Lumang Tipan 2022
Hunyo 26. Bakit Mahalaga ang Kalinisang-Puri sa Plano ng Diyos? 2 Samuel 5–7; 11–12; 1 Mga Hari 3; 8; 11


“Hunyo 26. Bakit Mahalaga ang Kalinisang-Puri sa Plano ng Diyos? 2 Samuel 5–7; 11–12; 1 Mga Hari 3; 8; 11,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2022 (2021)

“Hunyo 26. Bakit Mahalaga ang Kalinisang-Puri sa Plano ng Diyos?” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2022

Larawan
mga kabataang nakaupo sa tulay

Hunyo 26

Bakit Mahalaga ang Kalinisang-Puri sa Plano ng Diyos?

2 Samuel 5–7; 11–12; 1 Mga Hari 3; 811

Larawan
icon ng sama-samang magpayuhan

Sama-samang Magpayuhan

Pinamumunuan ng isang miyembro ng quorum o class presidency; 10–20 minuto

Sa simula ng miting, bigkasin nang sabay-sabay ang Tema ng Young Women o ang Tema ng Korum ng Aaronic Priesthood. Pagkatapos ay pamunuan ang isang talakayan tungkol sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan gamit ang isa o mahigit pa sa mga tanong sa ibaba o ang sarili mong mga tanong (tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 10.2, 11.2, ChurchofJesusChrist.org). Magplano ng mga paraan para kumilos ayon sa tinatalakay ninyo.

  • Ipamuhay ang ebanghelyo. Paano tayo naging mas malapit sa Tagapagligtas? Paano tayo nagsisikap na maging lalong katulad Niya?

  • Pangalagaan ang mga nangangailangan. Sino ang nasa ating isipan nitong mga nakaraang araw? Paano natin matutulungan ang mga indibiduwal na ito?

  • Anyayahan ang lahat na tanggapin ang ebanghelyo. Paano natin sasagutin ang mga tanong ng ating mga kaibigan tungkol sa Simbahan sa paraang nagpapalakas ng kanilang pananampalataya sa Tagapagligtas?

  • Pagkaisahin ang mga pamilya para sa kawalang-hanggan. Ano ang ilang paraan na mas makakaugnayan natin ang mga kamag-anak, tulad ng mga lolo’t lola at mga pinsan?

Sa pagtatapos ng lesson, kung angkop, gawin ang sumusunod:

  • Patotohanan ang mga alituntuning itinuro.

  • Ipaalala sa mga miyembro ng klase o korum ang mga plano at paanyayang ginawa sa oras ng miting.

Ituro ang Doktrina

Pinamumunuan ng isang adult leader o kabataan; 25–35 minuto

Espirituwal na Ihanda ang Iyong Sarili

Ibinigay sa atin ng ating Ama sa Langit, na nagnanais na maging masaya tayo, ang batas ng kalinisang-puri. At itinuturo ni Satanas, na nagnanais na maging malungkot tayo, na ang batas na ito ay hindi mahalaga. Ginagawa Niya ang lahat para tuksuhin tayong gumawa ng kasalanang seksuwal. Ang mga kabataan ay maaaring maimpluwensyahan ng mga larawan at mensaheng salungat sa itinuturo ng Diyos tungkol sa seksuwalidad. Bawat isa sa atin ay kailangang mag-ingat sa gayong mga tukso at magsikap na panatilihing dalisay ang ating mga iniisip, salita, at kilos habambuhay. Natututuhan natin ang aral na ito mula sa malungkot na karanasan ni Haring David. Isa siyang halimbawa ng taong napakatapat. Ngunit nagpatangay siya sa tukso at nilabag niya ang batas ng kalinisang-puri (tingnan sa 2 Samuel 11:1–5).

Makapaghahanda kang magturo sa pamamagitan ng pagbabasa ng 2 Samuel 11, ng mensahe ni Elder David A. Bednar na “Naniniwala Kami sa Pagiging Malinis” (Liahona, Mayo 2013, 41–44), at iba pang resources tungkol sa kalinisang-puri. Ano ang maaaring maghikayat sa mga miyembro ng klase o korum na tingnan ang kalinisang-puri sa paraan ng pagtingin dito ng Diyos? Ano ang maaaring makatulong sa kanila na tanggihan ang paraan ng pagtingin dito ni Satanas?

Larawan
klase ng young men

Para manatiling tapat sa batas ng kalinisang-puri ng Diyos, dapat tayong magsikap bawat araw na panatilihing dalisay ang ating mga iniisip, salita, at kilos.

