Lumang Tipan 2022
Hulyo 10. Bakit Mahalagang Sundin ang mga Buhay na Propeta ng Diyos? 2 Mga Hari 2–7


“Hulyo 10. Bakit Mahalagang Sundin ang mga Buhay na Propeta ng Diyos? 2 Mga Hari 2–7,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2022 (2021)

“Hulyo 10. Bakit Mahalagang Sundin ang mga Buhay na Propeta ng Diyos?” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Korum ng Aaronic Priesthood at mga Klase ng Young Women: Mga Paksa ng Doktrina 2022

Larawan
kabataang nanonood ng pangkalahatang kumperensya sa cellphone

Hulyo 10

Bakit Mahalagang Sundin ang mga Buhay na Propeta ng Diyos?

2 Mga Hari 2–7

Larawan
icon ng sama-samang magpayuhan

Sama-samang Magpayuhan

Pinamumunuan ng isang miyembro ng quorum o class presidency; 10–20 minuto

Sa simula ng miting, bigkasin nang sabay-sabay ang Tema ng Young Women o ang Tema ng Korum ng Aaronic Priesthood. Pagkatapos ay pamunuan ang isang talakayan tungkol sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan gamit ang isa o mahigit pa sa mga tanong sa ibaba o ang sarili mong mga tanong (tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk, 10.2, 11.2, ChurchofJesusChrist.org). Magplano ng mga paraan para kumilos ayon sa tinatalakay ninyo.

  • Ipamuhay ang ebanghelyo. Ano ang tinalakay ng bishopric sa ating mga ward youth council meeting? Anong mga hakbang ang maaari nating gawin batay sa talakayang iyon?

  • Pangalagaan ang mga nangangailangan. Paano tayo makakatulong sa mga tao sa mga paraang katulad ng pagtulong ni Cristo kapag nakikita natin ang isang pangangailangan at hindi natin alam kung ano ang sasabihin?

  • Anyayahan ang lahat na tanggapin ang ebanghelyo. Ano ang isang bagay na natagpuan natin sa ebanghelyo ni Jesucristo na naghahatid sa atin ng kagalakan? Paano natin maibabahagi sa iba ang kagalakang iyon?

  • Pagkaisahin ang mga pamilya para sa kawalang-hanggan. Ano ang ilang paraan na mas makakaugnayan natin ang mga kamag-anak, tulad ng mga lolo’t lola at mga pinsan?

Sa pagtatapos ng lesson, kung angkop, gawin ang sumusunod:

  • Patotohanan ang mga alituntuning itinuro.

  • Ipaalala sa mga miyembro ng klase o korum ang mga plano at paanyayang ginawa sa oras ng miting.

Ituro ang Doktrina

Pinamumunuan ng isang adult leader o kabataan; 25–35 minuto

Espirituwal na Ihanda ang Iyong Sarili

Maaaring may kaunti tayong ugali ng ketonging si Naaman (tingnan sa 2 Mga Hari 5:1–15). Tulad ni Naaman, na nagalit nang sabihin sa kanya ng propetang si Eliseo na maghugas lamang sa ilog para gumaling, maaaring hindi natin palaging maunawaan ang mga dahilan ng payo ng ating mga propeta. Maaari nating isipin na ang ilan sa kanilang payo ay walang katuturan sa atin at sa gayon ay hindi angkop sa atin. Ngunit nangangako ang Diyos ng malalaking pagpapala kung sapat ang ating pagpapakumbaba para sundin ang propeta (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 21:4–7). Paano kayo natulungan ng pagsunod sa propeta na mas mapalapit sa Panginoon? Anong iba pang mga halimbawa mula sa 2 Mga Hari 4–6 ang nagpapakita kung paano tayo pinagpapala kapag sinusunod natin ang mga buhay na propeta?

Habang naghahanda kang magturo tungkol sa mga pagpapalang nagmumula sa pagsunod sa buhay na propeta, isipin ang mga hamon na kinakaharap ng mga kabataan. Paano sila matutulungan ng pagsunod sa propeta sa mga hamong ito? Maaari mo ring basahin ang mensahe ni Elder Neil L. Andersen na “Ang Propeta ng Diyos” (Liahona, Mayo 2018, 24–27) o ang mensahe ni Elder L. Whitney Clayton na “Gawin Ninyo ang Anomang sa Inyo’y Kaniyang Sabihin” (Liahona, Mayo 2017, 97–99).

