Lumang Tipan 2022
Mayo 8. Paano Ko Malalaman na Napatawad na Ako ng Panginoon? Exodo 35–40; Levitico 1; 16; 19


“Mayo 8. Paano Ko Malalaman na Napatawad na Ako ng Panginoon? Exodo 35–40; Levitico 1; 16; 19,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2022 (2021)

“Mayo 8. Paano Ko Malalaman na Napatawad na Ako ng Panginoon?” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2022

Larawan
dalagang tumatawa

Mayo 8

Paano Ko Malalaman na Napatawad na Ako ng Panginoon?

Exodo 35–40; Levitico 1; 1619

Larawan
icon ng sama-samang magpayuhan

Sama-samang Magpayuhan

Pinamumunuan ng isang miyembro ng quorum o class presidency; 10–20 minuto

Sa simula ng miting, bigkasin nang sabay-sabay ang Tema ng Young Women o ang Tema ng Korum ng Aaronic Priesthood. Pagkatapos ay pamunuan ang isang talakayan tungkol sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan gamit ang isa o mahigit pa sa mga tanong sa ibaba o ang sarili mong mga tanong (tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 10.2, 11.2, ChurchofJesusChrist.org). Magplano ng mga paraan para kumilos ayon sa tinatalakay ninyo.

  • Ipamuhay ang ebanghelyo. Paano tayo matutulungan ng pagbaling sa Panginoon na harapin ang ating mga hamon at pagsubok?

  • Pangalagaan ang mga nangangailangan. Sino ang kilala natin na nangangailangan ng ating mga dalangin at pakikipagkaibigan?

  • Anyayahan ang lahat na tanggapin ang ebanghelyo. Anong mga plano sa pagbabahagi ng ebanghelyo ang tinalakay na sa mga ward youth council meeting? Paano makakasali ang ating klase o korum?

  • Pagbuklurin ang mga pamilya para sa kawalang-hanggan. Paano mapapatatag ng paggawa ng gawain sa family history ang ating kaugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?

Sa pagtatapos ng lesson, kung angkop, gawin ang sumusunod:

  • Patotohanan ang mga alituntuning itinuro.

  • Ipaalala sa mga miyembro ng klase o korum ang mga plano at paanyayang ginawa sa oras ng miting.

Ituro ang Doktrina

Pinamumunuan ng isang adult leader o kabataan; 25–35 minuto

Espirituwal na Ihanda ang Iyong Sarili

Kung minsan ay iniisip ng mga tao kung “sapat na ang nagawa” nila para mapatawad sa mga kasalanan. Bagama’t kailangan nga ng pagsisikap na magsisi, sa huli ay hindi tayo pinatatawad nang dahil sa pagkumpleto natin ng isang checklist o paggawa ng ilang gawain. Napapatawad tayo kapag tinanggap natin ang biyayang alok ni Jesucristo. Sa ganitong paraan mababago ang ating likas na pagkatao.

Noong unang panahon, itinuon ng mga ritwal at sakripisyo ng batas ni Moises ang mga Israelita sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Tulad ng ipinaliwanag ng Panginoon sa Levitico 16:30: “Sa araw na ito, ang pari ay gagawa ng pagtubos sa inyo upang linisin kayo sa lahat ng inyong mga kasalanan[, upang] kayo ay [maging] malinis sa harapan ng Panginoon.” Mangyari pa, ang isang ritwal lamang ay hindi makapagbibigay sa atin ng kapatawaran ng kasalanan. Ang kapatawaran ay nagmumula kay Jesucristo. Sa ating panahon, ang mga ordenansang tulad ng binyag at sakramento ay itinutuon ang ating puso’t isipan sa Tagapagligtas. Ipinauunawa sa atin ng mga ito na lagi Niya tayong patatawarin kapag nagsisi tayo.

Paano naipaalam sa inyo ng Ama sa Langit na napatawad na kayo? Maaari mong pag-aralan ang Mosias 4:1–3 at ang mensahe ni Pangulong Tad R. Callister na “Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo” (Liahona, Mayo 2019, 85–87). Maipauunawa ng mensaheng ito sa mga tinuturuan mo na pinatatawad tayo ng Ama sa Langit kapag nagsisisi tayo.

