nang May Pananampalataya

Hikayatin ang mga miyembro ng klase o korum na pagnilayan at itala kung ano ang gagawin nila para kumilos ayon sa mga impresyong natanggap nila ngayon. Kung gusto nila, maaari nilang ibahagi ang kanilang mga ideya. Anyayahan silang isipin kung paano mapapatibay ng pagkilos ayon sa kanilang mga impresyon ang kanilang kaugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

Suportang Resources

Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas

“Sa pagsisikap mong mamuhay at magturo nang higit na katulad ng Tagapagligtas, hindi mo maiiwasang magkulang kung minsan. Huwag mawalan ng pag-asa; sa halip, hayaang ibaling ka ng iyong mga pagkakamali at kahinaan sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 14).

Print