Larawan
klase ng young men

Ang pagsunod sa propeta ay makakatulong sa mga kabataan sa mga hamong kinakaharap nila.

Magkakasamang Matuto

Para makapagsimula ng isang talakayan, maaari mong hilingin sa bawat miyembro ng klase o korum (o maliliit na grupo) na rebyuhin ang isa sa mga sumusunod na salaysay: 2 Mga Hari 4:1–7; 5:6–14; 6:8, 13–17. Hilingin sa kanila na maghanap ng isang bagay na naghihikayat sa kanila na basahin at sundin ang mga turo ng mga propeta at apostol ngayon. Matapos magbahagi ang bawat grupo ng isang bagay na natagpuan nila, maaari mong hilingin sa ilang kabataan na tapusin ang pangungusap na ito: “Kapag sinusunod ko ang mga buhay na propeta at apostol, ako ay …” Para maipagpatuloy ang isang talakayan tungkol sa pagsunod sa mga propeta, piliin ang isa o mahigit pa sa sumusunod na mga ideya.

  • Dahil ang mga buhay na propeta ay matatagpuan lamang sa ipinanumbalik na Simbahan ng Panginoon, maaaring magkaroon ng mga pagkakataon ang mga miyembro ng inyong klase o korum na sagutin ang mga tanong ng iba tungkol sa mga buhay na propeta. Maaari mong isulat sa pisara ang sumusunod na mga tanong ng mga tao tungkol sa mga buhay na propeta: Bakit kayo may propeta? Paano pinipili ang isang propeta? Paano ninyo nalaman na talagang nangungusap ang propeta para sa Diyos? Maaaring saliksikin ng mga kabataan ang mga sagot sa mga tanong na ito sa resources sa ilalim ng “Suportang Resources.” Maaari silang magpraktis ng pagsagot sa mga tanong na ito at sa iba pa nilang mga tanong gamit ang mga katotohanang natagpuan nila at ang sarili nilang mga ideya at karanasan.

  • Paano tayo matutulungan ng mga salita ng ating buhay na propeta kapag nahaharap tayo sa mga personal na hamon? Para matulungan ang mga kabataan na masagot ang tanong na ito, maaari mo silang anyayahang ilista sa pisara ang ilan sa mga payo at paanyayang ibinigay ng propeta sa pinakahuling pangkalahatang kumperensya. Ano ang nagawa natin para kumilos ayon sa kanyang payo at mga paanyaya? Anong mga pagbabago ang nakita natin sa ating buhay dahil sa mga pagsisikap na ito? Maaari mong anyayahan ang isang tao na magbahagi ng isang personal na karanasan na nakatulong sa kanya ang payo ng propeta sa isang personal na hamon.

  • Paano mo maipauunawa sa mga tinuturuan mo na tutulungan sila ng pagsunod sa propeta na mas mapalapit sa Tagapagligtas? Ang isang paraan ay bigyan ang bawat isa sa kanila ng isang maliit na kard at anyayahan silang basahin ang mga bahagi ng mensahe ni Elder Neil L. Andersen na “Ang Propeta ng Diyos.” Maaari nilang isulat sa isang panig ng kard ang isang bagay na natutuhan nila kung paano sila matutulungan ng propeta na mas mapalapit kay Cristo. Sa kabilang panig ng kard, maaari nilang isulat ang isang bagay na nahikayat silang gawin para sundin ang propeta. Anyayahan silang ibahagi ang kanilang isinulat.

Kumilos nang May Pananampalataya

Hikayatin ang mga miyembro ng klase o korum na pagnilayan at itala kung ano ang gagawin nila para kumilos ayon sa mga impresyong natanggap nila ngayon. Kung gusto nila, maaari nilang ibahagi ang kanilang mga ideya. Anyayahan silang isipin kung paano mapapatibay ng pagkilos ayon sa kanilang mga impresyon ang kaugnayan nila sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

Suportang Resources

Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas

“Ang tunay na pagbabalik-loob ay hindi lang pagdama sa pagpapatibay ng Espiritu sa katotohanan sa ating kaluluwa; kailangan din tayong kumilos ayon sa mga katotohanang ito. Bukod sa pagtulong sa mga mag-aaral na madama at makilala ang Espiritu, tulungan silang kumilos ayon sa mga pahiwatig na natatanggap nila” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 10).

Print