Magkakasamang Matuto

Narito ang isang paraan para masimulan ang paksang kalinisang-puri habang tinutulungan ang mga tinuturuan mo na rebyuhin ang nabasa nila sa mga banal na kasulatan. Isulat ang mga salitang David at Jose sa pisara. Pagkatapos ay sama-samang rebyuhin ang 2 Samuel 11:1–5 at Genesis 39:7–12. Paano tumugon sina David at Jose sa tuksong gumawa ng kasalanang seksuwal? Ano ang natututuhan natin mula sa kanilang halimbawa? Gamitin ang sumusunod na mga aktibidad o ang ilan sa sarili mong mga aktibidad para makahikayat pa ng karagdagang talakayan kung bakit mahalaga ang kalinisang-puri sa plano ng Diyos.

  • Maaaring makinabang ang mga kabataang tinuturuan mo sa pagpapaliwanag sa pamantayan ng Panginoon sa seksuwal na kadalisayan. Anyayahan silang rebyuhin ang “Kadalisayan ng Puri” sa Para sa Lakas ng mga Kabataan ([buklet, 2011], 35–37) o ang pang-apat na talata ng “Ang Mag-Anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” (ChurchofJesusChrist.org). Paano naiiba ang mga turo ng Panginoon tungkol sa seksuwalidad sa nais ni Satanas na paniwalaan natin? Maaaring rebyuhin ng mga kabataan ang “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” na hinahanap ang mga pahayag na nagpapaliwanag kung bakit mahalaga ang kadalisayan ng puri sa plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit. Ano ang natututuhan natin mula sa mga talatang ito na tumutulong sa atin na mamuhay nang matwid sa mundo ngayon?

  • Kung minsan ay hindi nauunawaan ng iba ang ating mga pamantayan ng moralidad, lalo na dahil ang mga pamantayang ito ay ibang-iba sa pinaniniwalaan ng maraming tao. Paano natin maaaring sagutin ang kanilang mga tanong? Maaari ding saliksikin ng mga kabataan ang mga talata sa banal na kasulatan sa “Suportang Resources” para sa mga pahayag na naglalarawan sa mga pagpapala ng kalinisang-puri. Maaari mong hilingin sa kanila na ibahagi ang kanilang mga ideya kung bakit nila pinipiling sundin ang pamantayan ng Panginoon sa seksuwal na moralidad.

  • Madalas ituro ng popular na kultura na hindi kailangang maging dalisay ang puri. Subalit binabalewala ng kultura ang mga katotohanan tungkol sa mga pagpapala ng kalinisang-puri at mga panganib ng imoralidad. Para malaman ang iba pa tungkol sa mga katotohanang ito, maaaring pag-aralan ng mga kabataan ang mensahe ni Elder David A. Bednar na “Naniniwala Kami sa Pagiging Malinis.” Maaaring pag-aralan ng ilan ang bahaging “Ang Layunin ng Kaaway,” at maaari namang pag-aralan ng iba ang “Ang mga Pagpapala ng Pagiging Malinis.” Pagkatapos ay maaari nilang ibahagi sa isa’t isa ang natutuhan nila. Hikayatin silang sumulat ng isang parirala mula sa mensaheng ito na nais nilang maalala sa susunod na makakita sila ng mga maling mensahe tungkol sa seksuwalidad. Maaari mo rin silang ituon sa bahaging may pamagat na “Ang Alituntunin ng Pagsisisi.” Talakayin kung paano mapapagaling ng Tagapagligtas ang lahat ng nais magsisi sa kasalanang seksuwal. Ipaalala sa mga tinuturuan mo na maaari nilang kausapin ang kanilang mga magulang o ang bishop kung may mga tanong sila o kailangan nilang magsisi.

Kumilos nang May Pananampalataya

Hikayatin ang mga miyembro ng klase o korum na pagnilayan at itala kung ano ang gagawin nila para kumilos ayon sa mga impresyong natanggap nila ngayon. Kung gusto nila, maaari nilang ibahagi ang kanilang mga ideya. Anyayahan silang isipin kung paano mapapatibay ng pagkilos ayon sa kanilang mga impresyon ang kanilang kaugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

Suportang Resources

Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas

Sa bawat tagpo, ang Tagapagligtas ay naging isang halimbawa at guro. Tinuruan Niya ang Kanyang mga disipulo na magdasal sa pamamagitan ng pagdarasal na kasama nila. Tinuruan Niya silang magmahal at maglingkod sa paraan na minahal at pinaglingkuran Niya sila. Tinuruan Niya sila kung paano ituro ang Kanyang ebanghelyo sa paraan na itinuro Niya ito.

Print