Larawan
kabataang nagdarasal

Pinatatawad tayo kapag tinatanggap natin ang awang inialok ni Jesucristo.

Magkakasamang Matuto

Maaari kang magsimula sa pagdidispley ng mga larawan ng Tagapagligtas sa Getsemani at sa krus (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 56–57). Anyayahan ang mga kabataan na saliksikin ang Levitico 1:1–9; 16:15–16, 30. Hilingin sa kanila na magbahagi ng mga pariralang nagpapaalala sa kanila sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Paano nakatulong ang mga sakripisyong inilarawan sa mga talatang ito na asamin ng mga Israelita ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas? Ano ang nagpapaalala sa atin ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas? Ano ang nagpapadama sa atin ng pagmamahal at pagpapatawad ng Tagapagligtas? Ang mga aktibidad sa ibaba ay mas magpapaunawa sa mga kabataan na patatawarin tayo ng Diyos.

  • Inilarawan ng ilang tao sa mga banal na kasulatan ang nadama nila nang patawarin sila ng Ama sa Langit. Maaaring basahin ng mga miyembro ng inyong klase o korum ang ilang halimbawa (tingnan sa “Suportang Resources”). Anyayahan silang ilista ang mga parirala mula sa mga talatang ito na naglalarawan kung ano ang pakiramdam ng mapatawad. Maaari mong hilingin sa kanila na ipahayag sa sarili nilang mga salita kung ano ang pakiramdam ng mapatawad para sa kanila. Ano ang matututuhan natin tungkol sa Diyos mula sa mga damdaming ito? Marahil ay maaari mong ibahagi ang sarili mong damdamin tungkol sa pagpapatawad.

  • Kung minsan ay hindi sigurado ang mga tao na napatawad na sila dahil hindi sila sigurado kung tunay silang nagsisi. Ipinaliliwanag sa mensahe ni Elder Dale G. Renlund na “Pagsisisi: Isang Pagpiling Puno ng Kagalakan” kung paano tunay na magsisi at tumanggap ng kapatawaran ng Diyos (Liahona, Nob. 2016, 121–24). Maaari mong isulat sa pisara ang mga heading na Tunay na Pagsisisi at Mga Bagay na Humahadlang sa Pagsisisi. Hilingin sa mga tinuturuan mo na maghanap ng mga turo sa mensahe na nasa ilalim ng mga heading. Ano ang natututuhan natin tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang pagpapatawad mula sa huling tatlong talata ng mensaheng ito?

  • Maaaring nagsisi na ang ilang tao ngunit hindi nila nadarama na napatawad na sila. Maaaring ito ay dahil sa hindi nila nagawang patawarin ang kanilang sarili. Maaaring makatulong ang payo sa mensahe ni Pangulong Tad R. Callister na “Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo” sa kanila. Maaaring basahin ng inyong klase o korum ang bahaging nagsisimula sa “2. Kasalanan.” Hilingin sa kanila na maghanap ng payo na maibabahagi nila sa isang kaibigan o kapamilya na nakokonsensya pa rin kahit nagsisi na sila. Bigyan ng oras ang mga kabataan na ibahagi ang kanilang damdamin tungkol sa Tagapagligtas, na ginawang posible na makapagsisi at mapatawad tayo.

Kumilos nang May Pananampalataya

Hikayatin ang mga miyembro ng klase o korum na pagnilayan at itala kung ano ang gagawin nila para kumilos ayon sa mga impresyong natanggap nila ngayon. Kung gusto nila, maaari nilang ibahagi ang kanilang mga ideya. Anyayahan silang isipin kung paano mapapatibay ng pagkilos ayon sa kanilang mga impresyon ang kanilang kaugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

Suportang Resources

Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas

Itinuro na sa atin ng Tagapagligtas na gamitin ang mga banal na kasulatan sa paghahanap ng mga sagot sa sarili nating mga tanong. Paano mo matutulungan ang mga tinuturuan mo na hangaring bumaling sa mga banal na kasulatan at sa mga salita ng mga propeta sa paghahanap nila ng mga sagot?

Print